Followers

Saturday, October 6, 2018

Alamat ng Parang 7: Si Zap Kulisap

Hindi pa rin kumilos si Calla Kalabaw upang matigil ang paglagas ng nag-iisang puno sa parang dahil, para sa kaniya, hindi niya iyon kawalan.

Patuloy naman ang paggapang ni Chrys Ahas. Mayroon siyang maitim na balak. Kahit pinahiya siya ni Calla Kalabaw noong nakaraang linggo, hindi pa rin siya sumuko sa pagsuyo sa reyna.

Hindi naman lingid sa buong parang ang kasamaan ni Chrys Ahas. Halos lahat ng hayop at kulisap doon ay umiiwas lang sa kaniya.

Pero, iba si Jack Tagak. Hindi lang siya umiiwas, hinihikayat din niya ang mga kaibigan niya, na putulin na ang kasamaan ng ahas nilang kasamahan upang manumbalik ang kaayusan sa parang at upang makita ng kalabaw ang tunay na problema rito at solusyon nito.

"Hindi matatapos ang kaguluhan, pag-aaway-away, at pag-usbong ng mga problema hangga't nakikinig si Calla Kalabaw kay Chrys Ahas," minsang sabi ni Jack Tagak sa mga kaibigan.

Naniniwala naman sila.

"Alam mo, Jack Tagak, hindi ko maintindihan noong kinausap ko si Calla Kalabaw, isang araw," turan ni Zap Kulisap.

Matamang nakikinig si Jack Tagak.

"Sabi ko sa kaniya, ang pagsusumbong nang mali ang nagiging dahilan ng kaguluhan sa parang," patuloy ni Zap Kulisap.

"Tama! Ano ang sagot niya?" tanong ni Jack Tagak.

"Si Chrys Ahas daw ba tinutukoy ko?"

"Siya naman talaga ang isa sa mga sipsip sa kaniya, a!" galit na singit ng tagak.

"Hindi ako nakasagot kasi kung ano-ano na ang sinabi niya. Kesyo magagalit daw si Chrys Ahas kapag nalaman niya na ganoon ang tingin ko sa kaniya. Ang gusto ko lang naman sabihin ay kahinaan ang labis pagsisipsip upang siya ay lumakas."

Napamura si Jack Tagak. "Halata namang nagkakampihan silang dalawa. Hindi ko maintindihan si Calla Kalabaw kung bakit nakikinig siya riyan kay Chrys Ahas. E, obvious namang may masamang balak iyan sa kaniya para sa sarili niyang interes. Hindi tuloy natin masolusyunan ang mga problema sa parang dahil sa kanila. Patuloy at magpapatong-patong ang problema kapag hindi nila binigyang-pansin ang pinakaugat ng problema. Magkakasakit ang mha hayop at insekto dahil mawawalan tayo ng masisilungan pagdating ng matinding sikat ng araw o ng malakas na ulan."

"Grabe talaga siya, Jack Tagak! Hindi na nila naisip ang kapakanan nating mabubuti," malungkot na pahayag ni Zap Kulisap.

Naawa si Jack Tagak sa kaibigang kulisap habang laylay ang balikat na lumulukso palayo.

"Hayaan mo, Zap Kulisap, gagawa ako ng paraan!" pahabol na sigaw ng tagak.

Nang bumuhos ang malakas na ulan, marami ang sumisigaw ng tulong dahil halos na malubog sa baha ang buong parang. Nakalikas naman ang ibang hayop at insekto.

Si Jack Tagak , palibhasa may kakayahang lumipad, nakahanap siya ng masisilungan. Ang mabubuti naman niyang kaibigan na sina Daniel Daga, Susie Suso, Susan Uwang, Lala Langgam, Zap Kulisap, Barack Uwak, at Naty Bulate ay komportable sa kani-kanilang lungga. Katulad niya, ligtas sila sa buhos ng ulan at ihip ng hangin.

"Paano kaya si Calla Kalabaw?" naisip ni Jack Tagak. "Nalunod na kaya si Chrys Ahas sa kaniyang lungga? Naku, mababasa ang kaniyang maputing balat, pero maaaring bumalik ang kaniyang pag-aagnas." Isang makahulugang ngiti ang rumihestro sa kaniyang mukha.

Sumikat ang araw. Masayang nilipad ni Jack Tagak ang paligid ng parang upang kumustahin ang kaniyang mga kaibigan.

