Followers

Friday, December 31, 2021

Ang Aking Journal -- Disyembre 2021

Disyembre 1, 2021
Maaga pa rin akong nagising, kahit kulang ako sa tulog. Ang init kasi kagabi. Kahit si Emily, nahirapan ding matulog nang maaga at mahimbing.

Sinimulan ko kaagad ang paggawa ng digital illustrations ng 'Palaging Panalo si Paolo sa mga Laro.' Nanood din ako ng storytelling ni Ma'am Joann bilang suporta.

Halos maghapon kong ginawa ang illustrations, pero hindi pa rin tapos. Hindi ito dahil sa online class at iba pang school work, kundi dahil madetalye ang mga actions ng lead character. Okay lang naman. Nakaka-enjoy nga e.

Nalalapit na ang pagdalo ko sa kasal nina Ma'am Nhanie and her fiance. Wala pa akong isusuot. 



Disyembre 2, 2021
Naggising ko, nag-open agad ako ng FB ko. Bumungad sa akin ang post ng Lampara. may free writeshop sila. Agad akong nagpa-register. Sinend ko rin kay Ma'am Joann at Ma'am Lea. Nagka-chat kami ni Ma'am Joann kasi sabi ko, nasa biyahe kami habang may workshop. Nalaman mo tuloy na postponed ang kasal ni Ma'am Nhanie kasi may Covid ang groom nito. Nalungkot ako, pero blessing naman sa akin kasi wala pa akong isusuot. Sana lang, makasama ako kapag natuloy na. Aalis pa naman si Emily.

Hinarap ko kaagad ng magpagawa ng illustrations. Nang napagod ang mata ko, naglaba naman ako.

Dahil wala namang pasok, nagawa ko ang mga gusto ko. Nanood ng movie. Natulog. At tinapos ang illustrations. Nine-thirty ng gabi, tapos ko na ring lagyan ng audio. Bukas ko na ia-upload sa YT ko.

Bukas, nasa school ako. Kukunin na rin namin nina Ma'am Joann at Ma'am Lea sa SDO-LRMDS ang certificates at token namin. 



Disyembre 3, 2021
Hindi ako nakapag-storytell kasi walang nag-accept sa akin sa Google Meet link. Napag-alaman naming walang teachers at pupils doon. Kaya, nagpaalam ako kay Ma'am Jackie na bibiyahe na ako. 

Nasa PITX na ako nang nakiusap ako kay Ma'am Joann na saluhin niya ang storytelling ko kasi pumasok na ang mga Grade 1. Mabuti, game at ready siya.

Nag-late breakfast muna ako sa Chowking bago pumunta sa school. Marami nang tao roon. Magulo. Hindi naman agad ako nagsimula. Nakipagkuwentuhan muna ako. 

Nakapagbawas ako ng mga gamit. Andami kong itinapon. Nakakapanghinayang. 

Hindi ako nakalipat ng room, kasi hindi ko natapos. Pagkatapos kasi ng lunch, nagkuwentuhan kaming Grade 4 teachers. Then, ice cream day pa kaya nakigulo ako sa mga ka-Tupa. 

Past 3, pumunta kami ni Ma'am Joann sa SDO-LRC para kunin ang certificates at tokens namin. Andami! Nakakatuwa! Worth it ang hirap namin.

Bumalik ako sa school bandang past 4. Nawala na ang mga kalat kong iba. 

Then, nakipagkuwentuhan ako kay Ma'am Vi bago ako bumaba sa mga ka-Tupa ko. 

Nakisabay ako sa pag-uwi. 

Mas masakit ang ulo ko nang dumating ako sa bahay. Kahit uminom na ako ng First Vita  Plus, hindi pa rin nawala. Itinulog ko na lang. 




Disyembre 4, 2021
Umalis si Emily, kaya tahimik kami ni Zillion maghapon. Nag-gardening ako bago ako nanood ako ng TaRL training. Then, gumawa ako ng illustrations ng Bubot Panot.

Hapon, bandang 2-4pm, nanonood ako sa FB Live ng writing webinar na sponsored ng Lampara Books. Andami ko na namang takeaways! Sulit!  Past 5, TaRL Day 10 naman ang pinanood ko. Sa wakas, natapos din. Hindi ako interesadong ipagpatuloy iyon. Akala nila, may sahod kaming extra. Kung makapag-demand ng rssulta, wagas!



