Followers

Wednesday, December 8, 2021

Si Lolo Poy

“Meow! Meow! Meow!” tawag ni Lolo Poy sa dalawampu niyang alagang pusa. Naglapitan ang mga pusa ni Lolo Poy. Kakawag-kawag ang buntot na lumapit si Muning. Mabilis na lumukso patungo sa balikat niya si Katie. Sabay namang dumating ang puti at kahel na mga pusa na sina Puti at Kahel. Iika-ika na naglakad palapit sa kanya si Angelo. Mula sa puno ng mangga, lumukso ang apat-- sina Snow, Dagul, Molly, at Spottie. Mula sa cat litter, agad na tumakbo si Tiger. Mula sa kahon ng sapatos, lumabas ang magkakapatid na kuting na sina Lally, Lila, Lily, Lola, at Lulu. Umiinat-inat pang lumapit si Max. Patalon-talon namang lumapit si Jolly. Parang ramp model namang naglakad si Bella palapit. At mula sa kulungan, nakasimangot na lumabas ang pinakamalaki at pinakamabalahibo sa lahat—si Furr. Nag-animong mga sundalo ang lahat ng pusa ni Lolo Poy. Umupo ang mga ito nang tuwid sa harap ng kani-kanilang cat bowl. Habang tangan-tangan ang cat food, binilang ni Lolo Poy ang kaniyang pusa. “Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo. Siyam. Sampu. Labing-isa. Labindalawa. Labintatlo. Labing-apat. Labinlima. Labing-anim. Labimpito. Labingwalo. Labingsiyam… Kulang ng isa!” Luminga-linga siya sa paligid. “Sino ang wala? Muning. Katie. Puti. Kahel. Angelo. Snow. Dagul. Molly. Spottie. Tiger. Lally. Lila. Lily. Lola. Lulu. Max. Jolly. Bella. Furr.” Agad naman niyang nakita ang bakanteng cat bowl. “Si Ming-Ming, nawawala! Nasaan si Ming-Ming?” “Meow! Meow! Meow!” Sabay-sabay na humingi ng pagkain ang mga pusa, subalit walang umalis sa puwesto. “Ming-Ming! Ming-Ming! Ming-Ming?” Nagtataka si Lolo Poy kung bakit wala ang itim niyang pusa. Dati-rati, ito pa ang nauunang lumapit tuwing pakakainin niya ang mga alagang pusa. “Sandali lang, mga anak ko. Hahanapin natin si Ming-Ming, ha?” “Magandang araw po, Lolo Poy!” masayang bati ni Nonong. “Hello, mga pusa! Meow, Meow! Meow!” “Meow! Meow! Meow!” Sabay-sabay na bumati ang mga pusa, subalit walang umalis sa puwesto. “Ay, kasama mo pala si Ming-Ming,” tugon ng matanda. “Opo! Nakasalubong ko po siya na may kagat-kagat na isda.” “Ming-Ming, anong ginawa mo?” Kinuha ni Lolo Poy ang pusa mula kay Nonong. Pagkatapos, inamoy-amoy niya ang bibig ni Ming-Ming. “Hindi ba sinabi ko sa inyo na huwag na huwag kayong kakain ng pagkain ng iba?” “Meow!” sagot ni Ming-Ming at tumingin kay Lolo Poy, na parang nagsasabing hindi niya ninakaw ang isda. Malambing na hinimas-himas ni Lolo Poy ang ulo ni Ming-Ming. “Lolo Poy, tulungan ko na po kayong magpakain sa mga pusa ninyo,” alok ni Nonong. “At mamaya, tutulong din ako sa pagpapaligo sa kanila.” “Sige, Nonong, mabuti pa nga para lalo ka nilang maging paboritong kaibigan.” Nalagyan na nina Noong at Lolo Poy ng cat food ang bawat cat bowl nang dumating ang mga galit na galit na kapitbahay. “Lolo Poy, peste ‘yang mga pusa mo!” bungad na sigaw ni Aling Mitring. Gulat na gulat sina Lolo Poy at Nonong. Nagtatanong ang kanilang mga mata. “Magandang araw po, Lolo Poy!” bati ni Kapitan Cesar pagkatapos nitong patahimikin si Aling Mitring. “Marami pong reklamo ang idinulog sa akin tungkol sa mga alaga mong pusa.” “Po?” maang na tanong ni Lolo Poy. “Ano po ba ang problema sa mga pusa ko?” “O, ipaliwanag niyo na kay Lolo Poy ang nangyari,” sabi ng kapitan sa mga kapitbahay na sina Aling Mitring, Aling Marissa, Aling Marites, Aling Ningning, at Aling Susan. “Peste talaga ‘yang mga pusa mo! Ang ingay-ingay sa bubungan kapag gabi!” bunghalit ni Aling Mitring. “Oo nga. Ang baho pa ng dumi. Buti sana kung sa bahay mo tumatae, e, sa amin,” mahinahong reklamo ni Aling Marissa. “Kinalmot ng pusa mo ang anak ko. Paano kung may rabies? Mapapagamot mo ba?” tanong ni Aling Marites. “Ang