Followers

Monday, March 13, 2017

Ayaw Kong Maging Ako

Hindi ko gugustuhing maging ako,
lalo na kapag pasan ko ang mundo.
Hindi ko nanaising maging ako,
kung ang lahat ay sisisihin ako.
Hindi ko hahangaring maging ako,
kapag ako'y nakararanas ng ganito.
Hindi ko hihilinging maging ako,
kung pang-unawa ay ipagkakait mo.
Hindi ko ikatutuwang maging ako,
dahil nawala na ang tiwala mo.
Hindi ko ikakagalak maging ako,
habang ibinabagsak mo ako.
Hindi ko na iisipin pang maging ako
kung ang ako'y wala nang puso.
Hindi ko ipagmamalaking maging ako
sapagkat nasaktan ako, kahit natuto.
Hindi ko na mamarapating maging ako...
Masakit... sobrang sakit maging ako.

Tula ng Uban

Kaya kong itago ang mga uban sa ulo ko,
ngunit 'di ko magagawang dayain ang sarili ko.
Hindi ko mapipigilang kumulubot ang aking balat
at pati na rin ang pagdagdag ng aking edad,
ngunit pipilitin kong namnamin ang realidad,
habang may nalalabi pa akong lakas at hininga,
at habang ang mundo sa akin ay umiikot pa.
Kaya kong ilihim ang mga mapapait na nakaraan,
ngunit hindi ko matatakasan ang kapighatian
ng masasamang nakaraang kinasadlakan.
Sa panahong, kumurba na ang aking likod
at humina at magkarayuma na ang mga tuhod,
hindi ko pagsisisihan ang mga sandaling iyon,
sapagkat mga pasanin ay aking nabuhat noon.
Kahit paano, ang buhay ko naman ay umalwa
at nasilayan ang banaag ng ginhawa.
Darating ang panahong ako na'y makakalimot,
sana'y ang mga tula ko'y manatiling nanunuot,
kahit ang buhay ko ay naging masalimuot.

Sunday, March 12, 2017

Ang Sombrero

Sa gilid ng foot bridge, makikita ang mag-asawa. Nakaupo ang lalaki sa maliit na silya. Kalong-kalong niya ang babaeng nakabalot ng kanang hita at nakatakip ang bibig.

Sa kabila ng paghihirap ng dalawa, kitang-kita sa kanila ang pagmamahal sa isa't isa. Ang pagtitiis ng lalaki sa pagkalong sa asawa at ang pagiging matatag ng babae sa sakit na kanyang dinaramdam ay pinapalitan nila ng matatamis na ngiti para sa mga taong nagdaraan. Umaasa silang ang maliit na lata ay mapuno man lang ng mga baryang ihuhulog ng mga taong may maawaing puso.

Isang oras na silang naroon ngunit kay tumal ng pagkalansing ng latang na may nakasandal na karatula: kidney failure. Ramdam at kitang-kita nila ang mapanuri at mapanghusgang mga mata ng ilang dumaraan.

Matagal silang pinagmasdan ng isang mama. Nilapitan pa niya ang lata upang silipin at tantiyahin ang lamang niyon. Umiling-iling. Pagkuwa'y umalis siya.

Nang bumalik ang lalaki, kinuha niya ang karatula. Napatingin lamang sa kaniya ang mag-asawa.

"Kidney failure... Walang maniniwala sa inyo," wika ng lalaki.

Napamaang ang mag-asawa. Nais kumawala sa bibig nila ang mga salita.

"Gumawa po ako... nito." Ipinakita niya sa mag-asawa ang mas malaking karatula. "No kidney failure can separate two people bound by God."

Muling sumilay ang matatamis na ngiti ng mag-asawa.

Pagkatapos, itinayo ng lalaki ang karatulang kaniyang ginawa sa likod ng lata. Kinuha niya ang kanyang fedora cap at itinabi sa karatula. Nahulog pa ang peluka at tumambad ang kalbo niyang ulo.

Maya-maya, nagdagsaan ang mga tao upang magbigay at mag-abot ng tulong pinansiyal. Halos mapuno ng perang papel ang sombrero. Masaya namang umalis ang lalaki, pagkatapos niyang ibigay ang pinakamatamis na ngiti sa mag-asawa. Alam niya kasing hindi lang siya ang pagagalingin ng Diyos.

Sunday, March 5, 2017

Mana Ako sa Pogi Kong Teacher

"Bakit ba iyak kayo nang iyak?" tanong ni Sir noong ikalawang araw ng Marso. Ikalawang araw na rin niyang ipinaririnig at ipinakakanta sa amin ang isa sa mga kantang aawitin namin sa aming graduation.

Sabi ng mga kaklase ko, nakakaiyak daw kasi ang kanta. Patawa-tawa ako.

"Walang iiyak sa graduation, ha? Ang umiyak, kikilitiin ko," biro pa ng paborito kong guro.

Hindi ako makahirit. Naunahan ako ng mga paepal kong kaklase. Sabi ng isa, "Sir, baka umiyak ka rin sa graduation." Hindi kumibo si Sir, saka pinatugtog niya uli ang nakakaiyak naman talagang awitin ni Carol Banawa, ang 'Iingatan Ka.' Para raw ito sa mga magulang namin, lalo na sa mga ina.

Naisip ko noon, maiiyak kaya ako sa araw ng graduation? Si Sir kaya?

"Paiiyakin ka namin sa graduation, Sir," pabirong sabi ng kaklase kong babae.

"Paano ako iiyak, e, hindi ako aattend," aniya.

Mas naasar yata kami nang sinabi niya iyon. Pero, hindi ako naniwala sa kanya. Siya ang pinakasinungaling guro sa school namin. Marami beses kong napatunayan iyon.

"Thadeus, maingay ka! Ibabagsak kita para hindi ka maka-graduate," sabi niya sa akin, isang araw. Alam kong mainit ang ulo niya noon, kaya seryoso siya. "Ipapatawag ko ang ama mo. Bukas, papuntahin mo siya rito."

