Followers

Saturday, August 8, 2015

10 Dahilan Kung Bakit Kailangang Magsulat ng Diary/Journal

Kung isa ka sa mga nagsusulat ng diary at journal, mapalad ka! Isa ka sa mga taong may maniningning na kinabukasan.

Maniwala ka man o hindi, ang ilan sa mga mahuhusay na pinuno ng ibang bansa. Silang mga nag-diary at nag-journal ay naging epektibo, kundi man ay may pinatunguhang maganda sapagkat napag-aralan nila ang kanilang sariling buhay.

Narito ang mga dahilan kung bakit mahalaga ang diary/journal sa isang tao:
1. Nagdudulot ng kalinawan ng isip. Dahil nga sa pagsusulat ay may pag-iisip, naeensayo ang kakayahan ng tao na magamit nang maayos at makabuluhan ang kanyang kaisipan. Nakakatulong ang ganitong gawain na makondisyon niya ang kanyang sariling pagdedesisyon at paghuhusga.
2. Nagbibigay ng pokus at direksiyon. Ang taong nahihilig sa pagsusulat ng diary/journal ay nagiging organisado. Naitatala niya kasi madalas ang kanyang mga gawain at plano. Napag-aaralan din niya ang mga posibilidad.
3. Nakakapagpasaya o nakakapagpangiti. Kung nalulumbay ka o ikaw ay bigo, maaari kang mapangiti at mapasaya ng mga nakaraan mong sinulat. Sa pagbabasa ng mga naitalang tagumpay, kasiyahan at kasaganahan, maaaring matabunan ang mga pighati at problema sa kasalukuyan.
4. Nakakapagpakalma ng galit na puso. Maraming doktor ang nagsasabing ang pagsusulat ay nakakabawas o nakakawala ng galit o matinding emosyon. Habang kasi nagsusulat ang isang tao na may galit ay napapakalma nito ang puso. Ang mga bagabag, himutok o iba pang negatibong damdamin ay nagiging positibo dahil napapalitan ito ng mabuting pagpapasya.
5. Nakakasuri ng sarili. Dahil sariling buhay at mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay ang isinusulat, mas nakikilala ng manunulat ng diary/journal ang kanyang sarili. May oras na kasi siyang maglimi-limi ng kanyang mga kakayahan at kahinaan.
6. Nakakapagpatatag ng damdamin. Habang nagsusulat, sinumang nagda-diary o nagjo-journal ay pinatatatag ang damdamin sapagkat kaagad-agad na nabibigyan niya ng solusyon ang sariling problema sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga posibleng solusyon. Napipili niya ang pinakamabisa sa lahat nang hindi humihingi ng opinyon ng iba.
7. Nakakapagpababa ng timbang. Hindi ito literal. Ibig sabihin, sinumang sumusulat ng diary o journal ay nagkakaroon ng magaang pamumuhay sapagkat napapalaya nito ang mga mabibigat na pasanin ng isang manunulat.
8. Nakakapagpalusog. Speaking of health, ang pagda-diary o pagjo-journal ay nakakapagpalusog ng kaisipan at katawan. Nababawasan o natatanggal kasi nito ang mga mapaminsalang stress sa mga sistema ng mga katawan. Dahilan nito ang natural at tamang daloy ng mga dugo, magandang metabolismo at katamtamang pintig ng puso.
9. Nakakapagpatalas ng memorya. Malinaw na ang pagsusulat ng diary o journal ay nakakapagpatalas ng memorya dahil naitutuloy dito ang mga pangyayari sa buhay at nababalikan. Bukod pa rito, nagkakaroon ng permanenteng alala ang isang manunulat dahil patuloy niyang idinudugtong ang nakaraan at kasalukuyan tungo sa hinaharap.
10. Nakakapagdulot ng malikhaing kaisipan. Ang taong sumusulat ng diary o journal ay malikhain sapagkat nagagawa niyang mas makulay at madetalye ang isang payak na pangyayari. Siya ay tila pabrika ng ideya.

Ang mga sumusunod na mabubuting dulot ng pagsulat ng diary at journal ay subok na. Hindi ito mahirap unawain sapagkat kahit hindi sikolohista ay makakapagsabing tama ang mga ito.

Magsusulat ka lang ng iyong buhay, magiging maganda pa ang iyong kaisipan, kalusugan at katawan. Saan ka pa? Sulat na!

No comments:

Post a Comment

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...