Followers

Saturday, December 16, 2023

Pagsulat ng Agham

 Wala naman daw talagang tiyak na paraan ng pagsulat ng agham, subalit makatutulong ang mga kaalamang ito.

 

Ang science writing ay pagsusulat tungkol sa mga siyentipikong paksa, na kadalasan ay sa paraang hindi teknikal upang umakma sa panlasa ng mga mambabasa.

 

Ang pagsulat ng agham ay iba sa pagsulat ng balita. Maaaring may pagkakatulad, pero iba ang sinusunod na teknikalidad.

 

Ang science writing ay nakapokus sa kung paano ginamit ang agham o siyensiya sa paksa, isyu, o pangyayari.

 

 

Ang manunulat nito ay tinatawag na science writer. Siya ay nararapat na magtaglay ng malinaw at mabisang kakayahang pangkomunikasyon upang mapasikat at maisalin niya ang mga artikulong siyentipiko tungo sa mga akdang pang-agham, na mas pangmasa.

 

Siya ay may dalawang papel na ginagampanan bilang manunulat ng agham: interpreter (tagapagpaliwanag) at translator (tagasalin). Bilang tagapagpaliwanag, uunawain niya ang artikulo at ipaliliwanag niya ito sa paraang mas madaling maunawaan. At bilang tagasalin, isusulat niya ang mga naunawaan niya-- gamit ang kasanayan sa wika, at isasalin niya ito sa isang bagong artikulo na mas simple at madaling unawain, at mas magugustuhan ng mga mambabasa.

 

Ang science writer ay may malawak na pagkukunan ng paksa upang makabuo siya ng isang pambihirang artikulo. Maaari niyang isulat ang tungkol sa kakaibang kilos ng mga bituin, pagbabago ng karagatan, pagbabago ng panahon, elemento ng kapaligiran, eksperimento at bagong tuklas, pananaliksik, lunas sa mga karamdaman, siyentipikong resulta, at marami pang iba.

 

 

May tatlong elemento sa pagsulat ng agham—teknikal, nilalaman, at etika.

 

Sa teknikal na aspeto, ang science writing ay dapat na naglalahad ng malinaw na pamatnubay (lead), na siyang naglalaman ng pinakaimportanteng detalye. Ang pamagat nito ay dapat angkop at kaakit-akit (catchy). Ito ay dapat gumagamit ng mga payak na salitang mauunawaan ng nakararami. At nararapat na may sistematiko at lohikal na koneksiyon sa mga mambabasa.

 

Tungkol sa nilalaman nito, ang science writer ay dapat naglalahad ng mga isyu o paksang mahalaga at napapanahon. Dapat ito ay umiiwas sa paggamit ng siyentipiko at teknikal na pananalita upang magustuhan ng madla. At dapat na ginagamit ang mga nakalap na impormasyon at katotohanan mula sa mga panayam, mga pagsusuri sa dokumento, mga pagsusuri ng datos, at iba pang mga maaasahang sanggunian.

 

Sa usaping etika, ang science writer ay nararapat lang na magbanggit ng mga sangguniang pinagkunan ng mga impormasyon, datos, estadistika, at katotohanan upang suportahan ang kredibilidad ng mga pahayag o salaysay.

 

 

Sa pagsulat ng agham, may mahahalagang bagay na dapat isaalang-alang. Una, ito ay dapat na nagtataglay ng kuwento ng mga tao, pero nakatuon sa agham. Pangalawa, ito ay dapat na isinusulat para sa madla. Pangatlo, ito ay dapat na artikulong makaaayon ang nakararaming mambabasa. Pang-apat, ito ay dapat na nagsusulong sa kamalayan sa kalikasan, kapaligiran, at iba pang nilalang sa mundo. At panglima, ito ay dapat na nagpapakilala sa mga kababalaghan at kagandahan ng kalikasan.

 

May tatlong uri ang pagsulat ng agham—ang science news, science editorial, at science feature. Sa susunod, iisa-isahin nating pag-uusapan ang mga ito.

 

Anomang uri nito ang susulatin, mahalagang masagot ng manunulat sa kaniyang sarili ang mga sumusunod na katanungan upang mabigyan niya ng hustisya ang paksang pinili. Paano mauunawaan ng mga mambabasa ang aking paksa? Ano-anong detalye ang dapat kong maipaliwanag? Paano nito masosolusyunan ang problemang kinakaharap ng mga mambabasa? Ano-anong kaalaman ang maibabahagi ko sa kanila? At bakit mahalagang mabasa nila ang sulatin o ang paksa ko?

 

 

Kapag nasagot ang mga ito ng manunulat, hindi malabong magiging epektibo ang kaniyang sulatin. Maaari niyang maging gabay ang mga katanungan upang sumulat ng artikulong pang-agham.

 

Bukod pa sa mga ito, maaari ding sundin ang mga tuntuning ito: (1) Gawing simple ang pagsulat. (2) Gumamit ng mga tiyak at totoong detalye. (3) Ipaliwanag o bigyang-kahulugan ang mga teknikal na terminolohiya o salita. (4) Tiyaking wasto ang isusulat. (5) Iugnay ang paksa sa mga mambabasa o sa kanilang karanasan. (6) Huwag maging maligoy sa paglalahad ng mga impormasyon. (7) I-round off ang malalaking numero. (8) Gumamit ng mga aktibong pandiwa. (9) At huwag kalimutang banggitin ang mga sangguniang ginamit sa pagkalap ng impormasyon.

 

Hindi madali ang pagsulat ng agham (science writing), subalit kayang-kayang aralin. Hindi lamang mga siyentipiko o mananaliksik ang maaaring sumulat nito.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...