Followers

Friday, November 6, 2020

Junjun: 3 Drawing

“Junjun?” tawag ni Ate Maymay pagkatapos niyang kumatok ng tatlong beses sa pinto ng kuwarto ng kapatid. “Puwede ba akong magpatulong sa iyo?” “Ayaw ko! Pagkatapos mo akong isumbong kina Mama at Papa kanina, hihingi ka ngayon ng tulong,” sagot ni Junjun. “Sorry na… Biro lang iyon. Gusto mo, turuan kitang mag-drawing?” Katahimikan ang sagot ni Junjun kay Ate Maymay. At maya-maya, binuksan na niya ang pinto. “Talaga?” nakangiti niyang tanong. “Oo! Ganito, o.” Ipinakita ni Ate Maymay ang kaniyang drawing. Tiningnan iyon ni Junjun. “Wow! Astig!” “Gusto mong matuto?” Tumango lang si Junjun. Hindi kasi maalis ang mata niya sa drawing ni Ate Maymay. “Sige… Tuturuan kita mamaya… pero sa isang kondisyon.” Biglang ibinalik ni Junjun sa kaniyang ate ang drawing. “Sabi ko na nga ba, e!” Nahawakan ni Ate Maymay ang siradura ng pinto kaya hindi nai-lock ni Junjun ang pinto. “Makinig ka muna… Bigyan mo ito ng komento o puna. Isasali ko kasi sa contest ng paggawa ng editorial cartoon.” Tiningnan muna ni Junjun ang mukha ng ate. Sinuri niya kung seryoso ang kapatid o hindi. “Huwag mo akong lolokohin, Ate Maymay, kundi tutuksuhin kita.” “Siyempre, hindi. Seryoso ako kasi contest ito. Kapag nanalo ako rito, maaari akong makilala at kapag nakilala ako, baka may kumuhang diyaryo sa akin. May trabaho na ako.” “Advanced ka mag-isip, Ate Maymay. Okay, sige… Puna lang pala, e.” Binawi agad ni Junjun ang drawing ng kaniyang ate. “Ngayon na ba?” “Hindi. Suriin mo munang mabuti. Alam kong magaling kang magbigay ng puna. Tingnan mo lahat ng anggulo ng editorial cartoon ko—mula sa estilo, sa konsepto, sa shading, sa lahat! Bahala ka na. Negative or positive is accepted. Hindi ako magagalit. Basta mamaya, after one hour, babalikan kita. Okay?” “Okay! Basta huwag kang magagalit, ha?” “Oo. Hindi. Promise!” Tinaas pa ni Maymay ang kaniyang kanang kamay. “Tuturuan pa rin kitang mag-drawing ng editorial cartoon.” “Sige. Naniniwala ako sa ‘yo… ngayon lang,” biro ni Junjun. “Hala! Ngayon lang talaga?” “Sige na! Kita na lang tayo mamaya.” Nagsara na agad ng pinto si Junjun. Pagkatapos ng isang oras, lumabas na si Junjun. Hinagilap niya si Ate Maymay. Sa sala niya nakita ang kapatid. Naroon din ang kanilang mga magulang. “Ready ka na ba, Ate Maymay?” natatawang tanong ni Junjun. Napahawak si Maymay sa kaniyang dibdib. “Grabe? Mukhang masasaktan ako sa mga puna mo, ah!” “Sabi mo, puwede ang negative.” “Oo, doon kasi ako lalago. Kailangan ko lang tanggapin nang maluwag sa aking puso.” Huminga siya nang malalim. “Sige na… simulan mo na. Ano ang masasabi mo?” “Okay.” Ipinatong ni Junjun ang editorial cartoon sa center table. “Maganda ang drawing mo, Ate Maymay. Sa unang tingnan, mapapa-wow ka talaga.” Napasandal sa sofa si Ate Maymay. “Nang tiningnan ko nang maigi at inisip ko kung ano ang kahulugan… Ate Maymay, huwag ka na munang sumali sa contest. Marunong ka lang mag-drawing, pero wala pang meaning ang gawa mo. Alam ko kasi ang editorial cartoon ay may mensaheng nais ipahayag. Saka, bakit anime ang mukha nito?” “Ganiyan ako mag-drawing ng tao,e! Bakit ba?” medyo naiinis na sagot ni Ate Maymay. “Huwag kang maiinis at magagalit. Sabi mo, okay lang ang negative kasi para lumago ka. E, hindi ko nga gusto. Anong magagawa mo?” “Akin na nga ito!” Mabilis na dinampot ni Ate Maymay ang drawing niya at padabog na tumayo. “Salamat, ha?! Akala ko pa naman maaasahan kita….” “Ano na naman iyan?” tanong ng kanilang ama. Napatingin ang magkapatid sa kanilang ama. “Hindi pa ba tayo masasanay sa dalawang iyan?” sabi naman ng ina. “Umupo ka, Maymay,” utos ng ama at nilapitan ang magkapatid. Napilitang umupo si Maymay, habang masama ang tingin sa kapatid. “May problema na naman kayo, ‘di ba? Maaari ko bang marinig ang panig mo, Junjun?” sabi ng ama. “Humingi po kasi siya ng tulong. Bigyan ko raw po ng komento o puna. Sabi pa po niya, okay lang po kahit negative… Nagsasabi naman po ako nang totoo,” litanya ni Junjun. “Ikaw naman, Maymay,” sabi ng ama. “Totoo naman po ang sinabi niya… Pero, masyado naman pong negative ang sinabi niya. Huwag na raw akong sumali sa contest,” paliwanag ni Ate Maymay. “Okay… Pareho kayong may mali. Gusto kong pag-isipan ninyo ang inyong mga kamalian. Bibigyan ko kayo ng isang minuto para isipin iyon,” sabi ng kanilang ama. Tiningnan pa niya ang malaking wall clock. Napayuko si Junjun. Napatingin sa kisame si Maymay. Nagkatinginan naman ang kanilang mga magulang. Pagkatapos ng isang minuto, si Maymay ang unang tinanong ng ama. “Masyado po akong sensitive. Hindi po ako marunong tumanggap ng negative critcisim,” sagot ni Maymay. “Mabuti, alam mo iyang negative criticism… Ikaw naman, Junjun,” sabi ng ama. “Masyado po akong harsh. Wala pong paggalang ang mga komento at puna ko. Hindi ko po naisip ang positive criticism. Sorry, Ate Maymay,” sabi ni Junjun. “Sorry raw, Maymay,” untag ng kanilang ama. “Sorry rin, Junjun,” sabi ni Maymay. “Ayan! Ang gandang pakinggan. Alam ninyo, mga anak… Huwag ninyong kalilimutan ang respeto at paggalang. Sino man ang kausap ninyo o kahit nagbibigay kayo na puna, negatibo man o positibo, huwag ninyong kalilimutan ang paggalang. Ang masakit na salita ay maaaring mabawasan ang sakit kapag ginamitan ng magagaling na pananalita. Ang tawag doon ay constructive criticism. Tama ako, Mama?” tanong ng ama sa ina. “Oo naman, Papa,” nakangiting sagot ng kanilang ilaw ng tahanan.” “Ano naman ang masasabi mo, Mama?” tanong ng ama. “Ang talentadong bata ay may paggalang sa kapuwa. Ang magalang na bata, hindi nakakasakit ng damdamin ng kapuwa,” sabi ng ina. “Halina kayo! Kain na tayo.” Parang walang nangyari sa pagitan nina Junjun at Maymay nang patakbo silang lumapit sa dining table. Napangiti na lamang ang kanilang mga magulang, na animo’y sanay na sanay na sa away ng magkapatid.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...