"I believe I can fly... I believe I can touch the sky... I think about it every night and day... Spread my wings and fly away..." Iyan ang paboritong linya sa paboritong kanta ni Gina Lopez.
Ang kantang iyan ay nagsilbing-gabay niya upang maniwala siya sa kanyang mga kakayahan at hangarin. Sabi nga niya, "If you can see it, then you can do it. If you believe it, then you can do it."
Sa pagsilang ni Gina Lopez, walang nakapagsasabi kung ano ang halaga niya sa mundo at ano ang magagawa niya para sa bansa hanggang sa sumibol sa kanyang puso ang pagmamahal sa kapwa at kalikasan.
Si Gina Lopez ay isinilang na may gintong kutsara sa bibig, subalit mas pinili niyang mamuhay na malayo sa karangyaan. Namana niya ang pagiging pilontropo sa kanyang ama. Naging misyonaryo siya at naging environmentalist.
Dahil sa pagpapahalaga sa edukasyon at mga kabataan, sinimulan ni Gina Lopez ang educational TV programs gaya ng 'Math-Tinik' at 'Hiraya Manawari.' Isinalba rin niya ang mga naabuso at inabandonang kabataan sa pamamagitan ng 'Bantay-Bata 163.' Marami ang nakinabang sa mga programa at proyekto niya. Lalo siyang minahal ng mga Filipino.
Dahil din sa pagmamahal sa kalikasan, sinimulan ni Gina Lopez ang mga programang 'Save the La Mesa Water Shed' at 'Kapit-Bisig para sa Ilog Pasig.' Marami ang sumuporta sa kanya. Malaki rin ang naging pagbabago sa kalikasan. Kinilala rin siya sa ibang bansa dahil sa kanyang mga adbokasiya
Tinanggap din ni Gina Lopez ang pagiging DENR Secretary nang italaga siya ni Pangulong Duterte. Agad niyang ipinasara ang mga abusadong mining companies sa bansa. Marami ang natuwa sa radikal niyang pamumuno. Maraming buhay ang naisalba niyap sa sakit at posibleng kamatayan. Libo-libong Filipino ang humanga sa kanyang tapang, dedikasyon, at pagmamahal. May mga iilang umalma rin, lalo ang mga may-ari ng minahan at ang mga nawalan ng trabaho. Hindi man siya nagtagal sa posisyong iyon, nanatiling marubdob ang hangarin niyang makatulong sa sambayanan. Ipinagpatuloy niya ang pagdiskubre sa mga nakatagong likas na yaman ng Filipinas at pagtulong sa mga komunidad, lalo na ang mga katutubo.
G na G si Gina Lopez sa kanyang programang 'G Diaries.' Walang nakapansing may iniinda siyang sakit. Sa kanyang malasakit sa kapwa, walang nag-aakalang may itinatago siyang problema. Sa kanyang ngiti at tawa, walang nakapagsabing siya'y magpapaalam na.
Ang kanyang pamamaalam ay hindi kawalan, kundi isang inspirasyon. Sa kanyang paglisan, isang kanta ang magpapaalala sa kanyang katatagan at paninindigan at pagmamahal sa kapwa at kalikasan.
No comments:
Post a Comment