Followers

Sunday, November 5, 2017

Sino ang Tunay na Duwag?

Mahilig sa mga insekto ang ama ni Sixto. Sa kanilang hardin, madalas siyang nanghuhuli ng tutubi, tipaklong, gagamba, kulisap, paruparo, salaginto, salagubang, langgam, alitaptap, at kung ano-ano pa. Bukod na natutuwa siya sa katangian ng mga ito, nakatutulong pa sa pagbabalanse ng ecosystem. Sila ang madalas na pagkain ng ibang hayop sa paligid.
Ayaw na ayaw naman niya ang mga lamok, langaw, at ipis sa kanilang bahay. Madalas, ini-spray-han niya ang buong bahay ng insecticide. At, pinapanatili niya ang kalinisan sa kanilang tahanan at bakuran upang ang mga pesteng insekto at hindi manirahan. Ayaw niyang magdulot ang mga ito ng mga sakit gaya ng dengue, diarrhea, cholera, at iba pa.
Pero, natutuwa siya sa tunog ng mga bubuyog, kahit minsan na siyang nakagat nito. Ang mga ito kasi ang nagpaparami ng mga bulaklak sa kanilang hardin sa pamamagitan ng pollination. Ang mga bubuyog rin ang gumagawa ng honey.
Tuwing may nahuhuli ang ama ni Sixto, agad niya itong ipapakita sa anak.
"Sixto, may insekto akong nahuli. Tingnan mo," sabi ni Daddy Calixto. Hawak-hawak niya sa pakpak ang tutubing karayom.
Napaurong si Sixto nang makita ang insekto.
"Hawakan mo."
"Ayaw ko po." Napangiwi si Sixto.
"Bakit natatakot ka? Mas malaki ka pa kaysa sa kanya."
"Nakakatakot po, e."
Pinakawalan ng ama ang hawak na insekto.
Minsan naman, may ipinakita salagubang ang ama ni Sixto. Akala niya, magugustuhan iyon ng anak dahil kulay-ginto ito. Subalit, napangiwi at napaurong na naman siya nang makita ang insekto.
"Mas malaki ka sa kanya. Mukha lang siyang nakakatakot," sabi pa ng ama.
"Nakakatakot po ang mga paa niya," sabi ni Sixto, habang siya ay papalayo.
Isang umaga, nakakita ng puting gagamba ang ama niya.
"Sixto, Sixto, may ibibigay ako sa 'yo!" masayang balita ng ama. Inilahad niya ang isang sanga. Naroon nakadapo ang puting gagamba.
Napaurong si Sixto. Siya ay napangiwi.
"Hawakan mo ang sanga,"utos ng ama. Huwag mo lang hahawakan ang gagamba."
"Ayaw ko po."
"Ang duwag mo naman. Mas malaki ka pa kaysa sa kanya," sabi ng naiinis na ama. Nais niya kasing maging matapang ang anak.
"Natatakot po ako, e."
"Bakla ka yata, e."
Nahulog mula sa sanga ang gagamba.
"Damputin mo kung lalaki kang talaga," utos ng ama. Iniabot kay Sixto ang sanga, saka siya bumalik sa hardin nila.
Kahit takot na takot, pinilit hulihin ni Sixto ang puting gagamba. Gusto niyang patunayan sa ama na tunay na lalaki siya at hindi siya duwag.
Samantala, sa hardin, may nakitang bahay ng bubuyog ang ama ni Sixto.
"Sixto, Sixto, halika rito. Dali, dali!" tawag ng ama.
Manghang-mangha ang ama sa bahay ng bubuyog. Noon lamang siya nakakita ng ganoon. Hinawakan niya iyon at sumilip sa butas.
Isang malakas na sigaw ang narinig, matapos maglabasan ang mga bubuyog mula sa butas. Napaurong ang ama ni Sixto. Muntik nang makagat ang kanyang mga mata. Pagkatapos, nagliparan ang iba't ibang insekto sa paligid ng hardin, nang matumba siya sa mga halaman. Napapikit pa siya nang nagsaboy ng ginintuang alikabok ang mga paruparo.
"Mommy, tulungan mo ako!" sigaw ng ama. Kinusot-kusot niya ang mga mata.
"Ano ba ang nangyayari sa 'yo, Calixto? Mga insekto lang, kinatatakutan mo pa," pagalit ng asawa. "Bumangon ka na riyan." Iniwan niya ang asawa habang natatawa.
"Sixto, tulungan mo ako," sigaw uli ni Calixto. Hindi siya makatayo dahil tila galit na galit sa kanya ang mga nakapaligid na insekto. "Sixto! Sixto!"
"Daddy, ano po ang nangyari sa inyo?" tanong ng dambuhalang puting gagamba.
Napasigaw muli ang ama sa kanyang nakita. Kahit masakit ang likod niya, napilitan siyang tumayo at tumakbo palayo.
Sa likod ng bahay dumaan si Calixto. Pagpasok niya, nakita niya si Sixto. Hawak ng anak ang sanga, kung saan nakakapit ang puting gagamba.
"S-Sixto?" humagangos na tanong ang ama.
"Daddy," napalingon at napangiti ang anak niya. "Ang bait po ng gagamba. Hindi po pala ito dapat katakutan."
"Anak, itapon mo na 'yan. Bilis!"
"Bakit po? Natatakot po kayo? Lalaki po ako. At, mas malaki po ako." Inilagay niya sa palad ang gagamba. " See, Dad?"
Napaurong at napangiwi ang ama, nang tila nakita niyang muli ang dambuhalang gagamba sa katauhan ng anak.
"Ayaw ko na!" hiyaw ng ama. Pagkatapos, mabilis siyang pumanhik.

Naiwan si Sixto. Tawa ito nang tawa.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...