Pinuntahan niya isa-isa ang lungga ng mga kaibigan. Kaya, nang matapos niyang masigurong ligtas at nasa maayos na kalagayan ang mabubuting kaibigan, nagpahinga siya. Naalala niya si Susie Suso. Kaya, muli siyang lumipad at tinungo ang tirahan nito.

"Kumusta?" masayang bati ni Jack Tagak.

"Heto, masaya pa rin," sagot ng suso.

"May balita ka ba kina Chrys Ahas at Calla Kalabaw?"

"Wala, e. Pero, sigurado ako, magkasama na naman sila. Sana lang makuha na ng ahas na iyon ang pangarap niya noon pa."

"Wala naman siyang kakayahang maging kanang kamay ni Calla Kalabaw. Isa pa, walang malasakit ang ating reyna sa parang dahil para sa kaniya, lilipat siya pagdating ng tamang panahon."

"Tama ka."

"Kaya nga, sana maisama niya si Chrys Ahas paglipat niya dahil magmumukhang tae siya sa paningin nating lahat kapag wala na siyang nakakapitan. Gagapang siya nang walang maihaharap na tabinging mukha!"

Malakas ang tawanan ang narinig sa isang bahagi ng parang. Walang pakialam ang dalawa kung may nakarinig man o wala. Alam nilang totoo ang kanilang
paratang.

Lumipas ang mga araw, tuloy-tuloy ang paglagas ng mga dahon ng puno. Halos wala na ring masilungan ang reyna. Wala na halos lumalapit doon.

Ilang insekto na ang nangamatay dahil sa tindi ng sikat ng araw. May ibon na ring biglang nangisay.

Nangangamba si Jack Tagak na maging malubha ang kanilang problema. Hindi na niya maatim ang mga nangyayari.

Isang araw, may kumalat na balita sa parang.

"Lilipat ka na raw?" tanong ni Daniel Daga kay Jack.

"Pinag-iisipan ko. Hindi ko na kayang makita ang paghihirap ng mga kasamahan natin. Baka hindi ko na rin kayang mabuhay pa sa parang na ito. Impiyerno na ang tingin ko rito," malungkot na saad ng tagak.

"Pag-isipan mo nang mabuti. Kung lilipat ka ba, mapapabuti ang kalagayan mo roon o baka mas lalo pang mahirapan?"

"Naisip ko rin po iyon."

Nalungkot sina Zap Kulisap, Naty Bulate, Barack Uwak, at Vina Kuwago sa balitang iyon. Nang magkaharap-harap sila, hinikayat ng apat na huwag nang lumipat si Jack Tagak.

"Alam mo ba kapag lumipat ka, may matutuwa?" kumikislap ang mga matang sabi ni Vina Kuwago.

"Si Chrys Ahas po?"

Hindi tumango ang kuwago.

"Hindi po siya ang dahilan ng paglipat ko. pero siya po ang magiging dahilan ng pananatili ko," sabi ni Jack Tagak.

"Huwag ka na pong umalis. Kailangan ka sa parang. Ikaw ang nakikita kong may kakayahan para mamuno sa mga hayop at insekto," mangiyak-ngiyak na sabi ni Naty Bulate.

Napangiti lang muna si Jack Tagak. "Hindi ko na yata kaya, Naty Bulate. Bulag na si Calla Kalabaw. Matigas na rin ang puso ni Chrys Ahas. Kailangan ko ring isipin ang buhay ko. Siguro kailangan ko na ngang maghanap ng lugar kung saan hindi masasayang ang pagmamalasakit ko para sa karamihan at sa kalikasan. Nagiging masama pa nga ako sa paningin ng iba."

"Hayaan mo po sila. Basta kami, naniniwala sa kakayahan at adbokasiya mo," patuloy ng bulate.

"Salamat, pero bukas aalis muna ako. Bahala na muna kayo rito."

"Kung makakatulong ang paglayo mo ng isang araw, sige. Pero, sana huwag mong hayaang may maligayahan," payo ni Vina Kuwago.

Tahimik lang sina Barack Uwak at Zap Kulisap, pero alam ni Jack Tagak na katulad ng dalawang babae, nalulungkot ang mga ito.

"Salamat po, Vina Kuwago! Hayaan po ninyo, pag-iisipan ko nang maigi."

