Followers

Wednesday, November 4, 2020

Limang Salita

Nakasanayan na ng mga magulang ni Tristan na bumili ng libro tuwing magsusuweldo. Kung hindi isa, dalawa ang binibili nila. “Tristan, may bagong bili kami ng daddy mo,” sabi ni Mommy Izzel, sabay abot ng makapal na libro. “Basahin mo iyan, anak. Bestseller iyan,” dagdag pa ng ama. Binuklat-buklat ni Tristan ang libro. Gaya ng dati, nagkunwari siyang masaya. “Ito po ang nabasa ko sa book review. Maganda raw po talaga ito.” Pilit pa siyang ngumiti. “Yes, that’s true… Kaya pagkatapos mong mabasa iyan, ibigay mo agad sa akin. Can’t wait to read that,” sabi ng ama. “Sure, Dad! Thank you!” Pagtalikod ng mga magulang ni Tristan, inilapag niya ang libro na tila naalibadbaran. Agad naman siyang nag-chat sa kaniyang kaklase na si Louie. Ikinuwento niya ang tungkol sa isa na namang nakakainis na pangyayari. Tulad ng dati, ganito ang reply ng kaniyang kaklase: “Oh, my gosh! Hindi pa alam ng parents mo na nasa 21st century na tayo? All are digital. Nag-aaksaya sila ng pera sa kakabili ng aklat.” “Plano yata nilang magtayo ng library rito sa bahay. You know what? Mas malaki pa ang room ng mga koleksiyon nilang babasahin kaysa sa room ko. Nakakainis!” Halos buwan-buwang naiinis si Tristan sa kaniyang mga magulang, lalo na kapag tinatanong siya kung nabasa na niya ang aklat na binili at kung ano ang nilalaman niyon. Isang beses, hindi na siya nakapagtimpi. “Bakit po ba ninyo ako pinagpipilitang basahin ang aklat ninyo? I can and I will read books that I like. Besides, nagbabasa naman po ako using my phone. Dad, Mom, hindi na po ninyo kailangang punuin ng mga babasahin ang bahay natin,” sabi ni Tristan. Pagkatapos, tinalikuran niya ang mga ito. Naiyak na lamang ang kaniyang ina. Wala ring nagawa ang kaniyang ama, kundi ang kalamayin ang loob ng kaniyang may-bahay. Simula noon, hindi na bumibili ng anomang babasahin ang mag-asawa. Hindi na rin nila pinagdidikdikan kay Tristan ang kahalagahan ng pagbabasa. Naniniwala silang darating ang oras na kakailanganin ng kanilang anak ang kanilang ipinupundar. Nagpatuloy si Tristan sa paggamit ng kaniyang mobile phone. Lahat ng nagpapasaya sa kaniya ay natagpuan niya sa kaniyang gadget. Isang araw, naging balisa si Tristan dahil hindi niya ma-search sa Google o sa Wikipedia ang limang di-pamilyar na salita. Kailangan niyang mabigyan ang mga iyon ng kahulugan upang magamit niya sa pangungusap. “Hello, Louie? Mas sagot ka na ba sa takdang-aralin natin? Pakopya naman, o,” sabi ni Tristan nang tinawagan niya si Louie. “Wala nga rin, e! Wala sa internet. Nakakainis!” “Kaya nga, e... Paano kaya ito? Nagagalit na sa akin si Ma’am Esmera. Lagi na lang akong walang assignment,” sabi ni Louie. “Oo, friend, bumawi ka baka bumagsak ka sa subject niya,” payo ni Louie. “Oo, sisikapin ko… Sige na, bye!” “Bye!” Pagkalapag niya ng cellphone niya, muli siyang nabalisa. Kailangan niyang mabigyan ng kahulugan ang mga salitang ngurob, kahuwego, marea, ngambing, at umaati-ati. Nais na niyang maiyak dahil hindi niya maisip kung saan siya kukuha ng sagot. Ayaw naman niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang dahil nahihiya siya sa kaniyang ginawa. Tiningnan niya ang oras. Dapat na siyang matulog dahil may pasok pa kinabukasan, ngunit hindi siya maaaring pumasok nang walang takdang-aralin. Maya-maya, lumabas siya sa kaniyang kuwarto. Hawak niya ang papel kung saan nakasulat ang limang salita. Kumuha na rin siya ng bolpen bago pumasok sa malaking silid na punong-puno ng iba’t ibang uri ng babasahin. Sa tagal nang naroon iyon, ikatlong beses pa lamang siyang pumasok doon. At namangha siya sa dami ng mga aklat. Humanga siya sa kaniyang mag magulang sa mga sandaling iyon dahil nagawa nilang magtayo ng isang maliit na silid-aklatan. Habang lumalapit siya sa mga hilera ng mga libro at hinahanap ang kaniyang kailangan, lalo siyang humanga dahil maayos ang pagkakasalansan ng mga iyon. May mga label pa ang bawat shelf, na parang sa library talaga. Saka lamang niyang napagtanto na isa palang librarian ang kaniyang ina. “Dictionaries!” bulalas ni Tristan nang makita ang hinahanap. Agad din niyang hinila ang makapal na diksyunaryong Tagalog. Mas lalo siyang natuwa nang mahanap agad niya ang kahulugan ng kahuwego. Abala si Tristan sa pagkopya ng kahulugan ng mga di-pamilyar na salita, kaya hindi na niya namalayan ang pagpasok ng kaniyang mga magulang. Nang maibalik niya ang diksyunaryo, saka lamang niya Nakita ang kaniyang ina at ama. “Dad, Mom? Sorry po… pumasok ako rito,” nahihiyang sabi niya.” Nginitian siya ng kaniyang ina at agad na nilapitan. “Tristan, hindi mo kailangang mag-sorry o magpaalam kung papasok ka rito. Binuo naming ito ng daddy mo para sa ‘yo. Ikaw ang inspirasyon nito. Salamat dahil natuklasan mo na ang halaga nito!” Hindi na napigilan ni Tristan ang kaniyang luha. “Sorry po, Dad, Mom, kung na-attached ako masyado sa gadget. Hindi pala lahat ng kailangang kong datos ay nasa internet.” “Oo naman, anak. You are forgiven,” sabi ng kaniyang ama. “Salamat po sa inyo! Salamat po sa library na ito!” “You’re welcome!”

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...