Elias Maticas 12
“Meow! Meow!” bati ni Diego kay Elias paglabas niya sa
kulambo.
“Adlaw, Diego! Nahamaw ka na?” Hinimas-himas niya ang ulo,
leeg, at tiyan ng alaga niyang pusa.
Nagpatuloy sa pag-meow si Diego habang hinihilahid ang ulo
sa binti niya.
Naramdaman naman niyang gusto nitong magpakarga, kaya
binuhat niya ito, at isinampay sa kaniyang balikat. Alam niyang nararamdaman ni
Diego ang negatibong emosyong bumabalot sa kaniya sa mga oras na iyon. Hanggang
sa mga oras na iyon, magkahalong kabiguan, kahihiyan, at pagkainis sa sarili
ang nararamdaman niya dahil sa pagtatawas niya kay Tonying kagabi.
Binati ni Elias ang kaniyang ina at kapatid, na noon ay
nasa lamesa. Tila bumati rin si Diego sa mga ito.
“Mahaw na tayo,” sabi ni Mamay Marilou.
“Si Papay po?” tanong niya pagkatapos ilapag si Diego sa
dulo ng lamesa.
“Namasada na,” pakli ng ina.
“Manoy, manggagamot ka uli ngayon? Sama ako,” sabi naman ni
Natasha.
Tiningnan ni Elias si Mamay Marilou. Tulog na si Natasha
nang umuwi sila ni Papay Oliver mula sa bahay nina Tonying, kaya walang alam
ang kapatid niya.
“Magtitinda tayo ng mga gulay mamaya,” sabi ng kanilang
ina.
“Wala na siyang lagnat, Mamay?” tanong naman niya, saka
nagsimula na siyang magsandok ng mainit na kanin.
“Wala na.”
“Kaya ako na ngayon ang kasama mo sa, Manoy Elias. Ako ang
batang alalay ng batang parabulong,” biro pa ni Natasha.
Natigilan si Elias sa pagsandok ng scrambled eggs. “Hindi na muna ako manggagamot, Natasha.”
Ipinagpatuloy na niya ang paglalagay ng ulam sa kaniyang plato.
“O, bakit?” Humaba ang nguso ni Natasha, saka nilukuban ng
kalungkutan.
“Kailangan ko pang pag-aralan nang mabuti para gumaling ako
sa panggagamot.”
“Pero maaram ka na, Manoy.”
Umiling-iling lang si Elias, saka pinuno ng pagkain ang bibig.
“Sige na, tama na `yan, Natasha. Bilisan na nating kumain
para makaalis na tayo,” sabi ng kanilang ina.
Nakahanda na ang bayong, basket, at bilao ng mga gulay na
dadalhin nina Mamay Marilou at Natasha nang muling magsalita ang kanilang ina.
“Ano’ng gagawin mo ngayon, Elias, pag-alis namin?”
Saglit siyang napaisip. “Mag-iigib na lang po muna, saka
mangangahoy.”
“Sige, pero abangan mo si Tata Pepeng. Kung naglako siya ng
isda, bumili ka,” bilin ng ina, saka ibinigay kay Natasha ang basket ng mga gulay,
at binuhat naman ang bayong, saka sinunong ang bilao. “Alis na kami. Bahala ka
na rito.”
“Opo.” Sinikap niyang hindi mahalata ng dalawa ang
kalungkutan niya habang naghuhugas ng mga pinagkainan sa banggerahan.
Pagkatapos niyang maghugas, umalis na siya para mag-igib.
Tulak-tulak niya ang kareta, kung saan nakasabit sa may manibela niyon ang container. Gusto sana niyang yayain sina
Jasper at Matt para maibsan ang kalungkutan niya, pero kailangan niyang
magmadali. Pasalamat din siya nang hindi niya Makita ang mga kaibigan nang
dumaan siya sa mga bahay nito.
Pagdating sa kanto, sa may highway patungo sa bayan (sa kaliwa) at sa burabod sa (kanan),
narinig niya ang mga sutsot ng mga kababaryo niya sa may tindahan.
Tila mas tumalas ang pandinig niya, kaya narinig niya ang
mga sinasabi ng mga ito.
“Hindi naman pala maaram nanggamot. Nabudol tayo,” sabi ni
Tata Onyo.
“Oo nga. Akala ko pa naman, naturuan na siya ni Lolo Leo,”
sang-ayon naman ni Nana Puring.
“Sus! Puro laro lang naman ang alam niya. Kaya nga
kontrang-kontra sa kaniya ang papay niya,” sabi naman ni Nana Tating.
“E, bakit nagamot naman niya si Nolito?” sabad naman ni
Tata Turo.
