Followers

Sunday, April 8, 2018

Kumusta ang Childhood Ko?

KUMUSTA ANG CHILDHOOD KO?
Hindi ko na-enjoy ang childhood ko.
Nakakapagod. Nagpalipat-lipat ng tirahan. Nakamulatan kong nasa Bicol kami noon. Nakatira sa isang perpektong halimbawa ng bahay kubo.
Kaya lang, isang gabi, bigla na lang nasunog ang aming tirahan. Narinig kong sinunog iyon ng aking ama. Hindi ko naintindihan kung bakit. Basta nakitira kami sa bahay ng tiyo ko. Sa bodega kami tumira ng ilang buwan.
Sumama ang ama ko sa pangingisda. Noon nagsimula ang pangarap kong maging mangingisda someday dahil  tuwing gabi nag-uuwi ang ama ko at mga kasamahan niya ng iba’t ibang klase ng isda. Ang iba nga ay buhay pa.
Bago ako mag-Grade One, pinatira kami sa dating bahay ng tiyo ng Mama ko. May mga kaibigan naman ako doon, pero hindi ko sila maalala dahil bago pa magtapos ng klase, lumipat kami ng bayan.
Sa isang liblib na bayan, kami napadpad. Pinatira kami sa pahilis na bahay ng kumpare ng Papa ko. Hindi ko alam kung paano kaming nagkasya sa pahilis na bahay-kubong iyon. Lima kami. Basta in-enjoy ko na lang ang kapaligiran doon. Marami kasing mga puno doon na aking naaakyat. Mga ilog na aking nalalangoy at napapaliguan. Mga palayang maraming hito. May mga kalaro rin ako roon, pero hindi ko sila ngayon maalala.
Kababa ko lang sa entablado para kunin ang 5th honors ribbon ko, umalis na kami sa baryong iyon. Patungo kami sa Maynila.
Dumaan lang kami sa kapatid ng Mama ko. Pagkatapos, sa Tarlac ko natagpuan ang pamilya namin. Malungkot lang dahil hindi namin noon kasama ang aming ama. Kung ano man ang dahilan, hindi ko pa alam hanggang ngayon. Basta noong nag-aaral na ako ng Grade 3, wala pa rin si Papa. Si Mama lamang ang gumagawa ng paraan para mabuhay kami roon. Nagtitinda siya ng ice candy sa labas ng paaralan namin. Ikinahihiya ko siya noon sa aking mga kaklase. Ayaw kung malaman nilang siya ang ina ko.  Later, nalaman din nila. Kaya, nakakalapit na ako kapag recess.
Doon ko naranasan ang mamulot ng mga laruan. Magtinda ng mga kendi at kukutin sa mga kaklase para may dagdag baon. Natuto akong mangupit sa tindahan ng tiya ng Mama ko dahil kapos talaga kami sa baon.
Sa gabi, gumagawa kami ng pambalot ng tinapa o balut. Gawa iyon sa telephone directory. Kada 100 na piraso, maibebenta namin iyon ng P2.
Kalagitnaan na ng taon nang dumating ang aking ama. Nakapasok naman siya sa isang aircondition repair shop. Kahit paano, natigil na si Mama sa pagkakayod-kalabaw. Pero, hindi niya itinigil ang pagluluto para sa mga kakilala at kapitbahay na may handaan.
Nakakapagod.
Lumipat na naman kami sa Cainta, bago pa magtapos ang klase. Hindi ko na nga nakuha ang 3rd honors ribbon ko.
Iniwan kami ng kuya ko sa pangangalaga ng kapatid ng Mama ko dahil may trabaho ang mga magulang namin sa garments factory sa Manila. Kasama nila doon ang tatlong taong gulang kong kapatid.
Ang hirap makitira sa kamag-anak. Bukod sa kailangan kong matuto sa mga gawaing bahay, hindi pa ako kailangang magkasakit dahil hindi sila tulad ng aking mga magulang kung mag-alaga.
Okay naman ang pag-aaral ko. Kaya lang, kalagitnaan ng school year, lumipat na naman kami. Bumalik kami sa Bicol. Napunta ako sa last section. Malala ang mga ugali ng mga kaklase ko. Wala akong honors after ng school year. Okay lang. Alam ko namang natuto ako.
Grade Five ako, nakabalik na kami sa dating lupang kinatitirikan ng bahay-kubong sinunog ng aking ama. Pero, bago napatayuan ng mas malaking bahay-kubo, nakitra muna kami sa napakaliit na bahay-kubo ng pinsan ng Mama ko. Mas maliit pa sa pahilis na bahay-kubo. Mabuti na lang, wala pang klase noon.
Nang may klase na, nakalipat na kami sa mas malaking bahay-kubo. Noon ko lang yata na-enjoy ang kabataan ko dahil marami na akong kalaro. Marami na akong nakakalarong pinsan at kapitbahay. Doon ako natutong magbisikleta, lumangoy sa ilog, kahit baha, maghanap ng niyog para ibenta, at kung ano-ano pa.
Tatlong taon kong na-enjoy ang kabataan ko. Pero, pagkatapos niyon, hindi ko na naman na-enjoy ang aking pagbibinata dahil noong first year ako. Naiwan kaming magkakapatid sa pangangalaga ng aming ama dahil nagtrabahong muli ang Mama ko sa Maynila. Unti-unti ngang nasemento ang bahay naming, pero kinailangan kong kalimutan ang pagiging bata dahil naiwan ang tatlong taong gulang na pinsan ko, na inampon ng aking mga magulang. Ako ang tumayong ama’t ina.
Mahirap palang pagsabayin ang pag-aalaga ng bata at pag-aaral. Si Papa ang yaya kapag nasa school ako. Ako naman sa gabi at kapag walang pasok. Lalo akong natuto ako sa lahat ng gawaing-bahay.
Kung nakakapagod ang pagapalit-lipat ng tirahan at kung mahirap ang naging buhay namin sa bawat lugar na aming napuntahan, masalimuot naman ang karanasan ko simula pa noong hindi pa ako nag-aaral.
Masakit. Napakasakit. Pero, napagtagumpayan ko. Naitago ko. Walang nakaalam. Wala akong pinagsabihan.
Ang masama lang, apektado ang pagkatao ko. Natakot ako. Nawalan ng tiwala. Nagduda. Nag-iba ang pananaw. Naging mahalay.
Sa murang edad, natikman ko na ang pang-aabusong seksuwal. Isa. Dalawa. Tatlo. Marami. Paulit-ulit.
Ang mga pangyayaring iyon sa nakaraan ko ay lingid sa mga magulang ko, sa mga kapatid ko, sa mga kamag-anak ko, at sa mga kalaro ko. Kung may magtatanong kung bakit hindi ako nagsumbong, ang sagot ko ay isa ring tanong--- “May maniniwala ba?”
Kung tatanungin ako kung masaya ang childhood ko, ang sagot ko ay ‘Oo. Masaya.’
Masaya ako dahil sa bawat lugar na marating ko, samu’t saring kuwento ang nabuo. Masakit man ang iba, pinatatag naman ako ng mga iyon.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...