Followers

Thursday, August 22, 2019

Bawas-Kalbaryo, Dagdag-Suweldo

Kay sarap pakinggan ang dagdag-sahod ng mga guro na ipinangako ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA)! Kung isa na naman itong pangakong mapapako, kaawa-awa ang mga kaguruang tapat kung magserbisyo. 

Matatandaan noong nangangampanya pa lamang si Duterte, ipinangako niyang dodoblehin ang sahod ng mga guro, pero hanggang ngayon umaasa pa rin ang mga edukador ng Filipinas. Nadoble na ang suweldo ng mga pulis at sundalo, ngunit nganga pa rin ang mga guro. Samot-saring panukala na rin mula sa iba't ibang mambabatas ang ipinahayag upang tugunan ang pambansang hinaing ng mga teachers, ngunit wala pa ring pagbabago.

Ninais ni Senator Juan Edgardo 'Sonny' Angara na itaas ang salary grade ng entry level, mula SG 11 patungo sa SG 19 o mula P20,754 patungong 36,409 buwanang sahod. Ano'ng nangyari? Waley!

Ipinanukala naman ni Senator Francis 'Kiko' Pangilinan na dagdagan ng P10,000 kada buwan ang kasalukuyang suweldo ng mga guro. Hanggang ngayon, mainit pa nilang pinagdedebatehan ang panukala sa malamig na plenaryo.

Hangad naman ni Senator Nancy Binay na taasan ang monthly salary ng mga teaching and non-teaching personnel up
ang maging P28,000 at P16,000 ang basic salary ng mga ito. Bukod dito, hinihikayat niyang pondohan din ang educational assistance ng mga maestro at maestra sa mga pampublikong paaralan. Anyare? Heto, umaasa pa rin sila.

Ang lahat ng iyan ay inalmahan ni DepEd Secretary Leonor M. Briones. Para sa kanya, ambisosyong hiling ang pagtaas ng suweldo ng kaguruan dahil ito ay nangangahulugan ng karagdagang P75 bilyong pondo.

Dahil sa kanyang matalim na pahayag, ang mga umaasang guro ay umingit, uminit, nagalit, at lalong iginiit ang tanging hiling--- dagdag-sahod, hindi limos. Ayon sa kanila, hindi makatao at makatarungan ang kanilang natatanggap sa kasalukuyan.

Kung hindi lamang ito naipaliwanag nang husto ng dating Budget Chief Benjamin Diokno, patuloy ang pagsigaw ng mga guro ng 'Briones, Resign!' Dagdag-Sahid. Hindi Limos!' at 'Salary Increase Now!'

Wala na ngang sasarap pa, para sa mga guro, ang matanggap nila ang unang sahod na may dagdag. Kaya, sa mga mambabatas na may puso, sana isa man lamang sa mga panukala nila ang maipatupad. Ang hangad lang naman nila'y bawas-Kalbaryo, dagdag-suweldo.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...