Followers

Wednesday, February 17, 2021

Sigarilyo

“Pabili po,” sabi ng mama sa tindahan ni Aling Ligaya. “Ano po iyon?” tanong ni Frank. “May sigarilyo kayo?” “Mama, may sigarilyo daw po ba tayong tinda?” sigaw na tanong ni Frank sa ina. Nang marinig niya ang sagot ng ina, sinabi niyang ‘wala.’ “Naku! Dapat nagtitinda kayo. Sayang naman ang benta ninyo,” payo ng lalaki. “Sige, pabili na lang ng softdrink.” Pagkatapos bigyan ni Frank ng softdrink ang lalaki, hinintay niyang matapos ito sa pag-inom at magbayad. Maya-maya, pumasok sa tindahan si Aling Ligaya. “Mama, bakit nga po wala po tayong tindang sigarilyo? Naghahanap po kasi si Manong,” sabi ni Frank. “Sorry po, Kuya… Simula po nang nagbukas ako nitong maliit na tindahang ito, wala pong alak at sigarilyo akong tininda. Pinahahalagahan ko kasi ang kalusugan ng kapwa ko,” sagot ni Aling Ligaya. Napakibit lang ng balikat ang lalaki habang tinatapos ang pag-inom ng softdrink. “A, kaya po pala, ’Ma… kaya po pala puro pagkain at kailangan sa bahay ang tinda natin,” natutuwa namang sabi ni Frank. “Opo, Anak… Saka alam mo bang may mga batas akong nalaman na talaga namang nagpasalamat ako kung bakit ayaw ko talaga sa sigarilyo.” “Talaga po? Ano-ano po ba ang mga batas na iyo?” “Ang Clean Air Act of 1999 at ang Tobacco Regulation Act of 2003 ay mga naunang batas. Ang dalawang ito ang pinagmulan ng bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2017 —ang Executive Order No. 26.” “Executive Order No. 26? Ano po iyon?” Nakakunot ang noo ni Frank, pero halatang interesado siya. Naramdaman din ni Aling Ligaya na interesado rin ang lalaki, kaya kahit kaunti na lang ang softdrink nito, hindi pa rin inuubos. “Ang Executive Order No. 26 ay tinatawag ding Providing for the Establishment of Smoke-Free Environments in Public and Enclosed Places. Ibig sabihin, inuutusan ang mga may-ari o namamahala ng establisyimento gaya ng mall, grocery, hospital, paaralan at iba pang pampubliko o kulob na lugar na ipagbawal ang paninigarilyo. Dapat maglagay ng area kung saan maaari lamang manigarilyo.” “A, naunawaan ko na po. Kaya pala sa SM, may nakita po akong lugar doon na may karatulang ‘Smoking Area.’ Pero, sana po, tuluyan nang ipagbawal ang sigarilyo sa bansa,” sabi ni Frank. “Hindi mangyayari iyon, iho, kasi kumikita ang pamahalaan sa buwis niyon,” singit ng lalaki. “Korek! Kaya nga po, bilang pagsunod sa mga batas, kampanya, at programa ng gobyerno, hindi po ako nagtitinda. Makatutulong ako sa kalusugan ng tao, gayundin sa kalikasan. Mas masarap huminga kapag malinis ang hangin,” dagdag pa ni Aling Ligaya. “Tama po kayo! Salamat sa inyo! Na-realize kong dapat ko nang itigil ang paninigarilyo,” tugon ng lalaki. “Salamat din po! Ang paghinto ninyo sa paninigarilyo ay malaking tulong na po!”

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...