ulam namin, kinain ng isa sa mga alaga mo! Bakit, hindi mo ba kayang pakainin? Siguro nga, kasi sobrang dami naman kasi ng alaga mo,” sabi ni Aling Ningning. “Bukod sa balahibo na nagiging allergy ng pamilya ko, kinakalat pa ng mga pusa mo ang mga basura namin,” sabi naman ni Aling Susan. “Kaya, Lolo Poy, huwag mo sanang mamasamain ang pagpunta namin dito,” simula ni Kapitan Cesar. “Idinulog sa akin ng mga kabarangay natin ang mga problema sa mga pusa ninyo. Marahil, narinig naman ninyo ang bawat isa. Kaya naman, hinihiling ko sana na gawan po natin ng paraan. Maaari po akong tumulong sa paghahanap ng mag-aampon sa kanila. Maaari din nating i-surrender sa animal shelter. Mas mahalaga po kasi ang kapakanan ng ating mga kapitbahay. Sa tingin po Ninyo, Lolo Poy?” “Naniniwala akong hindi magagawa ng mga pusa ko ang mga ibinibintang ninyo sa kanila. Tinuturuan ko po silang maging mabuting hayop gaya ng kung paano akong naging mabuting tao o kabarangay ninyo.” “Ah, basta, ayaw naming ng mga pusa sa barangay na ito! Palayasin mo ang mga pusa! Peste sila,” singit ni Aling Mitring. “Tama! Palayasin mo na lang ang pusa mo!” sang-ayon ni Aling Marissa. “Korek! Hindi puwede rito ang mga salot baka mas marami pang makalmot!” sigaw naman ni Aling Marites. “Alaga ka nang alaga ng pusa, pero ulam ng iba ang kinakain nila,” sabi naman ni Aling Ningning. “At ang basura… basura na nga, kinakalkal pa,” dagdag pa ni Aling Susan. “Layas! Layas!” sabay-sabay na sigaw ng mga kapitbahay ni Lolo Poy. “Teka! Teka!” sigaw ni Kapitan Cesar, saka pumagitna sa kanila. “Maknig muna kayo…” Hinaharap na niya si Lolo Poy pagkatapos manahimik ang mga babae. Bilang pinuno ng barangay, sumasang-ayon ako sa kanila. Alam kong napamahal na sa iyo ang mga pusa mo, pero kung manganganak nang manganganak ang mga iyan, dadami nang dadami. Bibigat nang bibigat ang problema mo at ng buong barangay natin.” “Salamat, Kapitan Cesar! Ako naman sana ang pakinggan at sagutin ninyo?” mahinahong sabi ni Lolo Poy. “Sige po,” sang-ayon ng kapitan. “Ikaw, Aling Mitring, sigurado po ba kayo na ang mga pusa ko ang maiingay sa bubungan ninyo kapag gabi? Ikaw, Aling Marissa, nakita po ba ninyo ang mga pusa ko na dumudumi sa inyong bakuran? Ikaw, Aling Marites, paano kinalmot ang anak mo ng pusa ko? Ikaw, Aling Ningning, bakit nasabi mong ang isa sa mga alaga ko ang kumain ng ulam ninyo? At ikaw, Aling Ningning, pusa lang pa ang nagbibigay ng allergy sa tao at pusa lang ba ang may kakayahang mangalkal ng basura?” sunod-sunod pero malinaw niyang tanong sa mga babae. Nagtinginan ang mga kapitbahay ni Lolo Poy. Wala ring nasabi si Kapitan Cesar. “Minsan ba, inalam ninyo kung paano ko sila inaalagaan? Minsan ba, nakita ninyo kung paanong pinoprotektahan ko sila laban sa masasamang elemento at kapahamakan? Naisip ba ninyo na may kakayahan naman akong magpakain ng dalawampung pusa?” “Kilala ka po namin. Siguro inabandona ka ng iyong pamilya kaya mga pusa na lang ang mga kasama mo,” natatawang sabi ni Aling Mitring. Nakitawa na rin ang ibang babae, habang tahimik na nakatingin sa kanila ang mga pusa. “Sundin mo na lang ang mungkahi naming sa inyo, Lolo Poy, nang matapos na ito,” sabi ng kapitan. “Hindi ko puwedeng ipamigay o i-surrender ang mga alaga kong pusa. Sila na lang ang pamilya ko. Masaya akong kasama sila. Ngayon kung gusto ninyong mawala ang mga pusa ko, na sinasabi ninyong peste…” Maluha-luha na si Lolo Poy. “Sige, desidido na ako… Aalis kami ng mga pusa ko dito sa Barangay Puting Buhangin.” Pumagitna na si Nonong. “Huwag po ninyong palayasin ang mga alagang pusa ni Lolo Poy. Huwag niyo po silang palayasin. Mababait po sila. Saksi po ako. Hindi po ang mga pusa ni Lolo Poy ang dahilan ng mga reklamo ninyo.” “Huwag kang