Followers
Wednesday, November 1, 2017
Ang Aking Journal -- Nobyembre 2017
Nobyembre 1, 2017
Dahil malamig ang panahon, nasa loob lang kami ng bahay maghapon. Gumawa ako ng narrative report. Ang nakakainis lang dahil maghapon ding walang internet.
Gayunpaman, inabala ko ang sarili ko sa pagtapos ng narrative. Kahit paano, umusad na ako. Hindi ko nga lang nagawa ang pinagagawa sa akin ni Ma'am L dahil hindi ko nadownload ang files. Kinontak naman ako ng GMA-Brigada. Tuloy na tuloy na bukas ang shoot/interview ni Chealsey. Sana may pasok nga talaga para maisabay na rin ang shoot sa classroom. Kailangan kasing makuhaan ang mga kaklase niya.
Nobyembre 2, 2017
Pumasok ako, kahit nag-alinlangan akong pumasok dahil sa fake news na kumalat---wala raw pasok. Late nga lang ako. Pero, tatlong bata lang ang pumasok sa klase ko. Ayos lang din dahil may shoot pala si Chealsey sa bahay nila. Past seven, andoon na kami sa kanila.
Humabol naman sina Rashid at Lucion. So, apat na sila. Kasama si Charles. Mga past 8, nagsimula ang shoot. Tuwang-tuwa ako sa interview kay Chealsey. Witty talaga siya. Matagal nga lang ang settlers shot.
Kinuhaan pa silang maglola, sa loob at labas ng bahay. Pati ang mga kaklase, habang sila ay papasok sa school. Kaya, alas-onse na kami nakapunta sa school. Doon, nanghiram ako ng Grades 3 and 5 na mga estudyante para maisama sa shoot. Nabigla ako nang pinagturo ako habang kinukuhaan. Nanginginig ako. First time kung humarap sa camera for national television. Mas matindi pa sa observation ng principal o supervisor ang naramdaman ko.
Gayunpaman, sinikap kong mapakalma ang sarili ko. I hope okay ang rehistro ko sa video.
After nilang kumain, ako naman after ma-accomplish ang utos ng principal, bumiyahe na kami patungo sa GMA para sa isa pang shoot. Past 3 andoon na kami. In-interview ang writer, na si Rhandee Garlitos. Humanga ako sa husay niya. Sobrang kapupulutan ng aral at inspirasyon.
Ang suwerte ni Chealsey dahil nakatambal niya sa interview portion. Nagkaroon ako ng chance na makapagpa-picture sa kanya. Nakapagkuwentuhan din kami tungkol sa writing, journalism, at iba pa. Na-realize ko na iisang mundo lang ang ginagalawan namin. Makuwento siya. Walang dull moments. Malaman ang kanyang sinasabi. Thumbs up ako. Kaya lang, kailangan nang magmadali para makauwi nang maaga. Inihatid ko muna si Chealsey sa bahay nila, although ipinahatid kami ng segment producer sa van ng GMA.
Past 11 na ako nakauwi. Pagod na pagod ako, pero fulfilled. Grabe ang experience! Nakaka-excite panuorin.
Nobyembre 3, 2017
May pumasok sa klase ko --anim na estudyante, kahit nag-PM si Chealsey sa GC namin, na baka hindi ako makapasok. Sa kabila kasi ng kakulangan ko sa tulog, napagdesisyon kong pumasok pa rin. Okay lang naman. Pinaglaro ko na lang sila, habang tinatapos ko naman ang narrative report ng INSET. Almost done na. Nainis lang ako sa unang file ko kasi nagha-hang. Hindi ko tuloy matapos-tapos.
Past two, nagpanotaryo kami ni Ma'am Joann ng mga akda naming panlaban sa Lampara Children's Story Writing Contest. Pagkatapos niyon, agad naming tinungo ang opisina ng Precious Pages para ipasa iyon. Alas-kuwatro na namin naipa-receive iyon. Tuwang-tuwa kami sa aming accomplishment. Inspired na inspired rin kaming magsulat dahil sa mga books na nakita namin sa mini-book store nila. Sabi namin, one of these days, makikita namin ang books namin doon. At, babalik kami for signing of contract. Writing goals!
Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Masaya akong sinalubong ni Zillion. Mas masaya ako dahil natuwa siya sa books na binili ko para sa kanya. Pangarap kong matulad siya sa akin.
Past 11:30 na kami natulog dahil nagkuwentuhan pa kami. Naniniwala akong may third eye si Zillion. Ang mga kinuwento niya tungkol sa mga multong nakikita at nakakausap niya sa Aklan ay talagang naihayag niya nang parang matured na siya. Seryoso at malaman. Nakakahanga ang tapang niyang kausapin at kaharapin ang mga multo at kapre. Parang na-inspired akong isulat iyon. Ang pamagat ay "Ang Third Eye ni Thirdy."
Nobyembre 4, 2017
Nag-try akong tapusin ang narrative report ng INSET, kaya lang ganoon pa rin ang format. Nagha-hang. Bigla na lang nawawala ang picture kapag ino-open ko. Nag-try rin akong mag-post sa digitalworld.ph, agad ding nahinto dahil nawala na ang signal. Haist. Wala akong nagawa. Mabuti na lang may naisip akong writing idea. Naisulat ko maghapon. Naisulat ko rin ang tungkol sa third eye ni Ion. Hindi na lugi ang Sabado ko.
Nobyembre 5, 2017
Maaga akong nagising, pero hindi agad ako bumangon. Ang sarap kasing mag-in-in sa higaan. Malamig ang panahon. Maghapon, nagbasa ako ng "Moymoy Lulumboy," na binili ko para kay Ion. Nakaka-inspire magsulat. Kaya naman, nang matapos akong mag-gardening, nakapagsulat ako ng isang kuwento. Maaari ko iyong ilaban sa Lampara. Sulit ang Linggo ko.
Hindi man ako nakaidlip, produktibo pa rin. Na-enjoy ko rin ang panunuod ng telebisyon.
Nobyembre 6, 2017
Maaga akong nakarating sa school, kaya nagkapag-post pa ako sa digitalworld.ph. Kailangan kong ibalik ang dati kong rank. Bumaba ang rank ko dahil sa ilang araw kong hindi nakapag-post nang marami.
Nagturo ako nang husto sa lahat ng AP 6 classes ko. Kahit ang time ng Fil 6 ay kinain ko na para ma-cover ko ang mga backlogs ko. Nagawa ko namang ipaunawa sa lahat ng klase ang mahahalagang pangyayari sa panahon ng Hapones. Haist! Nahihirapan talaga ako sa Araling Panlipunan, although natututo ako. Ang hirap dumaldal nang dumaldal.
After class, nagkaroon ng awarding of certificates para sa ERP ng principal. Hindi agad ako nakapunta sa CUP para mag-enrol. Okay lang naman dahil hindi pa open. Kung alam ko lang, hindi na sana ako nagmadali. Nagpaskil pa sila ng na Nov. 6-11 ang enrolment, hindi naman pala susundin. Sayang ang pamasahe at oras ko. Buwisit talaga ang CUP na 'yan! Kung hindi lang masasayang ang units ko sa kanila...
Past 3, nasa bahay na ako. Kahit paano ay nakapagpahinga ako. Nakatulong din ang kaunting minutong idlip sa bus. Kaya naman, nagyaya akong mag-tutor. Matagal-tagal din bago uli ako nakapag-tutor kay Bubot. Halos wala pa silang lesson.
Nainis ako nang malaman kong may shoot na naman bukas. Hindi na nila tinapos noong Huwebes, e. Paulit-ulit.
Nobyembre 7, 2017
Napuyat ako kagabi. Hindi ko alam kung dahil sa excitement para sa shoot at airing. Muntik na akong ma-late dahil 15 minutes na palang nag-ring ang alarm ko.
Past 8 na dumating ang team ng GMA. Hindi ko muna pinag-recess ang mga bata. Inabutan sila ng past 9, bago nakakain. Okay lang naman dahil may exposure sila. Kinuhaan nga rin uli ako.
Nag-diarrhea ako. Sanhi ba ito ng excitement o talagang may nakain akong nakasama? Haist! Umuwi ako nang maaga.
