Dahil Linggo, magsisimba si Joshua kasama ang kaniyang pamilya. Sa simbahan, umusal siya ng dasal.
"Salamat po, Panginoon, kasi ako ang itinanghal na
pinakamahusay na basketbolista ng aming barangay!" sabi niya.
Pagkatapos, pumila siya para magkomunyon.
Napansin ang pari ang suot niyang medalya.
"Pinakamahusay na basketbolista po ako," sabi ni Joshua.
"Napakagaling mo naman!" tugon ng pari.
Kinalunesan, masayang pumasok sa paaralan si Joshua.
Sa pila, napansin ng kaniyang guro ang suot niyang medalya.
"Pinakamahusay na basketbolista po ako," sabi ni Joshua.
"Napakahusay mo naman!" tugon ng guro.
Noong Martes, nakangiting pumasok si Joshua gate ng
paaralan.
Napansin agad ng security guard ang suot niyang
medalya.
"Pinakamahusay na basketbolista po ako," sabi ni Joshua.
"Ang galing-galing mo naman!" tugon ng security
guard.
Dumating ang Miyerkoles. Nasa klinika ng paaralan si Joshua
upang uminom ng gamot pampurga.
Napansin agad ng school nurse ang suot niyang medalya.
"Pinakamahusay na basketbolista po ako," sabi ni Joshua.
"Ang husay-husay mo naman!" tugon ng school
nurse.
Pagsapit ng Huwebes, napansin ng janitor ang suot
niyang medalya.
"Pinakamahusay na basketbolista po ako," sabi ni Joshua.
"Hari ka ng galing!" tugon ng dyanitor.
Nang Biyernes na, barangay tanod naman ang nakapansin sa suot
niyang medalya.
"Pinakamahusay na basketbolista po ako," sabi ni Joshua.
"Ubod ka ng husay!" tugon ng barangay tanod.
At noong Sabado, nadaanan ni Joshua sa basketball court
ang mga kalaro.
"Laro tayo," aya ng mga ito.
"Huwag na, baka matalo lang kayo," sagot ni Joshua.
"Ikaw nga ang pinakamagaling sa basketbol dito sa
barangay natin, pero saksakan ka naman ng yabang," sabi ni Mitoy.
"Hindi ako mayabang. Mahihina lang talaga kayo. Ayaw
kong kalaro ang mga katulad ninyo."
"Ang yabang mo!" sabi ni Kenji.
"Hambog!" sabi ni Kaloy.
"Malaki na ang ulo mo!" Sandro.
Tinalikuran at tinawanan lang ni Joshua ang mga kalaro.
Hinipo pa niya ang kaniyang medalya.
"Saksakan ka ng yabang! Lagi mong suot ang medalya
mo," pahabol na sigaw ni Mitoy.
Hindi iyon pinansin ni Joshua.Masayang-masaya siya bilang
Most Valuable Player. Proud na proud siya sa kaniyang medalya,
kaya palagi niya itong suot. Kahit sa pagtulog, suot-suot niya ito.
Araw-araw pa ring sinusuot ni Joshua ang kaniyang medalya.
Saanman siya magpunta, napapansin ito ng mga tao. Hindi rin siya nagsasawang
magsabi na siya ang pinakamahusay na basketbolista sa kanilang barangay.
Isang umaga, may napansing kakaiba si Joshua sa kaniyang
medalya.
"Mama, ano po ang nangyari sa medalya ko?" tanong
niya sa ina.
"Hindi ko alam, anak. Baka nangupas na dahil araw-araw
mong suot. Huwag mo nang isuot iyan."
"E, paano po nila malalamang ako ang pinakamahusay na
basketbolista kung hindi ko ito isusuot?"
"Anak, ang medalya ay simbolo lamang. Hindi sa kinang
nito makikita ang tunay mong galing."
Napaisip si Joshua sa sagot ng ina. Nalilito pa rin siya,
kaya hinanap ang ama.
"Papa, tingnan mo po ang nangyari sa medalya ko,"
sabi niya sa ama.
"Normal lang iyan, anak, dahil palagi mong sinusuot.
Siguro, kailangan mo na ulit maglaro ng basketbol."
Malungkot na tumalikod si Joshua. Pero, lalo siyang nalungkot
nang mahawakan niya ang kaniyang bola. Wala na itong hangin. Hindi na niya ito
mapatalbog.
"Sali ako sa inyo," bungad ni Joshua sa mga
kaibigan.
Tumigil sa paglalaro sina Mitoy, Kenji, Kaloy, at Sandro.
"Tara na! Nandito na ang hari ng court, este ang
hari ng yabang," aya ni Mitoy.
"Oo nga, umalis na tayo kasi mahihina tayo," sabi
naman ni Kenji.
"At baka matalo lang tayo," dagdag ni Kaloy.
"Wala kasi tayong medalya," pahabol pa ni Sandro.
"Sandali lang, mga kaibigan! Patawad sa mga nasabi ko sa
inyo."
Natigilan ang apat na kaibigan ni Joshua.
"Tama kayo. Saksakan ako ng yabang. Hambog. Malaki na
ang ulo. Sana makalaro ko pa rin kayo. Sana buo pa rin tayo bilang isang team.
Nagsisisi na ako sa mga ginawa at sinabi ko. Patawarin niyo na ako."
"O, sige, patatawarin ka namin sa isang kondisyon,"
sabi ni Mitoy.
"Ano naman `yon?" tanong niya.
"Huwag mo nang isusuot ang medalya mo!" sabay-sabay
na tugon nina Mitoy, Kenji, Kaloy, at Sandro.
"Hindi na nga. Tingnan ninyo... Hindi ko na suot. Ano?
Laro na tayo?"
Naglaro nga ang magkakaibigan. Naging simula iyon ng matatag
nilang pagkakaibigan. Naging madalas na rin ang kanilang pag-eensayo. Pinaghahandaan
nila ang liga ng mga barangay.
Nang dumating ang liga, pinaghusayan ng magkakaibigang Mitoy,
Kenji, Kaloy, Sandro, at Joshua. Ang koponan nila ang itinanghal na kampeon.
Nakatanggap din muli ng medalya si Joshua bilang pinakamahusay na
basketbolista.
No comments:
Post a Comment