Followers

Friday, August 23, 2019

Graviola: Tsek o Eks?

Nakakatakot ang breast cancer!

Ang breast cancer ay numero unong kanser na kumikitil sa mga Filipino ---babae man o lalaki. Ayon sa Philippine Obstetrical and Gynecelogical Society, tatlo (3) sa bawat isandaang (100) babae ay maaaring tamaan nito. Samantala, bihira ang kaso nito sa mga lalaki. 

Nakamamatay ang breast cancer. Nagagamot naman ito, ngunit suntok sa buwan ang tsansa. Ayon sa statistics, isa (1) sa apat (4) na cancer patients ay namamatay pagkatapos ng limang taon. Ang chemotherapy naman ay 7% lang ang kakayahang pigilan ang paglaganap ng cancer cells. At fifteen percent (15%) ng mga taong may cancer ang nakapapamuhay nang normal pagkatapos ng chemo treatment. Bukod sa may kamahalan ito, may mga side effects pa, gaya ng pagkakalbo, pagkahilo, pagsusuka, pagtatae, at iba pa. Kaya naman, ayaw ng iba ang ganitong paraan ng paglulunas. 

Don't worry. Be happy pa rin... Ang mga eksperto ay patuloy na tinutuklas ang lunas sa breast cancer. Iba't ibang pagsusuri at pag-aaral ang kanilang isinasagawa upang ang nakamamatay na breast cancer ay hindi na katakutan ng mga tao.

Good news! Ang guyabano ay may potensiyal na sugpuin ang ilan sa mga deadly cancer--- isa na ang breast cancer. 

Ang guyabano (Annonamuricata Linn.) ay kilala rin bilang paw paw, soursop, at graviola. Ito ay masustansiyang prutas. Maasim ito, ngunit matamis. Nagtataglay ito ng mahahalagang sangkap: beta-sitosteryl fatty acid ester, beta-sitosterol, alpha-amyrin, beta-amyrin, at squalene. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang kakayahang pangmedikal. Ang beta-sitosterol ay may abilidad na puksain ang breast cancer. 

Ang dahon, balat ng puno, ugat, at prutas ng graviola ay mabibisang alternatibong gamot sa iba't ibang karamdaman, na pinaniniwalaan at ginagamit sa iba't ibang panig ng mundo. Ang dahon nito ay nagtataglay ng annohexocin, na nagpakita ng kakayahang wakasan ang problema sa breast cancer. 

Worry no more dahil ang graviola ay nasa capsule na!

Yes, laganap na ngayon ang graviola capsule bilang panlunas sa cancer. Subalit, hindi ito sinasang-ayunan ng mga cancer organizations dahil hindi pa matibay ang ebidensiya, na nakakapagpagaling nga ito ng breast cancer. Ayon nga sa kanila, may mga side effects ang pagkonsumo ng capsule at natural na graviola.

Yay! Kung ang pasyente ay may high blood at diabetes, posibleng maapektuhan ang kanyang kidney. Nagdudulot din ito ng hallucinations at nerve damage. 

Haist! May mainam pa rin ang "prevention is better than cure." Sa mga meron na, consult the doctor. Ang graviola ay maaaring tsek o eks sa breast cancer treatment. Mag-ingat sa paniniwala sa mga impormasyon tungkol dito at sa bisa nito. 



Thursday, August 22, 2019

G na G!

"I believe I can fly... I believe I can touch the sky... I think about it every night and day... Spread my wings and fly away..." Iyan ang paboritong linya sa paboritong kanta ni Gina Lopez. 

Ang kantang iyan ay nagsilbing-gabay niya upang maniwala siya sa kanyang mga kakayahan at hangarin. Sabi nga niya, "If you can see it, then you can do it. If you believe it, then you can do it."

Sa pagsilang ni Gina Lopez, walang nakapagsasabi kung ano ang halaga niya sa mundo at ano ang magagawa niya para sa bansa hanggang sa sumibol sa kanyang puso ang pagmamahal sa kapwa at kalikasan. 

Si Gina Lopez ay isinilang na may gintong kutsara sa bibig, subalit mas pinili niyang mamuhay na malayo sa karangyaan. Namana niya ang pagiging pilontropo sa kanyang ama. Naging misyonaryo siya at naging environmentalist. 

Dahil sa pagpapahalaga sa edukasyon at mga kabataan, sinimulan ni Gina Lopez ang educational TV programs gaya ng 'Math-Tinik' at 'Hiraya Manawari.' Isinalba rin niya ang mga naabuso at inabandonang kabataan sa pamamagitan ng 'Bantay-Bata 163.' Marami ang nakinabang sa mga programa at proyekto niya. Lalo siyang minahal ng mga Filipino.

Dahil din sa pagmamahal sa kalikasan, sinimulan ni Gina Lopez ang mga programang 'Save the La Mesa Water Shed' at 'Kapit-Bisig para sa Ilog Pasig.' Marami ang sumuporta sa kanya. Malaki rin ang naging pagbabago sa kalikasan. Kinilala rin siya sa ibang bansa dahil sa kanyang mga adbokasiya

Tinanggap din ni Gina Lopez ang pagiging DENR Secretary nang italaga siya ni Pangulong Duterte. Agad niyang ipinasara ang mga abusadong mining companies sa bansa. Marami ang natuwa sa radikal niyang pamumuno. Maraming buhay ang naisalba niyap sa sakit at posibleng kamatayan. Libo-libong Filipino ang humanga sa kanyang tapang, dedikasyon, at pagmamahal. May mga iilang umalma rin, lalo ang mga may-ari ng minahan at ang mga nawalan ng trabaho. Hindi man siya nagtagal sa posisyong iyon, nanatiling marubdob ang hangarin niyang makatulong sa sambayanan. Ipinagpatuloy niya ang pagdiskubre sa mga nakatagong likas na yaman ng Filipinas at pagtulong sa mga komunidad, lalo na ang mga katutubo.