Past 2:30, nasa bahay na ako. Hindi naman ako nakaidlip. Hinintay ko talaga ang documentary. Eight-thirty na iyon nagsimula. Pero, worth it naman ang video. Natuwa ako sa mga sagot ni Chealsey. Ang ganda ng concept ng docu. Natuwa rin ako dahil mabilis lang ang exposure ko. Hindi nila ako halos makilala. Binati ko siya pagkatapos. Nagpalitan kami ng chat. May mga kasamahan din akong bumati at nagpahayag ng kanilang pagkatuwa at paghanga. Napatunayan ko kasing may future sa pagsusulat. Sana maniwala na ang lahat.
Nobyembre 8, 2017
Ikalawang araw ng periodic test. Marami akong nai-post sa DW. Pang-apat na ako sa ranking. Mahirap i-beat ang 3rd kasi malayo ang agwat namin, lalo na't nag-eedit pa ako ng akda ko.
Nagbayad na kami nina Ma'am Joann at Ma'am Joan V sa big book making workshop sa Lampara. Pinahiram ko sila ng tig-P2000.
After class, umidlip ako sa classroom ko. Nag-post din ako uli sa DW, bago ko naisipang umuwi.
Nang malaman kong may salary differential na, dumaan ako sa Pasay City Hall para mag-withdraw. Naisipan ko ring magpa-enrol. Alas-kuwatro na iyon, kaya naabutan ako ng cut-off. Hindi na-assess ang enrolment form ko. Kaya, babalik pa ako bukas para sa assessment at payment. Okay lang. At least, may sign akong natanggap, na kailangan kong mag-masteral uli. Tinatamad kasi ako kanina. Muntik ko nang pagdesisyunang huminto.
Six na ako nakauwi sa bahay. Nakapag-tutor pa ako kay Bobot bago matulog.
Nobyembre 9, 2017
Huling araw ng test. Natapos na nila. Ang bubble sheets na lang ang hindi pa. Hindi pa kasi natsekan ang papel sa English at Science.
Pasaway pa rin ang mga estudyante. Maiingay sila kahit may exam. Nakakainis! Sinabihan ko tuloy sila ng "maliit ang utak." Mauuso na naman iyan sa Topaz. Last year, tinawag ko silang "bungkol." Hindi kasi mapagsabihan nang isang beses. Gusto paulit-ulit. May ginagawa rin ako, e, like recording ng test scores, etc.
After class, nagpa-enroll ako sa CUP. Mabilis lang. Nagbayad na ako ng full --P2100 para sa dalawang subjects. Natatawa lang ako sa schedule ko. Magkalayo. Dulo-dulo. Ang simula ay 7:30 to 10:30. Tapos, babalik ng 5:00. Ano kaya ang gagawin ko in-between 10:30 and 5:00? Haist! Bahala na.
Sa November 25 na ang start ng klase.
Nakauwi ako sa bahay ng bandang alas-3. Nakapagpahinga pa ako sa taas hanggang 5. Iyon ay pagkatapos kong magmeryenda.
Signal number 1 sa NCR. Wala pa ring suspension. Matutulog pa rin ako nang maaga. Kailangang malaman ko bago ako maligo bukas.
Nobyembre 10, 2017
Walang pasok. Ang lakas kasi ng ulan at hangin magdamag. Kahit pa hindi suspended ang klase, hindi talaga ako papasok. Kaya lang, naisip ko ang laptop ko. Iniwan ko pala kahapon. Hindi ko puwedeng hindi makuha dahil marami akong gagawin. Kaya, after lunch bumiyahe ako pa-Pasay. Hindi naman ako agad na umuwi. Nag-post muna ako sa DW. Past 4 na ako narating sa bahay.
After dinner, nanuod kami ng '100 Tula Para Kay Stella.' Ang ganda ng concept ng pelikula. Naalala ko ang "Maybe This Time" ko. Hindi man magkatulad ang story, pero parang ganoon din ang pinagdaanan ng mga bida sa kuwento.
Nobyembre 11, 2017
Late na kami natulog kagabi, pero maaga pa ring gumising. Parang mga adik lang. Kulang sa tulog. Gayunpaman, hindi naman apektado ang layunin ko sa araw na ito.