Umiyak ako sa upuan ko. Hindi ako kumibo. Hindi na rin ako tumayo-tayo hanggang uwian.

"Sir, huwag niyo pong papuntahin dito ang Papa ko..." Nakiusap ako, pagkatapos ng klase. Pinilit ko siyang biruin para hindi na niya kausapin ang aking ama.

"Hindi! Kailangan ko siyang makausap para malaman niya."

"Bubugbugin ako ng Papa ko, Sir."

"Kasalanan mo. Bahala ka."

"Sir, sorry na po. Kahit ano pong ipagawa niyo sa akin, gagawin ko. Huwag niyo na pong kausapin ang tatay ko." Gusto ko nang umiyak kay Sir, lalo nang tiningnan niya ako sa mata.

Maganda naman ang mga mata niya. Hindi nakakatakot, ngunit nang tumitig siya sa akin ay para akong natutunaw na yelo.

"Bukas, kakausapin ko siya. Uwi ka na."

Sinungaling talaga si Sir. Hindi naman niya talagang gustong makausap ang Papa ko. Nag-chat ako sa kanya, pag-uwi ko sa bahay. "Gusto ko pong maka-graduate. Pagawin niyo na lang po ako ng project," kako.

"Sige. Igawa mo ako ng cabinet? Project, 'di ba? Mapapakinabangan."

"Huwag po iyon, Sir. Hindi po ako marunong magkarpentero. Iba na lang po." Medyo nakampante na ang loob ko noon. Ramdam ko na kumakagat na si Sir sa biro ko.

"Sige. Ano bang gusto mo?"

"Ang wala pong gastos. Ang gagawin lang dito sa bahay."

"A, gagawin sa bahay? Sige, maglaba ka riyan. With pictures o kaya video."

"Di po ako marunong maglaba, Sir."

Nag-send ng angry emoji si Sir. "Hindi ka naglalaba? Kahit panyo at brief mo? Dapat marunong ka. Sino ang naglalaba ng mga damit mo?”

“Mama ko po.”

“Hala! Hindi lahat ng oras, maipaglalaba ka ng Mama mo. Sige... Bukas tuturuan kita."

"Sige po, Sir. Salamat po! Hindi ko na po ba papupuntahin ang Papa ko?"

"Gusto mo ba?"

"Ayaw po."

"Ayaw mo pala, e..."

"Thank you, Sir. Ang pogi mo na nga, ang bait niyo pa. Bye, Sir."

Sinungaling si Sir. Kinabukasan kasi hindi naman niya ako tinuruang maglaba. Okay na rin. At least, hindi na niya pinatawag ang Papa ko.

Gayunpaman, favorite teacher ko siya. Dalawang taon ko siyang naging guro--- noong Grade 5 at 6. Siya lang kasi ang naniniwalang pogi ako.

Minsan, nagdala ako ng mga class pictures ko.

"Sir, tingnan niyo po. Ang pogi ko, 'di ba po?"

Tiningnan niya ako at pinagalaw niya lang ang mga kilay niya. Ibig sabihin, agree siya.

Hindi ako mayabang. Pogi talaga ako. Pero, ang totoo, gusto ko lang talagang purihin si Sir at marinig sa kanya na mana ako sa kapogian niya. Siya ang orihinal na pogi.

Kenkoy si Sir. Kapag nasa mood siya, ginagawa niyang pampatawa sa amin ang pagiging pogi niya. Siya lang ang teacher kong lalaki na malakas ang loob magsabing pogi siya. Well, hindi naman siya nagyayabang. Totoo naman. Nagtataka lang ako kung bakit sa kabila ng gandang lalaki niya ay nag-iisa siya sa buhay. Kahit naikukuwento niya sa amin ang tungkol sa anak niya, hindi niya pa rin sinasabi sa amin ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. Naging palaisipan sa akin ang bagay na iyon.

Sobra ang iyak ko nang grumadweyt ako sa elementarya. Sa kabila kasi ng pagiging pasaway ko ay isinama ako ni Sir sa graduation.

Nagpupunas ng luha si Sir noon nang lapitan ko siya, pagkatapos kong makuha ang diploma ko. “Sir, thank you po!” Niyakap ko siya. Ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin bilang guro at bilang ama na rin.

“Binabati kita sa iyong pagtatapos,” maluha-luha niyang sabi sa akin. “Simula pa lamang ito ng iyong bagong pagsisimula at paglalakbay tungo sa tagumpay. Goodluck. Tapusin mo ang pag-aaral mo at gawin mong proud ang mga magulang mo sa 'yo.”

“Opo,” halos pabulong kong sagot. Nais ko kasing itanong sa kanya ang dahilan ng pagtangis niya.

Tinapik niya ako sa balikat.

“Sir, bakit po kayo iyak nang iyak?”

Kumislap ang mga mata ni Sir, bago niya nailabas ang mga salitang nasa dulo ng kanyang dila. “Kung naging mabuting ama lang sana ako, sana naranasan ko rin ang kaligayahang nararamdaman ngayon ng mga magulang ninyo.”

Hindi ko kaagad naunawaan si Sir. “Po?”

“Kaedad ninyo ang anak kong babae. Limang taon siya nang huli kaming nagkita. Mahal na mahal ko siya. Hindi ko hinangad na abandunahin siya… Sige na, Thadeus. Goodluck and congratulations!”

Muli kong niyakap si Sir. Mas ramdam ko ang kanyang pagiging mabuting ama. Nauunawaan ko na siya kung bakit halos ituring niya kaming mga anak niya. Hindi ko man alam kung bakit sila nagkawalay, batid ko naman kung gaano kataba ang puso niya. Hinding-hindi ko siya makakalimutan.

Matagal akong nakayakap kay Sir. Puspos na rin ng luha ang aking mga mata. “Sir, ano po ang pangalan ng anak niyo?”

“Bridget.”

“Bridget?” untag ko.

