Followers

Sunday, December 23, 2018

BlurRed -- Sayang

Sinikap kong maging kaaya-aya sa paningin nina Lola at Lolo nang humarap ako sa kanila. Masigla ko silang binati at hinalikan sa pisngi. 


"Bakit napasugod ka?" tanong ni Lola. 


"Kumusta? Bakit hindi ka nagpasabi?" sabi naman ni Lolo. 


"Mabuti naman po. Gusto ko lang ko kayong makita."


"Aysus, batang ire." Inakbayan na ako ni Lola papasok. 


"Ang mommy mo, kumusta na?" ani Lolo na kasunod na namin. 


"Okay naman po siya. Sabi niya, kiss ko na lang daw kayo para sa kaniya."


Natawa ang mag-asawa. 


"E,  ang daddy mo? Mabait na ba?" Natawa si Lolo nang sabihin niya iyon. 


"Sobrang bait na po." Pinilit ko ring tumawa para maitago ang kalungkutang aking nadarama. At para hindi sila mag-usisa, ako ang nagtanong nang nagtanong. Kung ano-ano ang pinansin ko. Ultimo ang ayos ng kanilang dining table ay pinuri ko. Pati ang mga pananim na gulay ni Lolo ay naitanong ko pa. 


Kaya lang, dumating si Karryle. 


"Hala, nandito ka pala, 'insan!" gulat na gulat na bati ni Karryle. "Bakit biglaan? Alam na ba ni Dindee?" Lumapit siya sa akin at nakipag-apir. Nag-aabang din siya ng sagot ko. "Alam na niya?"


Nakatingin ako kina Lola at Lolo. Nakatingin sila sa akin at animo'y naghihintay sa sagot ko. Hindi nga nila pinansin ang nagmamanong si Karryle. 


"Pupunta ba dito si Dindee? Miss na namin siya. Matagal-tagal nang hindi siya nagagawi rito," wika ni Lola.


Ramdam ko ang pagmamahal niya sa ex-girlfriend ko. Lalo akong nalungkot. 


"Hindi ko po alam," sabi ko, sabay talikod sa kanila. "Lola, Lolo, magbibihis lang po ako. Karryle, pupunta ako sa bahay ni'yo mamaya.  Iidlip lang ako saglit."


"Hoy, Red, huwag kang tumakas!" sigaw pa ng pinsan kong nakakainis. 


Nag-lock ako sa guestroom habang pinakiramdaman ko si Karryle kung umalis na. Ayaw ko muna siyang kausap, lalo na kapag naririnig ng matatanda. Ayaw kong malungkot sila. 


Pero, hindi nagtagal, kumatok na siya. "May problema kayo, 'di ba? Baka makatulong ako," anito. 


"Nagpapahinga muna ako. Mamaya na tayo mag-usap."


"Hindi ako aalis dito."


"Ang ingay mo kasi, e. Naririning nina Lola at Lolo." 


"Kaya nga papasukin mo na ako."


Agad ko siyang pinagbuksan at hinila paloob. "Na-miss mo lang yata si Jeoffrey, e.  Gusto mong makibalita," tudyo ko. 


"Hay, naku, don't mention his name. Not anymore," mataray niyang sagot. 


"So, narito ka para damayan ako? Lakas ng radar mo, ha!"


"Siyempre naman, we're cousins!"


"Cousins ka d'yan!" Ngumiwi pa ako. "Hindi mo nga ako natulungan noong nandoon ako, ngayon pa kayang buntis siya."


"What? Buntis si Dindee?" Sa timbre ng boses niya, halatang wala talaga siyang kaalam-alam. 


Malungkot akong tumango. 


"Bakit hindi ko alam? Nakikita naman kami once a week, e."


Natahimik ako. Naisip ko kasing sinadya ni Dindee na ilihim ang pagbubuntis niya.  Umiiwas siya sa kahihiyan.Tama naman, pero paano siya maiintindihan?"


Naawa si Karryle sa akin. Umiyak ako sa harapan niya. Nagkaiyakan kami. Hindi na ako nahiya sa kaniya. Alam naman niya kasi kung gaano ko kamahal si Dindee. 


"Walang hiyang foreigner na iyon!" Natawa ako sa pagkasabi niya. 


"Hayaan mo na. Time heals na lang siguro. Makaka-move on din ako. Dapat ko na sigurong harapin si Riz."


Sumang-ayon si Karryle, pero humirit pa siya. "Parang hindi yata magandang ending kung mapupunta si Dindee sa iba."


Lalo akong natawa. "Bakit pelikula ba ito?  At direktor ka ba?"


"Hindi. Pero, seriously, bagay kayo ni Dindee, hindi dahil pinsan kita at kaibigan ko siya. Alam ko kasi kung gaano ka niya kamahal. Hindi biro ang naging samahan at relasyon ninyo. May respeto. Andon ang pagmamahal. Sayang. Sayang talaga... Sobra akong nasasaktan ngayon."


Tumulo pa ang mga luha ko. Tinapik-tapik niya ang balikat ko. 


"Samahan kita mamaya sa kan'ya. Kailangan ninyong mag-usap," ani Karryle. 












No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...