Nagawa ko pa rin ang editing and posting task. Good thing na-open ko ang DW ko, kahit wala akong FB. Naisingit ko rin ang pagbabasa at pagsusulat. May entry na ako sa Romeo Forbes.
Nobyembre 12, 2017
Feeling fulfilled ako ngayong araw. Nag-gardening ako sa umaga. Nagluto. Nag-edit. Nagsulat. Nagbasa. Nag-tv marathon. Naki-bonding sa aking mag-ina. Ang sarap talaga kapag walang pasok!
Sa gabi, nanuod kami ng pelikula sa GMA NewsTV-- ang "Thy Womb." Maganda. Realistic. Marami kaming natutuhan.
Nobyembre 13, 2016
Napuyat ako kagabi dahil sa dalawang nagbabangayang pusa. Maiingay ang mga iyon. Parang mga batang umiiyak. Akala ko nga, nagliligawan. Nag-aaway pala. Binuhusan ko na ng tubig lahat-lahat, mas lalo silang tumapang. Haist! Puyat tuloy ako.
Maaga rin akong nagising. Gayupaman, naging productive pa rin ako. Nakapag-edit, nakapag-post, at nakapagluto. Past 4 na ako nakaidlip, pagkatapos kong ayusin ang mga pinamalengke ni Emily.
Unang araw pa lang ng long weekend. Naiinip na ako. Mas gusto ko pa rin talaga ang nasa school.
Nobyembre 14, 2017
Napuyat ako kagabi dahil sa tatlong nag-iinumang kapitbahay. Maiingay silang magkuwentuhan. Inabot ng alas-4 ng umaga sa kakadaldalan. Haist! Mabuti na lang wala pa ring pasok. Nakapagtimpi pa ako. Kahit siguro, may pasok... ako pa rin ang magko-consider sa kanila.
After lunch, napagdesisyunan kong lumawas sa Maynila para mag-withdraw ng pampagawa ng banyo at ipa-deactivate na rin ang internet postpaid ko. Kaya lang, nasayang lang ang oras at pamasahe ko dahil sarado ang bangko. Ang mga government-owned banks pala ay sarado rin.
Gabi, naki-connect na lang kami sa wifi ng kapitbahay. P500 ang monthly namin. Pumayag na ako kahit mahina at halos hindi abot sa amin. Makakatipid kami at makakapag-post ako ng mga akda ko sa mga writing sites. Mas okay na iyon sa akin kumpara sa wala talagang net.
Nobyembre 15, 2017
Parang pagod na pagod ako kagabi dahil sa dami ng panaginip ko. Panay takbuhan at habulan. Nakita ko sa mga panaginip ko ang mga kapatid, pinsan, at Mama ko. Sigurado, hinahanap na nila ako. Hindi na ako nakakauwi sa Antipolo. Haist!
Sinipag akong mag-ayos sa kusina at sa kuwarto ko. Inikot-ikot ko naman ang mga gamit. Maghapon rin akong nag-post sa DW. Umidlip lang ako nang kaunting minuto.
Sa hapon, gumawa ako ng dish garden ng cactus and succulents.
Sa gabi, tutorial uli kay Bubot. Kahit paano ay may improvement na siya sa multiplication.
Nobyembre 16, 2017
Napuyat ako kagabi. Tuwing nakiki-sleep over kasi ang mag-ina sa kuwarto ko, apektado ang paghimbing ko. Sanay kasi akong mag-isa at walang katabi. Isa pa, bukas ang ilaw dahil hindi kami nagkulambo.
Gayunpaman, naging productive ako maghapon. Marami akong nai-post sa DW. Nakapag-edit rin uli, habang nagpo-post. Na-invite ko ring sumali sa writing contests ang isang kasamahan ko sa workshop ng big book. Hinikayat ko siyang mag-try, gaya nang ginawa ko kay Ma'am Joann.
Nobyembre 17, 2017
Wala akong balak umalis dahil busy ako sa pagpo-post at pag-e-edit ng 'BlurRed.' Kundi lang kami nagkasagutan ni Emily dahil kay Ion hindi ko naisipang pumunta sa Robinson's Manila para ipa-terminate ang postpaid internet ko. Okay lang naman dahil ayaw ko nang madgadagan pa ang bayarin ko.
