Followers

Saturday, January 28, 2023

TULAANG PRUTAS

ATIS


Tunay itong napakatamis

Sa nutrisyong dulot, walang mintis

Mainam ito sa may arthritis

At may anti-cancer properties.

 

 

Napakabuti nito sa mga buntis

Upang ang sanggol ay kumapit

Sa mga may skin disease

Mahusay magpagaling ang atis.

 

 

 

 

 

AVOCADO

Gusto ito ng halos lahat ng tao

Dahil sa taglay nitong benepisyo

Kolesterol ay pinapababa nito

Mainam din sa mata at puso.

 

Sa mga bigatin, puwede ito

Pagkulubot ng mukha, napipigil nito

Rayuma at kanser, 'di sinasanto

At potassium nito'y 14 porsyento.

 

 

BAYABAS

Bunga nito'y panghimagas

Dahon nama'y panglanggas

Sa mga benepisyo ay kay lakas

Gamot sa sugat na naaagnas.

 

Tamis-asim at medyo makatas

dahil sa fiber, dumi tiyak na lalabas

Kaya sa pagda-diet ito ay pantas

Sa Vitamin C ay napakataas.

 

 


BALIMBING

 

 

Carambola kung ito ay tawagin

Dahil `di tanyag, atin itong kilalanin

Mga nutrisyon nito’y maihahambing

Sa mansanas, mangga, at saging.

 

Mayroong Bitamina C at fiber din

Kaya ubo’t sipon, agad gagaling

Ang blood pressure ay babalansehin

Sa balat at buhok, ito’y magaling.

 

 

 

 

BUKO

 

Eliksir ng buhay ang tawag dito

`pagkat sabaw at laman, panalo

Sa salad at sorbetes, lalong-lalo

Sa kalusugan, walang duda ito.

 

Sa kidney, nakalulusaw ito ng bato

Nagpapababa ng presyon ng dugo

Mabuting pamalit sa nawalang likido

At mainam para sa nagdadalantao.

 

 

CHICO

 

Matamis man ang prutas na ito

Pero may mga taong ayaw nito

Basta ako, ito ay aking paborito

Dahil sa sustansiya'y punong-puno.

 

Mayaman sa asukal ang katas nito

May Protina at Bitamina C rin ito

May mga mineral na makukuha rito

Gaya ng Calcium, na mabuti sa buto.

 

 

DALANDAN

 

Ito'y uri ng citrus, na may laban
Dahil mainam ito sa kalusugan
Bitamina C, ang nilalaman
Na mabuti sa ating katawan.

Kung natural na kagandahan
Ang hinahangad at pag-uusapan
Dalandan ay maaaring asahan
Kalusugan at kutis ay kikinang.

 

 

DUHAT

 

Kakaiba man sa lahat,
Pero hindi naman kulelat
Sa nutrisyon, sumasapat
Sa benepisyo, umaangat.

Sa anemia, ito ang katapat
Sa diarrhea, ito ang dapat
Buto ay titibay at lalakas
At sa kanser, makaiiwas.

 

 

DURIAN

 

Amoy nito'y may kakaibang katangian

Lasa nama'y dadalhin ka sa kalangitan

Maraming hatid sa ating kalusugan

Totoong kapaki-pakinabang sa katawan.

 

Bitamina C at B complex ang nilalaman

May dietary fiber, na ating kailangan

Sa antioxidants, ito'y mapagkukunan

Upang ating dugo, maayos ang daluyan.

 

 

GRANADA

 

Pomegranate ang tawag nila

Sa prutas na ito, na pambihira

Pasok sa panlasa ng madla

Pasok sa kalusugan ng bawat isa.

 

Naglalaman ito ng mga bitamina

Na mainam sa puso, tiyan, at iba pa

Balat ay binabanat, pinagaganda

At impeksiyon sa ihi, kayang-kaya!

 

 

GUYABANO

 

Ang matamis-maasim na lasa nito

Kay sarap, kay raming benepisyo

Ang mga dahon at prutas nito

Parehong mabubuti para sa tao.

 

Ang prutas nito ay numero uno

Upang kanser, maiwasang mabuo.

Ang mga dahon nito'y aprubado

Sa pagpapababa ng dugo.