G na G si Gina Lopez sa kanyang programang 'G Diaries.' Walang nakapansing may iniinda siyang sakit. Sa kanyang malasakit sa kapwa, walang nag-aakalang may itinatago siyang problema. Sa kanyang ngiti at tawa, walang nakapagsabing siya'y magpapaalam na. 

Ang kanyang pamamaalam ay hindi kawalan, kundi isang inspirasyon. Sa kanyang paglisan, isang kanta ang magpapaalala sa kanyang katatagan at paninindigan at pagmamahal sa kapwa at kalikasan.


Bawas-Kalbaryo, Dagdag-Suweldo

Kay sarap pakinggan ang dagdag-sahod ng mga guro na ipinangako ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA)! Kung isa na naman itong pangakong mapapako, kaawa-awa ang mga kaguruang tapat kung magserbisyo. 

Matatandaan noong nangangampanya pa lamang si Duterte, ipinangako niyang dodoblehin ang sahod ng mga guro, pero hanggang ngayon umaasa pa rin ang mga edukador ng Filipinas. Nadoble na ang suweldo ng mga pulis at sundalo, ngunit nganga pa rin ang mga guro. Samot-saring panukala na rin mula sa iba't ibang mambabatas ang ipinahayag upang tugunan ang pambansang hinaing ng mga teachers, ngunit wala pa ring pagbabago.

Ninais ni Senator Juan Edgardo 'Sonny' Angara na itaas ang salary grade ng entry level, mula SG 11 patungo sa SG 19 o mula P20,754 patungong 36,409 buwanang sahod. Ano'ng nangyari? Waley!

Ipinanukala naman ni Senator Francis 'Kiko' Pangilinan na dagdagan ng P10,000 kada buwan ang kasalukuyang suweldo ng mga guro. Hanggang ngayon, mainit pa nilang pinagdedebatehan ang panukala sa malamig na plenaryo.

Hangad naman ni Senator Nancy Binay na taasan ang monthly salary ng mga teaching and non-teaching personnel up
ang maging P28,000 at P16,000 ang basic salary ng mga ito. Bukod dito, hinihikayat niyang pondohan din ang educational assistance ng mga maestro at maestra sa mga pampublikong paaralan. Anyare? Heto, umaasa pa rin sila.

Ang lahat ng iyan ay inalmahan ni DepEd Secretary Leonor M. Briones. Para sa kanya, ambisosyong hiling ang pagtaas ng suweldo ng kaguruan dahil ito ay nangangahulugan ng karagdagang P75 bilyong pondo.

Dahil sa kanyang matalim na pahayag, ang mga umaasang guro ay umingit, uminit, nagalit, at lalong iginiit ang tanging hiling--- dagdag-sahod, hindi limos. Ayon sa kanila, hindi makatao at makatarungan ang kanilang natatanggap sa kasalukuyan.

Kung hindi lamang ito naipaliwanag nang husto ng dating Budget Chief Benjamin Diokno, patuloy ang pagsigaw ng mga guro ng 'Briones, Resign!' Dagdag-Sahid. Hindi Limos!' at 'Salary Increase Now!'

Wala na ngang sasarap pa, para sa mga guro, ang matanggap nila ang unang sahod na may dagdag. Kaya, sa mga mambabatas na may puso, sana isa man lamang sa mga panukala nila ang maipatupad. Ang hangad lang naman nila'y bawas-Kalbaryo, dagdag-suweldo.

Tuesday, August 20, 2019

Gusto ni Onik ng Baboy

Gustong bumili ni Onik ng baboy. Sabi ng kanyang ina, kaya niyang bumili niyon mula sa kanyang baon. Daragdagan pa niya ito kung tutulong pa si Onik sa paglilinis ng bahay. Sabado, tinulungan ni Onik ang ina sa pagwawalis at pagpupunas ng sahig hanggang sa ito ay kumintab. Naragdagan ng limang piso ang ipon niya. Pagkatapos ng klase, habang naghihintay ng sundo, bumili si Onik ng mga aalagaang isda. Nakalimutan niya ang tungkol sa baboy. Tuwang-tuwa siyang tingnan ang makukulay na isda sa aquarium. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang pera. Halos wala nang natira. Hindi na iyon makakabili ng gusto niya. Dumating ang Sabado. Tumulong si Onik sa ina sa pagluluto. Gustong-gusto niyang mabili ang baboy. Kaya, tumulong uli siya sa paghuhugas ng mga plato. Nakatanggap siya ng sampung piso. Iniwasan ni Onik ang tumingin sa mga paninda sa labas ng eskuwela. Tinatakpan niya ang mga mata kapag dumaraan siya. Isang araw, nakalimutan na naman niya. Bumili siya ng sorbetes na paborito niya. Mura lang naman iyon, pero kulang pa rin ang ipon niya para sa gusto niyang bilhin. Nalungkot si Onik habang binibilang ang pera niya. Hindi pa niya mabibili ang baboy na gusto niya. Nag-isip nang nag-isip si Onik. Nagplano siya nang nagplano Hindi naman siya nagmamadali, kaya ang pagtitipid at pag-iipon ang plano niya. Nagbasa siya ng mga libro sa halip na bumili ng laruan. Tumulong sa kanyang ina upang maragdagan ang ipon niya. Pagkalipas ng tatlong linggo, sapat na ang pera ni Onik. Nabili na niya ang malaking alkansiyang baboy na pangarap niya. Nagtagumpay siya sa kanyang plano. Ipagpapatuloy niya ang pagtitipid at pag-iipon. Sa susunod, alam na niya ang kanyang bibilhin... bisikleta!