Bumili ba rin ako ng printer sa Silicon Valley (for P4995) as remembrance para sa year-end bonus ko.
Past 7:30 na ako nakauwi. Agad kong in-install ang printer. Ayos naman.
Later, binati na ako ni Wifey. Binangga-bangga niya ako kunwari. Kung hindi niya ginawa iyon, hindi ko siya bibigyan ng pang-review niya sa LET. (Smirks)
Nobyembre 18, 2017
Sa umaga, bago ako nag-internet, nag-gardening muna ako. Family bonding iyon. Nakakatuwang pagmasdan ang mga halaman namin, lalo na't marami ang naaaliw.
Pagkatapos niyon, nasorpresa si Emily dahil binigyan ko siya ng P7000 para sa LET Review niya za Carl E. Balita Review Center. Tuwang-tuwa siya. Natuwa rin ako. Gusto ko kasi siyang suportahan sa anumang papasukin niya, lalo na kapag nakakabuti naman sa amin.
Sana maging makabuluhan ang bahagi ng bonus ko. Mabilis lang maubos ang pera, pero kapag nagamit sa tama, magiging panghabambuhay.
Nobyembre 19, 2017
Before10, umalis kaming tatlo para mamili. Family bonding ito at treat ko sa aking mag-ina.
Past 2 na kami natapos mamili. Nakapananghalian na rin kami. Nagastos man ang kulang-kulang P9000, naligayahan naman kaming tatlo. Nakapag-grocery kami, nakabili ng mga tiles, kurtina, curtain rods, pillow cases, at iba pang kitchen utensils. Thankful talaga ako't may YEB.
Nobyembre 20, 2017
Kahit wala pa yatang dalawa oras ang tulog ko, napakaaga ko pa ring nakarating sa school.
Napuyat ako kagabi. Para akong inaasuwang. Ang init ng pakiramdam ko. Although, ang sanhi talaga ay ang pagkakaroon ng lagnat ni Ion, parang kakaiba talaga. Para akong adik. Paranoid. Ayaw ko namang buksan ang mga bintana dahil sa bali-balitang may asuwang sa villa namin. Haist!
Sa classroom, ipinatapos ko na ang bubble sheets. Nakakatamad pa magturo, kaya nagpasagot na lang ako ng tungkol sa ASEAN. Isa pa, wala naman talagang palitan dahil nasa meeting ang dalawa.
Nainis lang ako sa admin dahil biglang naghanap ng lesson plan. Wala pa naman akong printout. Sabagay, wala naman siyang nagawa kung hindi ako nagpasa.
Umuwi ako nang maaga para mag-print at maghanda ng lesson plan at visual aids. Nagawa ko ang mga dapat gawin kahit pa nag-tutor ako kay Bubot.
Nobyembre 21, 2017
Nakabawi-bawi ako ng puyat kagabi. Kaya lang, padilat-dilat pa rin ako at patingin-tingin sa bukas na mga bintana.
Ramdam ko namang nakatulog ako ng at least 5 hours dahil may mga panaginip ako.
Kaya naman, alerto ako pagdating sa klase. Naging aktibo ako sa pagtuturo.
Pagdating naman sa bus, nang pauwi na ako, nakaidlip ako. Hindi ko na nga lang nagawa pagdating sa bahay dahil kailangan ko pang maghanda ng mga lesson plan at learning materials. Sa gabi, may tutorial ako kay Bubot.
Malas lang dahil walang internet. Hindi ako nakapag-post sa DW. Naputulan yata si Anne.
Nobyembre 22, 2017
Turong-turo sana ako kanina, kaya lang andaming hadlang para hindi ko maturuan ang isa pang section. Ipinatawag ako para sa meeting ng CIP. Isinali nila ako para sa isang project. Antagal matapos ang planning. Hindi na rin tuloy ako nakapagturo ng Filipino sa advisory class ko. Pagkatapos ng meeting, dismissal time na.
Mahirap na position ang ibinigay sa akin. Sa team, ako ang Communication. Ibig sabihin, ako ang magpre-present sa panel ng tungkol sa study. Kahit mahina ako sa oral, kakayanin ko. Tiwala sila sa akin, e. Kailangang kong patunayan. Besides, preparation na rin iyon para sa thesis ko.
