“Dear Diary.” Ito ang madalas na bungad sa pagsulat ng diary o talaarawan. Bakit nga ba ganito? Parang love letter ba ito?
Oo, ganoon na nga. Ang pagsusulat ng diary ay parang pagsusulat
lang para sa iyong kaibigan. Itinuturing kasing matalik na kaibigan si Diary.
Siya ang lubos na pinagkakatiwalaan ng sumusulat sa kaniyang mga iniisip,
pinaplano, nararamdaman, at nararanasan. Sa madaling salita, lahat ng sikreto
ay maaaring isulat sa diary.
Ang talaarawan (diary) ay uri ng sulatin na kinapapalooban
ng mga tala ng mga pangyayari, kaisipan, damdamin, o saloobin ng sumusulat sa
araw-araw.
Ito ay kalipunan ng mga baha-bahaging sulatin na nakasulat
at nakaayos nang sunod-sunod na petsa ayon sa porma ng kalendaryo.
Ito ay maaaring pribado o pansarili at maaari ding maging
akdang pampanitikan. Ang halimbawa nito ay “Diary of a Wimpy Kid.”
Ang talaarawan ay natatanging bagay na nagbibigay ng daan
upang talakayin ang iyong mga emosyon. Naitatala rito ang mga pangarap o ideya mo
sa mga bagay-bagay o usapin.
Ito ay sumasalamin din sa pang-araw-araw na buhay ng
manunulat sa pamayanan o kapaligirang kaniyang ginagalawan.
Paano sumulat nito?
Wala naman talagang tiyak na paraan upang magsulat ng isang
talaarawan. Malaya ang indibidwal na sumulat nito sa anomang anyo. Subalit, may
ilang mga pangunahing teknik na maaaring isagawa upang maisulat at maipahayag
ng manunulat ang lahat na nasa kaniyang puso at isipan.
Ano nga ba ang maaaring isulat sa diary?
Sa diary, maaaring maglista ng mga dapat gawin o mga
nagawa na. Maaaring magsulat dito ng mga saloobin, nadarama, at iniisip.
Makatutulong ding maibsan ang bigat na nararamdaman kung isusumbong kay Diary
ang mga problema, agam-agam, at kalituhan. Maaari ding ilagay rito ang mga
pantasya sa buhay. At siyempre, masarap isalaysay sa diary ang mga
kabiguan.
Paano ba sisimulan ang pagsulat ng diary?
Dahil may kalayaan ang pagsulat ng diary, wala naman
talagang limitasyon ang pagsusulat nito. Subalit maaaring simulan ito sa paglalahad
ng mga pangyayari o gawain mo sa buong araw. Ilahad o isalaysay ang mga
kaganapan o karanasang nagpaigtad ng iyong emosyon, damdamin, at saloobin, gaya
kung anong nangyari sa paaralan kung saan nakasulat ka ng tula o maikling
kuwento.
Maaari ding magsimula sa paglilista ng mga plano—planong
gawin o planong bilhin, na maaaring maisagawa sa loob ng maikli o mahabang
panahon. Siyempre, isa-isahin din ang mga paraan o hakbang sa pagkamit ng mga
iyon.
Maaari ding gamitin ang kasalukuyan mong emosyon sa
pagsisimula. Halimbawa, malungkot ka sa araw na ito. Isulat mo ang mga dahilan
ng iyong kalungkutan. Hayaan mong dumaloy lahat ng iyong nararamdaman sa iyong
mga titik. Maaari ka ring gumamit ng mga linya sa kantang nakaka-relate
ka.
Ang paggamit ng isang inspirational quote- na galing
sa kilalang tao, sa linya sa pelikula, o sa mga karakter sa kuwento, ay mainam
ding gawing simula. I-relate mo ito sa buhay mo at ipaliwanag kung bakit
mahalaga ito sa iyo. Ipaliwanag mo ang napiling quote sa iyong sariling
salita.
Ang mga hobbies at interests mo-- gaya ng gardening,
reading, writing, sports, o cooking, ay maganda ring pagsimulan ng topic.
Sabihin mo ang mga plano tungkol sa hilig mo. Ipakilala mo rin ang mga taong
nakapag-inspire sa iyo ng katulad ng gusto mo. Maglagay ka rin ng mga
ideyang gagawin mo sa mga susunod na araw tungkol sa napili mong hobby.
Maaari kang mag-iba-iba ng entries mo araw-araw.
Maaaring tungkol sa pag-aaral o edukasyon, tungkol sa pag-ibig o hinahangaang
tao, tungkol sa problema sa pamilya, pera, o pisikal na kaanyuan, maaaring
tungkol sa pinagkakaabalahan, trabaho, o extra income.
May format ba ang diary?
Opo, meron! Simulan mo ito sa pagsulat ng petsa sa kanang
bahagi ng notebook o anomang susulatan mo. Sa ibaba at kaliwang bahagi
naman ay isulat ang ‘Dear Diary.’ Pagkatapos, simulan nang isulat ang lahat ng
nasa isip at puso mo. Kapag naisulat mo nang lahat, ilagay sa ibaba ng
content—sa kanang bahagi—kapantay ng petsa—ang pangalan mo.
Ganito:
Oktubre 21, 2023
Dear Diary!
Excited akong magsulat ngayon ng diary. Kaya, pinag-aralan
ko ito. Nag-research ako online. Nagbasa ako ng mga hakbang, tips, at samples.
Madali lang pala!
Natutuwa akong magsimula ng pagsusulat ng diary o
talaarawan. Sa palagay ko, gagawin ko na ito araw-araw.
Juan,
Ano-ano ang mga dapat tandaan sa pagsulat ng diary?
Personal ang diary, kaya gumamit ng mga panghalip
panao na nasa unang panauhan, gaya ng ko, ako, akin, at iba pa.
Maging matapat sa paglalahad ng mga impormasyon at detalye
ng iyong karanasan, plano, o saloobin. Huwag matakot o mahiyang maglahad ng
katotohanan.
Kung natatakot naman maglahad ng katotohanan, lagyan na
lamang ng lock ang diary o kaya’y maglagay ng mga alyas para sa
mga taong ayaw banggitin ang pangalan.
May mga pagkakataong napagtatanto mo ang iyong mga
pagkakamali. Huwag mahiya o matakot ilahad ang mga aral na natutuhan mula sa
karanasan o pangyayaring iyon.
Palayain mo ang iyong damdamin at kaisipan. Malaya mo itong
isulat sa diary nang hindi masyadong binibigyang-pansin ang teknikalidad
ng mga pangungusap. Magsulat ka lang nang magsulat ayon sa iyong naiisip at
nararamdaman. Walang manghuhusga sa iyo. Ang diary ay nakadisenyo naman
bilang pansariling kaaliwan, maliban na lamang kung ito ay para sa publiko.
Isulat mong lahat ang detalye ng pangyayari, na nais mong
ilahad sa diary. Habang sariwa ito, isulat na kaagad. At hindi naman
ibig sabihin ng detalyado ay napakahaba ng iyong isusulat. Gawin itong malaman,
pero maiksi. Ang mahalaga, nakapagpapahayag ka ng damdamin, saloobin, o ideya.
At ano naman ang tips sa pagsulat ng diary?
Magtakda ng oras kung kailan ito gagawin o kailan magsusulat
upang hindi ka mapagod. Ang pinakamainam na oras sa pagsusulat nito ay bago
matulog. Maaari ding magsulat kahit anong oras, lalo na kung may ideyang nais
isulat. Maaari din namang magsulat ng tatlong beses sa isang linggo. Huwag mo itong ituring na dagdag-trabaho. Gawin mo itong pantanggal ng stress.
Kung mahusay kang mag-drawing o mag-sketch,
maaari mong lagyan ang diary mo ng iyong mga guhit. Makadaragdag ito ng aesthetic
at motivation.
Sulat na! Sigurado akong marami kang nais isulat.
No comments:
Post a Comment