Followers

Thursday, August 11, 2022

Balagtasan: Alisin o Panatilihin ang Araling MTB sa NCR

Lakandiwa: Magandang araw, sa inyo'y pagbati! Sa isang balagtasan, makibahagi Dalawang dalubwika’y magtutunggali Sa paksang napapanaho’t kawili-wili. Ang tanong ng mga nakararami, “Aalisin o pananatilihin sa NCR ang MTB.” Kaya, ang balana ay pumarini. Ating kilalanin ang magkatunggali. Nasa kaliwa, ang unang makikipagtagisan Ang ikalawa naman ay nasa kanan. Bawat isa’y titindig sa inyong harapan. Magpapakilala’t kanilang panig ay ilalaban. Kanilang opinyon, nawa’y inyong pakinggan Nang sariling panig, mapili’t mapanindigan At bandang huli nito, ating mahuhusgahan Kung sino ang tunay na kampeon sa balagtasan. Mambabalagtas 1: Isang mapayapang araw, mga kababayan! (Pangalan ng kalahok 1), ang aking pangalan, Kawangis ninyo, ako’y Filipino, makabayan, Kaya, pakiusap, ako’y h’wag agad husgahan Kung nais kong maalis ang MTB sa panuruan. Inyo muna akong pakinggan at pulsuhan Nang ideya ko’y pumasok sa inyong kaibuturan At mga alinlangan ay tuluyang matuldukan. Mambabalagtas 2: Pagbati ko’y para sa inyong lahat Tunay ngang ang puso ko’y nagagalak `Pagkat sa entabladong ito, ako’y haharap At mga katuwiran ko’y aking maisisiwalat Tungkol sa paksaing nagdudulot ng sugat (Pangalan ng kalahok 2), ang iyong katapat. Pagmamahal ko sa wika ay hindi masusukat Kaya, pagpapanatili ng MTB sa NCR ay nararapat. Mambabalagtas 1: Magiting kong katunggali, makinig ka Ang Wikang Filipino at Tagalog ay iisa Kaya, bakit MTB ay ginawang asignatura? Samantalang Filipino ay sapat na Upang mga mag-aaral ay maging bihasa Oras sa pagtuturo nito ay naaaksaya Disin sana’y nailalaan at nagagamit pa sa iba Pagtibayin ang asignaturang Filipino, aking panukala. Mambabalagtas 2: Linawin ko lang, magiting kong kalaban Wikang Filipino at Tagalog ay may kaibahan Ang wikang Tagalog ang pinagbasehan Ng Wikang Pambansa ng sambayanan Sa paggamit ng mga salita, mapagkakalilanlan. Wikang Filipino’y nanghihiram sa mga dayuhan Ang Tagalog ay sa ating mga rehiyon ng ating bayan. Kaya’t iyong layunin ay hindi ko masasang-ayunan. Mambabalagtas 1: Magaling! Magaling! Tunay kang dalubwika Subali’t hindi natin kailanman maikakaila Mga magulang, mag-aaral, at guro ay umaalma Sa dagdag-pasanin ng pagtuturo ng MTB sa eskuwela “Paulit-ulit. Hindi na kailangan,” ang sabi nila. Usapan sa kanilang tahanan, Tagalog naman talaga Para ano pa’t paglalaanan ng oras na mahalaga Kung ako ang masusunod, mag-aral ng ibang wika. Mambabalagtas 2: Mukhang nalilihis ang iyong ideya, Kapatid. Hindi ito tungkol sa kaalamang paulit-ulit Mithiin ng kagawaran ay napakalalim Hindi katulad ng isipan mong walang talim. Sa MTB, lubos nakikilala ang mga katutubong wika Na siyang kasangkapan sa pagtuklas at paglikha. Kung ang Tagalog ay patuloy ang ating pagtangkilik Bansa nati’y hindi magagapi, sa landas `di malilihis. Mambabalagtas 1: Ang Wikang Tagalog ay hindi ko tinatanggihan Ang akin lamang ay huwag nang ituro sa paaralan Tingnan sana ninyo ang mga resulta’t kinalabasan Naging matagumpay ba ito o pabigat lamang? Repasuhin ang sistema, pagnilay-nilayan Upang makita ang mga kamalian at pagkukulang Sa panahon ngayon, MTB-Tagalog ay kailangan Subali’t ang gawing asignatura ay maling hakbang. Mambabalagtas 2: Mali? Kailan pa naging mali ang kaalaman? Sa paaralan ka natuto’t nagkamit ng karunungan At sa mga asignatura ka naging paham Bakit ngayon MTB ay nais mong alisan ng kalayaan-- Kalayaang turuan ang mga makabagong kabataan? Ang Tagalog ay dapat panatilihin sa silid-aralan Hindi ito hadlang sa pagkatuto at paglinang Bagkus ito’y isang daan patungo sa kamalayan. Lakandiwa: Mahusay! Napakahusay ninyong dalawa! Kahanga-hanga ang bawat inilahad na kaisipan Kaya, ang madla’y may sarili nang kapasyahan Nawa’y nasanggi ninyo ang puso ng kagawaran Upang isyung ito ay kanilang mapagdesisyunan MTB, panatilihin o alisin man, sila ang nakakaalam. Maraming salamat sa inyong kaalaman! Tanggapin ninyo ang masigabong palakpakan.

