Followers

Monday, November 13, 2017

Si Lola Candelaria

SI LOLA CANDELARIA

Masayang namumuhay sa barong-barong sina Lola Candelaria at Virginia. Ang pagtitinda sa Quiapo ng mga kandila at herbal na gamot ang ikinabubuhay nila. Sa umaga, pumapasok ang apo sa paaralan. Sa hapon naman, tinulungan niya ang kanyang lola sa pagtitinda.
Isang umaga, bigla na lang nag-iba at naging makakalimutin si Lola Candelaria.
"Sino ka? Lumayas ka sa pamamahay ko!" sigaw ng lola kay Virginia.
"Lola, ako po ito, si Virginia. Apo ninyo ako," mangiyak-ngiyak niyang pakilala.
"Hindi kita kilala. Wala akong apo!"
Umiiyak na lumabas na lamang si Virginia.
Sa simbahan natagpuan ni Virginia ang kanyang sarili. Nanalangin siya doon sa Panginoon. Hiniling niya na sana'y bumalik na sa katinuan ang kanyang lola.
Nang bumalik siya, gulong-gulo na ang kanilang bahay. Nagkalat ang mga gamit at damit nila.
Hinanap niya si Lola Candelaria sa mga kapitbahay.
"Naku, ang lola mo, baliw na yata," sabi ng babaeng kapitbahay.
"Bakit po?" maang na tanong ni Virginia.
"Basta! Kung ano-ano kasi ang isinabit niya sa kanyang katawan."
"Virgie, halika." tawag ni Aling Maria, ang may-ari ng suki niyang karinderya.
Lumapit siya at kay Aling Maria.
"Nakita ko ang lola mo nang dumaan dito. Hindi niya rin ako nakilala. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya, pero alam kong may dahilan ang lahat," sabi ni Aling Maria.
"Dahil po ba sa kahirapan? O sa pagod?"
"Maaari. At, dumarating sa punto ng tao ang pagiging ulyanin. Basta tandaan mo, Virginia, ano man ang nangyari sa lola mo, mahalin mo siya. Wala nang ibang tatanggap sa kanyang kalagayan, kundi ikaw."
"Opo."
Ipinagbalot ni Aling Maria ng pagkain si Virginia. "Heto, baunin mo sa paghahanap sa lola mo."
"Maraming salamat po!" Noon din, sinimulan niyang hanapin ang lola.
Pagod na pagod si Virginia nang maisipan niyang magpahinga sa ilalim ng puno sa Luneta.
Mayamaya, natanaw niya ang mga kalapating nakikisalamuha sa mga tao. Naalala niya ang sinabi ng kanyang lola.
"Huwag kang mag-alala, Virginia. Hindi tayo pababayaan ng Diyos. Kung ang mga ibon nga ay patuloy na nabubuhay, kahit walang nag-aalaga, tayo pa kayang mga anak ng Diyos."
Muli siyang naglakad. Para siyang nabuhayan ng loob. Alam niyang hindi pababayaan ng Diyos ang kanyang lola.
Sa baywalk inabutan ng dilim si Virginia. Kumakalam na ang kanyang sikmura, pero hindi niya iyon ininda. Mas mahalagang makita niya si Lola Candelaria.
Binaybay niya ang kahabaan ng Manila Bay, hanggang sa mapagod siya. Gutom man at uhaw, mas pinili niyang matulog na lamang doon, gaya ng iba. Naghanap siya ng karton upang pansapin sa kanyang likod.
"Sana ibon na lang ako dahil sa oras na sila ay nilalamig, may mga bird house silang natatakbuhan. Ako, hindi ko alam kung makakabalik pa ako sa bahay." Tumulo ang luha niya at tuluyang lumabo ang kanyang paningin.
Namulat si Virginia sa kanilang barong-barong. Maayos na uli ang kanilang mga kagamitan.
"Kumusta ang pakiramdam mo, Virginia?" nakangiting tanong ni Lola Candelaria. Hawak niya ang mga kandila. Nasa baywang na rin niya ang belt bag.