 

 

IGOS

 

Marami ang `di nakakikilala sa igos

Kaya, panahon na upang ito'y matalos

Mas kilala ito sa tawag na fig, Boss.

Ginamit ito sa pangangaral ni Hesus.

 

Sa mga nutrisyon, hindi ito kapos

Patay na balat ay kaya nitong isaayos

Puso at buto ay lulusog nang lubos

Presyon ng dugo, magiging oks na oks.

 

 

 

 

KAIMITO

 

Halos lahat naman, ito’y paborito

Bukod sa matamis, malaman ito

Mura at abot-kaya pa ang presyo

Pero sa sustansiya, mahal ka nito.

 

Pampatibay ito ng ngipin at buto

Pampababa ng presyon ng dugo

Pampalinaw pa ng matang malabo

Nakatutulong pa sa nagdadalantao.

 

 

 

KALAMANSI

 

Sa asim nito'y ika'y mapapangiwi

Sa sustansiya naman, ika'y mapapangiti.

Sa sawsawan, hindi ito magpapahuli

Sa mga lutuin, maipagmamalaki.

 

Taglay nito'y mataas na Bitamina C,

Kaya ubo at sipon ay maiwawaksi

Ito ay madalas na iminumungkahi

Sa nanghihina't kalusuga'y `di mabuti.

 

 

 

KASOY

 

Sa Ingles, tinatawag itong cashew

Ang prutas na nasa labas ang buto

Sabi sa bugtong, prinsesang nakaupo

Sa ibang lugar, buto nito ay negosyo.

 

Napakarami nitong benepisyo

Ang langis, dahon, at balat nito

Ay hindi basta-basta, hindi ordinaryo

Bunga nama’y puwedeng ipambato.

 

 

 

KIWI

 

Sa kiwi, hindi ka mapapangiwi

Sa kalusugan, mataas ang silbi

Ang hika ay kaya nitong iwaksi

Pambihira ang taglay na Bitamina C.

 

Kung nagdadalantao si Mommy,

Inirerekomenda ang pagkain ng kiwi

Pagkat, utak at gulugod ni Baby,

Pinatatatag nito hanggang sa paglaki.

 

 

 

LANGKA

 

Malinamnam at matamis na lasa,

Amoy na mabango at kaaya-aya

Ilan lamang sa katangian ng langka

Na handog ay mga mineral at bitamina.

 

Sa kalusugan, ito'y magaling talaga

Mga panganib ng sakit, pinapababa

Hindi rin pahuhuli sa mga meryenda

Sa haluhalo, sa turon, ito'y kasama.

 

LANSONES

Ito’y panghimagas na kay tamis

Sa mga sakit ay wala ring mintis

Gaya ng diarrhea, na nakakainis.

May Vitamin A, kaya pampakinis.

 

Matinding sakit ng ulo ay maaalis,

Bad cholesterol ay malilinis,

At sa kabag, hindi na magtitiis,

Kapag kumain ka ng lansones.

 

 

LEMON

 

Sa inyong kusina, ito ba’y meron?

Mapapalad kayo kung gayon.

Kung wala, kayo’y hinahamon

Na mag-imbak nito at magkaroon.

 

Ang tubig na may hiniwang lemon

Ay pang-detox at maaaring ibaon.

Numero uno ito sa ubo at sipon

Talagang kumakatas ito sa nutrisyon!

 

 

LITSIYAS

Ito'y maliit na prutas, pero makatas

Sa mga sustansiya ay kagila-gilalas

Sa katawan, ito ay nagpapalakas

Ang mga toxins sa katawan, inilalabas.

 

May potensiyal ito, ayon sa mga pantas

Sa kanser, maaari daw maging lunas

Sa pagkamakalimutin, dito'y makaiiwas

Sa pagpapabuti ng panunaw, walang kupas.

 

 

 

 

LONGAN

 

‘Kapatid ng litsiyas’ ang longan

Kahawig ay lansones lang naman

Ang totoo, China ang pinagmulan

‘Dragon mata’ ang ibang pangalan.

 

Hindi peke ang mga pakinabang

Tunay na nakatutulong sa kalusugan

Magpagaling ng sugat ang kakayahan

At anemia ng sinoman ay pinipigilan.

