Followers
Sunday, December 12, 2021
Ang mga Regalo ni Tito
Kapag malapit na ang Pasko, eksayted ang lahat kong pinsan sa mga regalo sa amin ni Tito. Ako naman ay hindi gaano. Hindi naman kasi ako ang paborito. Basta ako, lahat ng natatanggap kong regalo ay nagugustuhan ko.
Ang magkakapatid na Carlo, Clara, at Charito ay hindi na mahintay ang Pasko. Gustong-gusto na nilang dumating si Tito.
May kani-kaniya pa silang hiling na regalo. Minsan, dalawa o tatlo ang kanilang gusto.
Ang pinsan ko namang si Yumiko, ay katulad ko. Hindi rin siya paborito ng tito ko. Pero, madalas naman siyang makatanggap ng magandang regalo.
Ang bait talaga ng tito ko! At ang galing niyang pumili ng regalo. Alam na alam niya ang ibibigay sa akin at sa kapatid kong bunso.
Noong nakaraang Pasko, nakatanggap kami ng damit na pangsundalo. Nahulaan ni Tito na gusto ko talagang maging sundalo.
Sabi ni Mama, hindi lang daw kaming mga pamangkin ni Tito ang nireregaluhan nito.
“Anak ba siya ni Santa Claus, Mama?” tanong ko.
Natawa si Mama sa tanong ko. “Hindi, Roy-Roy. Maganda ang kaniyang trabaho.”
“Paglaki ko, gusto ko ring magkaroon ng magandang trabaho.”
“Sige. Basta magtapos ka rin ng pag-aaral at maging edukado.”
“Opo! At magiging mabait ako sa kapwa ko kahit hindi Pasko.”
Natuwa sa akin si Mama, kaya pinisil-pisil niya ang pisngi ko. “O, sige na, maligo na kayo ng kapatid mo. Pupunta na tayo sa lola niyo. Darating na ang tito niyo.”
“Yehey! Masaya na naman kami ng mga pinsan ko.”
Nang hapong iyon, eksayted ang lahat sa pagdating ni Tito. Tahimik lamang ako, habang nakikinig sa usapan ng mga pinsan ko.
“Lola, sana relo ang matanggap ko,” sabi ni Carlo.
“Aba, malay mo, relo nga ang regalo sa ‘yo ng Tito mo,” sagot ni Lolo Charo.
“Ako po, gusto ng magandang baro,” sabi ni Clara. “Pansimba ko po.”
“Sana makukulay na laso ang matanggap ko,” sabi naman ni Charito.
“Ikaw, Yumiko?” tanong ni Lola Charo.
“Kahit ano po, masaya na ako,” sagot ni Yumiko.
Hindi na ako naghintay na tanungin ako ni Lolo Charo. “Ako rin po,” sabi ko. “Marunong po si Tito. Alam niya ang gusto ko.”
“Meeeeerry Christmas!” masayang bati sa amin ni Tito.
“Bumati kayo sa tito niyo,” utos sa amin ni Lola Charo.
“Merry Christmas po, Tito!” sabay naming bati ni Yumiko.
“Merry Christmas po.” Halatang walang kabuhay-buhay ang bati ng tatlo.
“Kanina pa sila nag-aabang sa regalo,” sabi ni Lola Charo.
“Ganoon ba? Sige, may sasabihin ako sa inyo,” simula ni Tito.
Nahulaan ko agad ang sasabihin ni Tito. Nakita ko ring nalungkot bigla ang mga pinsan ko—lalo na sina Carlo, Clara, at Charito. Isang maliit na ecobag lang kasi ang lalagyan ng mga regalo ni Tito.
“Maraming gastusin nitong taon, pero may mga regalo pa rin kayo mula kay Tito!” masayang sabi ni Tito. “At dahil mababait kayo.”
Tuwang-tuwa ako, gayundin sina Lola Charo. Nakita ko ring ngumiti si Yumiko.
“Huwag munang bubuksan,” sabi ni Tito habang inaabutan kami ng regalo.
Napangiwi si Carlo nang makapa ang regalo.
Nagsalubong ang mga kilay ni Clara habang hawak ang regalo.
Humaba naman ang nguso ni Charito habang inaalog ang regalo.
“Pagbilang ko ng tatlo, buksan na nang sabay-sabay ang regalo,” sabi ni Tito.
“Sige po, Tito!” sagot ko. Mas lalo akong naging eksayted sa matatanggap ko.
“Roy-Roy, ikaw na rin ang magbukas ng regalo ng kapatid mo.”
“Opo, Tito.”
“Isa… Dalawa. Tatlo!”
Ang regalo muna ni Bunso ang binuksan ko. Tatlong sando ang regalo ni Tito para kay Bunso. “Ang gaganda ng disenyo sa sando ni Bunso! May daga, pusa, at aso.”
“Ay, hindi relo,” komento ni Carlo.
“Akala ko, baro.” Napangiwi si Clara sa natanggap na regalo.
“Damit na naman! Akala ko, laso,” sabi naman ni Charito.
Napansin kong biglang nalungkot si Tito.
“Mabuti nga may regalo pa tayo,” sabi ko.
“Tama si Roy-Roy,” sabi ni Lola Charo. “Magpasalamat kayo.”
“Salamat po!” Halatang walang kabuhay-buhay ang tatlo.
Pagkatapos naming magpasalamat ni Yumiko, tumango-tango lang si Tito. Saka umakyat na ito.
Naawa ako kay Tito. Ang totoo, magaganda naman ang kaniyang mga regalo. Nabigo lang talaga sina Carlo, Clara, at Charito. Pero kami ng kapatid ko at ni Yumiko, sobrang gusto namin ang natanggap naming regalo. Noon lamang ako nakatanggap ng libro!
At dahil eksayted ako, umakyat ako para basahin nang tahimik ang libro.
Tama ako! Pinili ni Tito ang regalong libro dahil maganda ang mensahe nito. Magaling talagang pumili ng regalo si Tito! Taon-taon, nasosorpresa ako.
Bababa na sana ako nang tawagin ako ni Tito.
Agad akong lumapit, pero nahihiya ako at nakayuko. “Ano po, ‘yon, Tito?”
“May ibibigay ako sa ‘yo.”
“Po? Binigyan niyo na po ako.”
“Hindi! Iba ito.”
Napakamot na lang ako sa ulo ko habang hinihintay ang iaabot ni Tito.
“Dahil masaya ka sa bawat natatanggap mong regalo, may pamasko pa ako sa ‘yo.” Kumuha siya ng pera sa pitaka at isinisik sa pulang sobre ang isanlibo. “Heto ang dagdag na regalo para sa pinakamabait na pamangkin ko!”
“Salamat po, Tito!” maluha-luhang sabi ako. “Magpapabili pa ako kay Mama ng mga librong katulad nito.”
“Mabuti iyan. Kaya nga hindi na laruan ang inireregalo ko sa inyo. Mas makabuluhang regalo ang libro.”
“Tama ka po, Tito. Salamat po!”
“Huwag mo nang ipakita sa mga pinsan mo.” Ginulo-gulo niya ang buhok ko.
“Sige po.” Gusto kong yakapin si Tito, pero nahihiya ako. Isasama ko na lang siya sa panalangin ko. Pasasalamatan ko rin ang Diyos dahil may mabait akong tito. Hindi man ako ang kaniyang paborito, pero hindi siya sa akin nagtatampo.
Kaya, kapag malapit na ang Pasko, eksayted kaming magpipinsan sa mga regalo sa amin ni Tito. Hindi man ako ang kaniyang paborito, pero alam kong magugustuhan ko ang kaniyang ireregalo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment