Followers

Thursday, February 27, 2020

Ang Tambol ni Ram

BLAG! TOG! BOG! BLAG! BLAG!

Iyan ang tunog ng tambol ni Ram nang tumugtog siya.

Pinagtawanan siya ng mga drummer, lyrist, baton twirler, at majorette.

"Ram, magaling kang pumalo ng tambol," sabi ng gurong tagapagsanay. "Malapit na ang pista ng barangay. Baka hindi ka na makahabol."

"A... e, Ma'am Lopez, magsasanay po ako sa bahay. Gusto ko po talagang makasali sa parada," sagot ni Ram.

"Sige... Susubukin uli kita sa Lunes."

"Yehey! Sige po, Ma'am. Magsasanay po ako nang maigi."

"Sa ngayon, manood ka muna sa kanila upang kahit paano ay may matutuhan ka."

"Opo."

Manghang-mangha si Ram sa ipinakitang husay ng mga manunugtog at mananayaw. Labis din ang paghanga niya sa mga nagtatambol.

Pauwi sa bahay, agad ba nagsanay si Ram sa pagtatambol. Gustong-gusto talaga niyang makasama sa parada.

BLAG! TUGUDOG! BLAG! BLAG!

iyan ang tunog ng Tambol ni Ram. Paulit-ulit niyang tinugtog iyon.

Halos mabutas ang tambol niya dahil sa lakas ng pagpalo niya rito.

Halos mabingi rin ang mga kabitbahay niya.

Hindi na nga niya napansin ang pagdating ng kanyang lasing na ama. Hindi rin niya narinig ang sermon ng kanyang ina sa ama.

TUGUDOG! TOG! TOG! BLAG! BLAG!

iyan ang tunog na umalingawngaw sa loob ng kanyang kuwarto.

"Ram! Itigil mo nga iyan! Nakakarindi!" sigaw ng ama niya.

Noon lamang narinig ni Ram ang paligid. Noon niya lamangbl naulinig ang pagtatalo ng kanyang ina at ama.

Lumabas si Ram upang doon tumugtog.

BLAG! TUGUDOG! BLAG! BLAG!

"Sabing tumigil ka, e!" singhal ng ama kay Ram. "Hindi ka magiging mahusay na tambolero. Masakit sa tainga ang tugtog mo."

"Hoy, Romualdo! Huwag mo nang pakialaman ang anak mo. Pumasok ka rito," sabi ng ina ni Ram.

"Binilhan-bilhan mo pa kasi ng tambol. Hayan, nakakaperwisyo!"

Gusto nang pumatak ng luha ni Ram. Gusto na niyang bitiwan ang pangarap niyang makasama sa parada sa Araw ng Pista.

"Mahusay ang anak mo. Hindi mo lang nakikita dahil lagi kang lasing.

"Hay, naku! Manang-mana sa `yo ang anak mo. Maingay!"

Lalong nagalit ang ina ni Ram sa ama, kaya nagpatuloy ang sagutan ng dalawa. Naririndi siyang marinig ang sigawan ng mga ito. Sumakit ang tainga niya sa mga naririnig, pero naging tila musika iyon sa kanyang pandinig.

Sinundan niya ang melodiya niya habang dahan-dahan siyang tumambol.

Nagtuloy-tuloy ang pagtatalo ng mag-asawa. Palakas naman nang palakas ang tunog ng tambol ni Ram.

"Tumigil ka, Ram! Masakit sa tainga!" sigaw uli ng ama. Hindi iyon narinig ni Ram. Sa halip, ipinagpatuloy niya ang pagtatambol.


"Huwag mong pag-inita ang bata. Mabuti pa nga siya may pakinabang sa barangay. Hindi tulad mo --- paglalasing lang ang gusto," sermon ng ina sa ama ni Ram.

Nagtuloy-tuloy pa ang pagtugtog ni Ram. Inisip niyang isang magandang musika ang ingay ng kanyang mga magulang.


TUGUDOG! TUGUDOG! TUGUDOG! TOG! TOG! TUGUDOG!

iyan ang tunig ng tambol ni Ram, na nagpahinto sa pagtatalo ng mag-asawa.

"Narinig mo iyon? Ang galing ng anak mi. Hindi nasayang ang perang ipinambili ko sa ng tambol sa kanya," masayang sabi ng ina. Napasungaw pa ito sa bintana.

"Kailan siya tutugtog?" tanong ng ama. Napaakbay pa ito sa asawa.

"Sa susunod ba linggo. Sa pista bg barangay," mahinahong sagot bg maybahay.

"Wow! Manonood ako." Niyakap ng ama ni Ram ang kanyang ina.

Natanaw niyang nagkasundo na ang kanyang mga magulang. Lalo tuloy siyang ginanahang tumugtog.

Sa Araw ng Pista, bidang-bida si Ram sa parada. Isa siya sa mga miyembro ng Drum and Lyre ng San Francisco Elementary School. Tuwang-tuwa sa kanya ang ina, ama, gurong tagapagsanay, at mga kabarangay.



No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...