Tuesday, August 6, 2019

Ang Aking Journal -- Agosto 2019

Agosto 1, 2018 Muntik na naman akong ma-late. sobrang traffic sa Coastal. Tapos, ang bagal pa ng dyip na nasakyan ko. Kakainis! Nagpasulat lang ako ng kuwento sa lahat ng sections. Application lang iyon ng aralin namin kahapon. Na-enjoy naman nila. Nag-meeting kaming Grade Six teachers about sa pinagmeetingan ng mga GLs at principal. Nainis lang ako. Puro research na walang kapararakan ng ipinapagawa sa amin. Samantalang, nasa lower grades ang problema. Kung doon pa lang ay nasolusyunan na, hindi na sana kami apektado. Nagpa-poster-making contest ako s advisory class ko, habang nagti-train sa column writers ko. Then, nang makauwi na sila, nag-stay ako sa classroom ko at nagbasa, nagtsek, at nagrekord ng mga akda ng bata. Hindi ko natapos sa sobrang dami. Isiningit ko pa kasi ang pag-idlip. Past 7:30 na ako nakauwi. Ang sakit ng uli ko! Agosto 2, 2018 Kahit nagkaroon ng parada at maikling palatuntunan at kahit kulang kaming mga guro sa araw na ito, nagturo pa rin ako sa advisory class ko. Sinikap kong maraming silang natutuhan. Medyo pasaway lang talaga kapag buong araw kaming magkakasama. Mahirap kapag walang palitan ng klase. After class, nagtsek at nagrekord uli ako ng mga sulatin ng mga estudyante, bago at pagkatapos kong nakaidlip sa classroom ko. Before five, lumabas na ako sa school. Kahit paano, marami akong na-accomplish. Nakapag-encode pa nga ako ng dalawang akda. Andami kong gustong gawing makabuluhang bagay. Kulang nga lang sa oras. Hindi pa nga ako nakakagawa ng mga isusulat ko sa thesis titles proposal. Sa Sabado na iyon. Kailangan ko nang makagawa ng Chapters 1-3 ng thesis. Agosto 3, 2018 Iniwan ko sa mga kaguro ko sa Grade Six ang advisory class ko para dumalo sa 'Pansangay na Patimpalak sa Madulang Pagkukuwento at Sulat-Bigkas Tula' sa JRES. Si Rovie ang kandidata ko para sa sul-kas tula. Confident akong mananalo siya. Matagal natapos ang paligsahan. Hindi naman kami nagutuman dahil nagpadala ng pagkain si Ma'am, kaya lang nabigo kaming maiuwi ang hamon. Walang napanalunan ni isa ang GES. Gayunpaman, marami akong natutuhan. Next time, mas gagalingan ko ang pag-train. Past 2, nakahabol ako sa birthday treat ni Ma'am Vilma sa Tramway. Kahit paano may naabutan pa akong ulam. Nabusog at nakuntento ako, kaya nga halos antukin ako nang bumalik. Nakaidlip naman ako kahit paano. Nakagawa rin ako ng mga papaerworks bago ako umuwi, especially ang draft ng thesis title proposal. Pagdating ko sa bahay, hinarap ko kagad ang pagtapos niyon. Nakagawa ako ng tatlo. Sana isa man lang doon ay mapili at magustuhan ni Dr. Libuit. Agosto 4, 2018 Dahil maaga akong nakarating sa CUP, nakapagsulat pa ako ng karugtong na kabanata ng Alamat ng Parang, habang naghihintay ng klase. Nakapag-almusal na rin ako. Sobra ang kaba ko habang kini-critique ni Dr. Libuit ang thesis title proposal ko. Grabe! Ina pala ng pakiramdam ng harap-harapang evalution. Para akong kinakatay. Mabuti na lang, hibdi ako nagaya sa iba, na reject ang ipinasa. Tatlo namn kasi ang ipinasa ko. Kung alin pa ang least like ko, iyon pa ng napili. Gayunpaman, masaya ako dahil hindi na-reject ang pinaghirapan ko. Hindi ako napahiya sa mga kaklase ko. Umuwi agad ko. Bumili lang ako ng melaware sa Novo. Bawal na kasi ang plastic sa GES. Maghapon hanggang gabi akong nag-esdit, gumawa, at nag-print ng zines. Tatlong titles ang natapos ko. Nakapaghanda na rin ako ng DLL at isang LM. Ngayong araw, nakapag-register ako sa Lagaslas writing workshop, sponsored ny NCAA. Hinikayat ko rin si Sir Ivan na sumali sa paggawa ng kanta. Isinali niya ako. Ako raw ang gumawa ng lyric. Siya ang music. Nagawa ko naman agad bago at pagkatapos kong umidlip. Sana magawa niya. Gusto ko ring maging bahagi ng tagumpay niya. Agosto 5, 2018 Umaga. Hinarap ko ang pag-encode ng lesson plan ni Emily para sa kaniyang demo. Suportado ko siya sa kaniyang endeavor para makapasok sa Tanza National High School. Sana... Nakapaglinis din ako ng kuwarto ko. Gabi, naiprint ko ang LP niya at nasimulan namin ang paggawa ng visual aids. Hindi ko nga lang naiprint ang PDS niya dahil wala pa ring black ink ang printer ko. Agosto 6, 2018 Maaga pa ako nakarating sa school kanina. Na-stapler