Followers
Monday, November 15, 2021
Bubot Panot
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa sala. Agad akong pumanaog "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nawalis ko sa ilalim ng sofa."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa kuwarto.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa aking kuwarto. Agad akong pumanhik. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nawalis ko sa ilalim ng kama mo."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa sala.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa banyo. Agad akong lumapit. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nakita ko sa basurahan sa banyo."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa kusina.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa balkonahe. Agad akong sumagot. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. Nawalis ko rito sa balkonahe."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik ako sa hardin.
Tuwang-tuwa ako sa aking ina kasi hindi niya nahuhulaan kung kanino buhok ang mga nakukuha niya.
Tuwang-tuwa ako tuwing sisigaw siya at tatanungin niya ako tungkol sa mga kumpol ng buhok na nakukuha niya sa mga sulok-sulok.
Pero, hindi ako natutuwa sa sobrang kati ng ulo ko. Tuwing nabubugnot ako, bunot ako nang bunot ng buhok ko. Kamot. Bunot. Kamot. Bunot. Madalas, mas marami ang bunot kaysa kamot. Ang sarap sa pakiramdam kapag nagbubunot ako ng buhok. Nakalilimutan kong kay tagal na pala akong nakakulong sa bahay. Nakalilimutan kong kay tagal na palang walang pasok sa paaralan.
Inip na inip na ako. Gusto ko nang lumabas ng bahay at makipaglaro. Gusto ko nang pumasok sa paaralan at makasalamuha ang mga guro at kamag-aral. Nabasa ko na nga ang lahat ng libro sa bahay. Nalaro ko na lahat ang mga online games sa cell phone ni Mama. Napanood ko na halos lahat ang magagandang vlogs.
Kaya, gusto ko namang magbunot ng buhok. Sa pagbubunot ng buhok, para akong nakalilimot. Parang natatanggal lahat ng pagkabalisa, pangamba, at takot.
Bunot. Bunot. Kamot. Bunot. Bunot. Kamot. Mas marami ang bunot kaysa kamot.
Isang gabi, nakalimutan kong parating na si Papa, kaya muntikan na niya akong mahuling nagbubunot ng buhok.
"M-mano po, Pa... pa," kinakabahan kong bati sa kaniya.
"Ano'ng nangyari sa buhok mo, Bubot?"
Naku! Nakita niya! Agad kong ginulo-gulo ang buhok ko, saka ngumiti ako.
"Tingnan ko," sabi ni Papa.
Wala akong nagawa kundi ipakita sa kanya.
"Naku, Bubot! Panot ka na! Ano'ng nangyari? Ano'ng ginawa mo sa buhok mo?"
Para akong tinakasan ng dugo habang nakatingin sa aking ama at walang maisagot.
"Lorna, ano'ng nangyayari sa buhok ni Bubot?" tanong ni Papa kay Mama.
"Iyan din ang ipinagtataka ko," tugon ni Mama.
Napayuko na lamang ako at napakamot sa ulo ko. Naramdaman ko na lang na tinitingnan na ni Mama ang napapanot kong ulo. Hindi ko alam na ganoon na pala kalala ang epekto ng pagbubunot ko.
"Kaya pala ilang araw na akong nakakakita ng kumpol ng buhok," dagdag ni Mama.
"Ha? Baka may Alopecia na siya?" Nag-aalala na si Papa.
Parehong blangko ang mukha namin ni Mama, habang may pinipindot si Papa sa cell phone niya.
"Ang kati po kasi," sabi ko. Naisip kong umamin na. Alam ko kasi ito ay isang problema. "Kapag nababagot po ako, gustong-gusto ko pong bunutin ang buhok ko. Pakiramdam ko po, makati ang ulo ko. Gumiginhawa po ang pakiramdam ko kapag nagbubunot ako." Sa wakas, nasabi ko rin sa kanila ang problema ko! "Sorry po, Mama."
Napailing-iling na lamang si Mama, saka bumalik sa kusina.
Napatango-tango si Papa at muling naghanap ng sagot sa Google.