"Ano po ang nangyari?" Pinilit niyang bumangon kahit masakit pa ang ulo niya.
"May nagsabi sa akin, naglayas ka raw. Natagpuan kita sa baywalk."
"Po?"
"Anak, ibig kong sabihin, apo, ipagpasalamat mo na, kung ano ang mayroon tayo. Huwag na huwag mo nang uulitin ang paglalayas, ha?" Kinapa ni Lola Candelaria ang ulo at leeg ni Virigina. "O, may sinat ka pa. Huwag ka na munang pumasok. Ako na lang din ang magtitinda. Dito ka lang. Magpahinga ka."
Hindi maintindihan ni Virginia ang nangyari at ikinilos ng lola. Nang maalala niya ang sinabi ni Aling Maria, saka lamang niya napagtanto. Kailangan niyang unawain ang lola.
"Opo," sagot niya.
Lumabas na si Lola Candelaria, bitbit ang lumang rebulto ni Baby Jesus, na nilagyan niya ng ulo ni Mickey Mouse.
Agad na nagbihis si Virginia at palihim na sinundan ang lola.
Sa simbahan ng Quiapo pa rin nagtungo ang lola niya. Doon ay nagtinda si Lola Candelaria ng kandila.
Sa tingin ni Virginia, normal naman ang kanyang lola. Kaya lang, ang ipinagtataka niya ay kung bakit may hawak siyang rebulto.
Lumapit pa si Virginia sa lola upang marinig niya ang sinasabi nito habang nang-aalok ng kandila.
"Ma'am, may mabisa akong gamot para malaglag ang dinadala mo."
Nagulantang si Virginia. Nagagap niya ang kanyang bibig.
"Kandila po, Miss, para sa lalaking kumuha ng pagkabirhen mo," sabi ng lola. "Tirikan mo siya nito para habambuhay rin siyang magdusa."
Napalunok si Virginia.
"Ate, Kuya, libre punas kay Baby Virginia. Siya ang sanggol na gaya ni Hesus. Mahiwaga ito"
Natakot si Virginia sa huling tinuran ng lola. Nagdesisyon siyang yayain na ito pauwi. Naniniwala na siyang nababaliw na ang kanyang lola.
Iyak nang iyak si Virginia nang hindi na naman siya nakilala ng lola.
"Layuan mo ako, bata ka. Hindi kita kilala." Tumakbo si Lola Candelaria palayo sa kanya.
Hindi kaagad sinundan ni Virginia ang kanyang lola.
Sa bahay na dumiretso si Lola Candelaria. Nagsasalita ito at parang hindi niya nakikita si Virginia.
"Ikaw, Virginia, ikaw ang bunga ng pambababoy sa akin ng paring iyon."
Naniniwala si Virginia na pinagsamantalahan si Lola Candelaria ng pari dahil naikuwento sa kanya dati na isa siyang madre.
"Pinalaki at minahal ako ng nanay na parang isang manika, pero, ngayon, daig ko pa ang basahan. Hindi sana ako katulad ng daga kung hindi ka dumating sa buhay ko." Umiiyak na si Lola Candelaria.
Umiiyak na rin si Virginia. Naunawaan na niya ang lahat.
"Sinubukan kitang ilaglag, pero makapit ka. Pinilit kitang itago at itakas sa mundo, pero heto ka pa rin... matatag."
"Lola, Mama," bantulot na tawag ni Virginia.
Matagal na tiningnan ni Lola Candelaria ang anak, bago bumalik ang katinuan niya. "Anak? Anak, patawad. Patawad kung inilihim ko sa 'yo ang katotohanan."
Puspos ng luha si Virginia nang niyapos niya ang ina. "Okay lang po, Mama."
Minsan, bumabalik pa rin ang pagkawala sa katinuan ni Candelaria. Pero, dahil inaalagaan at inuunawa ni Virginia ang kalagayan ng ina, patuloy silang namumuhay nang masaya sa kanilang barong-barong, gaya ng mga ibon.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...