Tumango lang si Sir. Naglapitan naman ang iba kong kaklase upang pasalamatan at yakapin siya. Ako naman ay tahimik na nangakong magiging konektado pa rin kay Sir kahit ako ay high school o college na. Gusto kong masuklian ang dalawang taong paghihirap at pagtitiyaga niya sa akin para matuto ako sa mga aralin, ng kabutihang asal at pagiging praktikal.

Sa oras na iyon,alam kong totoong luha ang tumulo sa kanyang mga mata. Hindi ko siya bibiguin. Ayaw kong umiyak uli siya kapag nalaman niyang hindi ako nagtagumpay sa buhay.

Lumipas ang mga araw, buwan, at taon. Hindi ko natupad ang pangako ko kay Sir na dadalawin ko siya sa school. Palibhasa, lumipat sa ibang lugar ang pamilya ko, nahirapan akong mabisita siya. Gayunpaman, nakakausap ko siya sa Facebook. Madalas ko ring nasusundan ang mga activities niya sa school.

Isang araw, tinawagan ko siya. “Sir, good evening. Kumusta po kayo?” Hinintay ko lang ang kanyang sagot. Aniya, mabuti naman siya. “Ga-graduate na po ako ngayon.”

“Congratulations, ‘nak! Isa ka na ring guro.” Gumaralgal ang boses ni Sir.

“Opo, Sir. Salamat po sa inyo. Kayo ang inspirasyon ko. Dahil po sa inyo, natuto po akong magpahalaga sa edukasyon. Natutuhan ko ring maging praktikal. At higit po sa lahat, marunong na po akong maglaba.” Pinilit kong tumawa, ngunit hindi ko narinig ang tawang inaasam ko mula sa aking idolo. “Sir, hello po? Umiiyak po ba kayo ngayon?”

“Hel… lo, Thadeus? Masaya lang ako sa naabot mo…”

“Really, Sir?”

“Yes! Hindi ka lang pogi, masigasig pa. Bright future is ahead of you… Your parents, I’m sure, will be very proud of you… Napakapalad nila.” Tuluyang nabasag ang boses ni Sir. Umiiyak siya. Ramdam ko ang pait sa kanyang damdamin.

“Naaalala niyo na naman po ba si Bridget?”

“Magtatapos na rin sana siya ngayon… Pero, imposible nang magkita kami. Matanda na ako. Soon, bibigay na ang katawan ko. Hindi ko man lamang masasabi sa kanya na mahal na mahal ko siya, na hindi ko tinalikuran ang aking pagiging ama sa kanya, at inilayo siya ng kanyang ina sa akin, pagkatapos niyang malaman na may babaeng nagkakagusto sa akin…”

Gusto kong biruin si Sir na ang pogi niya kasi, kaya maraming babae ang nagkagusto sa kanya, kaya lang wala ako sa lugar at timing.

“Wala na, Thadeus. Wala na,” patuloy ni Sir. “Sayang lahat ang mga naipundar ko, na dapat siya ang magtatamasa…”

“Sir?” Nawala na ang signal, kaya naputol na ang aming usapan. Isa pa, magsisimula na ang processional ng graduation.

Habang tinatanggap ko ang aking diploma, isang plano ang nabuo sa aking isip. Determinado akong gawin iyon para lubusan kong mapaligaya ang aking paborito at poging guro.

Dahil isinasabuhay ko lahat ng mga payo sa akin o sa amin ni Sir, naging maayos ang karera ko. Tatlong taon pa lamang ako sa serbisyo, na-promote na ako. Naalala ko nga ang mga sinabi niya.

“Ang trabaho, gaano man kadali o kahirap, kailangan mong mahalin dahil ito ang magbibigay sa iyo ng magandang kinabukasan,” minsang sabi niya sa akin. Tama naman siya.

“Ang kapogian ay kumukupas, pero ang pagmamahal mo sa isang tao ay dapat panghabambuhay. Hindi rin dapat ito ginagawang bisyo. Huwag mo na akong gagayahin. Minsan na akong nagkamali at hanggang ngayon ay pinagdurusahan ko ito.” Hinding-hindi ko iyon makakalimutan, kaya hinding-hindi ko rin siya binigo. Natagpuan ko nga ang babaeng unang nagpatibok sa puso ko at ang huling babaeng pag-aalayan ko ng aking pag-ibig.

Dahil napakalaking papel ang ginampanan ni Sir sa buhay ko, nais kong ipakilala sa kanya ang babaeng pakakasalan ko.

Maaga pa lang ay nagtungo na ako at ang aking kasintahan sa dati kong paaralan. Itinaon ko iyon sa araw ng kanyang pagreretiro.

Sa paaralan, isang simpleng salusalo ang ibinigay ng mga guro at pamunuuan para kay Sir. Naabutan naming nagsasalita siya sa entablado.

“Sa inyong lahat, mga bata pang guro at sa mga nakasama ko nang matagal sa paaralang ito, maraming-maraming salamat…” Nahinto ang kanyang pagsasalita nang makita niya akong kumaway. Kumaway muna siya. “Salamat dahil natagpuan ko ang isang tahanan sa inyo. Wala man akong sariling pamilya, nariyan naman kayo upang punuan ang aking kalungkutan. Salamat, salamat!”

Agad na nagpasalamat ang emcee kay Sir at nagwika, “Sir Timoteo Landeres, narito po ang inyong dating estudyante upang magbigay ng mensahe. Please, welcome… Thadeus Moreno!”

Niyakap ko si Sir, bago ako nagsimulang magsalita at magpasalamat sa pamunuan ng paaralan na tumanggap sa amin.

