Followers

Thursday, August 11, 2022

Balagtasan: Alisin o Panatilihin ang Araling MTB sa NCR

Lakandiwa: Magandang araw, sa inyo'y pagbati! Sa isang balagtasan, makibahagi Dalawang dalubwika’y magtutunggali Sa paksang napapanaho’t kawili-wili. Ang tanong ng mga nakararami, “Aalisin o pananatilihin sa NCR ang MTB.” Kaya, ang balana ay pumarini. Ating kilalanin ang magkatunggali. Nasa kaliwa, ang unang makikipagtagisan Ang ikalawa naman ay nasa kanan. Bawat isa’y titindig sa inyong harapan. Magpapakilala’t kanilang panig ay ilalaban. Kanilang opinyon, nawa’y inyong pakinggan Nang sariling panig, mapili’t mapanindigan At bandang huli nito, ating mahuhusgahan Kung sino ang tunay na kampeon sa balagtasan. Mambabalagtas 1: Isang mapayapang araw, mga kababayan! (Pangalan ng kalahok 1), ang aking pangalan, Kawangis ninyo, ako’y Filipino, makabayan, Kaya, pakiusap, ako’y h’wag agad husgahan Kung nais kong maalis ang MTB sa panuruan. Inyo muna akong pakinggan at pulsuhan Nang ideya ko’y pumasok sa inyong kaibuturan At mga alinlangan ay tuluyang matuldukan. Mambabalagtas 2: Pagbati ko’y para sa inyong lahat Tunay ngang ang puso ko’y nagagalak `Pagkat sa entabladong ito, ako’y haharap At mga katuwiran ko’y aking maisisiwalat Tungkol sa paksaing nagdudulot ng sugat (Pangalan ng kalahok 2), ang iyong katapat. Pagmamahal ko sa wika ay hindi masusukat Kaya, pagpapanatili ng MTB sa NCR ay nararapat. Mambabalagtas 1: Magiting kong katunggali, makinig ka Ang Wikang Filipino at Tagalog ay iisa Kaya, bakit MTB ay ginawang asignatura? Samantalang Filipino ay sapat na Upang mga mag-aaral ay maging bihasa Oras sa pagtuturo nito ay naaaksaya Disin sana’y nailalaan at nagagamit pa sa iba Pagtibayin ang asignaturang Filipino, aking panukala. Mambabalagtas 2: Linawin ko lang, magiting kong kalaban Wikang Filipino at Tagalog ay may kaibahan Ang wikang Tagalog ang pinagbasehan Ng Wikang Pambansa ng sambayanan Sa paggamit ng mga salita, mapagkakalilanlan. Wikang Filipino’y nanghihiram sa mga dayuhan Ang Tagalog ay sa ating mga rehiyon ng ating bayan. Kaya’t iyong layunin ay hindi ko masasang-ayunan. Mambabalagtas 1: Magaling! Magaling! Tunay kang dalubwika Subali’t hindi natin kailanman maikakaila Mga magulang, mag-aaral, at guro ay umaalma Sa dagdag-pasanin ng pagtuturo ng MTB sa eskuwela “Paulit-ulit. Hindi na kailangan,” ang sabi nila. Usapan sa kanilang tahanan, Tagalog naman talaga Para ano pa’t paglalaanan ng oras na mahalaga Kung ako ang masusunod, mag-aral ng ibang wika. Mambabalagtas 2: Mukhang nalilihis ang iyong ideya, Kapatid. Hindi ito tungkol sa kaalamang paulit-ulit Mithiin ng kagawaran ay napakalalim Hindi katulad ng isipan mong walang talim. Sa MTB, lubos nakikilala ang mga katutubong wika Na siyang kasangkapan sa pagtuklas at paglikha. Kung ang Tagalog ay patuloy ang ating pagtangkilik Bansa nati’y hindi magagapi, sa landas `di malilihis. Mambabalagtas 1: Ang Wikang Tagalog ay hindi ko tinatanggihan Ang akin lamang ay huwag nang ituro sa paaralan Tingnan sana ninyo ang mga resulta’t kinalabasan Naging matagumpay ba ito o pabigat lamang? Repasuhin ang sistema, pagnilay-nilayan Upang makita ang mga kamalian at pagkukulang Sa panahon ngayon, MTB-Tagalog ay kailangan Subali’t ang gawing asignatura ay maling hakbang. Mambabalagtas 2: Mali? Kailan pa naging mali ang kaalaman? Sa paaralan ka natuto’t nagkamit ng karunungan At sa mga asignatura ka naging paham Bakit ngayon MTB ay nais mong alisan ng kalayaan-- Kalayaang turuan ang mga makabagong kabataan? Ang Tagalog ay dapat panatilihin sa silid-aralan Hindi ito hadlang sa pagkatuto at paglinang Bagkus ito’y isang daan patungo sa kamalayan. Lakandiwa: Mahusay! Napakahusay ninyong dalawa! Kahanga-hanga ang bawat inilahad na kaisipan Kaya, ang madla’y may sarili nang kapasyahan Nawa’y nasanggi ninyo ang puso ng kagawaran Upang isyung ito ay kanilang mapagdesisyunan MTB, panatilihin o alisin man, sila ang nakakaalam. Maraming salamat sa inyong kaalaman! Tanggapin ninyo ang masigabong palakpakan.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...