 

 

 

MAKOPA

 

Itong bunga ay hugis-kampana

“Mansanas ng mahihirap,” sabi nila

Pero, sa benepisyo’y mayaman pala

Nagtataglay ng Bitamina A, C, at protina.

 

Kung bigatin, timbang ay mapabababa

Kung diabetiko, ito’y mainam kainin talaga

Kung tinitibi, kakayahan nito’y subok na

Kaya rin nito kung sa atay ang problema.

 

 

 

MANGGA

 

Sa nutrisyon ay napakasagana
Swak na swak sa ating panlasa
Kalusugan ang hatid sa balana
Kaya ito ang prutas na pambansa.

Balat at kutis nati'y napagaganda
Napalilinaw ang ating mga mata
Napabubuti nito ang memorya
Kolesterol, tinitiyak nitong mababa.

 

 

MANGOSTEEN

 

Lasa nito ay matamis-maasim

Kaya buto nito'y kay sarap sipsipin

Sa nutrisyon naman, 'di ka mabibitin

Hindi ka magiging sakitin.

 

Ang kanser at diabetes, kakalabanin

Sakit sa puso at pagkamakalimutin

Gayundin ang rayuma ay haharangin

Resistensiya ay tiyak na palalakasin.

 

 

MANSANAS

 

Isang araw, isang mansanas

Upang sa doktor ay makaiwas.

Malutong, kaya `di ka mababanas

Sa bawat kagat, "Sarap!" mabibigkas.

 

Sa timbang, ito'y nakababawas,

Sa pagtanda, hindi agad kukupas,

At sa hika, ito'y maaaring ilunas,

Kaya, paghinga ay bubuti't lalakas.

 

 

MASAFLORA

 

Sa ‘passion fruit’ ito mas kilala

Sa pamilihan, bihira itong makita

Baging o damo kasi ang turing ng iba

Ang totoo, marami itong bitamina.

 

Bitamina A para sa balat at mata

Bitamin C para sa mabuting sistema

Kaya maaaring ipanlunas sa hika

Gayundin sa anemya at pamamaga.

 

 

MELON

 

Tubig nito, 90% ang komposisyon
May Folic Acid at Magnesium
May Bitamina A, C, at Potassium
Kaya siksik-liglig sa nutrisyon.

Sa hika, ikaw ay may proteksiyon
Dugo mo, gagawing normal ang presyon
Sa pagtitibi, ikaw ay makaaahon
Rayuma, lilipasan lang ng panahon.

 

 

ORANGE

 

Kahel ang tawag nito sa atin

Maaaring gawing juice o papakin

Parehong mainam sa katawan natin

Sa ubo at sipon, namber wan din.

 

Kapag anemic, regular itong kainin.

Kapag nagda-diet, regular itong inumin

Ang kidney stones, kaya nitong pigilin

At pinananatili nitong maganda ang skin.

 

 

PAKWAN

 

Prutas na ito’y kay sarap lantakan

Lalo na kapag panahon ng kainitan

Hindi rin ito pahuhuli sa kalusugan

Mga sakit, tiyak na mababawasan.

 

Stroke at atake sa puso’y maiiwasan

Sakit sa sikmura’t pagdumi’y maiibsan

Singaw at mabahong hininga, malulunasan

At paglabo ng mga mata, malalabanan.

 

 

 

PAPAYA

 

Prutas na nakapagpapasaya

Taglay at dala-dala'y sustansiya

Ang hilaw nito'y patok sa tinola

Idagdag pa sa listahan ang atsara.

 

Sa Bitamina A, C, at E, ito'y sagana.

Sa pagtitibi, wala ritong problema.

Nagpapalinaw ito ng mga mata.

Kutis nati'y talagang gumaganda.

 

 

PERAS

 

Dahil sa tamis nito't katas

At sa mga pambihirang lunas

Paghanga rito'y `di magwawakas

Sa kalusugan, wala itong kaparehas.

 

Sa nutrisyon, mas mataas sa mansanas

Bata man o matanda, paborito ng lahat

Nagpapaganda ito sa mga panlabas

Gaya ng mga labi, buhok, at balat.

 

 

PERSIMMON

 

Parang pulot ang lasa ng persimmon

Marami ang ibinibigay na nutrisyon

Mabuti ito sa mga may altapresyon,

Gayundin sa nerve dysfunction.