“Sus! Tsamba lang `yon. Tingnan mo si Tonying, hindi niya
kinayang gamutin. Hayun, galit sa kanya sina Tata Mikoy at Nana Viray,” sagot
naman ni Kalbo, ang binatang kapitbahay ni Tonying.
Nagpatuloy pa ang usapan ng mga tsismosa at tsismosa sa
tindahan kahit nakalayo na siya. Hindi na lang kalungkutan ang bumabalot sa
katauhan niya, nagkaroon na rin siya ng hiya. Kung maaari nga lamang na hindi
siya dumaan doon pabalik, gagawin niya.
“Elias! Elias!”
Napahinto at napalingon agad siya. “Nana Arming?” Nakita
niyang lumalakad-takbo palapit sa kaniya ang nanay ni Tia Nona. Dahil nakita
niyang nahihirapan ito, sinalubong na lamang niya ito pagkababa ng kareta niya.
“Bakit po?” Hindi niya alam ang mararamdaman niya. Kakabahan ba siya, mahihiya,
o matutuwa?
“Tulungan mo naman si Nona,” humahangos nitong sabi, habang
sapo-sapo ang dibdib dahil sa hingal.
Alam naman niya ang nangyari kay Tia Nona kaya hindi na
siya nagtanong kung bakit o ano. “Sorry po, Nana Arming. Hindi na po ako
manggagamot.”
“Ay, bakit naman, Elias?! Kailangan ka ng Sitio Burabod.
Kailangan ka ngayon ng anak ko.”
Iniyuko niya ang kaniyang ulo, saka kinusot-kusot ang
laylayan ng damit. “Hindi po ako maaram.” Saglit lang siya tumingin sa matanda.
“Maaram ka na. Naniniwala ako sa kakayahan mo.”
“Hindi po. Nabigo po ako kay Tonying. Siguro po nabalitaan
niyo na iyon.” Tumingin na siya kay Nana Arming habang hinihintay ang reaksiyon
nito.
“Talagang mabibigo ka doon sa Tonying na `yon! Napakasinungaling
ng taong `yon!” sabi ng matanda. Dumura pa ito dahil sa galit.
“Po? Bakit po?”
“Ay, hindi mo ba alam? Pinaniniwala niya ang mga lolo at
lola niya na kesyo pinaglalaruan siya ng boringkantada. Ang dalawang matanda
naman, paniwalang-paniwala. Ang totoo, nahuhumaling sa babae sa kabilang baryo.”
Tila mas lalong gumulo ang isipan ni Elias. “E, ang kuwento
po nina Tata Mikoy at Nana Viray, lagi raw nawawala si Manoy Tonying kapag dis
oras ng gabi. At pag-uwi raw ay parang kakaiba na ang ikinikilos. Wala sa
sarili. May mga nakakakita raw na pupumunta siya sa Kabubudlan.”
“Naniniwala ka ba?”
Saglit na napaisip si Elias. “Nang tinawas kop o siya
kagabi, wala po akong nakitang ano mang espiritu, lalo ng boringkantada.”
“Kaya ngani! Hindi totoong nagustuhan siya ng boringkantada,
Elias. Si Nonoy mismo ang nakakita kay Tonying at doon sa babae, nang minsang
naghatid siya ng pasahero sa bayan bandang alas-onse ng gabi.”
“Saan po nakita? Anong ginagawa?”
Inilapit ni Nana Arming ang bibig sa tainga ni Elias.
Namilog ang mga mata, at natakpan niya ang bibig dahil sa
narinig.
“Kung ako sa `yo, Elias, ipagpatuloy moa ng panggagamot mo.
Ikaw na ang magpatuloy sa misyon ng Lolo Leo mo. Pambihira ang kakayahan mo
bilang batang parabulong. Hindi koi to sinasabi sa `yo dahil lang humihingi ako
ng tulong sa `yo para kay Nona, kundi dahil iyan ang nakikita ko.”
Bumuka lang ang bibig niya, pero walang salitang lumabas.
“Elias, pakiusap kung may oras ka, dalawin mo ang Tia Nona
mo sa bahay. Wala kaming pampadoktor sa kaniya. Hindi ko na rin alam ang
gagawin sa kanya.” Tinapik-tapik ng matanda ang balikat niya, saka tumalikod.
Matagal siyang nakatayo lang roon habang tinitingnang
makabalik si Nana Arming sa bakuran ng bahay nito.
Habang nagsasahod siya ng tubig sa bukal, nagtatalo ang
isip at puso niya. Gusto ng isip niyang ihinto na niya ang kaniyang panggagamot
(pambubulong), samantalang nais naman ng puso niya na ituloy ito dahil may mga
taong naniniwala at nangangailangan sa kaniya.
No comments:
Post a Comment