Wednesday, August 3, 2022

Mga Dapat Mong Malaman tungkol sa Pneumonia

Bago ako magsimula, itanong ko lang… Nagpabakuna ka na ba? Hindi ng anti-CoViD, huh, kundi ng pneumococcal conjugate vaccine (PCV). Naku! Naku, kung hindi pa, hinihikayat kitang tapusin ang artikulong ito. Ano ang Pneumonia? Ang Pneumonia (Pulmonya) ay isang banayad, malubha, at nakamamatay na sakit sa mga baga. Wala itong pinipiling edad, subalit higit na naaapektuhan ang mga matatanda, sanggol, o mga taong may mahinang resistensiya. Paano nagkakaron ng Pneumonia ang isang tao? Dahil sa impeksiyon, namamaga ang mga alveoli sa loob ng baga. Napupuno ng nana o tubig ang mga ito, kaya nahihirapang huminga ang isang tao. Nakararanas din ng pag-ubo, pagkakaroon ng lagnat, at panginginig ng katawan ang taong may impeksiyon sa baga. Nagagamot ba ang Pneumonia? Opo! Nagagamot ito. Sa pamamagitan ng mga antibiotic at ilang makabagong paraan. Maiiwasan din ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Subalit, mahalagang malaman mo muna kung anong uri ng pulmonya ang tumama sa iyo. Ano-ano ba ang uri ng Pulmonya? May mahigit tatlong uri ng Pneumonia. Ang tatlo sa mga ito ay bacterial, viral, at mycoplasma. Ano ang Bacterial Pneumonia? Ang Bacterial Pneumonia ay sanhi ng samot-saring bakterya, gaya ng Streptococcus pneumoniae. Ang Streptococcus pneumoniae ay ang pinaka-common at pinakamalimit tumatama sa mga may mahihinang immune system. Sino-sino naman ang prone sa Bacterial Pneumonia? Madalas tamaan ang mga taong may sakit, kulang sa tamang nutrisyon, o mga matatanda. Sila ang madaling pasukin ang mga baga ng mga bakteryang nagdudulot ng pulmonya. Ang mga taong naninigarilyo, nagtatrabaho sa isang kapaligiran na may maraming polusyon, nakatira o nagtatrabaho sa isang ospital ay posibleng magkaroon ng mas mataas na panganib para sa pneumonia. Ano-ano ang sintomas ng Bacterial Pneumonia? Masasabing may Bacterial Pneumonia ang isang tao kapag siya ay may ubong may makapal na dilaw o berde, o kaya’y mucus na may dugo, nakararanas ng parang sinasaksak na sakit sa dibdib, na lumalala kapag umuubo o humihinga, may mga biglaan at matinding panginginig, may lagnat na 102-105 ° F o mas mataas o mas mababa kaysa sa 102 ° F (sa mga matatandang tao), at may iba pang mga sintomas, gaya ng sakit ng ulo, sakit ng kalamnan, pagkahilo o mabilis na paghinga, malubhang pagkapagod, mamasa-masa at maputlang balat, walang ganang kumain, at pagpapawis. Paano maiiwasan ang Bacterial Pneumonia? Gawin lamang ang mga sumusunod upang makaiwas sa sakit na ito. Magpabakuna ka. Panatilihin mo ang kalinisan sa katawan at kapaligiran. Umiwas sa paninigarilyo at taong naninigarilyo. At panatilihin mong malakas ang iyong ang immune system. Ano naman ang Viral Pneumonia? Ang Viral Pneumonia naman ay sanhi ng iba’t ibang uri ng virus, gaya ng influenza virus. Ang influenza virus ay ang ikatlong sanhi ng lahat ng naitalang kaso ng pulmonya. Sino-sino naman ang prone sa Viral Pneumonia? Kung ikaw ay 65 o mas matanda pa, may hika, diabetes, o sakit sa puso, dumaan sa isang operasyon, ayaw kumain