“Sir, walang tumpak na salita para ilarawan ang halaga mo sa akin bilang guro.” Nagsimula nang lumabo ang aking mga mata dahil sa mga luhang nais nang pumatak. “Idolo po kita. Isa kang ulirang guro. Matalik na kaibigan. At isang mabuting ama…” Niyaya ko ang aking kasintahan upang samahan ako. Wala siyang ideya na ipahaharap ko siya sa aking paboritong guro. “Lagi kong sinasabi sa inyo na pogi ako at mana ako sa ’yo. Tinupad ko po ang pangako ko sa inyo na magmahal ako nang totoo at lubusan… Ikakasal na po kami… Salamat po dahil tinuruan niyo akong irespeto ang mga kakabaihan. Siya po ang una at huling babaeng mamahalin ko… Si Bridget po. Si Bridget Landeres. Ang inyong anak…”

Nagulat ang lahat sa kanilang narinig. Niyakap ko si Bridget, habang humahagulhol. Hindi ko na rin nakita ang mga mata ni Sir, ngunit alam kong nalunod siya sa kaligayahan.

Hindi na ako nakapagsalita dahil inilapit ko na si Bridget sa kanyang ama, kay Sir.

“Patawarin mo ako, Bridget… anak.”

Isang mahigpit na yakap ang iginanti ni Bridget sa ama.

“Inilayo ka ni Carlota sa akin, pero hinanap kita, anak. Hinanap kita…”

Hindi na nakapagsalita si Bridget. Sapat na ang higpit ng yakap niya sa kanyang ama upang ipabatid dito na napatawad na niya ito.

“Halika nga rito, Thadeus!” pabirong singhal sa akin ni Sir.

“Sorry po, mana lang po sa inyo,” sabi ko.

“Naku, Thadeus Moreno, ipapakulong kita kapag pinaiyak mo itong anak ko.”

“Hindi po, Sir… Papa po pala. Pogi lang po ako, pero hindi po ako babaero,” biro ko, pero seryoso ako.

Nagtawanan kaming tatlo. At, mayamaya, isang malakas na palakpakan ang narinig ko mula sa mga gurong luhaan nang magyakap-yakap kaming tatlo.