at na-cut ko pa ang ilang copies ng zines. After ng discussion ko, saka ako nagbenta ng zines. Soldout ang "Bully." Kulang pa nga. Ang dalawang titles ay soldout din sa ibang sections. Nag-train ako ng column writing pagkatapos ng klase. Ang contestant English category ay nahihirapan pang bumuo ng parargraphs with correct grammar. Unti-unti namang lumalabas ang potential ng sa Filipino category. Lesser na ang errors niya. Nae-express niya rin ang kaniyang opinyon. Alas-4, pumunta ako sa NBS para bumili ng bond paper. Umuwi naman ako agad. Maaga man akong dumating sa bahay, puro pa rin trabaho. Okay lang naman dahil para iyon sa aking mga estudyante. Isa pa, masaya ako sa ginagawa ko. Ang gusto ko lang, maunawaan ako ng pamilya ko. Agosto 7, 2018 Kahit kulang kami ng tatlong guro sa grade level namin, nagpalitan pa rin kami ng klase. "Pagbibigay ng Opinyon" ang topic ko. Pinasulat ko ang bawat section. Mainam na matuto na agad sila habang nasa elementarya. Sana lang ay manatili sa kanilang utak ang mga natutuhan nila. Birthday ngayon ni Mama. Hindi man lang ako nakabati o nakapunta lalo na't umalis si Emily. Pinuntahan niya sa ospital si Edward. Wala raw kasing magbabantay. Haist! Five, nasa bahay na ako. Nakagawa ako ng zine, 'I Love Science Now,' habang naghihintay kay Ion. Nakapag-print na rin ako ng ilang kopya. Agosto 8, 2018 Mainit ang ulo ko kanina kasi may dumating n supervisor. Nagtsek ng DLL. Hindi naman iyon ang dapat niyang hinahanap o sinasadya sa school. Dapat magbigay sila ng para sa ikagiginhawa ng mga guro. May DLL naman ako, pero naiinis pa rin ako sa idea. Big deal sa kanila ang process, samantalang dapat ang product ang tingnan nila kung nakakapagturo pa ba nang maayos at mahusay ang mga titser. May lesson plan nga kung hindi naman nagturo, wala ring kuwenta. Gayunpaman, sinikap kong hindi mag-reflect sa akin ang inis ko. Naging epektibo pa rin naman ako, sa tingin ko, dahil napag-group work at napag-perform ang bawat klase. Nag-enjoy rin sila. After class, journlism training ako with Martina ang Elyza. May laban ang huli, samantalang mahaba pa ang bubunuin ko para sa una. Naunawaan ko naman dahil English ang category niya. Umidlip din ako bago at pagkatapos ko jg mga paperworks. Naihanda ko rin ang materials para bukas ko. Past 7, nakauwi na ako. Nainis akong bigla sa tirada sa akin ni Emily. Parang nagdududa na naman. Inaway ko naman siya bago ako natulog. Nakakainis. Nakasawa na. Hindi niya ako maintindihan. Puro ako trabaho tapos pagseselosan pa ako. Put*! Arang ayaw ko na raw siyang makita. Ano'ng drama?! Saan ako uuwi kung ayaw ko siyang makita? Buwisit talaga. Agosto 9, 2018 Na-enjoy ko ng storytelling ko kanina ng "Ang mga Pagalit ni Mama." Napansin kong enjoy n enjoy rin sila, lalo na't nagpapatawa pa ako. Ang hindi ko lang napatawa ay ang VI-Faith kasi nagsermon pa ako. May pasaway kasing estudyante. Nasira tuloy ang mood ko. Gayunpaman, na-enjoy nila ang group activity ko. Nagsulat sila sa speech bubble ng mensahe para sa kanilang mga ina. After class, pumunta kami sa Cuyegkeng Health Center para sa checkup. Nalungkot ako dahil may PTB na naman ako. Pero, masaya ako dahil willing silang gamutin ako. Kailangan ko nga lang magpaturok everyday for two months at uminom ng gamot sa loob ng walong buwan. Naiinis din ako dahil ang buong akala ko ay okay na ako. Hindi pala sapat na negative ako sa sputum. Dapat pala talaga akong gamutin dahil ang result ng xray ay may PTB ako. Kaya ala nararamdaman ko minsan ng pananakit ng dibdib, pananakit ng likod, kawalan ng gana, at iba. Past two na kami nakalabas sa center. Bumalik ako sa school para sa mga paper works. Nag-paint din ako roon. Pag-uwi ko naman, tahimik lang ako. Hindi ko masyadong pinapansin ang wife ko. Nainiis pa rin ako sa mga sinabi niya. Agosto 10, 2018 Ang pagsulat ng liham pangkaibigan ang topic ko ngayong araw. Gaya kahapon, nagsermon pa ako sa VI-Faith. Naiinis ako sa mga estudyanteng need ng special atention. Dati, nauunawaan ko sila. Pero, lumalala ang kakulangan nila ng pansin. Hindi ko na yata kaya. Tumigil naman sila pagkatapos kong pagalitan. Nakapagsulat pa. Sila lang ang section na hindi ko pinag-group work kasi napakaingay nila. Gayunpaman, alam kong natuto