Followers

Saturday, June 15, 2019

Elvira Negra

"Elvira Negra! Elvira Negra!" Iyan ang madalas marinig ni Elvira mula sa kanyang mga kaklase at kaeskuwela tuwing papasok siya sa paaralan. Yuyuko na lamang si Elvira at tahimik na lalayo. Sa silid-aralan, madalas din siyang pinagtatawanan. "Ma'am, alam ko po ang tatlong pangkat ng sinaunang tao sa Pilipinas," sabi ni Athena. "Sige nga, Athena," sabi ni Binibining Lacaba. "Malay, Indones, at Negra!" Tumawa pa si Athena pagkatapos tingnan si Elvira. Nagtawanan ang mga kaklase nila. "Athena, bakit ka ganyan kay Elvira? Hindi mo ba alam~" "E, tama naman po ang sagot ko, ah." Sinimangutan ni Athena ang guro saka umupo. "Hay, naku! Lagi kang ganyan. Lagi mong inaasar si Elvira. Tandaan mo, ang kagandahan ay hindi nasusukat sa kulay ng balat at sa panlabas na kaanyuan, kundi sa kabutihan ng puso. Ikaw, maganda ka at maputi, pero sana mabuti kang tao," litanya ng guro. Nagbingi-bingihan lang si Athena. Ginaya niya pa ang buka ng bibig ng guro. Kahit madalas ipagtanggol ni Binibining Lacaba si Elvira, hindi pa rin tumigil si Athena sa pamimintas. Araw-araw, nagagawa ni Athena na takutin, pasigawin, at paiyakin si Elvira. Noong Lunes, halos hindi matigil-tigil sa pagsigaw si Elvira nang lumabas mula sa kanyang bag ang dalawang malalaking gagamba. Tinawanan lang siya ni Athena at ng mga kaklase nila. "Elvira Negra, takot sa gagamba!" sigaw nila. Noong Martes, halos matumba si Elvira sa kinauupuan niya nang isang palakang bukid ang lumukso patungo sa kanyang armchair. Tinawanan lang siya ni Athena at ng mga kaklase nila. "Elvira Negra, takot sa palaka!" sigaw nila. Noong Miyerkules, kumawag-kawag si Elvira nang may nakita siyang salagubang sa kanyang uniporme. "Tanggalin n'yo! Tanggalin n'yo!" sigaw niya. Tinawanan lang siya ni Athena at ng mga kaklase nila. "Elvira Negra, sa salagubang, takot pala siya!" sigaw nila. Noong Huwebes, napakaraming hantik ang lumabas mula sa bag ni Elvira. Tumakbo siya palabas bitbit ang bag niya habang kinakagat siya ng mga hantik. Tinawanan lang siya ni Athena at ng mga kaklase nila. "Elvira Negra, sa hantik, takot pala siya!" sigaw nila. Inis na inis na winagwag ni Elvira ang bag niya at galit na galit na pinag-aapakan ang mga hantik. Noong Biyernes, iyak nang iyak si Elvira nang may naramdaman siyang insekto sa kanyang buhok. "Hala, gustong-gusto ng praying mantis na tumira sa kulot mong buhok, Elvira," sabi ni Athena. Nagtawanan ang mga kaklase nila. "Elvira Negra, paborito ng samba-samba!" sigaw nila. Nagsibalikan sa kanya-kanyang upuan ang lahat nang dumating na ang guro nila. "O, Elvira, bakit ka umiiyak?" tanong ni Binibining Lacaba. "Ma'am, may mandadangkal po sa magandang buhok niya," natatawang sumbong ni Athena. "Ha? Paano nangyari? Sino ang may gawa niyan, Elvira?" Umiling-iling lang si Elvira pagkatapos niyang tingnan si Athena. Agad namang tinanggal ng guro ang insekto sa ulo ni Elvira at saka pinakawalan sa halamanan sa labas. "Sino ang may pakana niyon?" Nanlalaki ang mga mata ng guro habang titingnan niya si Athena. Patingin-tingin si Athena sa mga kaklase niya. Wala namang nagsalita, kahit si Elvira. "Sige, kung walang aamin sa inyo, lahat kayo ay tatanggalin ko na sa listahan ng mga benepisyaryo sa feeding program. Sabihin ninyo sa inyong mga magulang na mula sa Lunes, hindi na kayo kabilang sa mga estudyanteng may libreng pagkain araw-araw. Maliwanag ba?" Walang sumagot sa mga estudyante ni Binibining Lacaba. Karamihan sa kanila ay mangiyak-ngiyak na napatingin kay Athena. "Pero, Ma'am, mahirap lamang po kami," alma ni Athena. "Sana nagpakabait ka at naging mabuti kang kaibigan kay Elvira," sabi ng guro. Natahimik ang lahat. Kinalunesan, pinagmasdan na lamang ni Athena at ang mga kaklase nila