Followers

Friday, April 27, 2018

Walong Gabi ng Pag-iisa


Simula nang umalis sina Daddy at Mommy para magbakasyon sa    Baguio, natuto na akong matulog mag-isa sa kuwarto. Pero, pitong gabi akong hindi nakatulog nang husto. 

                 "Good night,     Zillion," sabi ni Tita Judy sa akin. Pagkatapos niya akong kumutan,  pinatay na niya ang ilaw, saka lumabas sa kuwarto. 

                 Mayamaya, bumangon ako para buksan ang ilaw at isara nang maigi ang pinto at mga bintana. Hindi ako nagtalukbong ng kumot, pero hindi ko ipinikit ang aking mga mata.

                 "Zillion?" ang tawag ni Tito Jefferson. "Bakit nakabukas pa ang ilaw?"

                 Agad ko siyang pinagbuksan ng pinto. "Hindi po kasi ako makatulog," paliwanag ko pa. 

Ngumiti ang aking tito at inakbayan niya ako patungo sa kama ko.

Nagkuwento na ako sa aking tito.

"Noong Linggo, nagulat ako sa babaeng nakaputi dahil lumusot siya mula sa kabinet. Lumulutang siya habang siya ay papalapit. Nang binuksan ko ang ilaw, nawala siyang bigla."

"Noong Lunes, nagising ako sa sanggol na umuuha. Nang sinilip ko iyon sa bintana, halos matumba ako sa pagkabigla. Isa palang nakakatakot at mukhang matandang bata ang umiiyak. Mahahaba at matutulis ng ngipin niya. Bumalik ako sa higaan at nagtalukbong ng kumot kong pula."

"Noong Martes, natakot ako sa malaking boses ng higanteng lalaki, na may tatlong mata. Pilit niya akong kinukuha. Mabuti na lang, nakatago ako sa ilalim ng kama."

"Noong Miyerkules, nasilaw ako sa liwanag na nagmula sa kalawakan. Nang sumilip ako sa bintana, mga kakaibang nilalang ang bumababa mula sa hugis mangkok na sasakyan. Mga hugis-tao sila, ngunit kamukha ng mga berdeng palaka. Sumigaw ako nang sumigaw hanggang dumating si Tita."

"Noong Huwebes, dinalaw ako nina Lolo Antonio at Lola Dominga. Mga patay na sila, kaya hindi ako lumapit sa kanila. Nagtakip na lang ako ng unan sa mukha."

"Noong Biyernes, naalimpungatan ako sa huni ng itim na ibon. Para siyang kumakatok sa salamin ng bintana. Nang lapitan ko iyon at pagbuksan, napaurong ako nang nagpalit iyon ng anyo. Iyon ay naging malaking paniki. Kasinglaki ng tao. Sa kabinet, pinagkasya ko ang katawan ko."

"Noong Sabado, natuwa ako sa pagliwanag ng aking kuwarto. Nakapasok kasi ang mga alitaptap. Pero, napasigaw at natawag ko ang mommy at daddy ko dahil ang mga insektong iyon ay naglikha ng apoy. Muntik nang masunog ang kama ko. Mabuti na lang, napaihi ako."

"Kagabi, magdamag akong hindi natulog. Sinara ko nang maigi ang pinto at mga bintana. Binuksan ko ang ilaw. Natalukbong ako ng kumot. Narinig ko ang oras-oras na pagtilaok ng mga manok ng kapitbahay, ngunit wala akong naramdamang kakaiba."

"Nagtataka po ako. Mayroon po ba talagang mga kakaibang nilalang o mga panaginip ko lang sila?" tanong ko kay Tito Jefferson.

Tawa nang tawa si Tito Jefferson.

“Ngayong gabi, sino na naman po kaya o ano na naman kaya ang gagambala sa pagtulog ko?"

"Wala na, Zillion, kapag magdasal ka sa Panginoon. Nag-pray ka na ba?"

Napakamot ako ng ulo. "Hindi pa po. Pitong gabi na rin po pala akong hindi nagdarasal bago matulog."

"Kaya pala. O, sige, bago ka matulog ngayon, magdasal ka. At, bukas, darating na ang mommy at daddy mo."

"Yehey!" Pagkatapos, humiga na ako. 

"Good night, Zillion!" bati ni Tito Jefferson bago niya pinatay ng ilaw.

“Good night din po!" 

Paglabas ni Tito Jefferson, nagdasal ako gaya ng turo sa akin ng mommy at daddy ko. At, nakangiti akong pumikit. Alam kong makakatulog na ako. 

"Good morning, Zillion!" Nagulat ako sa bati ng mga nakangiting magulang ko.

Niyakap ko sila nang mahigpit. "Mommy, Daddy, kaya ko na pong matulog mag-isa sa kuwarto ko."

"Mabuti naman, anak, kung ganoon," sabi ng mommy ko.

"Salamat sa Diyos!" bulalas ni Daddy.

"Opo! Salamat po sa Kaniya dahil Siya pala ang nagbabantay kapag natutulog tayo."












No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...