Followers

Wednesday, November 4, 2020

Pagiging Mapanuri

Nanonood ng telebisyon sina Katie at Lolo Gardo, nang biglang lumitaw ang patalastas. Bago iyon kaya pinanood nila. “May problema ka ba sa shampoo mo? Naku! Palitan mo ang dati mo dahil narito na ang shampoo ng pamilya. B-Right Shampoo! Lahat ng scalp and hair problems ng iyong pamilya ay siguradong solb sa B-Right Shampoo. Maiiwasan ang pagkakalbo. Babalik ang kinang at ganda ng buhok ninyo. Tiyak na mawala ang inyong balakubak! Be bright! Use B-Right!” sabi sa patalastas. “Uy, Lolo Gardo, bili tayo niyan!” natutuwang sabi ni Katie. “Naku, Katie, hindi porket bago ay bibilhin mo. Maging mapanuri ka muna,” sagot ni Lolo Gardo. “E, Lolo, mukha namang mabisa. Sabi nila, lahat ng scalp and hair problems natin ay kayang masolusyonan. Kailangan ko po iyon para sa buhok kong buhaghag. Para naman sa balakubak ni Papa. Ikaw po.” Natatawang tumingin si Katie sa ulo ng kaniyang lolo. Nilakihan muna ng mata ni Lolo Gardo ang apo. “Hay, naku, Katie! Okay lang na maging kalbo na ako forever. Basta ayaw ko nang maniwala sa mga patalastas na iyon. Andami ko nang nasubukang shampoo, kaya naniniwala akong ang mga produktong iyon din ang sumira sa buhok ko.” Natawa muna si Katie. “Ikaw na po ang nagsabi kanina…” “Anong sinabi ko?” “Maging mapanuri muna. Paano po natin masusuri kung hindi natin susubukan?” Natigalgal si Lolo Gardo at napakamot sa ulo. “Kumati ang ulo ko sa ‘yo… Sige, saan ba makakabili niyan?” Napaplakpak sa tuwa si Katie. “Baka may tinda na po si Aling Nena. Pahingi po ako ng pambili.” “Ay, ang bilis mo naman, apo. Hindi ba puwedeng bukas na?” Kunwaring nag-isip muna si Katie. “Hindi po puwede. Maliligo na po kasi ako.” “Ang batang ito, napaka-spoiled! O, hala, kumuha ka ng sampung piso sa aking kalupi. Baka may sukli pa, ha. Ibalik mo sa akin.” “Kuripot,” bulong ni Katie. “Ano ang sabi mo, apo?” “Wala po. Sabi ko po…thank you!” “Kalbo lang ako, pero hindi malabo ang pandinig ko. Kuripot talaga ako kaya mapanuri ako,” natatawang sagot ng lolo. Natatawang umalis si Katie.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...