Followers

Saturday, October 6, 2018

Ang Aking Journal -- Oktubre 2018

Oktubre 1, 2018 Hindi ko alam kung bakit high blood ako kanina. Maganda naman ang tulog at gising ko. Hindi naman ako na-late. Sadya lang talagang narindi ako sa mga ugali ng mga estudyante, lalo na ang VI-Love. Sobra sila. Malala na. Worst. Hindi na sila makuha sa pakiramdaman at tingin. Na-bad trip nga ako sa kanila, kaya pati ibang section ay apektado. Handang-handa naman ako sa lesson ko. Bago mag-uwian, sinermunan ko ang advisory class ko. Gusto ko nang magmura. Pinigilan ko lang ang sarili ko. Gayunpaman, napagsalitaan ko sila ng ilang masasakit na salita. Hindi ko na nga siguro sila matututunang mahalin. Pinaiwanan kong marumi ang classroom. Iniwanan nga nila. Hindi ko namn nalinis kasi nagpamiting si Sir Erwin. Nang matapos, umuwi na rin ako. Sa bahay, pagdating ko bandang alas-3, hindi naman mainit ang ulo ko. Gabi. Nakagawa ako ng mga kapaki-pakinabang na bagay. Naghanda ng ituturo bukas. Gagamitin ko ang know-how ko sa paper mache. Nagluto ako ng paste. Nag-sample din ako. Na-enjoy nga ng aking mag-ina ang pagdikit ng papel. Oktubre 2, 2018 Ako ang nagwalis at nag-mop sa classroom namin. Naabutan ako ng advisory class ko mula sa flag ceremony. Sinadya kong ipakita sa kanila ang resulta ng kawalang-disiplina nila. Sa labas lang sila naghintay. Nang matapos ko, pinasulat ko sila ng sampung dahilan kung dapat silang manatili sa Grade Six-Love. Pagkatapos kong mag-almusal, uminit na ang ulo ko. Nagwala ako. Sinipa ko ang upuan. Hinagis ko pa. Dalawang beses akong nagbalibag. Nagulat ang lahat. Firts time kong ipinakita ang tunay kong ugali. Kahit sina Sir Erwin at Sir Joel, hindi nakapaniwalang nagawa ko iyon. Lumabas din ang maaanghang na salita mula sa aking bibig. Gayunpaman, nagturo ako sa ibang section. Na-inspire silang gumawa ng paper mache. After class, nag-stay ako sa school. Sinubukan ko ang monitor sa laptop ko. Gumana naman iyon. Kaya naman, naisipan kong gumawa ng PPT presentation para bukas. Mas mapapadali ang pagtuturo ko kapag may ICT integration. Past 7, nakauwi ako. Masaya akong sinalubong ng aking mag-ina. Masaya ko ring inabot sa kanila ang pasalubong ko. Oktubre 3, 2018 Nagturo ako sa kabila ng tampo ko sa advisory class. Naging effective naman ako lalo na't gumamit ako ng powerpoint presentation sa kanila. Nakapagpagawa ako ng greeting cards para sa mga guro bilang groupwork. Gumamit sila ng mga pandiwa dahil iyon ang aralin namin. Na-enjoy naman nila iyon. Nag-rehearse din kami sa mga estudyanteng kakanta bukas sa Teachers'Day program. Pagkatapos ng klase, nag-dinner kaming Grade Six advisers nang sabay-sabay, maliban kay Ma'am Madz, nasa practice kasi. Nagplano kami ng isang hiking at bonding. Then, nag-brainstorm kami about sa DepEd system. Past 3 na kami natapos. Saka lang ako nakapunta kay Ma'am Joann para ibalita ang tungkol sa speaking engagement sa Antipolo City. Kailangan ko ng mga makakasama. Interesado naman siya, gayundin si Ma'am Fatima. Agad akong gumawa ng matrix para sa tatlong araw na workshop sa pagsulat ng kuwentong pambata, gaya ng gusto ni Ma'am Teresa Padolina, ang dating guro ko sa ANHS. Sana matuloy. Magkasundo sana kami sa professional fee. Seven o'clock, nakauwi na ako. Dumating naman si Epr, kalahating oras pagkatapos kong