Wednesday, March 1, 2017

Ang Aking Journal -- Marso 2017

Marso 1, 2017 Hindi man ako ganoon kasigla nang humarap sa klase ko, hindi rin naman ako malungkot. Masaya ako dahil nalalapit na ang graduation. Excited na ang lahat. Tila nagbunyi nga ang mga estudyante ko nang malaman nilang may lyrics na ang mga awit na kakantahin nila sa araw ng pagtatapos. Naiyak naman ang iba nang pinatugtog ko na isa sa mga kanta nila. Pinilit ko nga lang itago ang mga luha ko dahil nagsusulat ako. Nagkaroon ng fire drill kanina. Maaga ring nag-dismiss ng mga klase dahil kakain kami sa labas. Nag-blowout ang mga bagong master teachers. Pagkatapos ng kainan, nagkayayaan kaming grade six teachers na mag-home visit para sa IPCRF namin. Pagbalik namin sa school para mag-time out, naabutan kong naghihintay si Mam Joraelyn, dati kong student teacher. Nagpagawa siya ng recommendation para makapag-enroll siya ng master's degree sa PNU. Very thankful siya pagkatapos. Past 5:30 na ako nakauwi. Marso 2, 2017 Masaya kong hinarap ang mga pupils ko. Pinag-practice ko sila ng mga kanta sa graduation, bago ko nabigyan ng tests para sa 4th grading. Nakipagkulitan rin ako sa iba sa kanila. Sobra ang kagustuhan nilang makipag-bonding na lang sa akin. Kung alam lang nila, ganoon din ang gusto ko. Subalit, hindi maaari. Kailangan pa rin naming mag-aral, for formality's sake. After class, umuwi agad ako. Kailangan ko kasing hanapin ang bahay ni Mareng Janelyn sa subdivision namin. Ipinapatingin niya sa akin kung tapos na. Good thing is nahanap ko naman. Napiktyuran ko pa. Hindi ko gusto ang location niyon dahil tumbok na tumbok ang kalsada. Mas napabuti pala na nakipagpalit siya sa akin ng unit. Bukod na nasa perimeter ako at nasa end unit, hindi pa ito masyadong daanan ng mga sasakyan. Naipagpatuloy ko ang pagsusulat ng 'Malamig na Kape'. Sana ay magtuloy-tuloy ang pagka-inspired ko. Bukas, isusulat ko naman ang maikling kuwento na naisip ko habang nasa tricycle ako pauwi kanina. Iyon ang gagamitin ko para sa anthology ng Inspiring Team of Writers. Dahil sa panunumbalik ng sigla ko sa pagsusulat, bumalik na rin ang kay Gina. Muli na naman siyang na-inspire na magbasa at mag-critique ng mga akda ko, at magsulat ng kanya. Dahil kay Emily, kaya nawalan kami ng gana. Thanks, God dahil nalampasan namin. Marso 3, 2017 Pumasok na si Papang. Kaming dalawa ang nagsabay mag-almusal, kasi parang ayaw kumain ng mga kasamahan ko sa grade level. Napagplanuhan namin ang pagpunta sa Pangasinan sa Marso 11 dahil binyag at birthday ng anak ni Donya Ineng kinabukasan. Wala pang final decision, lalo na sa service. Before 9, nakipag-meeting kami sa OIC para sa issuance of cards at sa meeting with the parents ng graduating pupils sa Monday. Nagkaproblema kanina sa klase, pero solved naman. Nawala ang cellphone ng estudyante ko. Kinuha ng kaklase at ipinatago sa kaibigan na nasa kabilang section. Marami ang nakahalata sa kilos niya. Nakiusap pa na lilipat. Bukod sa may nakakita, iisipin talaga naming siya ang kumuha dahil tumikim na siya ng marijuana. Noong una ay dini-deny niya. Nang tinakot ko na mapapahamak siya dahil may nakakita at baka hindi siya maka-graduate, inamin na niya. Dinaan ko sa diplomasya. In-announce ko na kapag palihim niyang isinauli, hindi na malalaman ng mga kaklase niya na siya ang kumuha. Nagsulat ako sa papel ng OO at HINDI. Pabulong kong sinabi na tsekan niya ang sagot niya sa tanong ko. Oo ang sagot niya. Kaagad-agad, nagkunwari. akong nasa drawer pala ang cellphone. Naggalit-galit ako sa nag-confiscate at naglagay doon nang walang paalam. Gumawa rin ng paraan ang kumuha na maiabot sa akin ang ninakaw niyang unit. Tapos, nagpaalam siyang lumipat sa kabilang section. Pinayagan ko na lang para hindi ma-intimidate ko makaramdam ng hiya. Gusto ko nga sana siyang yakapin. Naawa rin ako. Naisip kong apektado na siya ng kanyang bisyo. Kailangan ko siyang matulungan. Dahil na-solved ang problema, gumanda ang mood ko. Nag-groupie at nag-selfie-selfie ako with my pupils bago nag-uwian. Kinuhaan ko rin ng larawan ang iba. Marso 4, 2017 Alas-otso na ako bumangon. Sa wakas, nakabawi na ako sa puyat. Naglaba naman ako, pagkatapos mag-almusal. Nagsulat din ako. Kailangan ko nang tapusin ang Malamig na Kape. Naapektuhan lang ang konsentrasyon dahil sa panunuod ng telebisyon. Muntik pa nga akong ma-late sa master's class ko dahil alas-tres na ako umalis sa bahay. Idagdag pa ang pagka-flat ng gulong ng bus na sinakyan ko. Na-stress akong bigla nang in-aannounce ng proffesor na ang final exam namin sa subject ko ang gumawa ng chapters 1 to 3 ng thesis. Yay! Wala nga akong naiisip na research title. Subalit, bago natapos ang lesson ng prof, nakapaghanda na ako ng title. Mula sa na-research ko. In-enhance ko lang. Ipina-check ko naman ito sa prof bago kami nag-uwian. Approved naman. Ayos! Makakapagsimula na ako. Marso 5, 2017 Ngayong Linggo ay isang produktibong araw ang naganap. Nakapagdamo ako sa harap ng bahay. Nakapag-gardening. Nakapaglinis. Nagkaroon ng time para sa sarili at sa pagsusulat. At siyempre, nakain ko ang mga gusto kong kainin. Gayunpaman, nalulungkot ako sa pagkamatay ni Tito Ben. Although, may nagawa siyang kasalanan sa akin, naawa pa rin sa kanya. Napatawad ko na siya noon pa. Naisip ko lang, hindi niya napaunlad ang kanilang kabuhayan. Ang lupang bigay ng gobyerno sa kanya ay hindi niya nagamit para ipampagamot niya. Well, this is life. Sana nakahingi siya ng tawad sa Diyos bago siya nawalan ng hininga. Marso 6, 2017 Ipinagpatuloy namin ang pagbibigay ng tests sa mga bata. Kailangan na namin kasing makapag-compute ng grades dahil malapit na ang graduation. Naisingit ko rin ang