Disyembre 6, 2021
Hindi ko alam kung excited ako or what, basta hindi na ako nakatulog nang nagising ako bandang 1:45. Sa halip na mainis, bumangon ako bandang 3. Nagkape na lang ako. Kaya past 4, nasa biyahe na ako. Past 6, nasa school na ako. Ako yata ang pinakaunang dumating doon. Agad kong sinimulan ang paglipat sa room ni Bes. 

Maraming gamit na naman akong itinapon. Sayang, pero kailangan kong mag-let go. Lesson learned. Hindi na ako magtatabi nang magtatabi ng  mga abubot, kahit learning materials pa. Walang permanente sa school. Laht inililipat.

Muntikan na akong hindi makapag-storytell dahil mahina ang internet connection. Pero, naging matagumpay pa rin naman. Ayaw ko lang ang story. Mukhang hindi masyadong interested ang mga Grade 1. Pagiging handa kasi sa bagyo ang paksa. Gayunpaman, nakasasagot naman sila.

Naging maayos naman ang bigayan ng modules. Kaya lang, kakaunti lang uli ang kumuha. Kakainis! 

Ang maganda pa, nakapag-check ako ng mga modules. Nakapagkuwentuhan din kami.

Past 3, umuwi na kami. Sinabay na ako ni Ma'am Joan sa sasakyan nila. Binaba nila ako sa Gahak.

Antok na antok ako sa biyahe, pero nang dumating ako, hindi na. Nagkape na lang ako. Pagkatapos, gumawa ng Google Form ng lesson. Gumawa rin ako ng IDLAR.

Pagkatapos niyok, nadiskubre ko sa Bilibili apps na may Money Heist Season 5. Pinanood ko iyon. Hanggang 10:45. Ang galing! Kaso, patay na si Tokyo. Pero,.may Volume 2. Aabangan ko.



Disyembre 7, 2021
Pagkatapos ng storytelling, nagdilig ako ng mga halaman. Isinunod ko na ang paggawa ng illustrations. 

Naging maayos naman ang online class namin. Nakakaantok lang kapag vacant period ko. Gustuhin ko mang umidlip, hindi puwede. Isa pa, andaming parents na nag-chachat. 

After class, sinubukan kong umidlip. Kahit paano, nakatulog naman ako. 

After meryenda, gumawa ako ng IDLAR at 
learning material sa Google Form.

Past 6:30, nanood ako ng 'Alice in Borderland Ep. 6. Nang matapos, digital illustration naman. Salitan lang para hindi ako maumay. Pareho ko namang nae-enjoy.



Disyembre 8, 2021
Mainit ang ulo ko nang magising ako kasi may estudyanteng makulit at walang common sense. Kaunting problema, mag-chachat. Nareplyan ko tuloy nang pabalang. Saka, nagsermon ako sa mga parents na hindi nagpapasa ng modules. 

Dahil walang pasok, naituloy ko ang paggawa ng digital illustration. Isiningit ko rin ang panonood ng movie.

Pagkatapos kong magdilig, tinapos ko na ang illustrations. 

Nalungkot at nanghinayang ako sa roundtrip ticket ni Emily. Hindi siya makakauwi sa Aklan. Nagkaproblema sa health requirements. Hindi siya nakapagpasa agad. Haist! Sayang ang pera ko. 




Disyembre 9, 2021
Pagkatapos ng storytelling ko, nanood pa ako ng storytelling nina Ma'am Joann at isa pa naming kasamahan. Then, nadiskubre kong may manuscript submission pala sa Lampara Books na deadline na sa December 31. Agad ko itong ibinalita kay Ma'am Joann. Sasali rin siya.

Bago mag-10:30, nakapag-submit na ako ng entry. Ang kuwentong "Palaging Panalo si Paolo sa mga Laro" ang ipinasa ko. Sana makalusot. Sana ito na ang big break na hinihintay ko. 

Nanood ako ng La Casa de Papel habang naghihintay ng time ng online class.

Naging maayos naman ang online class namin. Medyo slow na naman ang Pinya.

After class, umidlip ako. Mabilis lang. Nanood uli ako ng series paggising ko. Then, at 5 pm, nag-practice kaming Grade 4 teachers ng Christmas carol as Christmas presentation sa December 17. Nakakatuwa ang kantahan namin. 

