Followers

Wednesday, July 5, 2017

Pahimakas

Muling binalikan ni Rommel ang parkeng madalas nilang pasyalan noon ni Liza. At, sa oras na iyon, tanging mga alaala na lamang ng dati niyang kasintahan ang kanyang kasama.

Halos hindi niya naririnig ang ingay ng mga batang naglalaro sa paligid sapagkat ang tanging nauulinig niya'y ang mga pahimakas ni Liza.

"Rom, pasensiya na... kung inilihim ko sa 'yo ang sakit ko. Pasensiya na kung... kung madalas kang naiinis sa makapal na lipstick sa mga labi ko. Nais ko lang itago sa 'yo ang tunay na kulay nito... Hindi ko na kaya... Hindi... hindi ko na kailangan ito... ngayong alam mo na... Patawad... Mahal na... na mahal kit..."

Pinilit itago ni Rommel ang kanyang mga luha, habang kuyom-kuyom niya ang iniwang lipstick ni Liza.

"Habang nabubuhay ako, Liza... at habang nabubuhay ang mga alaala mo, patuloy kong gagawin ito." Nagpahid siya ng lipstick sa kanyang mga labi.

"Ano ba yan, 'te?! Tingnan mo siya, o," ani ng babae sa kanyang kasama.

Noon lamang nanumbalik ang pandinig ni Rommel. Subalit, hindi niya pinansin ang mga tsismosa.

"Oo nga, 'te! Yay!" sabi naman ng isa.

Tumayo si Rommel at walang lingon-likod na umalis sa parke.

"Salamat sa lipstick mo, Liza! Nararamdaman kita..." bulong ni Rommel, habang dumadaloy sa pisngi ang kanyang luha.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...