pagbabasa ng kuwento. Halos maluha ako habang binabasa ko iyon, gayundin ang mga basa. May pagka-true-to-life kasi. Tuwang-tuwa ang estudyante ko, na siyang pinaghanguan ko ng istorya. Past 12, nagpauwi kami ng mga bata dahil may meeting ang mga parents-teachers ng graduating class. Magbibigayan din ng cards. Naging matagumpay nga ito. Nagkasundo na magkakaroon ng ambagan para mas memorable at special ang graduation day. Ayaw nila ng simple, na ayon sa DepEd Order. Past 4 na ako nakauwi. Pagod ako, pero nakapagsulat pa. Hindi na nga lang ako nakapagluto. Bumili na lang ako ng fried siomai. Nag-shake na lang ako pipino at nilagyan ko ng katas ng orange, para healthy. Marso 7, 2017 Dahil nagising ako kaninang hatinggabi at nahirapan akong makatulog uli, wala ako sa mood, nang humarap ako sa klase ko. Mainit ang ulo ko sa kanila, lalo na sa mga pasaway. Mabuti na lang at mayroon pa ring may takot na hindi maka-graduate. Ang iba, porket nakapagpa-graduation picture. Lumakas ang loob. Umaasa. Umuwi agad ako pagkatapos ng klase. Umidlip naman ako pagdating ko. Kahit paano ay nanumbalik ang aking sigla. Marso 8, 2017 Maghapon akong tahimik sa klase dahil kahapon pa ako naiinis sa mga estudyante ko. Iniwan kasi nila ang classroom na madumi at magulo. Kaya, kaninang umaga, hindi ko muna sila pinapasok. Sa labas ko sila pinag-practice ng graduation songs. At, bago ko pinapasok, pinasulat ko ng pangako na pipirmahan naman ng mga magulang nila. Dahil dito, nakatapos ako ng isang proyekto--- ang video presentation na para sa closing party. Somehow, epektibo naman ang pananahimik ko. Tumawag si Roselyn. Nakapagsabi na ako na hindi ako makakadalo sa binyag at birthday ng anak niya dahil uuwi ako sa Antipolo para makipaglamay sa tiyo ko. Naunawaan niya naman ako. Marso 9, 2017 Hindi ko pa rin pinapansin ang mga estudyante ko. Maghapon akong tahimik, pero sila, maingay at magulo pa rin. Nakukuha sila sa tingin, subalit pamayamaya rin ang pagpapasaway. May nagpapatawa pa at naghihintay na ngumiti ako. Pinipilit ko namang hindi ngumiti. Effective naman sa iba ang drama ko. Halos ayaw, kumilos at magsalita. Bukas, isang drama na naman ang gagawin ko. Paiiyakin ko sila. Dahil sa pananahimik ko maghapon, nagawa ko na ang book cover ng 'Malamig na Kape'. Excited na ako at ang iba kong friends na ma-publish ito. Nagagandahan sila sa istorya nito. Kapupulutan naman talaga ng aral. Sa bahay, pagdating ko, hinarap ko ang pagsusulat ng huling chapter nito. Natapos ko naman nang maayos. Bukas, sisimulan ko naman ang pag-edit nito upang maisubmit ko na sa WWG Publishing. Marso 10, 2017 Nakumpirma kong sa Marso 28 na ang graduation, kaya no choice ako kundi ang kausapin na ang mga bata. Kailangan ko kasing i-announce. Dumating pa si Veronica, ang dati nilang kaklase, para kumuha ng form 137. Gayunpaman, nagawa ko pa rin ang plano ko kagabi. Naramdaman at nakita ko kung paano sila nalungkot nang sabihin kong uuwi ako sa Aklan, kaya hindi ako makakadalo sa kanilang graduation. Effective actor. Ala-una, nagkaroon uli ng meeting para sa graduation. Ikinasa na an mga bayarin, ambagan, petsa, at oras nito. Dahil mapapaaga ito, kailangan naming mag-double time sa paggawa at pagtapos ng mga paperworks--- cards, forms, reports, etc. Sa kabila nito, naisingit ko pa rin ang pag-edit ng 'Malamig na Kape'. Marso 11, 2017 Past 3:30, bumiyahe na ako papuntang school. Mag-isa lang ako doon. Wala palang klase dahil nagkaroon ng colloquium. Mabuti nga dahil napaaga ang dating ko sa Bautista. Naabutan ko pa ang mga nakipaglamay kay Tito Ben. Nakakakuwentuhan at nakakakumustahan ko ang mga dati kong katrabaho. Bitin nga lang dahil umuwi na sila. Marso 12, 2017 Nagiging instant reunion ng pamilya ang lamay. Kapag may namamatay sa kamag-anak, saka lamang nagkikita-kita. Pero, gaya nang dati, mailap pa rin ako. Kahit sanay na ako sa pagharap sa mga tao dahil sa aking propesyon, iba pa rin kapag ang mga kamag-anak ko ang kaharap ko. Hindi ko naman ka-close ang iba. Ang iba naman nakasamaan ko pa ng loob. Pero, bukod tangi si Kuya Alex. Kahit sa FB pa lang kami nagkikita o nagkakilala, tila magaan na ang loob niya sa akin. Nagkuwentuhan kami, mula alas-3:30 ng umaga hanggang alas-5. Sabay na rin kaming umakyat. Noon lamang din ako natulog. Alas-diyes, inilibing na si Tito Ben. Emosyonal ang lahat. Ako, kahit may nagawa siyang masama sa akin, nalungkot ako sa paglisan niya. Napatawad ko na siya noob pa. Naawa lang ako sa mga naiwan niya, lalo na si Ate Diyang. Past 1, umuwi na ako. Three-thirty ay nasa bahay na ako. Pagod na pagod at antok na antok ako. Luckily, nakatulog ako kahit dalawang oras. Nabawi ko na ang puyat ko. Marso 13, 2017 Umagang-umag, na-bad trip ako kanina, hindi dahil late ako ng 15 minutes, kundi dahil may estudyanteng nagpasa ng birth certificate na taliwas sa apelyido na ginamit niya sa pag-enroll noong grade 1 siya. Grabe! Six years siyang pumapasok na walang BC, tapos kung kailan ga-graduate saka lamang magpapasa. Mali pa. Hindi man lang pina-annotate. Nakakainis! Nagbigay ng problema kung kailan patapos na ang klase. Ang ingay pa ng klase, kaya lalo akong naasar. Hindi ko na naman sila kinibo. In fact, kahit bago mag-recess, maingay sila. Kaya, halos dalawang oras bago ko sila pinag-recess. Gutom na gutom na talaga sila dahil sa kadadaldal at pangungulit. Nainis ako sa asawa ko. Nag-comment pa sa post ni Tintin. Hindi ko raw siya na-inform. Kung hindi ba naman tanga. Hindi naman big deal kung informed man siya o hindi. Nagpahalata pa. Kailangan pa bang malaman ng madla na huli na niyang malaman at hindi ko pa sinabi sa kanya? Mabuti na lang ay dinepensahan ako ni Auntie Vangie. Baka