Gabi, nag-record ako ng audio para sa 'Bubot Panot.' Hindi ko natapos kasi ang ingay ng mga aso. Nanood na lang ako ng finale ng Lasa Casa de Papel. Sobrang ganda! Worth it. Kahit walang sub ang ibang episode, pinanood ko talaga.



Disyembre 10, 2021
Pagkatapos ng storytelling, naglaba ako. Offline ngayon ang klase kaya hindi ako masyadong ngarag. Nainis lang ako sa e-camp ng girl scouts. Hindi naman ako involved, pero okupado pa ako.

Hapon, ginawa ko ang IWAR ko. Gabi, nagsulat naman ako ng kuwento. Natapos ko naman iyon bago ako nanood ng movie. Fulfilled ako ngayong araw. 




Disyembre 11, 2021
Maaga akong nagising para paghandaan ang pagpunta sa binyag ng anak ni Sir Archie, na si Narich Will. Isa ako sa mga ninong.

Nagkasabay-sabay kaming nakarating sa reception venue ng mga kaTupa ko. Balak naming tumulong sa pagluluto o paghahanda, pero inihatid kami ng kapatid ni Sir Archie sa simbahan. Hayun, nakaabot pa kami sa misa. Nakasama rin kami sa photo op.

Ang saya-saya ng kainan at inuman namin. First time naming nakasalamuha si Ma'am Isabel at ang kaniyang fiance. Andami naming tawa. Naroon din sina Sir Vic at Sir Rey. Sayang, wala sina Sir Erwin at Ma'am Mel. 

Nalasing ako sa Red Horse at Alfonso. Mabuti na lang, nakontrol ko. Nagyaya na rin si Sir Joel at nagpresentang ibaba ako sa PasCam. Mabuti na lang dahil nakauwi ako nang maaga. Kailangan kasing mai-print ang mga papeles ni Emily. Bibiyahe siya bukas. Matutuloy rin sa wakas.



Disyembre 12, 2021
Nauna akong magising kay Emily, pero hindi agad ako bumangon. Hinayaan ko muna siyang maghanda sa pag-alis niya. Before 4, bumaba na ako. Past 4, naihatid ko na siya sa tricycle terminal. 

Natulog uli ako pagdating ko. Past 7:30 na ako nagising. Naghanda ako ng almusal. Nagdilig. Naglinis nang kaunti sa kuwarto, hagdan, at sala. 

At para hindi malungkot si Ion, pinag-record ko siya ng audio ng isang storytelling. Natapos naman agad niya. Hindi rin siya nabagot maghapon kasi dumating si Kuya Emer.

After lunch, umidlip ako. Hanggang past 3:30  ako natulog. Not bad. Nakabawi sa puyat. 

So far, okay naman kami ni Ion dito. Tahimik ang buong bahay maghapon. Nakapag-edit ako ng story na sinulat ko kahapon. Nadugtungan ko pa isang chapter ng nobela ko sa wattpad. 




Disyembre 13, 2021
Nagluto ako ng almusal para makapag-almusal nang maayos at sagana si Zillion. Kaya lang, disappointed ako kasi kakaunti lang ang kinain niya. Haist! Siya ang batang hindi mahilig kumain.

Naging maayos naman ang observation sa akin para sa COT. Recorded lang. Parang wala lang. Natural na natural. 

Sinikap kong umidlip after class pero hindi naman ako nakatulog. Nanood na lang ako ng movie at gumawa ng mga schoolwork. Gumawa ako ng learning material sa Google Form.

Gabi, nag-judge ako ng mga tula ng Kindergarten sa GES. Pinakausapan ako ni Ma'am Joann. Nagawa ko naman agad.

After dinner, nanood ako ng movie. Pampaantok. 



Disyembre 14, 2021
Gustuhin ko mang magbabad sa higaan, hindi puwede. Hindi rin naman ako nakatulog uli pagkatapos kong maalimpungatan sa aking panaginip.

Pagkatapos mag-almusal, nagdilig ako. Nakita ako ng tsismoso kong kapitbahay habang nagdidilig nang nakahubad-baro. Nakamotor siya. Pinadiretso niya pa talaga niya sa may malapit sa akin. Aguy!

