Followers

Sunday, December 17, 2023

Pagsulat ng Editoryal na Pang-agham

 

Paano nga ba sumulat ng editoryal na pang-agham? Gusto mo ba ng sample?

 

Sige, habang tinatalakay natin ang pagsulat nito, magbibigay ako ng halimbawa sa bawat bahagi ng editoryal. Bago iyon, alamin muna natin ang kahulugan nito.

 

Ang science editorial ay isa sa tatlong uri ng pagsulat ng agham.

 

 

Ang science editorial ay isinusulat upang magbigay ng opiniyon ukol sa pang-agham na isyu. Nakatutok ito sa paglalahad ng mga katotohanan. Sinusuri nito ang mga isyu, na nakabatay sa mga katotohanang siyentipiko at pagsunod sa pamamaraang siyentipiko. At ang mga kuro-kuro ng editor ay dapat nakabatay sa matibay na lohika at pagsunod sa siyentipikong pamamaraan.

 

 

Ang editoryal na pang-agham ay sumusunod rin sa karaniwang editoryal. Diretsahan at wala nang paligoy-ligoy pa. Puwedeng gamitin ang tuwirang sabi (direct quotation) lalo na kung kilala o mapapaniwalaan naman ang sanggunian at makasusuporta sa pinapanigan o ipinaglalaban ng manunulat.

 

 

Ang isang mahusay na editoryal na pang-agham ay (1) kawili-wili, (2) malinaw at mabisa ang pangangatuwiran at may kapangyarihang makaimpluwensiya ng mambabasa, (3) makatotohanan at naglalaman ng mga impormasyon bilang suporta sa ipinaglabang panig, (4) at maikli lamang-- hangga’t maaari, mga apat o limang talata lamang.

 

 

 

Tandaan lang na ang editoryal na pang-agham ay katulad lang din ng ibang mga sulatin, na may mga patakarang sinusunod. Para sa mga baguhan, iminumungkahing sundin ang SPECS Formula.

 

S- State the problem

P- Position on the problem

E- Evidence to support the problem

C- Conclusion. (should support your stand or position)

S- Solutions. (at least two solutions)

 

 

 

Ang editoryal na pang-agham ay may tatlong bahagi—Panimula, Katawan, at Konklusiyon. At katulad ng ibang akda, ito ay may pamagat.

 

 

Ang pamagat ay maaaring gamitan ng simbolismo, halimbawa “Gintong Bigas,” o “Paksiw sa Paskong Darating.” Ito ay maaari ding pahiwatig sa nilalaman, gaya ng “AI, mas Matalino nga ba sa mga Estudyante?” o “Kulelat na naman ang Pinas sa PISA!”

 

Tandaan lang na ang pamagat ay nagbibigay ng interes sa mga mambabasa, kaya pumili ng nakapupukaw na pamagat.

 

 

Talakayain na natin nang paisa-isa ang mga bahagi ng editoryal. Una, ang Panimula.

 

Ang panimula ay maaaring isa o dalawang pangungusap lamang na nagtataglay ng isyu, problema o pangyayari na may kalakip na reaksiyon. Maaari ding dalawang talata na. Ang unang talata ay para sa batayang balita, isyu o pangyayari at ang pangalawang talata ay para sa reaksiyon.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na inilabas noong December 5, 2023 ay nagpapatunay na may malaking suliranin ang bansa pagdating sa Reading, Mathematics, at Science. Kasunod nito ang paglabas ng mga dahilan ng kung bakit mababa ang resulta.

 

 

Ang pangalawang bahagi ng editoryal ay ang Katawan. Sa bahaging ito inilalahad ang makatotohanang detalyeng pansuporta sa opinyon o prinsipyong pinapanigan ng patnugutan tungkol sa isyu. Ang mga argumento ay isinasaayos mula sa pinakamahalaga hanggang sa di-gaanong mahalaga. Maaaring magkaroon ng tatlo o higit pang talata sa katawan ng editoryal.

 

Maaaring sundin ang ganitong format sa pagsulat ng katawan ng editoryal na pang-agham:

 

 

1. Pansuportang argumento

2. Kontra-argumento

3. Mga Solusyon o mungkahi

 

Sa talata ng pansuportang argumento, inilalahad ang matibay na argumento para sa piniling panig. Layunin nitong mapaniwala at mahikayat ang mga mambabasa na pumanig sa argumento. Napakahalaga ng talatang ito sapagkat dito masasalamin ng mga mambabasa ang kolektibong pananaw ng patnugutan sa isyung tinatalakay. Nakatutulong din itong magbukas ng kaalaman at impormasyon para sa mga mambabasa.

 

Narito ang halimbawa:

 

 

Ang kahinaang ito ay maisisisi sa kakulangan ng mga estudyante sa information and communication technology (ICT). Ayon nga sa ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang wala o kapos sa ginagamit na computers o katulad na gadgets, kaya hirap na hirap sa pagsabay ang mga mag-aaral sa educational system sa panahon ng ICT.

 

 

Sa talata ng kontra-argumento, maaaring ilahad ang kabila o kalabang panig (kontra-argumento). Mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong talata sapagkat napalalakas nito ang sarili mong argumento. Isang talata lang ang kailangan dito. Pagkatapos mailahad ang kabilang panig, pabulaanan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dahilan kung bakit ang panig na ito ay hindi tunay o kapani-paniwala.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Kahit naglabas ng 2023 Global Education Monitoring (GEM) Report ang UNESCO, na nagsasabing ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may positive administrator attitudes dahil sa pagyakap sa mga makabagong teknolohiya sa basic education curriculum at school management, hindi pa rin sapat upang umangat ang kalidad ng edukasyon. May mga paaralan sa bansa na hindi nakararanas ng makabagong teknolohiya at hindi naaabot ng internet. Ayon nga sa report, isa (1) sa dalawang (2) estudyante sa Pilipinas ay walang access sa internet.

 

 

Sa talata ng mga solusyon o mungkahi, inilalahad rito ang mungkahing solusyon sa problema. Mahalagang makapagbigay ng mga opsiyon kung paano maaayos ang problema sa isang talata lamang.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Masosolusyunan ang problemang ito, kung paiigtingin ng DepEd ang pagpapalago sa ICT. Bukod sa pisara, sikaping maglagay ng computers na may internet access sa lahat ng paaralang inaabot ng kuryente, kung saan makikinabang hindi lamang ang mga estudyante, kundi pati ang mga guro. Magkaroon ng malawakang capacity-building para sa mga guro tungkol sa paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo. Sa mga hindi maaabot ng internet, maaari pa rin namang gumamit ng mga gadgets at applications, na nagagamit kahit offline. Ang mga ito ay magiging posible kung ang mga pinuno ng bansa at kagawaran ay may malasakit sa pag-unlad ng mga kabataan at edukasyon.

 

 

 

Ang pangatlong bahagi ng editoryal ay Kongklusyon. Ang bahaging ito ay naglalayong wakasan ang artikulo sa pamamagitan ng isang pakiusap sa mga mambabasa. Ano ang gusto mong gawin nila o ng mga kinauukulan? Ano ang mensaheng nais mong ipaabot sa pamamagitan ng editoryal? Mahalagang mapakilos ang mga mambabasa pagkatapos nilang mabasa ang artikulo.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Magtulungan ang mga lider ng bansa at DepEd na iangat ang resulta ng PISA sa susunod. Paunlarin ang information and communication technology sa Pilipinas. Computerization, hindi lang PISAra.

 

Tapos na ang talakayan natin sa pagsulat ng editoryal na pang-agham! Simulan na ang pagkatha!

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...