Paano nga ba sumulat ng balitang agham? Gusto mo ba ng sample?
Heto ang balita:
DOH Sec, kinumpirmang walang ‘walking pneumonia’ outbreak
“Sa Philippines po, wala pang outbreak, according sa
ating Epidimiology Bureau although marami ang cases because ito
po ang season ng respiratory illness,” sabi ni Herbosa.
Pinag-iingat pa rin ng DOH ang mga tao dahil ang walking
pneumonia ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng paghinga ng mga droplet
mula sa isang taong may sakit.
Ang mga taong may malalakas na immune system ay
karaniwang nakakabawi nang walang gamot, ngunit ang mga taong may mahinang immune
system o mga may ibang karamdaman ay maaaring kailangan ng antibiotic
treatment. Kadalasan, ang mga bata ang biktima nito. Kaya pinapayuhan ang madla
na panatilihin ang health protocols at pagsusuot ng face masks
lalo na sa mataong lugar.
Ipinaliwanag naman ni Undersecretary Eric Tayag,
tagapagsalita ng DOH na ang walking pneumonia ay isang uri ng pneumonia na
hindi gaanong malubha kumpara sa ibang uri nito. Ito ay sanhi ng isang uri ng
bakterya na tinatawag na Mycoplasma pneumoniae. Katulad ito ng karaniwang
trangkaso na may sintomas ng ubo, sipon, sakit ng ulo, lagnat, pananakit ng dibdib,
at pagkapagod. Gayunpaman, ang mga sintomas nito ay mas mahina kaysa sa ibang
uri ng pneumonia, kaya maaaring hindi gaanong halata ang sakit na ito.
Hinihikayat din ng ahensiya na agad magpakonsulta sa doktor
kapag nakaranas ng mga sintomas nito upang makakuha ng tamang pagsusuri at
gamot. Ang doktor ang makapagbibigay ng tamang payo at gamot para sa iyong
kondisyon.
Talakayin na natin kung bakit maituturing na balitang agham
ang balitang ito.
Ang balitang agham (science news) ay isa sa tatlong uri ng
pagsulat ng agham.
Ang science news ay literal na balita—balita tungkol sa
agham.
Sa pagsulat nito, sinusunod ang baligtad na piramide.
Balikan natin ang balita, at iugnay sa inverted pyramid na
ito. Pero bago iyon, talakayin muna natin ang headline.
DOH Sec, kinumpirmang walang ‘walking pneumonia’ outbreak
Ang headline (ulo ng balita) ay animo’y pamagat ng artikulo na
nagbubuod at nagbibigay ng detalye sa nilalaman ng balita. Layunin ng headline upang na ipakilala ang paksa na iyong
isusulat, kunin ang interes ng mga tao upang basahin ang balita, o ilarawan ang
nilalaman ng balita sa maikling paraan.
Sa headline na ito, gumamit ng pandiwang ‘kinumpirma.’
Inilagay ito sa gitna. Tinukoy na rin kung sino ang gumawa ng kilos, gayundin
ang detalye ng pagkumpirma.
Narito ang ilan pang halimbawa ng headline o ulo ng balita.
“Gulayan sa Paaralan, umani ng pagkilala”
“Walking Pneumonia, nakarating na sa Pilipinas.”
“DepEd, pinag-aaralan ang potensiyal ng AI apps”
Dumako na tayo sa pamatnubay o lead.
Ang pamatnubay (lead) ay ang puso ng balita. Ito ay
naglalahad ng lahat ng mahahalagang impormasyon na dapat malaman ng mambabasa. Ito
ay may anim (6) na uri –Basic Lead, Quotation Lead, Question Lead, Descriptive
Lead, Narrative Lead, at Exclamatory Lead.
Sa pagkakataong ito, hindi natin matatalakay ang lahat ng
uri nito. Bagkus, popokusan natin ang Basic Lead o Pangunahing Pamatnubay dahil
ito naman ang madalas gamitin ng mga manunulat.
Ang Pangunahing Pamatnubay ay gumagamit ng pattern na ASSaKaBaPa
(A – Ano S – Sino Sa – Saan Ka – Kailan Ba – Bakit Pa – Paano). Sa pagsagot sa
mga tanong na ito, nailalahad na ang pinakamahalagang detalye ng balita. Kaya
na nitong tumayo bilang isang balita.
Balikan natin ang pamatnubay ng balita kanina.
Dahil sa mga naitalang kaso sa Pilipinas at sa pangamba ng
mga Pilipino, mariing kinumpirma noong ika-5 ng Disyembre ng bagong hirang na
si Secretary Ted Herbosa ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng
walking pneumonia sa bansa.
