Followers

Friday, February 19, 2021

Igalang ang mga Hayop

Noong 2011, nadakip at nakulong ang mag-asawang salarin sa kumalat na crush video, na nagpapakita ng karumal-dumal na pagpatay sa isang tuta. Ang pananakit o pagpatay sa mga alagang hayop ay itinuturing na krimen sa Pilipinas. Ang sinomang gumawa nito ay mapaparusahan sa paglabag sa Republic Act No. 8485. Ang RA 8485 ay tinatawag ding “The Animal Welfare Act of 1998.” Ito ay nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos. Ito ang unang batas na komprehensibong nagtadhana sa tama at makataong pangangalaga ng mga mamamayan sa lahat ng hayop sa Pilipinas. Ito ay binuo ng Committee on Animal Welfare, na siya ring mamumuno sa pagpapatupad ng batas. Ayon sa batas na ito, dapat mabigyan ang lahat ng hayop ng wastong pangangalaga at maaaring maparusahan ang sinumang mapatunayang lumalabag dito. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagmaltrato at pag-torture sa mga hayop. Pinangalanan din sa batas na ito ang mga hayop na maaaring katayin dahil kinakain ang mga ito, tulad ng baka, baboy, kambing, tupa, manok at iba pang poultry, kuneho, kalabaw, kabayo, usa at buwaya. Ang pagpatay sa mga hayop na hindi nabanggit, maliban na lamang kung ito ay dahil sa ritwal ng isang relihiyon, malubhang sakit ng hayop, at animal control kung saan nasa bingit ng panganib ang hayop o mga taong malapit dito, may katumbas na kaparusahan. Ang mga hayop ay may buhay at pakinabang din. Hindi dapat sila sinasaktan o pinapatay. Igalang natin ang mga hayop. Lumahok at sumuporta tayo sa mga samahan, kampanya, at programa sa pagbabawal sa pananakit ng mga hayop. Isa ang ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ay isang organisasyong may layuning hadlangan ang mga kalupitan sa mga hayop sa pamamagitan ng edukasyon, pag-iingat ng hayop, at adbokasiya. Ito ay nakabase sa Quezon City. Naniniwala ang PAWS na ang paglikha ng isang mas mapayapang lipunan ay nagsisimula sa pagkakaroon ng habag sa kapwa, gayundin sa mga hayop. Nais nilang ang bawat Pilipino ay may paggalang sa mga hayop, responsableng pagmamay-ari ng mga alaga, at nagproprotekta o nangangalaga sa mga hayop. Ang PAWS ay nagbibigay ng pag-asa na makahanap ang mga hayop ng mga bagong bahay at tagapag-alaga na siyang magbibigay ng pangalawang pagkakataon sa isang magandang buhay. Ang mga biktima lamang ng kalupitan o kapabayaan ang kanilang kinakanlong hanggang sa may taong handang magbigay ng pag-asa sa hayop. Samantala, tungkulin naman ng mga nag-aalaga ng mga aso na pabakunahan ang mga ito, bilang pagsunod at pagsuporta sa RA 9482 o ang “The Anti-Rabies Act of 2007.” Ang pagpapabakuna ng mga aso ay paglahok sa kampanya at programa ng gobyermo. Hindi lang ito pagtupad sa batas, kundi pag-iwas sa ating pamilya at kapwa sa pagkakaroon ng rabies. Tandaan, ang pagmamahal sa mga hayop ay pagsunod sa mga batas at paglahok sa mga adbokasiya ng gobyerno sa pagprotekta sa mga karapatan nila.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...