Si Andres Bonifacio ay isinilang noong Nobyembre 30, 1863 sa
Tondo, Manila. Siya ang panganay na anak nina Santiago Bonifacio at Catalina de
Castro. Siya ang kuya nina Ciriaco, Procopio, Troadio, Esperidiona, at Maxima.
Ang pangalan niyang Andres ay isinunod sa kapistahan ng
santong si San Andres sapagkat ito rin ang araw ng kaniyang kapanganakan. Ito
ay isang matandang kaugalian ng mga Pilipino.
Payak lamang ang kanilang pamumuhay noon. Sa katunayan,
isang mahusay na mananahi ang kaniyang ama. Naglingkod din itong teniente mayor
ng Tondo, Maynila.
Ang kaniyang ina naman ay isang mestisang Pilipina dahil ipinanganak ito mula sa isang Kastilang ama at isang inang Pilipino-Tsino. Masipag itong trabahador sa pabrika ng tabako.
Maagang naulila si Andres sa mga magulang. Siya ay
labing-apat na gulang noon. Tumayo siyang ama at ina sa kaniyang limang
nakababatang kapatid, kaya huminto siya sa kaniyang pag-aaral.
Siya ay sadyang matiyaga at maabilidad. Nagbenta siya ng tungkod
na kawayan o ratan at pamaypay na gawa sa papel de hapon. Pumasok siya sa
Fleming & Company bilang mensahero. Nagtrabaho rin siya bĂlang bodegero sa
Fressel & Company.
Bukod sa Tagalog, bihasa rin siya sa pagsasalita ng Kastila
at Ingles. Mahilig siyang magbasa ng mga libro. Ilan sa mga paborito niyang
paksa ay tungkol sa pamamahala sa lipunan, pakikipagdigma, karapatang-pantao,
at kasarinlan ng bansa.
Dahil dito, nagkaroon siya ng diwa at kaalaman sa paghihimagsik
laban sa mga malulupit na mananakop—ang mga Kastila. Nais niyang magkaroon ng
kalayaan ang bansa sa pamamagitan ng pagtatag ng isang samahan, na magiging
daan tungo sa kasarinlan.
Pagkatapos ng pagdakip at pagpapatapon kay Dr. Jose Rizal sa
Dapitan, noong July 7, 1892, itinatag ni Andres ang KKK o "Kataastaasan, Kagalang-galangang
Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ito ay isang lihim na Katipunan ng mga
mapanghimagsik na mga Pilipino.
Nakilala at lumawak ang Katipunan. Naging sentro ito ng
hukbong Pilipinong mapanupil sa labis na pang-aabuso ng mga Kastila. Sa
katunayan, kasapi rin niya sa kilusan ang matatapang na Pilipinong sina
Valentin Diaz, Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, at marami pang
iba.
Sila ay may iisang mithiin sa bayan, kaya maituturing na
isang tagumpay ang Katipunan. Dahil dito, tinaguriang "Ama ng
Rebolusyon" si Andres sa Pilipinas. Siya ay tinawag na ‘Supremo.’
Hindi nagtagal, itinatag din nila ang Pamahalaang
Mapaghimagsik, kung saan siya ay tinawag siyang "Pangulo ng Haring Bayang
Katagalugan." Doon niya nakilala si Gregoria de Jesus, na tinawag niyang
Lakambini.
Noong Agosto 23, 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin, na
kilala na ngayon bilang Balintawak sa Quezon City ay tinipon niya ang magigiting
na katipunero. Doon nila pinunit ang kani-kanilang sedula. Ang pangyayaring
iyon ay tinawag na ‘Sigaw sa Pugad Lawin.’ Ang pagpunit na iyon ng kanilang
sedula ay tanda ng pagsuway sa batas at kautusan ng Espanya.
Sa kalagitnaan ng rebolusyon, nagkaroon ng halalan sa
Tejeros, Cavite. Lumahok ang mga katipunerong taga-Cavite lamang bilang
pagsunod sa kahilingan ng mga katipunerong Magdalo. Napili bilang pangulo ng
Katipunan si Emilio Aguinaldo, na noon ay lider ng Katipunang Magdalo. Nahalal
naman si Andres o ang Supremo sa mababang posisyon-- Tagapangasiwa ng Panloob.
Mayayaman ang mga katipunerong Magdalo, gayundin ang mga taga-sunod nito. Hindi nila tanggap ang paghawak ni Andres ng isang mataas na katungkulan dahil mahirap lamang siya. Inusisa pa nga ng mga ito ang kakayahan niyang hawakan ang posisyong Tagapangsiwa ng Panloob. Ayon sa mga Magdalo, abogado ang nararapat humawak niyon. Ang pangmamaliit na iyon ang nag-udyok sa kaniya upang mainsulto siya. Bilang Supremo ng Katipunan, idineklara niyang walang bisa ang pagka-pangulo ni Aguinaldo sapagkat may naganap na dayaan sa botohan ng mga Magdalo.
Dahil sa pangyayari, sinampahan ng mga Magdalo ng kasong sedisyon at pagtataksil sa Republika ng Pilipinas si Bonifacio. Ipinaaresto siya ni Aguinaldo at inakusahan na siyang nagsunog sa simbahan ng Indang sa Cavite.
Sa isang korte militar, nilitis ang kaso ni Bonifacio,
subalit hinatulan siya ng kamatayan, kasama ng kaniyang kapatid na si Procopio.
Ipinag-utos ni Aguinaldo ang paghuli at pagpatay sa magkapatid habang hindi pa
sila nakaaalis ng Cavite.
Sa Limbon, Indang, Cavite, inatake ng mga sundalo ni Aguinaldo si Bonifacio at ang mga kasamahan niya. Ikinasugat niya iyon at ikinamatay ng kapatid niyang si Ciriaco. Ginahasa naman ang kaniyang asawang si Oryang. At pinahirapan si Procopio. Habang sugatan sina Andres at Procopio, ikinulong sila at ginutom upang ipatapon.
Noong Mayo 10, 1897 ay dinala ang magkapatid malapit sa
Bundok Nagpatong o Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Doon naganap ang
pagpaslang sa magkapatid.
Maraming kontrobersiya ang lumabas ukol sa kamatayan niya.
Tinitingnan ito ng iba bilang hatol sa kaniyang pagtataksil sa bayan kaya ito
ay isang legal na pagpaslang. Marami naman ang naniniwala na ang kaniyang
pagkamatay ay kautusan at kagustuhan ni Aguinaldo, batay na rin sa udyok ng mga
tagapayo nito.
Anoman ang katotohanan sa likod nito, si Andres Bonifacio ay
isang bayaning Pilipino, na nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng Inang Bayan.