Ano: outbreak ng ‘walking pneumonia’
Sino: DOH Sec. Ted Herbosa
Saan: sa Pilipinas
Kailan: Disyembre 5
Bakit: Dahil sa mga naitalang kaso sa Pilipinas at sa
pangamba ng mga Pilipino
Paano: mariin kinumprima
Sa binasang pamatnubay, nasagot ang mga tanong na ano, sino,
saan, kailan, bakit, at paano. Tandaan, hindi kailangang magkakasunod ang mga
ito. Maaaring mauna ang alinman sa mga tanong na ito.
Dumako na tayo sa katawan ng balitang agham. Ito ay
kinapapalooban ng mahahalagang detalye. Ito ay maaaring isa at marami pang talata,
na pawang nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa lead.
Sa ikalawang talata, direktang ginamit ang bahagi ng panayam
kay Ted Herbosa. Kinumpirma niyang walang ‘walking pneumonia’ outbreak sa ating
bansa.
Sa ikatlong talata, inilahad ang ilan pang mensahe mula sa
Department of Health. Kaugnay ito sa mga naunang talata, at magtutuloy naman sa
susunod na talata.
Sa ikaapat na talata, ikinonekta na ang paksa sa agham.
Gumamit na ng mga terminolohiyang pang-agham gaya ng immune system,
antiobiotic treatment, health protocols, at iba pa. Mapapansin na ang mga
salitang ito ay simple, kaya tiyak na mauunawaan ng mga mambabasa.
Sa ikalimang talata, ipinaliwanag na ang ‘walking
pneumonia,’ na siyang nagpapatunay na ang balitang ito ay nabibilang sa kategoryang
agham. Mas naipaunawa rito ang katuturan at iba pang detalye ng naturang
karamdaman. Ito ay naging pangmasa.
Ang huling talata ng balitang agham ay naglalaman ng
di-gaanong mahalagang detalye, subalit konektado pa rin sa paksa o pangyayari.
Gaya sa talatang ito, inilahad ang kahalagahan ng pagpapakonsulta sa doktor
kapag naramdaman ang mga sintomas para sa tamang gamot nito.
May ilang mga bagay na dapat tandaan sa pagsulat ng balita
tungkol sa agham.
Una. Maging malinaw at tumpak sa paglalahad ng impormasyon.
Tiyaking nauunawaan ng mga mambabasa ang mga konsepto at datos na iyong
ibinabahagi. Gamitin ang mga simpleng salita at iwasan ang pagsasalita ng mga
teknikal na termino nang hindi nagbibigay ng paliwanag.
Pangalawa. Magsagawa ng malawak na pananaliksik. Bago
magsulat, siguraduhing sapat ang kaalaman tungkol sa paksang iyong isusulat.
Basahin ang mga pag-aaral, artikulo, o iba pang sanggunian na may kaugnayan sa
pangyayari o konsepto na iyong ibabahagi. Ito ay para masigurong wasto ang
impormasyong iyong isusulat.
Pangatlo. Magbigay ng mga datos at estadistika. Ang mga
numerikal na impormasyon ay maaaring magbigay ng dagdag na lakas sa iyong
balita. Subukan mong maghanap ng mga estadistika, porsyento, o iba pang
numerong datos na makakatulong sa pagpapatunay ng iyong pahayag.
Pang-apat. Iwasan ang pagiging bias. Sa pagsusulat ng
mga balita sa agham, mahalaga na manatiling walang kinikilingan. Makatotohanan
at obhetibo (objective) ang dapat na pamamaraan ng pagsusulat. Iwasan ang
pagsasalita ng personal na opinyon at magbigay ng patas na paglalahad ng mga
impormasyon.
Panglima. Mag-interview ng mga eksperto. Maghanap ng
mga eksperto sa larangan ng agham na maaaring makapagbahagi ng kanilang
kaalaman at opinyon upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa paksang
iyong isusulat. Ang mga pahayag ng mga eksperto ay maaaring magdagdag ng
kredibilidad sa iyong balita.
Pang-anim. Iwasan ang paggamit ng jargon. Iwasan ang
paggamit ng mga teknikal na salita at jargon na hindi madaling
nauunawaan ng karamihan upang maiwasan ang pagkakamali ng mga mambabasa.
Gamitin ang mga simpleng salita at magbigay ng paliwanag kung kinakailangan.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gabay na ito, maipapakita
mo ang mahahalagang impormasyon sa mga mambabasa nang malinaw at tumpak. Kaya,
sulat na ng balitang agham!
No comments:
Post a Comment