 

Sa kalusugan ng mata, tumutulong.

Sa pamamaga, hindi ito umuurong

Sa pagkurba ng buto, ito’y kampeon

Sa kalusugan ng puso, ito ang solusyon.

 

 

PINYA

 

Ito ang prutas na kay raming mata

At kay rami ring taglay na sustansiya

Kasama rin natin sa ating kusina

Sa paghahanda ng pagkain ng pamilya.

 

Kaya nitong lunasan ang hika

Mahusay rin itong magpakalma

Kung sa dugo at atay, may problema

At tinitibi pa, solusyon diyan ay pinya!

 

 

PITAYA

Sa dragon fruit, ito'y mas kilala
Hindi lamang dahil sa hitsura
Kundi ito'y maraming sustansiya
Na napakayaman talaga.

Sagana sa Bitamina C at Protina
Mga free radicals, pinupuksa
Masamang kolesterol, binababa
Pinababagal pa nito ang pagtanda.

 

 

 

 

PONKAN

 

Andami nitong pakinabang

Kaya, tiyak lulusog ang katawan

Nagpapababa ng timbang

Nagpapaunlad ng utak at isipan.

 

Sa panunaw, ikaw ay tinutulungan

Buto at balat mo, pinoprotektahan

Sa kanser, ikaw ay hinaharangan

At sakit sa puso, iyong maiiwasan.

 

 

 

PRESA

 

Sa strawberry, ito'y mas kilala

Mayaman sa mineral at bitamina

Iniiwas tayo nito sa anemya

Pinoprotektahan ang buntis na ina.

 

Sa anit at buhok, ito'y mabisa

Balakubak, tiyak mawawala

Atake sa puso, maliit ang tsansa

Sinusunog pa ang naipong taba.

 

 

 

 

RAMBUTAN

 

Sa Bitamina C, ito’y mayaman

Sa Iron at fiber, gayundin naman

Calories man nito’y may kababaan

Pero sa tubig, may kataasan.

 

Kapag ito’y iyong nilantakan

Makararamdam ka ng kabusugan

Pagkain ay hindi agad aabangan

Kaya sa nagda-diet, ito’y mainam.

 

 

 

SAGING

 

Kahit ang unggoy sa baging,

Paborito ito't palaging hiling

'Pagkat tunay na napakagaling

Nakabubusog, nakagagaling.

 

Sa sustansiya'y `di ka mapapailing

Sa mga lutuin, madalas na kapiling

Hilaw, luto, hinog man, bet natin.

Kaya, heart na heart natin ang saging.

 

SAMPALOK

 

Prutas na ito’y patok na patok

Sabaw ng sinigang sa mangkok,

Siguradong ika’y mapapasalok

Sa kaldero ay mapapasandok.

 

Sa kalusugan, nutrisyon ang alok

Ito’y halamang gamot na subok

Sa rayuma, pigsa, at sore throat

Ay kayang-kaya ng sampalok.

 

 

 

SANTOL

Maasim at matamis ang santol

Kilala ito bilang cotton fruit, `Tol

Mga benepisyo nito'y `di imbisibol

Mga sakit ay puwedeng makontrol.

 

Para sa iba, laman ay wonderful

`Pag ginataan, tiyak tiyan ay full

Ang iba naman, buto lang ang habol

Ingat sa paglunok, baka leeg ay bumukol.

 

 

SUHA

 

Sa pangalang pomelo, ito'y kilala

Tanyag din ito sa mga bitamina

May Calcium at Iron pang makukuha

Sigurado, sa kalusugan ay sagana.

 

Ang kolesterol ay kaya nitong ibaba

Sa sugat at sipon, ito'y kontrabida

Para sa ayaw tumaba, ito ang diyeta

Sa diabetiko, tatlo o apat lang na hiwa.

 

 

UBAS

Maliit, pero terible itong ubas

Sa sarap, `di mo mapalalampas

Sa sustansiya, walang maipipintas

At sa tamis, hindi ka mababanas.

 

Kahit pa gawin itong pasas

Taglay nito'y hindi magbabawas

Nagiging alak pa ang katas

Sa puso'y mainam at pampalakas.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...