mangialam dito, Nonong, kung ayaw mong pati ikaw ay palayasin naming,” pagalit ni Aling Mitring. “Nagpapatotoo po ako… Araw-araw akong pumupunta rito. Nakikita ko kung paano alagaan nang mabuti ni Lolo Poy ang mga pusang ito. Madalas, tumutulong akong maglagay ng cat food sa bawat cat bowl. Naturuan na rin po niyang dumumi sa cat litter. May kulungan po ang iba sa kanila para hindi po gumala kapag gabi na.” Isa-isang itinuro ni Nonong ang kaniyang mga tinutukoy. Nakita naman iyon ng mga babae at ni Kapitan Cesar. “Pinaliliguan mo naman tuwing Sabado ang mga pusa. Tinuturaan din po sila ni Lolo Poy ng mabubuting asal at disiplina, gaya ng paghihintay, pakikinig, pagtahimik, at pagtulong. Kanina, natunghayan ko si Ming-Ming. Nabuslot kasi ang plastic bag ng ale na pinaglalagyan ng mga isdang binili nito. Sa halip na itakbo ang isdang nalaglag, isinasuli niya iyon.” Tiningnan nila si Ming-Ming. Tila nahihiya itong ngumiti. “Pagmasdan ninyo sila,” patuloy ni Nonong. “Nakita niyo naman kung paano silang nakatingin lamang sa inyo. Kitang-kita at ding na dinig nila ang magagandang asal ninyo. Mabuti pa nga ang mga pusa ko, asal-tao, pero ang mga tao, asal-hayop.” Pinatahimik ni Lolo Poy si Nonong, pero hindi niya ito napigilan. “Kayo po ba, Aling Mitring, Aling Marissa, Aling Marites, Aling Ningning, at Aling Susan, naging mabuting kapitbahay po ba kayo?” tanong pa ni Nonong. Napalunok si Aling Mitring. Napayuko si Aling Marissa. Natakpan ni Aling Marites ang bibig niya. Tumingin sa malayo si Aling Ningning. Napakamot naman sa ulo si Aling Susan. “Ikaw po, tama po bang magdesisyon agad kayo nang hindi niyo man lang nakilala si Lolo Poy?” sabi ni Nonong sa kapitan. “Kilala niyo lang siya bilang weirdo, pero hindi niyo po alam ang buong pagkatao niya at pinagdaanan niya sa buhay. Pinatahimik ni Lolo Poy si Nonong, pero hindi niya ito napigilan. “Retiradong sundalo si Lolo Poy. Buong puso siyang nagsilbi sa ating bansa. Hindi na siya nagkaroon ng sariling pamilya… Mabuti pa nga ang mga pusa ni Lolo Poy, magpagmahal sa kapwa at tao, pero tayong mga tao… mapanghusga!” Lumapit siya sa matanda. “Lolo, huwag na po kayong umalis. Malulungkot po ako kapag umalis ka. Simula nang makilala kita, hindi ko na po nararamdaman ang kakulangan sa akin ng mga magulang ko. Okay na po ako kahit sina Lola Pia at Tiya Lucia na lang ang kasama ko sa bahay.” Yumakap siya sa baywang ng matanda habang yumuyugyog ang balikat. “Tahan na, Nonong,” sabi ni Kapitan Cesar, saka lumapit kay Lolo Poy. “Pasensiya na po kayo, Lolo Poy. Masyado naming hinusgahan ang pagkatao at kakayahan mo. Mga kabarangay, hahayaan ba nating umalis sila?” “Huwag na po kayong umalis, Lolo Poy. Sorry po sa panghuhusga,” sabi ni Aling Mitring. “Ako rin po… Nahihiya po ako sa inyo. Patawarin mo po ako. Babawi po ako inyo sa mga susunod na araw,” sabi ni Aling Marissa. “Gusto ko na pong dumito na kayo sa Puting Buhangin, kasama ang beynte mong pusa. Sama-sama na po tayo palagi. Patawad po, Lolo Poy,” sabi ni Aling Marites. “Totoo po ang mga sinabi nila. Nagkamali rin po ako. Sana po mapatawad pa ninyo ako,” sabi ni Aling Ningning. “Masyado pong marumi ang aking isip at matalas ang aking bibig. Natuto na po ako, Lolo Poy. Pangako po, hindi na po ito mauulit. Mag-aaalaga na rin po ako pusa o aso man,” sabi naman ni Aling Susan. Tiningnan ni Lolo Poy si Nonong. Tila nakita niya sa mga mata ng bata ang pagpayag nito. “Sige, pinapatawad ko kayo. Hindi na rin kami aalis.” Napasuntok sa hangin si Nonong dahil sa pasiya ni Lolo Poy. Ngumiyaw naman ang mga pusa. “Maraming salamat, Nonong!” Niyakap ni Lolo Poy ang bata. Naglapitan sa kanila ang mga pusa, na pawang nais ding yumakap sa kanila.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...