Followers

Sunday, November 26, 2023

Ang Talambuhay ni Andres Bonifacio

 

Si Andres Bonifacio ay isinilang noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Manila. Siya ang panganay na anak nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Siya ang kuya nina Ciriaco, Procopio, Troadio, Esperidiona, at Maxima.

 

 

Ang pangalan niyang Andres ay isinunod sa kapistahan ng santong si San Andres sapagkat ito rin ang araw ng kaniyang kapanganakan. Ito ay isang matandang kaugalian ng mga Pilipino.

 

 

Payak lamang ang kanilang pamumuhay noon. Sa katunayan, isang mahusay na mananahi ang kaniyang ama. Naglingkod din itong teniente mayor ng Tondo, Maynila.

 

 

Ang kaniyang ina naman ay isang mestisang Pilipina dahil ipinanganak ito mula sa isang Kastilang ama at isang inang Pilipino-Tsino. Masipag itong trabahador sa pabrika ng tabako.


Maagang naulila si Andres sa mga magulang. Siya ay labing-apat na gulang noon. Tumayo siyang ama at ina sa kaniyang limang nakababatang kapatid, kaya huminto siya sa kaniyang pag-aaral.

 

Siya ay sadyang matiyaga at maabilidad. Nagbenta siya ng tungkod na kawayan o ratan at pamaypay na gawa sa papel de hapon. Pumasok siya sa Fleming & Company bilang mensahero. Nagtrabaho rin siya bílang bodegero sa Fressel & Company.

 

Bukod sa Tagalog, bihasa rin siya sa pagsasalita ng Kastila at Ingles. Mahilig siyang magbasa ng mga libro. Ilan sa mga paborito niyang paksa ay tungkol sa pamamahala sa lipunan, pakikipagdigma, karapatang-pantao, at kasarinlan ng bansa.

 

Dahil dito, nagkaroon siya ng diwa at kaalaman sa paghihimagsik laban sa mga malulupit na mananakop—ang mga Kastila. Nais niyang magkaroon ng kalayaan ang bansa sa pamamagitan ng pagtatag ng isang samahan, na magiging daan tungo sa kasarinlan.

 

Pagkatapos ng pagdakip at pagpapatapon kay Dr. Jose Rizal sa Dapitan, noong July 7, 1892, itinatag ni Andres ang KKK o "Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ito ay isang lihim na Katipunan ng mga mapanghimagsik na mga Pilipino.

 

Nakilala at lumawak ang Katipunan. Naging sentro ito ng hukbong Pilipinong mapanupil sa labis na pang-aabuso ng mga Kastila. Sa katunayan, kasapi rin niya sa kilusan ang matatapang na Pilipinong sina Valentin Diaz, Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, at marami pang iba.

 

Sila ay may iisang mithiin sa bayan, kaya maituturing na isang tagumpay ang Katipunan. Dahil dito, tinaguriang "Ama ng Rebolusyon" si Andres sa Pilipinas. Siya ay tinawag na ‘Supremo.’

 

Hindi nagtagal, itinatag din nila ang Pamahalaang Mapaghimagsik, kung saan siya ay tinawag siyang "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan." Doon niya nakilala si Gregoria de Jesus, na tinawag niyang Lakambini.

 

Noong Agosto 23, 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin, na kilala na ngayon bilang Balintawak sa Quezon City ay tinipon niya ang magigiting na katipunero. Doon nila pinunit ang kani-kanilang sedula. Ang pangyayaring iyon ay tinawag na ‘Sigaw sa Pugad Lawin.’ Ang pagpunit na iyon ng kanilang sedula ay tanda ng pagsuway sa batas at kautusan ng Espanya.

 

Sa kalagitnaan ng rebolusyon, nagkaroon ng halalan sa Tejeros, Cavite. Lumahok ang mga katipunerong taga-Cavite lamang bilang pagsunod sa kahilingan ng mga katipunerong Magdalo. Napili bilang pangulo ng Katipunan si Emilio Aguinaldo, na noon ay lider ng Katipunang Magdalo. Nahalal naman si Andres o ang Supremo sa mababang posisyon-- Tagapangasiwa ng Panloob.

 

Mayayaman ang mga katipunerong Magdalo, gayundin ang mga taga-sunod nito. Hindi nila tanggap ang paghawak ni Andres ng isang mataas na katungkulan dahil mahirap lamang siya. Inusisa pa nga ng mga ito ang kakayahan niyang hawakan ang posisyong Tagapangsiwa ng Panloob. Ayon sa mga Magdalo, abogado ang nararapat humawak niyon. Ang pangmamaliit na iyon ang nag-udyok sa kaniya upang mainsulto siya. Bilang Supremo ng Katipunan, idineklara niyang walang bisa ang pagka-pangulo ni Aguinaldo sapagkat may naganap na dayaan sa botohan ng mga Magdalo.

 

Dahil sa pangyayari, sinampahan ng mga Magdalo ng kasong sedisyon at pagtataksil sa Republika ng Pilipinas si Bonifacio. Ipinaaresto siya ni Aguinaldo at inakusahan na siyang nagsunog sa simbahan ng Indang sa Cavite.

 

Sa isang korte militar, nilitis ang kaso ni Bonifacio, subalit hinatulan siya ng kamatayan, kasama ng kaniyang kapatid na si Procopio. Ipinag-utos ni Aguinaldo ang paghuli at pagpatay sa magkapatid habang hindi pa sila nakaaalis ng Cavite.

 


Sa Limbon, Indang, Cavite, inatake ng mga sundalo ni Aguinaldo si Bonifacio at ang mga kasamahan niya. Ikinasugat niya iyon at ikinamatay ng kapatid niyang si Ciriaco. Ginahasa naman ang kaniyang asawang si Oryang. At pinahirapan si Procopio. Habang sugatan sina Andres at Procopio, ikinulong sila at ginutom upang ipatapon.

 

Noong Mayo 10, 1897 ay dinala ang magkapatid malapit sa Bundok Nagpatong o Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Doon naganap ang pagpaslang sa magkapatid.

 

Maraming kontrobersiya ang lumabas ukol sa kamatayan niya. Tinitingnan ito ng iba bilang hatol sa kaniyang pagtataksil sa bayan kaya ito ay isang legal na pagpaslang. Marami naman ang naniniwala na ang kaniyang pagkamatay ay kautusan at kagustuhan ni Aguinaldo, batay na rin sa udyok ng mga tagapayo nito.

 

Anoman ang katotohanan sa likod nito, si Andres Bonifacio ay isang bayaning Pilipino, na nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng Inang Bayan.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...