dumating. Oktubre 4, 2018 Kahit maingay at magulo ang buong school dahil sa pinagsamang AM at PM sessions, nagpakulo pa rin ako. Na-enjoy ng estudyante ko ang 'complete the phrase' at ang 'guess whose secret it is.' Hindi nga lang natapos kasi nagsimula na ang program. Magulo ang program. Nakakainis lang. Gayunpaman, na-enjoy at nairaos naman Teachers' Day celebration. Masaya ako dahil may apat na Topaz na dumalaw sa akin para bumati at mag-abot ng greeting card. Masaya rin ako kahit hindi ko masyadong pinapansin ang Love. Alam kong nasaktan sila, pero ginawa ko iyon upang magbago sila. Wala talagang bumati sa akin. May nakalusot man, dalawa lang. May gumawa ng placard at may nagregalo. Patuloy kong idi-discourage ang pagbibigay ng regalo habang estudyante pa lang sila. After it, nakipag-brainstorm ako sa Kinder about sa speaking engagement namin. Nag-decide kaming bumiyahe na lang araw-araw, instead na mag-live in for two nights. Pinag-usapan din naman ng tungkol sa professional fee. Sa madaling sabi, lumilinaw na ang aming event lalo na't kinuha na ang names ng mga kasama ko at ng principal para sa invitation. Past 12, nagsimula naman ang munting salusalo na inihanda ng GPTA officers para sa faculty. May pa-raffle pa sila. Nakabunot ako ng P100. Past 1, sa Cuneta Astrodome naman kami. Hindi agad nagsimula kaya past 7:30 na natapos. Inis na inis ko lalo na't hindi man lang ako nabunot para sa mga raffle prizes. Gayunpaman, na-enjoy ko ng mga performances ng mga kabaro ko. Ten na ako nakauwi. Antok na antok na ako, pero nagawa ko pang mag-post ng mga pictures. Haist! Oktubre 5, 2018 Kakaunti ang estudyanteng pumasok. Walang palitan ng klase. Nagpasulat lang muna ako ng balita sa advisory class ko. Then, nagturo ako ng pagsulat ng haiku at tanaga. Nakapagpasa naman ng output ang iba. Gusto nilang mapasama sa zines ang mga akda nila. Na-enjoy naman nila iyon. Alam kong na-inspire pa sila dahil sinabi kong mapapakinabangan ang itinuturo. Mas mainam naman talaga kasing mahusay sila sa mga praktikal na kaalaman. Nakapagluwentuhan din kami nina Ma'am Vi at Ma'am Madz habang nagpi-PE ang mga estudyante namin. Then, at 12:40, bumiyahe kami papunta sa Salitran, Dasma, kina Ma'am Vi para mananghalian. Ast two na kami nakarating at nakakain. Gayunpaman, sulit dahil sobrang sarap ng mga pagkain at sobrang saya ng bonding namin. Nakahingi pa ako ng mga halaman, punla, at bonsai. Bibigyan pa raw niya ako ng bantam chick. Past 4, pumunta naman kami kina Ma'am Fatima. Nauna pa kami sa kaniya. Gayunpaman, naging masaya uli kami. Nagpapansit at nagpabiko siya. Past seven na kami nagkayayaang umuwi. Antok na antok ako, pero masaya. Sulit! Makabuluhan ang naging araw naming mga guro. Nawala ang aking stress. Hindi rin naman ako kaagad natulog. Nanuod pa ako ng tv at nag-FB. May naka-chat nga akong may problema sa kaniyang nararanasang tourette syndrome. Akala niya, marami akong alam dahil nabasa niya sa KAMAFIL ang akda ko. Anyways, sana nakatulong ako. Oktubre 6, 2018 Nautusan pa ako ng mga kaklase ko sa masteral upang bumili ng cake para kay Dr. Libuit. Nag-ambagan kami. Nakikilala talaga ang mga sipsip na guro. Gayunpaman, hindi ako nainis. Nanghinayang lang ako sa pera. After naming maibigay ang cake at makapag-groufie, nag-research ako sa CUP library. Kahit paano, may nadagdag sa