Past three na ako nakauwi dahil nag-meeting ding kaming Coop board. Okay lang dahil may compensation naman.
Past five na ako nakauwi. Nakapaghanda ako ng LM sa AP, bago ako nag-tutor kay Bubot. Nakakapagod, pero masaya dahil natuwa raw ang Mama niya dahil nag-increase ang grade niya ng two percent.
Nobyembre 23, 2017
Walang palitan ng klase dahil halos mangalahati ang attendance. Opening na ng Division Palaro. Isinama lahat ng athletes. Gayunpaman, nagturo ako sa advisory class ko. Dalawang beses pa akong nagpa-groupwork.
Nakakainis lang dahil wala akong internet connection. Hindi ako maka-connect sa wifi sa office. Almost 24 hours na akong walang net, kasi wala ring connection sa kinabitan ko sa kapitbahay.
Nag-meeting uli kaming CIP team after lunch. Nakapag-brainstorm kami.
Nakapagpaalam na rin ako sa principal tungkol sa workshop namin bukas sa Lampara Books. Pumayag naman siya. Pinagawa niya pa nga ako ng solicitation. Manghihingi kami ng books.
After meeting, nagpanotaryo ako ng mga akda namin ni Ma'am Joann. Ipapasa namin bukas sa PHR.
Past 5, nasa bahay na ako. Pagod, pero masaya. Feeling disappointed lang dahil wala pa ring net.
Nobyembre 24, 2017
Pumunta muna ako sa school para buksan ang classroom ko. Pinapasok ko pa rin kasi ang mga estudyante ko. Then, bumalik ako sa Baclaran para maghintay sa mga kasama ko. Nauna na roon si Ms. Kris, kaya nagkasabay pa kaming mag-almusal.
Nakapagkuwentuhan pa kami habang hinihintay si Ma'am Joann. Past six-thirty na kami nakaalis.
Kami naman ang pinakaunang dumating sa venue.
Bago nakapagsimula, naipasa naman namin ang enties namin sa "The 7th Lampara Annual Children's Story Writing Contest." Iyon na ang ikatlo kong entries.
Nakita ko na rin nang personal si Sir Genaro. Nakaka-inspire talaga siya. Lahat ng sinabi niya ay bago sa aking pandinig. Andami kong natutuhan. Sulit na sulit ang binayad ko. May mga freebies at libreng lunch at snacks pa. Hindi na lugi. Sana lang makuha ang output namin bukas. Sana rin maganda ang critic sa ipinasa ko.
Maaga kaming pinauwi, pero past seven na ako nakarating sa bahay. Pagod napagod at gutom na gutom ako.
Nobyembre 25, 2017
Nagka-insomia na naman ako kagabi. Ilang oras na lang ang tulog ko. Tapos, napakaaga ko pa sa venue. Past 8, nandoon na ako. Matagal lang akong naghintay.
Late ang dalawa. Ang masama pa, nahilo ako. Kakaiba ang naramdaman ko. First time kong maranasan ang para akong matutumba. Nawala ako sa wisyo, kaya medyo disappointed ako sa output ko. Iyon pa naman ang maaaring madiskubre sa akin. Mas maganda pa ang pangalawa kong gawa. Palibhasa, nakakain na ako. Gutom lang pala ang dahilan ng hilo ko.
Marami na naman akong natutuhan. Nakaka-inspire!
Past 4:30 na kami nakalabas. Pagod kami, pero fulfilled.
Nine na ako nakauwi.
After dinner, nagawa ko naman nang maayos ang assignment, pero nakakahiya. Hilaw pa nga ako as writer, pinag-critique pa kami. Haist! Bahala na.
Nobyembre 26, 2017
Past 8, nasa PHR na ako. Ako na naman ang nauna sa aming tatlo. Nakapag-almusal na ako.
Critiquing lang ang nangyari maghapon. Magaganda ang feedbacks sa aming tatlo. Sa akda ko, kaunti lang ang revision na gagawin ko. Nagustuhan niya ang title at ang pagiging maaksiyon ng main character.
Kumikilos daw talaga.
Grabe! Overwhelming talaga!
