Followers

Thursday, February 28, 2019

Masasamang Epekto ng Cellphone sa mga Estudyante

Sa paglago ng teknolohiya ngayon, isa ang cellphone sa pang-araw-araw na bahagi ng buhay ng tao. Pagdating sa komunikasyon at kasiyahan, ang halos lahat --bata man o matanda, ay nakadepende na rito. Gayunpaman, hindi sang-ayon ang iba kung nararapat o kailangan nga ba gamitin ito sa mga silid-aralan. Mahalagang malaman ng mga magulang, mga guro, at mga mag-aaral na maunawaan ang hindi kanais-nais na epekto nito sa mga estudyante.


Narito ang ilan sa masasamang epekto ng cellphone sa mga mag-aaral, ayon sa artikulo ni Alex Saez. 


Una. Ang mga estudyante ay natututong mandaya. Dahil sa pressure ng grado sa bawat asignatura, nahihikayat silang gumawa ng pandaraya gamit ang mobile phones. Ang gadget na ito kasi ay may kakayahang imbakan ng mga impormasyon. Isama pa ang kakayahan nitong pantawag at pang-text. Kung may internet pa, may madaling makakuha ng access sa mga sites tuwing panahon ng pagsusulit. Kaya rin nitong magrekord ng mga impormasyon, na kapag ginamitan pa ng hi-tech na ear pieces, ay siguradong maisasakatuparan ang cheating. 


Ikalawa. Nagkakaroon ng mga kaso ng cyber-bullying. Ano ba ito? Ito ang modernong abuso ng isang tao sa isang tao, gamit ang social media. Dati-rati, ang pang-aabuso lang ay pisikal na pananakit at panunukso sa personal. Ngayon, may nagaganap nang bullying sa pamamagitan lamang ng oagkuha ng larawan o bidyo at ipo-post sa facebook o iba pang media. Ginagamit na ng mga kabataan ang cellphone para ipahiya ang kapwa. Halimbawa, natutulog ang kaklase nang nakanganga, kukuhaan nila ng picture at ipo-post. Ang iba, kukuhaan ng video ang oag-aaway o iba pang nakakahiyang gawain upang lantarang ipahiya ang mga involved. Kahit ang mga guro ay nagiging biktima ng cyber-bullying. Kapag nakapanakit o nakapagsalita nang masama ang isang guro at nakuhaan ng larawan o bidyo, malamang sisikat siya. Ang malala, mami-media pa. Ang maling gawaing ito ay talagang nakalulungkot para sa biktima at sa paaralan.


Ikatlo. Ang pagte-text o ang simpleng pagpindot o pag-browse sa cellpgone ng mga mag-aaral habang nasa klase. Ikinababahala ito ng mga guro. Nawawalan sila ng pokus kaag pumipindot sa kanilang cellphone. Hindi lamang sila ang naaapektuhan nito, kundi maging ang mga edukador. Pansamantalang natitigil ang pagtuturo o pagtatalakayan kapag magsasaway pa siya ng mga gumagamit nito. Kapag nakatutok sa mobile phone, nababawasan o nawawalan ang atensiyon sa aralin. 



Ikaapat. Ang sexting, pinaghalong texting at sex, ay nagaganap sa kasalukuyan sa mga mag-aaral. Dapat lamang na mahadlangan ito. Pero ano nga ba ito at paano ito nangyayari? Ito ay pagpapalitan ng mahaharot na mensahe, larawan o video, na napakadali at napakabilis na lamang maipakalat. Ang mga kabataang nasasadlak sa ganitong gawain ay maaaring makaranas ng same sex relationship, early parenthood, at cyber-bullying. Kapag hindi nila nakayanan, maaaring mauwi sa depresyon at suicide. 


Ikalima. Nahihirapang makatulog ang isang tao kapag matagal siyang na-exposed sa radiation ng cellphone. Kapag puyat ang isang mag-aaral, apektado nito ang kanyang pisikal at mentalidad sa klase. Ang kalusugan niya ay manganganib kapag panay-panay ang gamit nito. 


Ang mga magulang ang may malaking papel upang maiwasan ang mga ganitong epekto. Ang kanilang gabay ang tanging susi. Kung komunikasyon lamang ang dahilan kung bakit may cellphone ang kanilang mga anak, mababaw na rason. Kung ito ay gagamitin naman para sa pang-akademikong paraan, ito ay may malalim at makabuluhang rason. 


Marami pang masamang epekto ang gadget na ito. Maging maingat at maging disiplinado sana ang bawat isa sa paggamit nito. 








No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...