raw busy ako sa studies ko, which is true. Marso 14, 2017 Medyo ngumingiti na ako sa harap ng klase ko. Naging kalmado na rin kasi sila. Kaunti lang naman, pero okay na. At least, nabawasan. Ngayon sana ang 4th periodic test. Kaya lang, hindi dumating ang mga test papers. Kami pang grade 6 ang nahuli. Kung hindi ba naman tanga at kalahati ang division office. Tapos, mamadaliin nila kami sa mga forms. Nakaka-beastmode sila. Gayunpaman, pinauwi namin sila bandang alas-11:30. Nag-stay naman kami hanggang alas-2. Marso 16, 2017 Walang practice ngayong araw kasi umalis ang grade leader namin. Sinamahan niya ang dalawang bata sa MTAP oral competition. Pinauwi naman namin ang mga naiwang bata before 12 noon. Ako naman ay hinarap ang mga forms 138 at 137 habang naghihintay ng alas-dos. Isang good news ang natanggap ko ngayong araw. Natanggap ng WWG Publishing ang nobela kong 'Malamig na Kape'. Ayon sa may-ari na si Mam Che, ready na ang akda ko. Proofreading, formating, at book cover na lang. Then, papipirmahin na niya ako ng kontrata. Ito na siguro ang simula ng katuparan ng pangarap kong makapasok ang mga akda ko sa National Bookstore. Marso 17, 2017 Wala pa rin ang ibang test. EPP lang ang na-test nila. Nakaka-beast mode ang division office. Grade 6 pa talaga ang hinuli, samantalang kami ang nangangailangan ng maagang preparation para sa graduation at submissions ng forms. Mabuti na lang, natagalan ko ang attitude ng mga estudyante ko kahit nagpakopya lang ako ng lyrics ng 'Thanks To You', na kakantahin nila sa graduation. Nakapag-practice sila sa loob. Then, nakipagkulitan na lang din ako, pagkatapos kong kuhaan ng video ang behavior nila. Naging katatawanan lang ang iyon dahil gustong-gusto nilang humarap sa camera at magpatawa. Isa na namang moment ang nabuo. Marso 18, 2017 Maaga akong nagising dahil sa tilaok ng mga manok. Ito ang disadvantage ng nasa probinsiya. Wala ngang maiingay na sasakyan, mga manok naman. Okay lang naman, nakaidlip naman ako after lunch. Then, nakapaglaba ako at nakapag-gardening. Past 3, bumiyahe naman ako papunta sa CUP para sa aking masteral class. Sa April 8 ang huling araw ng klase namin. Pero, instead na final exam, submission na lamang iyon ng thesis proposal. Kailangan ko nang makagawa ng chapters 1-3. Kanina sa klase, nagpa-activity si Mam Barbieto. Pinagawa niya kami ng conceptual framework ng aking study. Nagpresenta ako na isulat sa board ang gawa ko. Nice, sabi niya. Mas na-inspire tuloy akong isagawa iyon. Marso 19, 2017 Gaya kahapon, maaga akong nagising. Hindi ko talaga magawang matulog nang matagal. Okay lang naman dahil marami pala akong gagawin. Naglaba ako. Nag-general cleaning. Atbp. Maaga ring nag-chat si Jano. Aniya, tuloy ang reunion ng Furaque-Flores. Pinaghahanda niya ako ng t-shirt. Hindi ako nagparamdam ng interes dahil makikita ko lang ang mga Diokno. Hindi bale na. Mag-aalas-siyete na nang nakausap ko si Kuya Edwin, ang kapitbahay ko. Naikuwento niya na may nakita siyang lalaki noong Miyerkules ng alas-11 ng gabi. Nasa may pinto raw iyon. Ang hula namin ay magnanakaw. Nais niyang umakyat sa bintana sa pamamagitan ng pag-akyat sa grills na pinto. Pinayuhan niya akong maglagay ng ilaw, kaya ginawa ko, since matagal na akong bumili ng ilaw at wire. Grabe, may mga insidente na pala ng nakawan dito. Mabuti na lang kahit paano ay naka-grills na ang mga entry points sa baba ng bahay. Gayunpaman, kailangan kong mag-ingat. Wala namang mananakaw sa bahay, pero maigi na rin ang walang makapasok. Delikado pa rin. Marso 20, 2017 Dumating na ang mga test papers mula sa division office. Kaya lang, pasado alas-nuwebe na. Hindi naman namin agad na nasimulan dahil nagkaroon ng practice ang mga graduating pupils. Nagkaroon ako ng inspirasyon na sumali sa 67th Carlos Palanca Literary Contest. Last year, hindi ko naipasa ang nobela kong 'Lola Kalakal' dahil naubusan ako ng time. Self-published na ito, kaya hindi ko na maaaring isali. Ang 'Apokalipsis' ko na lang ang balak kong ilaban. Isa itong dulang pampelikula. Kaya naman, habang nagte-test ang mga bata, nag-eedit ako niyon. Wala pa ring wakas ang script na iyon. Kaya, kailangan ko ring madugtungan. After class, nagbayad ako ng internet bill sa HP. Naghanap na rin ako ng maisusuot sa graduation. Wala akong nagustuhan. Baka sa Division o Baclaran pa ako nito makahanap. Marso 21, 2017 Matagumpay na naidaos ang baccalaraute mass sa Our Lady of Sorrows Parish Church kanina, alas-9 hanggang alas-10 ng umaga. Pagkatapos niyon, tumuloy na kami sa Buffet 101. Nag-blowout ang mga magulang ng class valedictorian. Binigyan kami ng pang-buffet. First time ko doon. Siyempre, sawang-sawang ang sikmura ko sa napakaraming uri ng pagkain at inumin. Hindi ko natikman lahat, pero nakain ko ang mga gusto ko at bago sa panlasa ko. Sulit! Sinulit namin ang tatlong oras. Alas-singko na ako nakauwi sa bahay. Masaya sana ako, kaya lang bigla akong na-bad trip dahil ipinaparamdam sa akin ng kasamahan ko sa SP at Basyang na galit siya. Hindi ko lang siya napagbigyan kanina dahil gipit din ako sa pera. Isa pa, hindi lang naman ako ang miyembro ng grupo. Ako na lang ba lagi ang hinihingian niya? Nagbigay na ako ng halos 10 libong piso para sa Basyang-Laguna. Iba pa ang utang niya noong may sakit siya. Iba pa ang bigay noong nga Basyang-Gotamco siya. Plus, ang mga gastos ko sa pagpunta sa Nagcarlan. Sana maunawaan naman niya na hindi naman ako gatasang baka. Pamilyado ako. Tapos, may gana pa siyang magpasaring. Wow! Hanep. Itigil ko na ang pag-i-SP kung ang lahat ng gastusan ay ako ang sasagot. Grabe! Hindi na makatao. Wala naman sanang pilitan. Tumutulong at tutulong ako kapag meron. Kapag