Makaraos na naman ako sa online class. Ang hirap ipaliwanag ng topic. Paghuhula ang layunin. Sa totoo lang, wala namang sabor. Sinisikap ko ang maging interesting ang talakayan. Haist! 

After online class, hindi naman ako nakaidlip. Gumawa na lang ako ng learning materials para bukas at sa Huwebes. 

Bukas, pupunta ako sa school para magbigay ng modules.



Disyembre 15, 2021
Kulang ako sa tulog kasi na nang nagising ako bandang 1:30 am, hindi agad ako nakatulog muli. Uminom ako ng First Vita Plus, kaya inantok ako. At sa halip na maaga akong aalis, mga past 7 na ako nakabiyahe.

Before 9, nasa school na ako. Nandoon na sina Sir Joel at Ma'am Joan. Inihanda ko ang gifts ko kina Trisha, Aisha, at Maeven. Inaanak ko si Trisha. Storytellers naman ang dalawa.

Walang online class, kaya nag-check na lamang kami ng submitted modules.

Nagkayayaan na magkaroon ng Christmas party kina Ma'am Joan, kaya before 5, nandoon na kami. Nakasama namin si Ma'am Madz.

Inilibot kami ni Ma'am Joan sa mansion niya. Grabe! Limang palapag. Ang ganda! Ang sarap maglagay ng mga halaman.

Masaya kaming nagkainan, nagkantahan, at nag-inuman. Namorblema lang ako kasi hindi kami pinayagang umuwi ni Mr. Remalante. Dapat hanggang 9 pm lang kami. Pinaiwan kaming boys para maka-bonding niya. Napaka-cool naman kasi kaya hindi namin pinahindian. Past 2 na kami natapos.

Hinatid ako nina Sir Joel at Sir Hermie. Tulog na si Ion pagdating namin. Past 3 na kasi iyon.



Disyembre 16, 2021
Past 8 na ako nagising at bumangon. Kahit paano ay nakatulog ako ng ilang oras. Wala akong hang-over.

Bago mag-almusal, nagdilig muna ako.

Ang bilis ng oras! Naramdaman ko na lang na malapit nang mag-12. Mabuti na lang asynchronous kami ngayon. 

Ni-meet ko ang pupils ko nang saglit. Ipinaliwanag ko sa kanila ang dahilan at ang mga gagawin. Hinikayat ko rin silang huwag magpapaputok at mag-ingat sa paputok.

After lunch, umidlip ako. 

Past 2:30, umalis ako para mag-withdraw at mamili ng panregalo sa mga kaTupa ko. Merry-making namin bukas.

Past 5 na ako nakauwi. Andami kasing tao sa    mall. Traffic pa. 

Habang nagkakape, nagbalot ako ng mga regalo. Kung marami lang sanang budget, marami sanang ibabalot. Kaso, andaming gastos ngayong taon. Napunta sa mga kapatid ko ang malaking bahagi ng pera ko. Okay lang naman. Kikitain ko pa naman siguro iyon.



Disyembre 17, 2021
Maaga akong nagising para maghanda ng almusal. Isa pa, may GAD seminar ako bandang 8 bago umalis patungo kina Ms. Krizzy. 

After ng seminar, bumiyahe na ako patungong Pasay. Sa FX na ako nanood ng Christmas presentations ng bawat grade level. 

Third place ang Christmas carol namin. As usual and as expected, ang favorite grade level ang nanalo. But, sabi ng karamihan, kami ang mas magaling. Okay lang naman. May prize naman kaming P1k. Two hundred pesos each kami. Not bad. Katuwaan lang naman 'yon. 

Matagal akong naghintay sa mga kasama namin. Mga ala-una na yata dumating sina Papang at Cinderalla. Kumain na agad kami. Saka naman dumating sina Puts at Melay. 

Ang saya namin. Pero malungkot lang kasi hindi namin nakasalo sina Belinda at Gracia. Dumating sila roon nang nakaalis na kami. Sayang! Hindi rin nila na-enjoy ang exchange gift namin. Natuwa sila sa inihanda kong raffle. Squid game style. 

Past 8 na ako nakauwi. Sobrang traffic kasi. Maaga pa sana kaming umalis kina Ms. Krizzy. Nakakain na tuloy si Ion. Hindi na niya nakain ang take home ko.



Disyembre 18, 2021
Naglaba ako pagkatapos mag-almusal. Past 11:30 na ako natapos. Medyo napagod ako kaya hindi na nakapagluto. Mabuti, nagkusa nang mag-order ng ulam si Ion. 