sila. Sana magamit nila iyon sa praktikal na buhay. Masaya naman ako nang tinext ako ng taga-NCCA. Ni-notify niya ako na kailangan ko nang mag-email ng work sample ko para sa story writing workshop about Ilog Pasig. Pag-uwi sa bahay, in-email ko kaagad. Natulog na ako pagkatapos. Sobrang antok na antok ako. Iang araw rin kasing laging kulang sa tulog. Gayunpaman, natulog akong may saya sa mga labi dahil binati ko na si Emily. Agosto 11, 2018 Kahit late ako sa pagdating sa CUP. nakapag-almusal pa ako. Wala pa kasi si Dr. Libuit. Pasado 8:45 na siya dunating. In fact, nakapag-encode pa ako sa cellphone ko ng mga tula para sa "Mag-aral. Tumula." Nakinig lang ako sa kaniya, habang ina-assess niya ang mga thesis titles. Maramu ang na-reject. Mabuti na lang, approved na ang akin. Puwede na akong mag-start. Umuwi agad ako pagkatapos ng dismissal. Sinuong ko ang malakas na ulan. Nabasa lang naman ang sapatos ko. Ngayong araw, naihanda ko na ibang mga kakailanganin para sa Lunes at mga susunod na raw, like budget of work, articles para sa column writers ko, etc. Napagplanuhan ko na rin ang story na ipapasa ko sa Librong Itim. Agosto 12, 2018 Halos maghapon akong nasa harap ng laptop. Sulit naman dahil nakagawa at nakapag-print ako ng zine (Milenyal), natulungan kong gumawa ng PPT presentation si Emily, at nasimulan ko ang zine na 'Mag-aral Tumula. Ako rin ang naging cook, maghapon. Bukas, dahil walang pasok, malamang mas marami akong matatapos. Agosto 13, 2018 Dahil walang pasok, hinarap ko ang paggawa ng detailed lesson plan sa Filipino 6. Nakadalawang layunin ako ngayong araw. Kahapon, dalawa rin. Naipagpatuloy ko rin ang paggawa ng 'Mag-aral Tumula.' Kaunti na lang, matatapos ko na ito. Hindi naman ako nakatulog sa hapon dahil sinimulan kong isulat ang isa-submit ko sa Librong Itim. Gabi, nakasulat na ako ng 1300+ words. Ngayong araw, natuwa ako sa private message ng co-founder ng Tourette Syndrome Association of the Philippines. Nabasa raw niya ang article ko tungkol sa TS. Kahit paano., nag-paid off ang pagsusulat ko ng science and health. Maaari pa akong makatulong sa estudyante kong may TS kapag ni-refer ko sa kanila. Naawa naman ko kay Angelo dahil nadiskubre ko ang maga niya o malambot na bukol sa kaniyang joints sa leg. Ang hula ko, may elephantiasis siya. Haist! Sana nagkakamali lang ako. Agosto 14, 2018 Mabigat ang katawan kong pumasok, pero sinikap ko pa ring makarating sa school nang maaga. Kailangan ko rin kasing magpa-sputum test. Nang pumunta ako sa Cuyegking Health Center bandang alas-7, napaaga ako. Eight pa pala sila nagbubukas. Bumalik ako before 10, pero naipasa na raw ang mga sputum, kaya binigyan na lang ako ng lagayan para maipasa ko bukas kahit sa guard. Gusto ko na rin kasing gumaling ang PTB ko. After class, nag-stay ako sa room para gawin ang mga gusto kong gawin. Nag-research ako para sa thesis proposal. khit paano, naragdagan ang ang nasimulan ko. Pero, kailangan ko pa rin talagang mag-library. Limited lang ang nasa net. Narugdutungan ko rin ang horror story ko para sa Librong Itim submission. Bukas, siguradong tapos ko na iyon. Sobrang saya ko habang pauwi ako dahil isa ako sa mga chosen participants ng Lagaslas Writing Story Workshop for Children sa August 18-19 (8am to 6pm) sa Intramuros. Kasama ko uli si Ma'am Joann. Nakapasa rin siya. Anither experience, learning, and opportunity na naman ito. Past 7, nasa bahay na ako. Agosto 15, 2018 Nainis ako kanina sa guard ng Cuyegking Health Center kasi nang pumunta ako roon para mag-iwan ng sputum, hindi niya tinanggap. Hintayin ko raw ang ibang empleyado. Nakikisuyo lang naman. Hindi naman niya bubuhatin. Iyon ang naisip ko. Agad akong bumalik sa school. Inis na inis. Mabuti na lang, supportive si Ma'am Vi. Binantayan niya ang klase ko nang pasado alas-8 na. Balak kong isumbong sa doktor na nag-assist sa akin last week ang guard na walang consideration. Kaya lang, pinaliwanagan ako ng nurse na dapat doon mag-sputum test, hindi sa bahay dahil may oras iyon. Kasalanan ng nagbigay sa akin ng sputum canister. Sabi niya, iwan ko na lang sa guard. Naunawaan ko na ang guard. Okay na rin ang paliwanag nila. Napapayag uli nila akong mag-sputum test doon. Masuka-suka nga lang ako dhil pinilit