study ko. Naabutan nga ako roon nina Sir Jonas ng CES at Sir Joel K. Ten-thirty, umuwi na ako. Sa bahay na ako nakapag-lunch. Sinimulan ko ang paggawa ng PowerPoint presentations para sa speaking engagement namin sa San Roque National High School. Mabuti na lang may ibinigay si Sir Genaro sa workshop namin noon. Nakatulong din ang workshop namin sa NCCA. Oktubre 7, 2018 Ang sakit ng likod ko, kaya hindi maayos ng tulog ko. Andami ko na namang lamig sa katawan. Hindi naman puwedeng hindi mag-electric fan. Ang init, e. Past 8 na ako bumangon. Nag-almusal lang ako, saka ako nag-print ng DLL at LMs. Pagkatapos, nag-gardening ako. Na-miss kong magtanim. Kahit paano, umaliwalas ang harapan namin. Gusto ko pa nga sanang magtanim ng mga gulay. Maliit lang talaga ang lote. E, kasi naman, halos mapuno na ng mga ornamental plants. Itinuloy ko ang paggawa ng PPT. Kahit paano, nakarami na ako. Hindi na ako kakapusin sa oras. Hindi na rin mahihirapan ang mga makakasama sa workshop. Oktubre 8, 2018 Muntik na akong ma-late kanina. Nag-e-exercise na ang mga estudyante nang dumating ako. Sobrang antok na antok ako kanina dahil hindi maayos at kompleto ang tulog ko, gawa ng backache. Gayunpaman, sibikap kong maging productive ang araw ko. Nagturo ako nang energetic. Nagpa-group work. Umidlip ako nang vacant period ko. After class, sa halip na mag-research sa National Library, mas pinili kong mag-stay sa school para maghanda ng LMs at mag-encode ng akda ng mga estudyante. Four-thirty na ako lumabas sa school. Tumaya ako sa lotto (6/55). Sisikapin kong makataya araw-araw. Nang dumating ako sa bahay, agad akong gumawa ng PPT. Observation ko pala bukas. Oktubre 9, 2018 Muntik na naman akong ma-late kanina. Napasarap ang tulog ko. Past 4 na ako nagising, na supposedly 3:45. Hindi ko narinig ang alarm. Naghilamos na lang tuloy ako. Nagpa-observe ako kay Sir Erwin kanina. Okay naman kahit minadali ko ang paghahanda ng lesson at materials. Bago matapos ang klase, na-highblood ako sa VI-Hope. May nag-away raw habang nanenermon ako sa advisory class ko, na walang guro dahil nasa Palaro. Puro pasaway ang mg estudyante. Wala na halos matino. Nakakabuwisit! Kailangan pang magsaksakan. Puwede namang magsuntukan lang. Ang klase ko naman, wala na yatang mga utak. Hindi na masaway nang isa o tatlong beses. Beast mode talaga ako! Dagdagan pa ng isang inilipat sa akin. Marky Aguirre. Akala mo kung sino. Porket ipinagtatanggol ng principal. Mali naman ang mga ginagawa. Haist! Poor teacher. After class, gumawa uli ako ng PPT para bukas. Mas madali at kawili-wili ang ICT-based na LMs kaysa sa traditional. Although, kailangan ko pa rin i-combine. Hindi naman laging may time para mag-prepare. Past 4 na ako lumabas sa school. Tumaya ako sa lotto. Ikalawang araw na ito. This time, 6/58 na. Almost one billion na ang at stake. If God's will, marami akong matutulungan. Oktubre 10, 2018 Na-bad trip ako sa VI-Love. Para na naman silang tuod. Madadaldal sila, pero kapag oras ng talakayan, ang babagal ng isip nila. Hindi nga ako nagturo dahil parang ayaw nilang makipagtalakayan. Nagpa-saetwork na lang ako. Maghapong mainit ang ulo ko. Hindi ko alam kung bakit sobrang lala na ng mga ugali ng bata. May sinundo pa ako sa baba dahil bumaba nang walang paalam. Nakisali sa mga nagti-training ng badminton. Kapag