Alas-tres, umalis ako para mag-withdraw. Pumunta rin ako sa SM Rosario para maghanap ng plantsa na may scanner lang. 
Wala roon. Dati naman noong hindi ko kailangan, meron. Haist.

Past 5:30 na ako nakauwi. Naglakad kasi ako  from SM Rosario hanggang Umboy. Ang haba kasi ng trapik. 



Disyembre 19, 2021
Malakas ang ulan kagabi kaya naglinis na naman ako sa kusina pagkatapos mag-almusal. Then, inayos ko ang cabinet ko. Sa wakas, nagawa ko rin. Para akong nakahinga nang maluwag. Kaya naman, nanood ako ng movies maghapon. May pahinga rin-- luto, ligo, at idlip. 

Bukas, kailangan ko namang magsulat o kaya'y mag-vlog. Dapat araw-araw akong productive. Mabilis lang ang Christmas break. Kailangang sulitin.



Disyembre 20, 2021
Pagkatapos kong magsulat bilang update sa Wattpad novel, nag-gardening ako. Binungkal ko ang kamada ng mga pinagpatong-patong kong kahoy ng paleta dahil marami akong nakitang tainga-daga mushroom. Nakakita rin ako ng dalawang bubuwit, kaya binanlian ko ng mainit na tubig. 

Hindi ko natapps ang pag-aayos, kasi sumakit na ang likod ko. Okay lang naman dahil marami pa namang araw.

Nag-movie marathon ako maghapon. Nakakaadik!



Disyembre 21, 2021
Naglinis ako sa sala, pagkatapos kong mag-almusal. Then, gumawa rin ako sa garden. Kahit paano ay may naiayos ako. Naisingit ko rin ang paglinis nang kaunti sa kuwarto ko bago ako nagpahinga.

Nakapagluto pa ako ng tainga ng daga mushroom sisig style. Ang sarap! Andaming kaning naubos ko. 

Maghapon uli akong nanood ng pelikula. Sa sala ako nag-stay. Mas maaliwalas na kasi. At mas mabango. 



Disyembre 22, 2021
Itinuloy ko ang pag-aayos sa garden. Pero hindi ko pa rin tinapos hindi dahil pagod na ako, kundi para may gagawin ako bukas. Ayaw ko naman kasi ng puro movie marathon. 

Nainis ako kay Ion kasi hindi yata nag-order ng ulam. Ala-una na, wala pa. Nagbukas na lang ako ng tuna. Pagkatapos kumain, pinagalitan ko siya kahit nasa magkabilang kuwarto kami.

Nawala ang inis ko nang nag-movie marathon ako.

Gabi, nag-chat si Epr. Pupunta raw sila rito sa 24. Kailangan kong maghanda ng Noche Buena at siyempre ng gifts.



Disyembre 23, 2021
Kahit napuyat ako kagabi dahil sa ingay ng mga bisita ng kapitbahay ko-- nag-iinuman kahit madaling araw na, bumangon pa rin ako nang maaga. 

Bago nag-almusal, nagpunas muna ako ng sahig sa sala at kusina. Amoy-daga kasi. Siguro, rumampa na naman ang mga bubuwit!

After mag-almusal, nagwalis ako sa labas ng bakod. Sa harap namin natatambak ang mga plastic at kung ano-ano pang basura. Kakainis! Wala talagang disiplina ang mga tao.

Past 8:30, bumiyahe ako patungong EPZA para mag-withdraw. Mabilis ko lang nagawa, kaya nakabili rin agad ako ng pangregalo kay Judilyn. Meron na si Epr. Cash na lang kay Heart.

Then, nag-grocery ako sa Puregold. Kailangan kong mamili at maghanda para sa mga bisita.

Past 10 na ako nakauwi.

Maghapon, movie marathon uli ako. Umidlip lang ako bandang 2:30 to 3:30. Nakakaadik talaga!



Disyembre 24, 2021
Nagdilig muna ako ng mga halaman, saka ako umalis para bumili ng mga prutas at iba pang kailangan sa Noche Buena.

Dumating si Kuya Emer mga past 12. Umalis din siya bandang past 3. Akala ko makiki-celebrate sa amin. Gumawa lang pala sila ni Ion ng buko salad. At kinuha niya lang ang First Vita Plus pay-in form at ang pera.