"Uy, parang gusto ko ring umalis bukas. Sabay-sabay na tayong lumipad, Vina Kuwago at Jack Tagak," nakangiting yaya ni Barack Uwak.

"Hay, naku, matutuwa talaga si Ano," pakli ng kuwago.

Desidido na si Jack Tagak. Aalis siya sa parang. Isang araw lang naman siyang mawawala. Nais lang niyang pag-isipan kung lilipat na siya o mananatili.

Nang magkahiwa-hiwalay sila, kinausap ni Naty Bulate si Susie Suso.

"Hindi po ba kaibigan ninyo Jack Tagak? Tulungan naman po ninyo akong hikayatin siyang huwag umalis. Daniel Daga," sabi ng bulate.

Bahagyang natawa ang suso. "Oo, kaibigan namin siya, pero hindi namin mapipigilan. Ang magagawa lang namin ay suportahan siya."

Dumating sina Daniel Daga at Lala Langgam.

"Hay, naku, Naty Bulate, ikaw ang dahilan ng paglipat ni Jack Tagak," tila seryosong biro ng daga.

"Po? Ako po?" inosenteng tanong ng bulate. "Sige po, ako na lang ang aalis. Huwag lang siyang umalis." Humagulhol na si Naty Bulate.

Tawa nang tawa si Lala Langgam. "Naku, hindi ka na nasanay kay Daniel Daga. Hayaan na muna natin si Jack Tagak. Hindi siya aalis."

Bago dumilim, nakausap ni Naty Bulate si Jack Tagak. Paalis na sana siya noon.

"Akala ko nagbibiro ka lang," sabi ni Naty Bulate.

"Natutuwa ako sa 'yo kasi nakikita mo ang worth ko rito sa parang. Dati sabi mo sa akin, natatakot ka sa akin. Ngayon, gusto mo na ako. Salamat"

"Opo. Mabait ka po at may abilidad."

"Pero, totoong nagplaplano akong umalis."

"Huwag na po."

"Hayaan mo, magmumuni-muni ako bukas nang buong araw. Kapag bumalik ako, it means, I will stay."

"Sige po. Sana bumalik ka. Ingat po kayo."

"Salamat!" Nakangiting lumipad si Jack Tagak palayo sa kaibigan.

Hindi sapat ang isang araw ng paglayo at pagmumuni-muni ni Jack Tagak, pero nang bumalik siya parang buo na ang kaniyang pasya. Hindi na siya aalis. Tama ang mga kaibigan niya. Kailangan siya sa parang.

Masaya siyang sinalubong ng mga kaibigan.

Lubos na natuwa si Naty Bulate.

Lumapit naman si Zap Kulisap. "Akala ko, tototohanan mo na ang pag-alis. Salamat naman at bumalik ka. Alam mo, may matutuwa kapag umalis ka."

"Kaya nga, naisipan kong bumalik. Gusto ko siyang patayin sa inggit at kalungkutan. Malungkot siya kapag may nagtatagumpay at may masaya."

"Tama ka. Pero, ako, hahayaan ko lang siya. Mananahimik ako hanggang kaya ko. Dedma is my game. Kung noon dinaramdam ko ang katalasan ng dila niya, hindi na ngayon.

Marami pang nalaman si Jack Tagak kay Zap Kulisap. Ilang beses na raw siyang pinagsalitaan ng masasakit na salita at ipinahiya sa maraming tao ni Chrys Ahas. Naawa siya sa kaibigan.

"Pangit siguro ang pagpapalaki ng pamilya niya sa kaniya at pangit ang kabataan niya."

"Siguro nga. At saka, ambisyosa talaga siya. Gagawin niya ang lahat para lang maabot niya ang pangarap niya. Nakakaawa siya."

Tumatag ang kagustuhan ni Jack Tagak na manatili sa parang dahil na rin kay Zap Kulisap. Nakita niyang marami ang dapat niyang tulungan at ipagtanggol.

Nang mapag-isa si Jack Tagak, isang batang suso ang dumating.

"Pumunta ka raw ko po sa kaniya. Ngayon na po," sabi nito.

"Sige, iho, susunod na ako. Salamat!"

Walang ideya si Jack Tagak na may malaking problema si Susie Suso.

"Basahin mo at sabihin mo sa akin kung sino ang may kakayahang gumawa nito," sabi ng suso, sabay abot sa sulat.