napahamak, ako pa ang may kasalanan. Haist, buhay-guro nga naman! Dala ko pa naman si Kokky. Hindi rin naman pala nakatulong ara mawala ang stress ko. Talo talaga ako sa ugali ng mga bata. After class, nag-stay ako sa classroom ko. Gumawa ako ng zines. Ang "Haiku Leksiyon" at "Diona Mandala." Ready to print na ang mga ito. Nakaidlip din ako kahit paano. Gusto ko talagang makabili ng folding bed. Ang hirap matulog sa semento, na sinapinan lang ng mga diyaryo o Manila paper. Mahihimbing siguro ako kapag ganoon. Past five na ako nakalabas sa school. Hinintay ko pa kasi si Ma'am Edith. Past seven naman ako nakauwi. Oktubre 11, 2018 Kahit paano, masaya kong hinarap ang advisory class ko. Nakapagturo ako nang maayos. Nag-participate sila. Matagal man nilang natapos ang groupwork, okay lang kasi wala naman silang teacher sa next period. Hindi nga lang nakapag-perform lahat ng group. Nang vacant ko, sinimulan kong gawin ang bulletin board ng Grade Six. United Nations ang okasyon. After class, nakimiting ako sa coop board. Pagkatapos niyon, nag-stay ako sa classroom. Sinimulan ko naman ang zine na 'Ha, Tanaga?' Past five na ako nakalabas sa school, kasama ang ibang panghapong teacher. Tumaya kami sa lotto. Oktubre 12, 2018 Nagturo uli ako sa Grade VI-Love ng dalawa pang uri ng tula--ang Tanka at Limerick. Tinuruan ko rin ang ibang section. Na-enjoy naman nilang lahat. May mangilan-ngilang wala sa sarili, pero nakita kong may lugar ang poetry sa buhay nila, lalo na't iginagawa ko sila ng zines. Pagkatapos ng klase, in-encode ko ang mga napili kong akda. Marami-rami rin ako ng nagustuhan. Makabubuo uli ng tatlo pang zines. Before 8, nasa bahay na ako. Traffic kasi. Oktubre 13, 2018 Alas-nuwebe na ako nakarating sa CUP. Alam ko na agad na kailangan kong magpasa ng mid-term exam. Dalawang question lang naman kaya natapos ko kaagad. Past 10, bumiyahe na ako papunta sa St. Matthew's Publishing house para sa training-workshop. Nakapag-lunch pa ako bago ako umakyat. Dumating naman agad sina Ma'am Ann At Ma'am Venus. Na-boring ako sa training na iyon. Hindi ako nakasabay sa paggawa ng e-book na pinangunahan ng Bookshare. Pero, na-inspire akong magpasa ng akda sa St. Matthew's. Worth it naman. At least, naging bahagi uli ako at ang dalawa sa isa na namang prestigious na groups. Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Oktubre 14, 2018 Pagkatapos kong mag-gardening at maglinis ng banyo, hinarap ko naman ang pagpasa sa St. Matthew's Publishing ng manuscript ng chapter book kong "Ang Pagsubok ni Lola Kalakal." Umaasa akong magiging bahagi ako ng kanilang publishing. Mas maigi na ang magpasa ng kuwento kaysa sa textbook. Nagawa ko rin ngayong araw na tapusin at i-print ng dalawang zines--'Haiku Leksiyon 2' at Tanka Ka?' Nasimulan ko ring i-layout ang 'Limerick.' Oktubre 15, 2018 Ayos naman ang Lunes ko. Kaya lang, nagpasaway pa rin ang ampon kong estudyante na si Marky. Hindi ko talaga siya kayang pakisamahan dahil siya mismo ang sumisira sa tiwala ko. Naglabasan kanina ang mga masasama niyang gawain. Una, ilang taon na siyang may kinokotongan. Pangalawa, nag-masturbate daw kanina sa classroom. Dyusme! Extortionist na, exhibitionist pa. Naunawaan ko na si Sir Hermie kung bakit niya nasaktan. Nagdesisyon akong hindi na siya tanggapin bukas. Tutal hindi ako ang adviser