Sinamantala ko naman ang sandali upang tingnan ang ulo ko. Kinuhaan ko ng larawan ang ulo ko, gamit ang cell phone ni Mama. At nagulat ako sa nakita ko. Panot na nga ang ituktok ng ulo ko! Nanlumo ako.
"Trichotillomania ang tawag diyan," deklara ni Papa.
"Trikotilomenya." Inulit-ulit ko pang bigkasin. Ang hirap pala! Nangati lalo ang ulo ko, pero pinigilan ko ang kamay ko. "A-ano po 'yon?" tanong ko.
"Ang Trichotillomania ay isang paulit-ulit na gawi na nakatuon sa katawan na inuri bilang isang impulse control disorder na kinabibilangan ng pagbunot ng buhok. Maaaring mangyari ang pagbunot ng buhok sa ano mang bahagi ng katawan, gaya ng anit, kilay, at talukap ng mata," paliwanag ni Papa.
"Naku, paano iyan, Elmer? Ano'ng remedyo natin kay Bubot?" nag-aalalang tanong ni Mama.
"Huwag kang mag-alala... Magiging maayos si Bubot. Siguro nga, nababagot lang siya," tugon ni Papa. Pagkatapos, inakbayan niya ako. Umupo kami sa sofa.
"Papa, hindi ko po alam na napapanot na pala ako. Maagapan pa po ba ito? Sorry po," sabi ko.
"Huwag kang mag-sorry, anak. Magiging okay ka,.. Ganito ang gagawin mo..." Binasa sa akin ni Papa ang nasaliksik niya sa internet.
Natuwa ako sa mga narinig ko, lalo na nang pinayuhan pa ako ni Papa. Parang nawala ang pangangati ng ulo ko!
Sinunod ko nga ang mga payo ni Papa. Ilang araw na rin akong tumutulong kay Mama sa mga gawaing-bahay. Ilang araw na ring hindi ako nababagot at nababalisa. Ilang araw na ring hindi ako nagbunot ng buhok.
"Mama, inayos ko na po ang kama," bati ko pagkagising ko.
"Mama, ako na po ang maghuhugas ng mga pinagkainan," presenta ko pagkatapos naming mag-almusal.
"Mama, tulungan ko na po kayong maghiwa ng mga gulay," alok ko habang naghahanda si Mama ng pananghalian.
"Mama, maglinis po tayo ng sala," aya ko sa kaniya.
"Mama, ako na po ang magsampay," sabi ko habang nagha-hanger si Mama ng mga nilabhan niyang mga damit namin.
"Mama, ano po ang iluluto niyo ngayon?" tanong ko habang nasa kusina si Mama.
"Pritong salmon at ginisang broccoli at carrot, Bubot. Mabisa ang mga ito sa hair growth."
"Wow! Sigurado po akong masarap 'yan."
"Yes! At may panghimagas pang... papaya!"
"Sigurado na po akong... unti-unti nang tutubo ang buhok ko... at hindi na ako tatawaging... Bubot Panot."
"Kaya, ano ang dapat gawin?"
"Kumain ng masustansiyang pagkain... Iwasang mabagot... At itigil ang pagbubunot... upang ang buhok ay maging malusog!"
Napapalakpak si Mama sa tuwa.
Tuesday, November 9, 2021
Si Isagani at si Yani
Sina Isagani at Yani ay magkasama palagi.
Sa pagtulog, sila ang magkatabi. Pagdating ng hating-gabi, binabantayan ni Yani si Isagani.
Sa pagkain, walang pinipili si Yani. Kung ano ang ulam ni Isagani, iyon din ang kay Yani.
Sa pagligo, gustong-gusto ni Yani ang makisabay kay Isagani. Wiling-wili rin si Isagani na sabunin ang mga balahibo nitong puti.
Sa paglalaro, silang dalawa ang partner palagi. Sa habulan, hindi padadaig si Isagani. Sa taguan, hindi patataya si Yani.
Sa mga gawaing-bahay, sumasali si Yani. Nauutusan siya ni Isagani.
“Yani, pakiabot ang tali.”