Past 8, dumating na sina Epr at Judy. Natagalan sila sa PITX dahil napakahaba raw ng pila.

Pagkatapos kumain, nag-inuman at nagkantahan na kami ni Epr. Isingit-singit ko naman ang pagluluto. Carbonara ang naluto ko sa halip na spaghetti kasi wala palang giniling o corned beef man lang. Nailuto ko na pala ang isang lata ng corned beef noong isang araw.

Before 2, tapos na namin ni Epr ang dalawang buti ng RH grande. Hindi na namin ininom ang ikatlo.


Disyembre 25, 2021
Hindi maayos ang tulog ko sa sofa. Gayunpaman, bumangon ako nang maaga para maghanda o mag-init ng mga pagkain.

Ang hina kumain ng mga bisita ko. Andami pa ring pagkain. Parang hindi naman nabawasan. Tapos, past 2:30, umalis na rin sila agad.

Nag-movie marathon ako pag-alis nila. Nakaidlip din ako. 

Gaya dati, marami na namang pagkain sa ref. Pangat na naman ang labas ng mga iyon. Di bale, ang mahalaga ay hindi masayang.




Disyembre 26, 2021
Pagkatapos kong mag-almusal, naglaba ako. Ayaw kong matambakan ng labahan. Dalawa na nga lang kami. Past 11:30 na ako natapos.

Maghapon, nanood lang ako sa Youtube. Hindi tuloy ako makaidlip. Nag-foodtrip din ako.

Gabi, dumating si Kuya Emer. Itinuloy ko ang panonood kahit aaandap-andap na ang mga mata ko.



Disyembre 27, 2021
Nag-init lang ako ng mga tira-tirang handa para sa almusal namin. Lunch na lang ang niluto ko-- tulingan na inadobo sa gata.

Bad trip ngayong araw ang Converge! Alas-tres pasado na bumalik anh internet connection. Sabagay, maganda rin iyon kasi nakapag-soundtrip ako. Natapos ko na rin ang unang book ng 'Diary of a Wimpy Kid.'

At pagkatapos ng meryenda, nag-movie marathon ako. Grabe, nakaka-hook!



Disyembre 28, 2021
Hindi lang pagmo-movie marathon ang ginawa ko maghapon. Mangusina ako. Naglinis sa sala. Nagtupi ng mga nilabhan. Umidlip din ako. Kaya ang sumatotal, happiness! Kay sarap nang walang stressors! Sana mas matagal pa ang Christmas break. Kaya lang, malapit nang mag-resume ang klase. Kailangang sulitin ko na ang mga nalalabing araw ng pahinga sa teaching job. More movies to watch!



Disyembre 29, 2021
Past nine, umalis ako para i-withdraw ang SRI. Pagbalik ko, nagdilig ako ng mga halaman. Then, nagluto ako ng nilagang baboy. Na-miss ko ang luto ko.

Dahil sa sobrang kabusugan, nakaidlip ako. Past 3, nagluto naman ako ang spaghetti. Food trip ngayong araw-- actually, halos araw-araw since Christmas break. Movie marathon din. 



Disyembre 30, 2021
After mag-almusal ng kanin, fried egg, at hotdog, nag-movie marathon na ako. Parang same pa rin ang nangyari kahapon o noong mga nakalipas na araw. 

Ang sarap talaga kapag may pahinga sa work!



Disyembre 31, 2021
Nagdilig muna ako ng mga halaman bago nag-almusal. Then, nanood na ako ng pelikula sa YT. Dahil na-hook ako, past 12 na yata iyon nang naisipang kong bumili ng ulam. Wala akong nabili, kaya dumiskarte na lang ako ng kung ano sa ref.

Maghapon akong nag-movie marathon. Sinasagad ko na bago mag-resume ang klase.

Past 6, lumabas ako para bumili ng pandagdag handa. Kahit dalawa lang kami, mabuti pa rin ang may makakain kami. Marami pang tirang pagkain noong Pasko, like maja, salad, and Graham's cake. Hindi na nga ako nagluto ng pasta. Alam kong mahihirapan lang kaming ubusin.

Habang naghihintay ng Media Noche, movie marathon uli. Hindi ako uminom at nag-karaoke. Wala ako sa mood. 

















No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...