niya. Maghahanap siya bukas ng teacher na tatanggap sa ugali niya. After class, nag-encode ako ng tulang cinquaian ng mga estudyante ko. Umidlip din ako. Past 4:30, nag-out na ako. Tumaya ako s lotto. Itutuloy pa rin ang taya kahit may nanalo na. Past 7 na ako nakauwi. Pagod pero masaya. Oktubre 16, 2018 Masaya sana akong nagtuturo kaya lang nainis ako sa sagot ni Emily sa chat ko. Nauwi sa palitan ng maaanghang na salita. Ayaw ko kasi ng sinusumbatan ako. Paulit-ulit na lang ang ayaw namin. Nagkulang pa ba ako? Ako na nga lang lahat ang kumikita at gumagastos sa bahay, may kulang pa ako? Litseng buhay! Nasira talaga ng araw ko. Natulog ako pagkatapos kong hintaying makauwi ang mga cleaners. Kahit paano nawala ang stress ko. Nakapagsimula pa ako ng bagong zine -- ang 'Haluhalo.' Pagdating sa bahay, tahimik lang ako. Hindi niya rin ako pinansin. It's okay. Oktubre 17, 2018 Shortened ang klase kaya walang maayos na palitan ng klase. Gusto ko sanang mag-stay sa klase ko, pero may lumipat. Napilitan tuloy akong lumipat din. Binasahan ko ng hrror story ang VI-Peace. Nawala naman ang stress ko dahil natuwa ako sa mga alaga kong palaka. Dinala ko sila kanina sa school. Na-research ko na rin sa google ang class name nila. Tinatawag silang banded bullfrog (Kaloula pulchra) o mas kilala sa tawag na chubby frog. Mainit ang professional meeting namin kanina. Naglabas ako ng saloobin. Alam kong nakita nila ang points ko. Sana lang magkaroon na ng mabuting pagbabago. Nakakasawa na ang bangayan. Past 2 na natapos ang meeting. Sobrang gutom na gutom kami. Pero, dahil nagsalo-salo kaming Grade Six advisers, magana pa rin kami. Masaya kaming lahat sa nangyari. Past 7:30 na ako nakauwi. Pagod na pagod ako pero masaya. Hindi ko nga lang binati ang wife ko. Gusto ko lang namang ipadama sa kaniya ang sakit ng mga sinabi niya sa akin. Oktubre 18, 2018 Nagpa-pretest lang ako sa mga estudyante ko. Hindi naman ako nahirapan at na-stress dahil sa aking mga alagang chubby frogs. Kahit sila ay natuwa sa mga pets ko. Nahawakan pa nga ng iba. Before 12, pinatawag ako sa opisina para harapin si Marky, ang estudyanteng dahilan ng stress ng Grade Six teachers. at ang kaniyang lola. Hindi ko alam kung bakit ako nadamay sa problema. Sana hindi ko na lang siya kinanlong. Hindi ako ang adviser niya. Nagmalasakit lang ako. Tapos, gumawa pa ng mabibigat na kasalanan, like extortion, sexual act, at iba pa. Sinisisi ko rin ang principal dahil pinigilan pa niyang lumipat ng ibang school. Binigyan niya pa ng idea tungkol sa Child Protection Policy. Lumaki tuloy ang ulo. Tumanggi akong bigyan ng isa pang chance sa section ko. Ayaw ko, sabi ko, ng kumpromiso. Mahal ko ang career ko. Maaaring mangyari sa amin ang nangyari sa kanila ni Sir Hermie. Naihayag ko kanina kay Ma'am ang mga saloobin ko. Ipinakita kong mali ang desisyon niya. Nanalo ang point ko. Grades ang kailangan ng bata, hindi pangungunsinti. Modular daw habang nasa Guidance's Office. Nakakatawa. Para siyang politikong ikinulong sa airconditioned room. Ang payo ko, ibalik sa adviser. Since ayaw na ng bata, lilipat siya sa ibang paaralan. Good for us. Umidlip ako after lunch. Then, nag-enjoy sa pagsulyap sa mga painted bullfrogs ko. Nakakatuwa sila habang nilalantakan ang mga itim na langgam. Before 8, nasa bahay na ako. Still, tahimik ako. Wala