nang tama o ayaw tumanggap ng sapat na mga bitamina at mineral, naklalanghap ng iba’t ibang uri ng usok, labis na umiinom ng alcohol, HIV positive, nagkaroon ng isang organ transplant, o may leukemia, lymphoma, o malubhang sakit sa bato, ikaw ay may mas mataas na tsansa na tamaan ng viral pneumonia. Ano-ano ang sintomas ng Viral Pneumonia? Sa unang araw, mararamdaman na ang trangkaso, na may kasamang tuyong ubo, sakit ng ulo, sakit ng lalamunan, kawalang-ganang kumain, at sakit ng kalamnan. Paglipas ng isang araw o higit pa, maaaring lumala ang lagnat. Maaaring maramdaman ang paghahabol ng hininga. Paano maiiwasan ang Viral Pneumonia? Makaiiwas ang sinoman sa uri ng pulmonyang ito, kung magpapaturok ng bakuna bawat taon, regular na huhugasan ang mga kamay, lalo na pagkatapos mong pumunta sa banyo at bago ka kumain, kakain nang tama, na may maraming prutas at gulay, mag-eehersisyo, magkakaroon ng sapat na tulog, pagtigil sa paninigarilyo o mga taong naninigarilyo, at paglayo sa mga taong may sakit. Ano ang Mycoplasma Pneumonia? Ang Mycoplasma Pneumonia ay isang impeksiyon sa paghinga na madaling kumalat sa pamamagitan ng pagbahing, pagsasalita o pag-ubo. Ito ay idinudulot ng karaniwang bakterya, tulad ng Streptococcus at Haemophilus. Maaari itong maging sanhi ng epidemya. Tinatawag din itong ‘walking pneumonia.’ Mabilis itong kumakalat sa masikip na lugar. Sino-sino ang prone sa Mycoplasma Pneumonia? Mapanganib ang Mycoplasma Pneumonia sa matatanda, sa mga taong may mga sakit na nagpapahina sa immune system, gaya ng HIV, sa mga gumagamit ng steroid, sa mga nagpapa-immunotherapy o chemotherapy, sa mga may sakit sa baga, sa mga may karamdaman sa sakit sa cells, at sa mga batang mas bata sa edad na lima (5). Ano-ano ang sintomas ng Mycoplasma Pneumonia? Ang pagdanas kakapusan sa paghinga, mataas na lagnat, malubhang pagkapagod, at matinding ubo ay mga palatandaan ng Mycoplasma Pneumonia. Paano maiiwasan ang Mycoplasma Pneumonia? Sa pamamagitan ng mga sumusunod na lifestyle change, makakaiwas sa sakit na ito. Matulog nang anim (6) hanggang walong (8) oras araw-araw. Kumain ng balanced diet. Umiwas sa mga taong may mga sintomas ng Mycoplasma Pneumonia. At ugaliing maghugas ng kamay bago kumain o pagkatapos makipag-ugnayan sa mga taong may sakit. Bago ako magwakas, nais kong ibahagi ang produktong makatutulong upang makaiwas o malunasan ang anomang uri ng pulmonya. Ito ang First Vita Plus Natural Health Drink Dalandan. Mayroon itong limang gulay--- malunggay, talbos ng kamote, dahon ng sili, uray/kulitis, at saluyot. Pinalalakas nito ang immune system ng taong umiinom nito. Sa mga gustong umiwas sa pneumonia, regular itong inumin, sa halip na softdrinks, iced tea, commercial juice drinks o alak ang inumin. At sa mga may pulmonya, maaari itong inumin kasabay ng mga gamot na inireseta ng doktor sapagkat ito ay pagkaing inumin o inuming pagkain. Walang overdose sa mga gulay. Ang pulmonya ay nakamamatay, pero mas masarap mabuhay lalo na kong malusog at masaya tayong namumuhay.

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...