Papa, matagal akong nanahimik
Matagal kong kinimkim ang sakit
Hindi man lang tayo nakapag-usap
Simula nang umalis ka't 'di mahagilap.
Pa, pagkatapos ng mahabang taon,
Naisip kong ito na ang pagkakataon
Na sumbatan ka't ibato ang mga tanong--
Mga tanong na nakatago nang mahabang panahon.
Pa, nasaan ka nang nagbibinata na ako?
Nais ko sanang ipakilala sa 'yo ang crush ko
Hindi man lang kita natanong kung paano manligaw ng dalaga
Gaya kung paano mo niligawan si Mama.
Pa, nasaan ka nang tatanggapin ko na ang diploma?
Alam mo bang high school life ko ay 'di masaya?
Kung alam mo lang na halos matigil na ako
At 'di ko alam kung ako pa'y makakapagkolehiyo.
Pa, nasaan ka nang halos sumuko na ako
Dahil sobrang bigat na ng pasan ko
At dahil sobrang lupit ng mundo?
Ikaw sana noon ang kakapitan ko.
Pa, nasaan ka nang kolehiyo na ako?
Kailangan ko noon ang presensiya mo
Alam kong ikatutuwa mo ang pagsisikap ko.
Dahil kahit wala ka, determinado ako.
Lumipas ang maraming taon, wala ka pa.
Pa, nasaan ka ba noong butas na ang aking bulsa?
Gusto ko nang huminto sa pag-aaral
Wala nang suporta, andami pang sagabal.
Pa, nasaan ka nang kahit paano ako'y naging masaya?
Nais ko sanang ipakilala ang babaeng nais kong mapangasawa,
Pero wala ka, hindi kita maramdama't makita.
Hanggang ang mahal ko'y lumayo na.
Pa, nasaan ka nang nais kong magbalita
Tungkol sa mga matataas kong marka
Nais ko sanang ipakita at patunayan
Na ang edukasyon ay 'di mahahadlangan ng kahirapan.
Pa, wala ka nang natuto akong magpakasaya
Nasaan ka nang natuto akong tumungga?
Gusto ko sanang pagalitan mo ako't itama,
Pero wala ka, kaya ako na lang ang gumawa.
Pa, sa ikalawang pagkakataon, wala ka na naman
Sa entablado, ika'y kailangang-kailangan
Sabay sana nating tatanggapin ang katibayan
Na ang kolehiyo ay aking napagtagumpayan.
Pa, wala ka rin nang pumasok ako sa pag-aasawa
Idolo ko kayo ni Mama, pero hindi ko kayo ginaya
Kulang kasi ako sa gabay ninyo at aruga
Sa mga panahong iyon, pareho kayong wala.
Pa, kailangan ko noon ang mga payo ng ama
Gusto ko sanang pagalitan mo ako't itama
Hindi kita inidolo, pero parang pareho tayo
Sa pagiging mabuting ama, pareho tayong nabigo.
Pa, nang nawasak ang pamilya ko,
Sobra-sobra ang pagkalugmok ko
Maliban kay Mama, ikaw ang nais kong iyakan
Ikaw noon ang nais kong unang lapitan.
Pa, wala ka pa rin nang pakiramdam ko
Nag-iisa lang ako at galit sa akin ang mundo
Gusto ko sanang itanong sa 'yo, Papa
Kung paano bang maging mabuting ama.
Pa, wala kang halos ambag sa pagkatao ko
Mag-isa kong kinalaban ang mabangis na mundo
Ni hindi mo ako naipagtanggol sa mga kalaban ko
Hindi mo rin nakita kong paanong nagwagi ako.
Pa, nasaan ka nang muli akong tumayo
Wala ka noon para alalayan ako
Mag-isa kong binuo ang sarili at buhay ko
Pero, Pa, ikaw pa rin ang nasa isip ko.
Pero ang pinakamasakit, Pa, na hindi mo nagawa
Ang alalayan si Mama, nang lugmok din siya.
Nasaan ka ba nang kailangang-kailangan ka niya?
Ikaw sana ang naging mga mata niya.
Pa, sobrang sakit na makita si Mama na nahihirapan
Hindi mo man lang siya nasamahan at nadamayan
Ikaw sana ang kasama at katuwang niya
Upang mapawi ang kalungkutan niya.
Pa, nasaan ka man ngayon, ako na ang magsasabi...
Mahal na mahal ka ni Mama palagi
Bukod sa Diyos, iniisip ka niya araw at gabi
Sa buhay niya, ikaw ang bukod-tangi.
Pa, alam kong nandito ka rin sa tabi ko
Alam kong masaya ka sa mga narating ko
Marami sana tayong pagkukuwentuhan
Kung nabubuhay ka, labis kitang pasasalamatan.
Pa, salamat dahil ikaw ang aking ama
Salamat dahil kahit agad kang nawala
Naging matatag ako sa mga problema
Nakabangon ako, kahit ako'y nadapa.
Salamat nga pala, Papa, sa pag-aaruga
Sa labinlimang taon, na nakasama kita
Naramdaman ko ang masayang pamilya
Na kasama ka, mga kapatid ko, at si Mama.
Salamat, Pa, kasi ako ngayon ay isa na ring ama
Tayo man ay magkaibang-magkaiba...
Ako na ang magsasabi sa kanila,
Pareho nating sinikap maging mabuting ama.
Kung kasama mo ngayon ang Diyos, Pa
Ihingi mo po ako ng tawad sa Kanya
at pakisabi po, maraming salamat sa Kanya
Dahil ikaw ngayon ay kapiling Niya.
Happy Father's Day!
No comments:
Post a Comment