pa akong balak, batiin ang asawa ko. Oktubre 19, 2018 Nagsimula na kaming magbigay ng test sa mga bata, instead na sa Lunes pa. Nakapag-meeting kaming Grade Six teachers habang nas classroom ang mga bata. Naiinis talaga kami sa walang respetong case study sa estudyante namin. Para tuloy kaming nasa loob ng aquarium habang may nakatikim sa amin. Sobra akong naaasar sa ESP supervisor ng SDO-Pasay dahil hindi man lang kami hinarap at kinausap para sa case study niya. Kawalang-respeto iyon sa amin. Tapos, sa amin babagsak lahat ng sisi samantalang major offenses na ang ginawa ng bata. Extortion and mastubation sa klase. Sa kabila ng inis at galit namin, nakapagplano kami tungkol sa outing/bonding/reflection naming Grade Six teachers with out MT. Sa Sunday, magro-roadtrip kami sa Cavite. After class, tumambay ako sa Grade One. Nakipagkuwentuhan ako. Pinapraktis ko na ang mga sasabihin ko para sa susunod o posibleng encounter ko sa mga heads. Then, nag-design ako ng zines. May natapos na akong isa. Nag-enjoy din ako sa panunuod ng youtube videos about chubby frogs habang nagpapakain sa mga pets ko. Later, nag-chat si Ma'am, na-inspire at nainggit daw siya sa mga alaga ko, kaya humingi siya ng suhestiyon kung ano ang dapat niyang alagaan. Nagustuhan niya ang pagong. Before 8, nasa bahay na ako. Oktubre 20, 2018 Tahimik pa rin ako kanina habang nag-aalmusal ako. Hanggang sa pag-alis ko. Sa CUP, nagkuwentuhan lang kaming magkakaklase kasi nasa colloquim si Dr. Libuit. Pumupunta-punta rin naman siya. Past 10:30, nasa GES ako para pakainin ang mga palaka ko. Gumawa din ako ng answer key sa Filipino 6. Past 12:30, umalis na ako. Nag-lunch lang muna ako sa isang karinderya. Alas-dos nasa bahay na ako. Agad akong nagpahinga at natulog. Nakapag-gardening ako bago dumilim. Napakain ko rin ng mga anay ang mga chubby frogs ko. Gabi, nakapag-print na ako ng zines-- ang 'Ha, Tanaga?' at 'Haluhalo.' Bukas, may road trip kaming Grade Six teachers. Oktubre 21, 2018 Past 6, na-pick up na ako ng van na kinalulunaran ng kasamahan ko sa Grade Six. Umaambon kaya medyo malungkot ako. Gayunpaman, natuwa ako sa magagandng tanawin sa aming dinaanan. First time kong makarating sa Nasugbu. Nakadaan na rin ako sa wakas sa iba pang bahagi ng Tanza, sa Naic, sa Maragondon, at sa Ternate. Very provincial ang feels. Nature tripping talaga. Wala sa plano ang lakad namin kanina, kaya napadpad kami sa Papaya Island Cove sa Nasugbu, Batangas. Disappointed ako sa beach doon dahil napadpad ang mga water hyacinth na nagmula sa Ilog Pasig. Naging parang basurahan tuloy ang lugar. Hindi mapaliguan. Gayunpaman, nag-enjoy kami sa company ng isa't isa. Na-relax kami. Ang essence naman ng picnic na iyon ay maging masaya sa gitna ng kontrobersiya sa school at stressful work namin. Masagana ng lunch namin. Sobrang busog ko. Halos antukin ako. Pero, nakalublob naman ako kahit paano sa dagat nang low tide na. Nakapag-selfie pa sa may cliff doon. Past 3:30, sinundo na kami ng bangkero. Mabilis ng biyahe kaya nakauwi ako ng bandang alas-singko. Bitbit ko ang experience, kasiyahang priceless, at ang bago kong mga pets--hermit crabs. Oktubre 22, 2018 Na-late ako kanina. Nakaakyat na ang mga estudyante nang dumating ako. Pero, hindi pa naman ako late sa bundee clock. Itinuloy namin ang second periodic test. Nakakapagod