kong lumabas ang kahit na katiting na plema. Nakabalik naman ako agad sa school. After school, sinimulan kong gawan ng layout ng children's book si Ms. Kris. Tulong ko iyon sa kaniya para sa kaniyang promotion o pagpapa-rank. Nakaka-enjoy ding mag-drawing at mag-layout. Next time, ang kuwento ko naman ang gagawan ko ng book. Kahit paano, nang bandang 5 na, nakalimang pahina na ako. Naguhit pa ako ng dalawang actions ng bata. Malaki nga lang ang mga sapatos ng isa, kaya hindi proportion. Uulitin ko bukas. Past 8 na ako nakauwi. Sobrang traffic kasi at matagal dumating ang bus. Agosto 16, 2018 Hindi ko kinibo ang VI-Love. Sobrang ingay nila. Hindi na madala sa reward and penalty system. Mas maigi png dedmahin ko na lang. Effective pa siguro. Mas masakit ang hindi ka pinapansin. After class, ipinagpatuloy ko ang pagli-layout at pag-illustrate. Kahit paano, umuusad na ang book ni Ms. Kris. Natapos ko ring sulatin ang 'Binibining Saging.' Hindi ko nga lang naharap ang thesis proposal ko at ang horror story. Maaga-aga akong nakauwi. Nakapanuod pa ako ng telebisyon at naka-bonding ang mag-ina ko over santol juice. Agosto 17, 2018 Hindi ko pa rin pinapansin ang Grade Six-Love. Maingay pa rin sila. Gayunpaman, nagkaroon kami ng grade six-wide elimination para sa pagtula. Napatay namin ang oras. Hindi na kami nakapagpalitan masyado. Last period lang ako nakapasok sa ibng klase. Naghangad sila ng kuwento. kaya binasa ko sa kanila ang dalawang kabanata ng 'Idolo.' Hindi na naman ako niyon binigo. napaiyak ko ang buong klase After class, pumunta ako sa haelth center para kunin ang result ng sputum test. Negative ako, pero pumila ko para makausap ng doktor. Nang ako na, sabi niya sa akin ay dalhin ko sa kaniya sa Miyerkules ang plate ng xray ko para mabigyan ako ng referral sa pulmonologist na magbabasa niyon. Hindi naman pala ako agad na tuturukan at bibigyan ng gamot. Past 4, nasa bahay na ako. Nagulat si Emily. Antok na antok kasi ako. Isa pa, maaga na naman ako bukas para sa workshop. Natapos ko nang isulat ang horror story kong 'Prosthetic.' Kaagad ko naman itong in-email sa Librong Itim. I hope, mapili nila. Agosto 18, 2018 Ako ang ikalawang participant na dumating sa Guadalupe Ferry Station. ang meeting place pala sa Lagaslas Children's Story Writing Workshop sa Intramuros, Manila. Matagal din akong naghintay roon. Pero okay lang dahil hindi ako na-late. May nakakuwentuhan naman ako. Before 10, nag-tour na kami sa Ilog Pasig. First time ko iyon. Akala ko, madi-disappoint ako. Hindi pala. Hindi naman mabaho. Dahil siguro iyon sa sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha. Nakitaan ko ng pag-asa ang ilog. Kung magiging disiplinado lang ang lahat, babalik sa dating ganda ang Ilog Pasig. Dahil sa tour na iyon, nagkaroon ako ng mas marubdob na hangarin para tumulong sa pagbabalik-sigla sa Ilog Pasig, sa munti kong kakayahan. Before 12, nasa NCCA na kami. Natuwa ko sa mga preliminary activities na inihanda ng PETA facilitators. Andami kong natutuhan at maaaring gamitin sa mga future kong engagements o sa mga advocacies ko. Hapon, napuno ng bago at makabuluhang mga impormasyon mula sa mga mahuhusay na resource speakers. Napakapalad ko dahil napabilang ako sa mga napili. Dahil dito, nalamnan pa ng kaalaman ang utak ko. Walang tapon. Past 8, saka lang ako nakauwi. Sobrang pagod at antok ko na, ero hindi pa ako kaagad natulog. Sinikap kong makagawa at magkapag-print ng akda na gagamitin sa evaluation bukas. Ang "Nasaan ang Singsing, Lily?" ang pamagat ng aking akda. Agosto 19, 2018 Kahit 9:00 am pa ang start ng workshop, maaga akong nakarating sa venue. Nakapagsulat pa tuloy ako ng mga lectures kahapon mula sa cellphone to notebook ko. Mahahalaga kasi ang bawat kaalamang ibinigay nila. Sobrang saya na naman ng workshop kanina. Si Ate Aiko ang aking mentor. Siya ang brand manager ng Lampara Books. Binigyan niya ako ng tatlong pointers sa pag-rewrite ng kuwento ko. Satisfied ako sa mga tips niya. Hindi ko pa alam kung may chance ang kuwento ko, pero ramdam ko na maililimbag iton. Mahirap man mapili ang sa akin dahil thirty over 5 ang probability. Maagang natapos ng workshop. Nagkaron ako ng pag-asa. Andaming opportunity na maaaring dumating sa mga susunod na