Followers

Thursday, April 22, 2021

Best Country to Live In

Nanonood ng balita ang mag-inang sina Camille at Mama Glenda. Pagkatapos nilang mapanood ang isang balita tungkol sa isang masalimuot na buhay ng isang overseas Filipino worker o OFW, pinatay ni Camille ang telebisyon. Camille: Nalulungkot po ako para kay Papa. Mama Glenda: Bakit naman, Anak? Maayos naman ang kalagayan ni Papa mo sa Dubai. Camille: Hindi po tayo nakakasiguro. Malay po natin, baka naglilihim lang po siya sa atin. Ayaw niya po na mag-alala tayo sa kaniya. Mama Glenda: E, madalas naman natin siyang nakakausap at nakikita sa video call. Maayos naman siya. Masaya siya. Malusog. Camille: Kahit na po… Gusto ko pa ring makauwi na lang siya rito sa Pilipinas. O kaya po, lumipat po siya ng ibang bansa. Mama Glenda: Naku, mahirap pa ngayong lumipat ng ibang bansa. May pandemya pa, Anak. Camille: Sabagay po… Mama Glenda: E, saang bansa mo ba gustong lumipat si Papa mo? Camille: Sa Norway po o kaya sa Switzerland at Australia. Mama Glenda: Ha? Bakit doon? Camille: May nabasa po kasi ako sa Google. Ang Norway, Switzerland, at Australia ay kasama sa top ten best countries to live. Mama Glenda: To live naman pala,e . Hindi naman paninirahan ang sadya ng papa mo sa ibang bansa, kundi trabaho. Camille: Ganoon din po iyon. Ibig pong sabihin, maganda ring magtrabaho roon. Saka po, malay po natin, dalhin tayo roon ni Papa. Doon na tayo tumira. Mama Glenda: Bakit ayaw mo na ba sa Pilipinas? Camille: Gusto naman po, kaya lang po isa po yata ang Pilipinas sa worst country to live in. Mama Glenda: (Natawa) Sinabi mo pa. Sa araw-araw nating panonood ng balita, puro negative ang mga naririnig at nakikita natin, gaya ng traffic, polusyon, krisis sa ekonomiya, korupsiyon, basura, kalamidad, krimen, at kahirapan, kaya pati prostitusyon ay talamak na rin. Camille: Bihira na nga lang po ibalita ang tungkol sa malinis na kapaligiran, katahimikan, matatapat na pinuno, pagkakaisa, at kapayapaan. Mama Glenda: Wala kasing matibay na bungkos ang ating mga pinuno. Kung katulad lang sana sila sa walis tingting, sana ang mga Pilipino ay hindi nakakaranas ang paghihirap, ang bansa sana natin ay maunlad, at ang gobyerno sana natin ay maipagmamalaki sa ibang bansa. Camille: Tama ka po, Mama. Mas humahanga pa nga po ako sa mga pansibikong organisasyong sumusulong para sa kabutihan at karapatan ng mga Pilipino kaysa sa mga politikong walang ibang gumawa kundi ang mangampanya at magpayaman. Sila ang mga grupo na tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng mamamayan. Mama Glenda: (Napapalakpak sa tuwa) Naku! Puwede nang sumali sa Miss Universe-Phillipines ang anak ko! Ang husay-husay! Camille: Hindi po iyong ang pangarap ko, Mama. Ang gusto ko lang po ay tumira sa isang bansang payapa, maunlad, at masaya. Mama Glenda: Hayaan mo, Anak… Baka sa 2030, matupad na ang pangarap mo. Hindi naman imposibleng maging best country to live in ang Pilipinas. Camille: Sana nga po, Mama. Muling binuhay ni Camille ang telebisyon at nanood uli silang mag-ina.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...