si Elvira habang kumakain ng sopas mula sa feeding program. "Wala pa rin bang aamin?" tanong ni Binibining Lacaba. Tiningnan niya si Athena. Napayuko lamang si Athena pagkatapos tingnan ni Elvira. "Ma'am, gusto ko pong kumain ng sopas. Wala po kasi akong baon," sabi ni Lina. "Ako rin po," sabi ni Marcelo. "Kami rin po," sabi ng iba. "O, sige, bibigyan ko kayo ng sopas... kung sasabihin ninyo sa akin kung sino ang naglagay ng praying mantis o samba-samba sa ulo ni Elvira noong Biyernes?" sagot ng guro. Tumayo si Athena. "Ako na naman ang ituturo ninyo para lang makakain kayo, ha? Bakit kayo lang ba ang walang baon?" Galit na galit siya. "Sige, kapag ako ang itinuro ninyo... makikita ninyo." "Sino?" tanong ng guro kay Lina. Umiling-iling lang si Lina. "Hindi ko po pala gusto ang sopas." Umupo na siya. "Ikaw, Marcelo, kilala mo ba?" tanong ng guro. "Hindi po," sagot ni Marcelo pagkatapos takot na takot na tiningnan si Athena. "Alam ninyo, mga bata, hindi kahinaan o kawalan ang pagsabi ng totoo at paghingi ng tawad sa kapwa. Alam ninyo, napakabuting tao ni Elvira. Kakaiba man ang kulay ng balat niya at ang hibla ng buhok niya, pambihira naman ang kabutihan niya. Napakabait ng kanyang mga magulang. Sana isang araw, matutuhan ninyong magpakumbaba. Athena, sana dumating ang araw na matutuhan mong irespeto ang kaanyuan ng kapwa mo," sabi ni Binibining Lacaba. Nagtinginan ang magkakaklase kay Athena. "Pupunta lang ako sa banyo, mga bata," paalam ni Binibining Lacaba. Nang makalayo na ang guro, tumayo si Athena at galit na nilapitan si Elvira. "Hindi ka lang negra, sipsip ka pa. Dahil sa 'yo, lagi akong nasesermunan ni Ma'am," singhal ni Athena kay Elvira. "Sorry, Athena," sagot ni Elvira. "Sorry? Heto, mag-sorry ka sa sopas." Kinuha niya ang mangkok ng sopas at ibinuhos ang laman niyon sa buhok ni Elvira. Napanganga si Elvira. "Hala, Athena! Ang sama mo talaga!" halos sabay-sabay na sabi ng mga kaklase nila. "E, ano ngayon? Bagay lang iyan sa katulad niyang negra!" Umikot-ukit pa ang mga mata ni Athena habang bumabalik sa kanyang upuan. Tinutulungan nina Lina at Marcelo si Elvira na tanggalin ang sopas sa buhok niya nang dumating si Binibining Lacaba, kasama ang isang matangkad na lalaki, na kakulay ni Elvira. "Class, meet Mister Robert Miller, the father of Elvira Miller. Siya ang nagbibigay ng pondo para sa feeding program ng ating paaralan," pakilala ng guro. "Halika, Elvira." "Daddy!" Masayang niyakap ni Elvira ang ama. "Are you alright?" tanong ng ama. "Yes!" Nagtinginan ang mga estudyante. Noon lamang nila iyon nalaman. "Nabalitaan ni Mister Miller ang ginagawa ninyo kay Elvira, kaya nagdesisyon siyang itigil na ang kanyang pagmamalasakit sa lahat ng estudyante sa ating paaralan, kabilang ka na roon, Athena," sabi ng guro. Maluha-luhang tumayo si Athena. "Ma'am, Mister Miller, sorry po... Ibalik na po ninyo ang feeding program. Kahit hindi na po ako makakain, basta po ang iba ay mapakain ninyo." Naawa si Elvira kay Athena. "Ma'am, Daddy, ituloy po ninyo ang feeding program," sabi niya. Tiningnan ni Binibining Lacaba si Mister Miller. May sinabi siya sa wikang Ingles. "Sorry, Elvira. Napakabuti mo palang tao, kaya hindi pala kita dapat sinasaktan at pinipintasan," sabi pa ni Athena. Nagsalita si Mister Miller sa harap ng klase. Nasa wikang Ingles man iyon, naunawaan naman ng mga estudyante ang kanyang sinabi, kaya nagpalakpakan ang mga ito. "O, hayan, ha... sana mahalin at maging kaibigan na ninyo si Elvira," sabi naman ni Binibining Lacaba. "Opo, Ma'am!" sabay-sabay na sagot ng mga estudyante, kasama si Athena. Ngumiti si Elvira nang napakatamis. Lumabas ang kanyang tunay na kagandahan. Noon lamang iyon nasilayan ng mga kaklase niya.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...