araw. Agosto 20, 2018 Sa unang pagkakataon, nahuli ako sa klase ko. Twenty minutes late ako. Akala siguro ng mga estudyante ko, tuluyan na akong nagtampo sa kanila. May nag-chat kasi. Sabi niya, pumasok na raw ako. Tamang-tama naman iyon dahil tahimik pa rin ako. Hindi ko pa rin sila kinikibo. Nagpasulat lang ako ng akda. Samantalang sa ibang seksiyon, nag-storytelling ako. Sayang, hindi nila narinig ang "Ang Alamat ng Water Lily." Pagkatapos ng klase, almost ready na ang revised ng akda ko. Kailangan ko na itong ipasa Taga-Alog secretariat para sa evaluation. Nasimulan ko ring isulat ang 'Si sir Flarino.' Inspired ito ng pagtatampo ko sa VI-Love. Na-traffic ako sa Tejero, kaya nakauwi ako bandang alas-otso. Okay lang naman dahil wala namang pasok bukas. Agosto 21, 2018 Kulang ang isang araw na holiday para magawa kong lahat ang gusto ko. Gayunpaman, nakapagsulat ako ngayong araw ng dalawang kuwento. Nai-email ko na rin ang revised output sa Lagaslas. Sana mapili iyon ng panel. Gusto kong maging bahagi ng literaturang Filipino ang akda kong alamat. Naiisip kong dalawin si Mama kaya lang kapos talaga ako ngayon sa budget. Sobrang pasakit sa bawat pamilya ang Train Law ni Duterte. Kakaunti na lang ang nabibili sa P2000 kada linggo. Agosto 22, 2018 Wala ako sa mood kanina. Hindi ko pa rin kinikibo ang advisory class ko. Hindi pa rin sila nagbabago. Maingay pa rin. Nagsasawa na ako. Apektado tuloy ang ibang sections. Sensitive ako sa ingay. Kaunting ingay, ikinaririndi ko. Hindi ko nga ipinatapos o ipina-report ang groupwork nila. Nasayang lang. Sobrang ingay rin kasi nila. Gusto ko sanang matuloy na bukas ang exam. Gusto ko nang magsimula sa second grading. Kaso, postponed uli. Sa August 28 to 30 na naman daw. Buwisit talaga ang SDO! After class, umidlip ako. Nang makapag-recharge, itinuloy ko ang paglilipat ng scores mula sa traditional class records to Excel. Hindi ko nga namalayan, 5 pm na pala. Kailangan nang umuwi. Andami kong gustong gawin. Mag-apply sa Diwa Publishing bilang book writer sa Filipino subject. Mag-research sa National Library. Gumawa ng zines ng stories ko. Magsulat nang magsulat ng kuwento. Haist! Kulang sa oras. Agosto 23, 2018 Postponed na naman ang periodic test for the second time. Pero, dahil naka-mindset na sa mga bata, gumawa ng paraan si Ma'am Vi para matuloy. Nagpa-Riso siya ng mga downloaded test questionnaires. Ayun, natuloy rin. Patuloy akong nanahimik sa klase ko. Gusto ko na silang sigawan. Sobrang daldal pa rin nila. Kapag tinitingnan ko, nananahimik. Pero, pagkalipas ng ilang sandali, maingay na naman. Mga walang hiya sa sarili. Hinarap ko ang zine/booklet ni Ms. Kris. Unti-unti nang napro-progress. Ang ganda ng output ni Kiya Allan. Nagawa niyang i-digitalized ng illustrations ko. Na-inspire tuloy akong bumili ng Corel Draw apps. Hinarap ko rin at tinapos ang class records. Ready to print na ang apat na sections. Past 7, nasa bahay na ako. Agosto 24, 2018 Wala pa rin ako sa mood kanina. Parindi nang patindi ang ingay ng VI-Love. Nakakarindi. Gusto nilang kibuin ko sila, ayaw naman nilang magbago. Gayunpaman, mapagtimpi pa rin ako. At least, eleven ng umaga ang uwian nila. Natapos na naman ng buong isang linggo nang hindi ko sila pinapansin. After class, nag-stay ako sa classroom ko. Umidlip ako. Nag-edit. Nag-download. Hindi na naman ako nabayaran ni Ma'am Gigi. Limang buwan na siyang hindi nakakabayad ng interest. May dahilan na naman siya, e. Past 8 na ako nakauwi. Nagsulat pa kasi ako sa may abangan ng bus. Doon ko lang nagagawang mag-isip ng mga susulatin. Agosto 25, 2018 Nag-attendance ako pagdating sa CUP. Expected ko nang walang klase kay Dr. Libuit. Nasabi sa akin ni Mj kahapon na may colloquim siya ngayon. Tama naman siya. Since, nagpaalam na ako kay Emily kagabi pa, dumiretso na ako sa Antipolo. Maaga pa ako nakarating doon kaya nakapagkuwentuhan pa kami ni Mama. Binigyan ko siya ng pag-asa. Gusto pa talaga niyang maoperahan at makakita. Kaya, pangako kong pagdating ng royalty fee, ipaopera ko na ang cornea niya. Kahit paano, nakapag-relax ako sa Baitista. Nakaidlip ako habang nanunuod ng tv. Past four, umuwi na ako. Past 9 na ako nakauwi. Sobrang traffic kasi sa Tejero. Agosto 26, 2018 Nasanay ako sa maagang