"Grabe ka makahusga. Ikaw siguro ang gustong-gustong maging kanang kamay ni Calla Kalabaw. Pero, hindi mangyayari dahil ayaw niya sa 'yo. Mabagal ka raw gumapang at wala kang kakayahan. Sabihin mo rin sa kaibigan mong tagak, nagpapakabayani siya! Wala naman siyang ipinaglalaban. Pangalagaan na lang niya ang kalusugan niya para hindi siya makahawa. Tingnan mo si Barack Uwak, umuubo na rin. Sino pa ang mahahawa niya? Si Vina Kuwago? O baka si Calla Kalabaw? Tapos, kayo pa ang nagagalit sa kaniya? Bakit hindi na lang kayo manahimik? Hindi naman kayo nakakatulong sa parang." Iyan ang binasa ni Jack Tagak mula sa sulat na walang pamuhatan. "Malala na iyang si Chrys Ahas! Wala na akong naiisip na iba. Siya ang may gawa nito!"

"Pareho tayo ng suspek. Alam mo bang nang nag-uusap kami ni Barack Uwak noong isang araw, nakita niya kami."

"Nakakasuklam na siya pati kalusugan ko pinakikialaman niya. Huwag na huwag lang siyang magkakasakit dahil matutuluyan na siya. Walang makikiramay sa kaniya!" galit na pahayag ng tagak.

"Kailangang malaman ito ng lahat."

"Sige. Ako ang bahala. May plano ako."

"Sige, sige. Pinatawag ko rin si Barack Uwak."

Pagkatapos magpaalam ng tagak sa suso, agad niyang ipinaalam kina Vina Kuwago, Zap Kulisap, Barack Uwak, at Naty Bulate ang tungkol sa sulat. Pare-pareho sila ng suspetsa.

Galit na galit si Vina Kuwago. Pinuntahan niya si Chrys Ahas. Itinanggi nito tungkol sa sulat.

Si Naty Bulate naman ay may sinabi. "Alam mo po ba, tinatanong niya ako kung sino ang nagsabing wala siyang kakayahan at mahina ang kaniyang utak? Pinararatangan niya si Zap Kulisap."

"Naalala kong pinag-usapan natin siya pero hindi natin mali ang pinagkakalat niya. Saka tama naman iyon kung tutuusin. Wala siyang silbi sa parang."

Iwas na iwas si Naty Bulate na magbigay ng opinyon at reaksiyon. Naunawaan naman iyon ni Jack Tagak. Kaya, si Zap Kulisap ang kaniyang pinuntahan

"Hahayaan ko na lang siya, Jack Tagak. May mga lumapit na sa akin. Sa akin pa rin sila naniniwala at nakikisimpatya. Iiwasan ko na lang siya. Iyon ang tanging paraan para makaganti ako sa kaniya," sabi ng kulisap.

Sumang-ayon naman si Jack Tagak.

Sa araw na iyon, naipangako ni Jack Tagak na hindi na niya mapapatawad si Chrys Ahas. Aniya, hindi siya si Zap Kulisap, na idinadaan sa pananahimik ang lahat.

Lumipad siya nang lumipad. Nag-isip nang nag-isip. Nang lumapag siya, nakaramdam siya ng ginhawa sa kaniyang puso. Malinaw na malinaw na sa kaniya ang mga dapat niyang gawin.

"Tulong! Tulungan ninyo ako!"

Narinig niya ang boses ni Chrys Ahas. Tahimik at palihim niya itong nilapitan. Nakaipit ito sa dalawang bato. Dumurugo ang kaniyang katawan. Natalupan ang gitnang bahagi ng kaniyang balat.

Nakangising lumipad palayo si Jack Tagak. "Karma is real. Diyan ka na maagnas," bulong niya.

Sa himpapawid, ilang beses niyang inikutan ang kinaroroonan ng ahas upang iparamdam dito ang kaniyang presensiya.

Sa 'di-kalayuan, nakangising nagmamasid si Zap Kulisap sa paghihirap ni Chrys Ahas. Hindi na rin niya kailangan pang hikayatin ang mga hayop at insekto na tulungan ang masamang ahas. Sila na mismo ang kusang lumayo at nagpatay-malisya.

Samantala, nakalublob lang si Calla Kalabaw sa putikan na kaniyang ginawa sa ilalim ng nag-iisang puno sa parang. Wala siyang naririnig.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...