“Yani, dalhin mo ito, doon sa tabi.”
Sa pagbabasa, nakikinig si Yani kay Isagani. Parang bata itong nakikinig sa kaniyang mga sinasabi. Para itong tao na nakaiintindi.
Sa pamamasyal, hindi nagpapaiwan si Yani. Basta lagi itong may tali. Madalas, pumupunta sila sa parke.
Hinding-hindi na nga mapaghiwalay sina Yani at Isagani. Umaga, tanghali, hapon, at gabi, makasama silang palagi.
Subalit, isang araw, hindi makita ni Isagani si Yani.
“Yani? Yani!” sigaw ni Isagani. Hinanap niya sa kuwarto ang asong si Yani.
“Yani? Yani!” tawag ni Isagani. Bumaba siya sa sala, pero wala roon si Yani.
“Yani? Yani!” sigaw ni Isagani nang siya’y sa kusina ay mapagawi.
“Yani? Yani!” Nasa bakuran na si Isagani, ngunit hindi pa rin lumalapit si Yani.
Dati-rati, isa o dalawang tawag lang, lalapit na si Yani. Kaya, nag-aalala na si Isagani. Hindi na siya mapakali. Hindi niya alam kung nasaan na si Yani.
“Yani… Yani!” sabi ni Isagani, sabay hikbi. “Nakita niyo po ba si Yani?” tanong niya kay Yaya Dindee.
“Naku, hindi. Bakit, tinaguan ka na naman ba ni Yani?” tugon nito, sabay ngiti.
“Hindi ko po alam, e,” sagot niya, sabay ngiwi.
“Hanapin mo uli. Nakatago lang iyon nang matindi.”
Naghanap muli ni Isagani. Mula sa likod-bahay hanggang sa mga kuwarto, hinanap at tinawag niya si Yani. Pagbaba niya, saka niya naisip na baka ito ay nasa kalye. Kaya, dali-dali siyang lumabas at nakarating sa Kalye Mabini.
Napansin niyang mga tao sa kanto ay kay rami. Lumapit siya at hindi nag-atubili.
“Aaaw! Aaaw!” tahol ni Yani. Bumangon ito at pilit na lumalapit kay Isagani.
“Yani? Yani!” tuwang-tuwa si Isagani nang makita si Yani, pero agad ding naglaho ang ngiti sa kaniyang mga labi. “Ano’ng nangyari?” tanong niya habang pinupunasan ang luha sa pisngi.
“Hindi makatayo ang alaga mo,” sagot ng matabang ale.
“Po? Bakit po?” Lumapit siya kay Yani.
“Muntik na kasing masagasaan ang batang ire,” sabi ng matandang lalaki.
“Halika na. Tayo nang umuwi.” Binuhat ni Isagani si Yani.
“Ang galing ng aso mo, Isagani!” sabi ng kalaro niyang si Henry. “Iniligtas niya ako sa humaharurot na dyipni.”
“Talaga ba, Yani?” masayang tanong ni Isagani.
“Oo. Ang aso mo ay isang bayani. Kaya lang, isang paa niya ay bali,” paliwanag ng isang babae.
Nalungkot muli si Isagani. Niyakap niya si Yani.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ng beterinaryo niyang kapitbahay na si Doktora Cindy. “Halika sa klinika, gagamutin ko si Yani,” sabi nito, sabay ngiti.
“Talaga po, Doktora Cindy?” Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Isagani.
“Opo! Ako’ng bahala sa aso mong bayani. Gagaling agad si Yani.”
“Salamat po! Akala ko, hindi ko na siya makakasama palagi.”
Ngumiti si Doktora Cindy. “Siyempre, malakas si Yani. Nasaktan man siya, pero patuloy pa rin siyang magiging bayani.”
“Tama po! Kaya patuloy ko siyang aalagaan at ituturing na kaibigan,” sabi ni Isagani.
Nagpalakpakan ang mga naroong babae at lalaki. Nagpasalamat namang muli ang batang iniligtas ni Yani.
Subscribe to:
Posts (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...