lang. Mas napapagod ako kapag exam. Mas pasaway ang mga estudyante. Iba na talaga ang henerasyon ngayon. Kailangan ko nang magtinda ng disiplina. Ayaw nila ng libre. Gusto ang binibili. Haist! After ng klase, nanuod ako ng tungkol sa hermit crab. Nang inantok ako, pinagbigyan ko. Past one, nayaya ako sa Kinder. Birthday kasi ni Ma'am Joann. Ipinagpatuloy ko ang panunuod ng youtube videos about hermit crab. Lalo akong na-inspire mag-alaga. Nag-alala lang ako kasi hindi ko dapat ibinabad sa salt water ang mga nahuli kong hermit crab sa Papaya Island kahapon. Dapat pala, kagabi pa ako nag-research ng info at facts. Nang makauwi ako, ang hermit crabs kaagad ang hinarap ko. Nalungkot ako nang makita kong namatay ang mga iyon. Itatapon ko na sana nang may mapansin akong gumagalaw. Buhay pa ang isa. Tapos, tiningnan ko uli ang iba. May buhay pang isa. Dalawa na. Natuwa ako nang i-double check ko ang iba pa. Tatlo na sila. Kahit paano, maitutuloy ko ang pag-aalaga ng hermit crabs. Kaya, agad kong ginaya ang naanuod ko. Binigyan ko ng carrots. Nalagay din ako ng saltwater at fresh water sa mga takip ng botelya. Excited na akong dalhin sila sa school bukas. Sigurado, matutuwa na naman ang mga estudyante ko. Oktubre 23, 2018 Second day ng periodic test. Sinikap kong matapos. Nagawa naman nila bago mag-uwian. Naturuan ko pa nga silang sumulat ng tulang Diamante at Sonnet. Nai-setup ko na ngayong araw ang tank ng tatlo kong hermit crab. I hope mapalaki ko sila. After class, gumawa kaming Grade Six advisers ng mga materials para sa INSET bukas. Kami ang officers-of-the-day. Napagplanuhan naming gawing kakaiba at enjoyable ang opening nito upang ipakita ang aming suporta. Nag-stay ako hanggang 5 pm. Umidlip ako. Nagmeryenda. At nag-internet. Sa bahay, after dinner, nagkulay ako ng buhok ko. Habang nagpapatuyo, nagkausap kami ni Emily. Naiinis ako sa ikinuwento niya about sa adviser ng anak namin. Ginawa na siyang alila porke't siya ang HPTA President. Pinag-resign ko siya. Oktubre 24, 2018 Sinira ng principal ang active participation ng lahat nang naglabas siya ng saloobin. Nagalit kami sa tinuran niya. Sinadya raw naming kalimutan siyang mag-welcome address. Nakakainis na nakakaawa siya. Feeling niya, inapi siya. Naging usap-usapan tuloy siya. Maganda ang pakulo na inihanda namin. Gusto kasi naming maiba naman ang attendance check at magkaroon ng reflection after. Kaya lang, hindi iyon napansin ng admin na may makitid na pag-iisip. Haist! Pinababa niya lalo ang kaniyang uri. Past 4:30 na natapos ng unang araw ng INSET. Nakakapagod. Pero, masaya naman ako dahil nasabi ko kanina ang mga gusto kong sabihin na ikamumulat ng mga mata nila. Oktubre 25, 2018 Na-late ako kanina, pero naabutan ko pa rin ang opening program ng 2nd Day of INSET. Ang saya-saya ng maghapon. Wala namang speaker. Nagpalaro lang ang Kinder. May mga prizes silang inihanda. Tawanan kami nang tawanan. Kabaligtaran ng nangyari kahapon. Siguro dahil hindi nag-stay roon ang principal. Napaglaruan ko ang isang hermit crab. Nang balikan ko, patay na siya. Nanghinayang ako. Dalawa na lang tuloy sila. Hindi ko na ulit iyon gagawin. Maaga akong nakauwi. Nakapagpagupit pa ako ng buhok. Oktubre 26, 2018 Maaga akong nakarating sa school. Hindi naman kaagad nagsimula ang INSET. Nag-drawing lang ako maghapon. Wala