paggising, kaya kahit gusto ko ang matulog, dilat na ang mga mata ko. Gayunpaman, nagawa ko pa ring magsulat ng journal, na hindi ko nagawa kagabi. Umaga, habang nasa simbahan si Emily, nag-gardening ako. Nakagawa rin ako ng indoor garden Ngayong araw, nadagdagan ko ang resume ko ng mga data. Nakasulat ako ng letter of intent para sa Diwa Publishing. Mag-a-apply ako as author ng Filipino books. Nadugtungan ko rin ang thesis ko. Kahit paano, nakakuha ako ng mga laocal related studies sa internet. Agosto 27, 2018 Nagtagal ako sa higaan ko bago ako bumangon. Bawiin ko naman sa paghiga ang holiday ko kahit paano. Gayunpaman, hindi naman ako natulog. Nagsulat lang ako. Ngayong araw, marami akong accomplishments. Nag-send ng resume at letter of intent sa Diwa Publishing. Nag-encode ng school paper articles. Nag-gardening. Mas napagand ko pa ajg indoor garden namin. Gumawa ng zine. Nag-edit. Etc. Agosto 28, 2018 Nag-almusal kami nina Papang at Ms. Kris kanina habang nagsi-shade sa bubble sheet ang mga pupils ko. Hindi pa rin sila makuha sa tingin. Gayunpaman, hindi ako nagalit o nagsalita. After class, nagsulat ako ng update ng novel ko. Umidlip din ako. Paggising ko, nabasa ko ang email ng Diwa Publishing. Invited ako sa pre-qualification orientation sa September 27. It means, nakapasa ako sa evaluation, gamit ang resume at letter of intent. Agad akong nag-confirm ng attendance ko. Gusto ko ring kumita. Kaya lang, kailangan kong malaman kung kakayanin ko ba ang pressure at standard nila. Sana... Past five, pauwi na sana ako nang dumating ang ilang VI-Topaz pupils ko, last year. Natuwa ako sa presensiya nila. Nagyaya sila sa classroom. Nakuwentuhan kami roon. Nagtawanan. Nag-selfie. Sayang, maikli ang 30 minutes. Kailangan ko nang makauwi. Nakauwi ako ng past 8. Agosto 29, 2018 Nag-meeting kaming grade six advisers kanina. Naging makabuluhan din ang palitan namin ng kuro-kuro at opinyon. Kahit paano, nakapulot kami ng ideya sa isa't isa. Gusto ko nang magalit sa VI-Love. Sobrang walang hiya na sila. Gayunpaman, kinalma ko ang sarili ko. Nakukuha sila sa tingin, pero agad din namang nakakalimot. After class, natuloy na rin sa wakas ng mga patimpalak sa Buwan ng Wika -- ang pagsayaw, pagbigkas ng tula, at Lakan at Lakambini ng Wika. Natuwa ako sa tula ni Rovie at sa sayaw ng Grade Six. Disappointed naman ako sa talent ng lakan at lakambini namin. Haist! Sana hindi na lang namin pinakanta. After ng contest, tinapos ko na ng zine na 'Haraya.' Anthology ito ng Grade Six. Pagdating sa bahay, nag-print ako ng anim na kopya. Bukas, division journalism contests na. Goodluck sa mga journalists. Ang column writer ko, pihadong manalo. Una, first time na category. Pangalawa, wala sa hulog ang construction ng English. Hindi bale, ang mahalaga ay magkaroon siya ng experience. Agosto 30, 2018 Nakarating kami nina Sir Joel, at ang 16 young campus journalists sa T. Paez Elementary School bago magsimula ang progam. Natuwa ako nang malaman kong si Bam Alegre ang keynote speaker. Isa siya sa mga produkto ng campus journalism. Nakaka-inspire siya. Kaya naman, hindi na ako nahiyang mag-selfie kasama siya. Hindi nman ako na-boring habang naghihintay sa mga bata. May kausap kasi akong parents. Kahit paano, may natutuhan at may nalaman ako sa kanila. Past 1:30, nasa GES na kami. Napagod man ako at nawalan ng pag-asang mananalo ang trainees ko, masaya pa rin. Past five, umuwi na ako. Tawa ko nang tawa kasi naniwala ang mga pupils ko, na lilipat na ako sa Cavite sa Tuesday. May umiyak pa nga. Haist! Sana makatulong iyon para magbago sila. Agosto 31, 2018 Natatawa ako sa reaksiyon ng mga estudyante ko. Kumalat sa buong Grade Six ang biro kong paglipat ng school. nalungkot sila at nag-iyakan pa. Ayaw nilang umalis ako. Naramdaman ko ang pagmamahal nila sa akin. Kahit pala wala silang disiplina, nagkintal pala sa kanila ang mga ginawa ko para sa kanila. Ang zines. Ang pagpapasulat. Ang pagkukuwento. Ang pagpapatawa. Atbp. Kahit lalaki, umiyak. Kahit mga pasaway ay naging emotional. Ayaw pa naman ng VI-Love na maging adviser siya. May mga sulat pa ngang ibinigay sa akin. Nakakataba talaga ng puso. Sayang lang, masyado silang pasaway.

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...