Pagkatapos ng graduation, nagkintal marahil ako sa facilitator at sa awtor at may-ari ng Lampara Books. Sana maging part ako ng cycle nila.
Past 8 na ako nakauwi. Pagod ako, pero fulfilled.
Nobyembre 27, 2017
Absent ang tatlo kong kasamahan sa Grade 6, kaya wala na namang halos palitan. Nagturo lang ako sa Amethyst, then bumalik na ako sa advisory class ko. Sa kanila ako nagturo nang nagturo. Nag-storytelling pa ako.
Naging emotional ako habang binabasa ko sa kanila akda kong 'Ang Lihim nina Janna at Janjan.' Hango kasi sa tunay na buhay.
After class, itinuloy namin ang CIP. Medyo umusad na ang project namin.
Magiging busy na rin ako sa mga susunod na araw kasi may memo na ang annual accomplishment report. Nakatoka sa akin. Sana noon pa ibinigay ni Ma'am ang soft copy. Nasimulan ko na sana.
Past 6 na ako nakauwi. Trabaho pa rin ang inatupag ko. Tutorial. LM preparation. Etc.
Nobyembre 28, 2017
Hindi na naman ako makapagturo dahil may parade. National Reading Month ngayon, kaya may mga pakulo. Naging scorer pa ako sa quiz bee. Halos natapos na ang klase, hindi ako nagpagturo ng kahit ano. Nakakawala talaga ng wisyo.
After class, may CIP ulit kami. Unti-unti na naming nabubuo ang proyekto. Kaya lang, pasado alas-4 na kami nakalabas sa school. Gabi na naman ako nakauwi.
Nobyembre 29, 2017
Hindi na naman kami nagpalitan ng klase dahil may culminating program ng National Reading Month. Gayunpaman, nagturo ako sa AP, Filipino, at ESP. May mga groupwork pa sila. Sulit naman ang pasok nila.
Nainis ako nang malaman ko ang act ng principal. Ipinakita niya kay Ma'am Dang, team leader ng CIP, ang pictures ng mga tasang iniwan daw namin sa table kahapon, nang magkape kami. Although, mali nga ng ang table manner na iyon, hindi pa rin niya dapat ginawang big deal, to think na nagmamadali nga kaming matapos ang proyekto niya, na dapat siya ang gumagawa. Isa pa, nalaman naming inayaos namin ang mga ginamit namin sa pagmemeryenda bago kami bumalik sa trabaho. Iba ang may gawa niyon. The painful point is trinatrato niya kami as alila at hindi niya kami kayang pagsilbihan at irespeto. Maliit na bagay, ginawa niyang isyu.
Dahil na-offend ako, hindi ko sinipot ang team sa huling araw ng paggawa. Umuwi agad ako. Hindi ako siyempre nagpaalam sa kanila. I'm sure, hindi sila papayag kapag ginawa ko.
Sa December 4 na ang presentation niyon. At, ako ang magpre-present. I decided right away, na aabsent ako. Hahayaan kong sila ang gumawa ng toka ko. Besides, may contribution na ako sa project.
Kapag nainis ako nang husto, pati ang annual report niya ay hindi ko gagawin. Ginagamit niya lang kami, kaya dapat i-please niya kami.
Dahil sa nangyari, nakatulog ako pagdating ko. Past 5 na ako bumangon. Ang sarap sa pakiramdam. Nabawi ko na ang puyat ko. Tamang-tama ito sa pagbiyahe naming 1000+ group patungong Baguio.
Nobyembre 30, 2017
Napuyat ako kagabi dahil sa kahihintay kay Emily. Nak Past ipag-inuman siya kina Anne at Tina. 12 na siya dumating.
Hindi naman ako excited sa trip to Baguio, pero nagising ako nang maaga.
Pagkatapos ng almusal, naglinis ako at nag-empake. Nakapag-gardening din ako. Na-miss ko ang garden ko.
Before 6, bumiyahe na ako papunta kina Miss Kris. Nauna na sa akin sina Papang at Emeritus. Doon kami nag-dinner. Nagkape rin kami habang naghihintay ng alas-onse. Isang masayang kuwentuhan ang naganap bago kami nag-taxi papuntang Victory Liner. Past 11:30 nang umalis ang bus.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment