Followers

Friday, March 1, 2019

Anti-Sipsip Potion

May kakilala ka bang sipsip? Tinalo pa niya ang linta sa galing sumipsip kay Boss. Gusto mo na ba siyang gantihan para makabawi ka? Gusto mo bang ikaw naman ang pansinin ni Boss? Ito na ang sagot sa problema mo—ang Anti-Sipsip Potion.

Maghanap ka ng pinakaunang buko ng puno ng niyog. Alam iyan ng may-ari o mambubuko. Mahirap makahanap niyon, pero hindi imposible. Kung gusto mo talagang magbago ang trato niya kay Sipsip, gawin mo. Goodluck!

Ang virgin buko na hahanapin mo ay hindi dapat matigas o mala-uhog. Kailangang sakto ang lambot. Parang pang-buko salad. Ang may-ari o mambubuko ang nakakaalam sa eksaktong lambot ng buko, na kailangan mo. Tunog pa lamang niyon, alam na niya. Parang ang sipsip mong kasama. Kilos pa lang niya habang palabas sa opisina ng boss ninyo, alam mong may ginawa na namang kababalaghan.

Kapag nakauto ka na ng may-ari ng bukuhan o ng taga-akyat, mag-usal ka ng dasal. Paulit-ulit mo itong iusal : "Ak tangi-gam!" hanggang sa makababa siya.

Pabalatan mo ang buko, pero hindi mo iyon pabubutasan.

"Op tamalas!" Ibulong mo iyan nang dalawang beses sa hangin bago mo talikuran ang umakyat ng buko. Then, huwag ka nang mag-aksaya ng panahon. Puntahan mo agad ang boss mo. Huwag mo nang hayaang mangitim ang natitirang balat ng buko. Kapag nangyari iyon, mawawalan ng bisa ang potion. Iwasan mo ring maalog ang sabaw ng buko.

Habang papunta ka sa opisina ng boss mong nagpapasipsip, iusal mo ang dasal na ito: "Ak ogabgam." Tatlong beses. Palakas nang palakas.

Siguraduhin mong may straw kang dala. Mas mabisa kung bamboo straw ang dala mo. Bawal kasi ang plastic. Bukod doon, harmful sa health at environment. Ayaw mo rin niyon, 'di ba?"

Lakasan mo ang loob mo. Kung gusto mo talagang mapansin ka niya at ang efforts mo. Lakasan mo rin ang puwersa sa pagbubukas ng buko. Maliit na butas lang, sapat na. Makapasok lang ang straw.

Halo-haluin mo ang sabaw, gamit ang straw at idasal mo ito: "Anas, anas! Ayis ogabgam. Ayis ogabgam anas."

Harapin mo siya nang nakangiti. Magpaka-sweet ka gaya ng sabaw ng bukong hawak mo para sa kanya. Sikapin mong humigop siya ng sabaw sa harapan mo. Kahit kaunti lang ang mainom niya para umepekto ang gayuma mo, okay na iyon.

Kapag sinabi niyang "matamis" at nagpasalamat siya, alam mo na—epektibo ang gayuma mo. Kung hindi, si Sipsip naman ang gayumahin mo. (May alam ako.)

Madali lang naman, 'di ba? Kayang-kaya! Mas mahirap pang maghanap ng nagdudumalagang puno ng niyog kaysa mapainom mo siya.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...