Ayon
sa Global Peace Index 2019, ang Pilipinas ang pinakamalapit sa mga panganib na
dulot ng climate change. Napag-aralan ng mga eksperto na ang
47% ng populasyon ng ating bansa ay nasa mataas na bahagdan ng panganib sa kalamidad
gaya ng lindol, tsunami, baha, bagyo, at tagtuyot, at iba pa.
Nahaharap
ngayon sa nakakaalarmang kalagayan ang Pilipinas dahil sa patuloy na pagbabago
ng klima. Isa sa tinuturong dahilan nito ay ang lokasyon ng bansa sa mapa.
Matatagpuan ang Pilipinas sa Southeast Asia Pacific, kaya sadyang mahina ito sa
mga epekto ng climate change.
Kapansin-pansin
ang madalas at malubhang pagtama ng mga kalamidad at pabago-bagong taas ng sea
level. Ang matinding pag-ulan ay senyales din nito, kaya madalas mauwi sa
matinding baha at landslide. Kapag tag-init naman, malala ang init na
nararanasan ng tao. Nauuwi rin ito sa El Niño phenomenon. May mga
naitatalang kaso na rin sa ibang lugar sa Pilipinas ang pag-ulan ng yelo
o hailstorm, na hindi ordinaryong pangyayari. Dahil sa mga ito,
bumababa ang pinagkukunan natin ng mga raw materials at resources.
Nasisira na rin ang ating kapaligiran.
Kung
magpapatuloy ang mabilis na pagbabago ng klima, higit na maaapektuhan ang
agrikultura, katubigan, imprastraktura, kalusugan ng tao, at mga ekosistema sa
baybayin ng Pilipinas. Ang mga ito magiging ugat upang mahirapan ang mamamayan
sa pagkakaroon ng maunlad na ekonomiya at lipunan. Kaya naman, binalangkas ng
Climate Change Commission ang National Climate Change Action Plan (NCCAP)
2011-2028. Ito at batay sa teknikal na pagsusuri at konsultasyon sa mga ahensiya
ng gobyerno at sa iba pang sektor ng pamayanan. Nais nitong matiyak na
magkaroon bawat Pilipino ng sapat na suplay ng pagkain at tubig, at enerhiya,
katatagan ng ekolohiya at kapaligiran, seguridad ng tao, malagong industriya, at
pag-unlad ng kaalaman at kapasidad ng mga tao ukol sa climate change.
Kasalukuyan
at patuloy na kumikilos ang naturang komisyon tungo sa maayos na sistema sa
pagsasakilos ng mga plano sa klima. Sa tulong ng pinagsama-samang agham at
teknolohiya, gayundin ang sistematikong pangangalap ng mga datos tungkol sa mga
kalamidad, magiging matagumpay ang pagbabawas ng epekto ng climate
change. Marami na ring non-government organizations (NGO)
ang nakikiisa sa adbokasiyang ito.
Ang
bawat Pilipino ay may mahalagang papel din na gagampanan sa suliraning ito.
Hindi man mapipigilan ang climate change, maiibsan naman ang
epekto nito sa sangkatauhan at kapaligiran, kung makikiisa sa pagsasalba sa
kalikasan. Kung iiwasan ang pagdagdag ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa,
hindi malabong ang Pilipinas ay maging isang bansang pinakaligtas tirhan.
No comments:
Post a Comment