naman kasing speaker. Kuwentuhan lang at kainan ang nangyari. Masaya naman, pero mas masaya kahapon. Past 6:30 nakauwi na ako. Dala ko ang tatlong palaka. Nalungkot lang ako nang sobra dahil patay na rin ang dalawa pang hermit crabs. Kailangan ko pang pag-aralan ang tungkol sa kanila kapag mag-aalaga uli ako. Oktubre 27, 2018 Tinamad akong pumasok sa masteral class, kaya nakatulog ako nang mahaba-haba. mabuti na rin pala iyon dahil ayon sa chat messages sa GC namin, hindi raw dumating si Dr. Libuit. Nakatipid ako ng pamasahe. Dahil walang pasok,nakapag-gardening ako, nakapagpaligo ng aso, nakapag-sketch, at nakapaglinis sa banyo. Nai-print ko rin ang mga zines na 'Katorse,' 'Prosthetic,' at 'The Endeavor - Prayer is Powerful.' Siyempre, nakapag-bonding kami ni Zillion sa pag-paint at paper mache. Oktubre 28, 2018 Nakatulog uli ako nang matagal-tagal. Pero, maghapon naman akong gising. Okay ang naman. Productive naman. Nakagawa ako ng tatlo pang zines. Karugtong ang mga iyon ng diary/journal ko na ginawa ko kahapon. Isang zine, isang month. Bale apat na ang zine series kong 'The Endeavor.' Magkakaiba ang ang subtitle nito. Nalungkot ako sa ibinalita sa akin ni Jano. Nilooban daw ang bahay ni Flor. Finahasa pa siya. Saklap. Minabuti kong ikuwento kay Emily para nakapag-ingat sila. Iba na talaga ang panahon ngayon. Oktubre 29, 2018 Ikaapat na araw ng INSET. Ping-roleplay ako ni Ma'am Amy sa kaniyang talk. Ayos naman. Medyo kabado. Naging boring ang maghapon ko. Tungkol sa Child Protection Policy at admistrative and grievance cases ang topic. Nag-drawing na lang tuloy ako. Nakaapat akong sketches ngayong araw. Past five, na kami nakalabas sa school. Ast seven, nasa bahay na ako. Oktubre 30, 2018 Suspended ang klase dahil sa super typhoon Rosita. Kaya naman, nakatulog ako hanggang seven ng umaga. Nakahiga pa nga ako nang umalis ng mag-ina ko patungo sa Caloocan. Dadalo sila sa party ng kaibigan ni Emily. Wala ring pasok si Epr, kaya dalawa kaming bantay sa bahay. Sinulit ko ang araw sa pag-drawing at sa paggawa ng zine. Nakaapat akong 'The Endeavor' series. Natapos ko nang i-print ang journal/diary ko noong August, 2006. Oktubre 31, 2018 May apat na estudyanteng pumasok sa classroom ko. Nainis ko, kaya napagsabihan ko sila. sabi ko, "Commone sense. May pasok, pero hindi 100% ang attendance." Pinasulat ko sila nang kuwento at iniwanan. Nakipagkuwentuhan ako sa mga kasamahan ko sa Grade Six. Wala silang mga estudyante. Pagbalik ko, wala na ang apat. Na-realize din nilang magmumukha silang timang sa loob ng mahigit anim na oras. Mahaba ang naging kuwentuhan ng katatakutan, katatawanan, at iba pa, brainstorning, at sharing of God's words. Nagsimula ng bandang alas-sais at batapos ng bandang alas-12:30. Doon na kami nag-lunch. Sayang, wala si Sir Joel. Past 1, umuwi na ako. Before 3, naipadala ko kay Flor ang hinihiram niyang pera. Pinabigyan ko rin si Mama. Umidlip lang ako habang nanunuod ng tv. Nang bumangon ako, hinarap ko naman ang paggawa ng zine. Nakagawa ako ng dalawa ngayong gabi, bago dumating ang mag-ina ko. Nakapag-sketch pa ako ng jar. Naihanda ko na rin ang entries ko sa PUP's 2nd Writing Workshop. Bukas, ihahanda ko naman ang nga entries ko para sa 8th Lampara Children'5s Short Story Writing Contest.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...