wala, pasensiya na. Sana rin ay nagkakamali lang ako hinuha. Sana hindi ganoon ang ibig niyang ipakahuluga sa kanyang pahayag. Marso 22, 2017 Naging abala ako maghapon. Patuloy rin ang pagpapasaway ng mga estudyante ko kahit may test sila. Mabuti na lang at naurong ang graduation day. Instead na March 28, sa first week na ng April. Mas makakapaghanda pa kami. May oras pa ako para bumili ng susuotin. After class, nagpadala ako kay Emily. Nalaman ko rin sa kanya na nasa ospital ang father-in-law dahil sa ubo. Halos isang buwan na rin daw. Akala ko nga si Zillion. Nang binasa ko uli ang text niya, nakumpirma ko. Ang init kanina. Parang summer na. Ang sarap sanang mag-shake. Kaya lang, kape ang mas pinili kong inumin. Natuwa ako nang malaman kong tumakas na si Bes sa kanyang mapang-abusong amo. Nasa embassy raw siya ngayon. Nakikigamit ng cellphone. Alam kong mabibigyan ng katarungan ang pang-aabuso sa kanya. Marso 23, 2017 Before and after recess, nagkaroon ng graduation practice sa covered court. Medyo magulo pa, pero nagiging malinaw sa akin ang magiging flow ng graduation rite. Since first time ko, sumusunod na lang ako sa mga kasama ko. Ipinaramdam ko sa SP, lalo na sa isang miyembro, na malamig na kape ako sa kanila. Nag-reach out na siya, pero hindi iyon sapat sa akin. Bukas, iaanunsiyo ko na hindi ako makakadalo sa meeting. Idadahilan ko ang masteral class ko at ang thesis proposal, na siya namang totoo. March 24, 2017 Nagpasukat na ako ng toga sa pupils ko. Nakita at naramdaman ko ang excitement nila na magsuot niyon. Ako, hindi pa rin nakakabili ng isusuot sa graduation. Natuwa ako sa mga nangyari ngayong araw. Nag-chat kasi sa akin ang dalawang may-ari ng Le Sorelle Publishing tungkol sa ni-raise na issue ni Heaven. Gusto ng kaibigan ko na makilala ako bilang magaling na writer. Nahihinayangan siya sa akin kung ititigil o mawawalan ako ng interes sa writing at publishing. Hindi raw ako dapat na pakawalan ng LSP. Nakikita niya ako as asset ng publishing. Kaya, interesado na sila ngayon na i-market ang 'I Love Red 0.1' ko. Hiningi nila ang manuscript niyon. At, sabi ko ii-edit ko ang book 2 at tatapusan ang book 3. Umaasa akong mare-reliaze ang mga planong iyon. Nasabi ko rin sa SP admins na hindi ako makakadalo sa meeting dahil sa masteral class at thesis proposal. Naunawan naman ako nila. Nagtagumpay ako na tikisin sila. Nagtagumpay ako. Mag-aalas-siyete na ako nakauwi dahil past 4:30 na natapos ang printing ng diploma. Kahit pagod at antok na ako, nakapagsimula na ako sa thesis proposal. March 25, 2017 Hindi ko talaga magawang magpakasawa ng tulog at magbabad sa higaan. Maingay na ang paligid kapag alas-sais na. Gayunpaman, thankful ako sa isa na namang biyaya sa akin ng Diyos. Every 'waking up' is a blessing. Sa kabila ng kakulangan sa tulog at pahinga, nagawa ko naman ang ilan sa mga nais kong gawin-- paglalaba, pagdidilig, at pagbili ng isusuot sa graduation. Nakapasok pa ako sa masteral class ko. Naipadala ko rin kay Heaven ang kabayaran sa order kong books at shirt. Past 7:30 na ako nakauwi. Mas maaga kumpara sa mga nakaraang Sabado. Marso 26, 2017 Sa wakas, nagawa kong bumangon ng alas-8. Napasarap ang tulog ko. Palibhasa, ilang araw nang puyat. Napokusan ko ang thesis proposal ko. Nakarami ako. Almost half-done na. Kakayanin ko talagang maipasa ito on time. Nakapag-edit din ako ng 'I Love Red 0.2' at nakapag-update ng 'Apokalipsis.' Siyempre, naisingit ko rin ang pag-idlip at gardening. It's indeed a productive Sunday! Marso 27, 2017 Medyo na-stress ako nang nagtanong si Sir Erwin kung kailan kami magkro-cross check ng mga school forms. Hindi pa ako tapos. Pasaway pa ang mga bata. Kaya, nakasimangot ako habang may graduation practice. Hindi ko sila binibiro. Dumating na ang order kong shirt at books kay Ms. Heaven. Ang bilis lang kahit sa Davao pa galing. Two-thirty na ako umuwi. May tinapos lang ako sa report cards. Alas-kuwatro naman ako nakarating sa bahay. Hinarap ko ang paggawa ng SF5. Nagawa ko naman iyon kaagad. Ready to print na. Natatawa ako sa reaksiyon ng pinsan ko sa post ko, kung saan suot-suot ko ang new shirt. Naikomento ko lang na natupad ko na ang pangarap kong maging model, kaya thankful ako sa binilhan ko. Aniya, 'Wow! I'm very proud of you!" Andami kong tawa. Naalala ko tuloy noong nag-post ako two years ago. April Fool's Day noon. Marami akong napaniwala. Marso 28, 2017 Alas-otso na nakapagsimula ang graduation rehearsal. Mabilis lang dib naming ginawa para bigyang-daan ang practice para sa recognition day. Dahil dito, naharap ko ang mga school forms. Halos matapos ko na. Name na lang ng OIC ang isusulat ko sa report cards. Nakapag-print na rin ako ng ilang SFs. Natutuwa talaga ako sa comments sa post ko tungkol sa shirt for a cause. Maagang April Fool's Day, huh! Natuwa rin ako sa effort ni Luna na i-chat ako. May inihain siyang issue o problem ng friends niya. Nasagot ko naman nang maayos, pero naisingit ko rin ang issue ko sa SP. Nasabi ko ang mga nasa loob ko. Naniniwala akong konektado ang dalawang issue. Sana naunawaan niya ako. Narito ang palitan ng aming mga mensahe namin: Siya: Hello, tatay. Pwede ka pong makausap? Ako: Sige. About what? Siya: About lang po sa isang situation. Masama bang hangarin na tumulong sa mga bagong manunulat? Ako: Hindi masama ang tumulong. Siya: Bakit may mga taong gustong sumira sa ganon? I mean, kung may pagkakamali yung gustong tumulong, maano ba namang i-correct sa maayos na paraan? Pagsabihan, ganon. Kausapin privately. Kailangan bang pahiyain publicly at murahin? Ako: Mali ang pamamahiya lalo na in public. Hindi maituturing na pagtulong ang ganoon. Kailangang ituwid ang pagkakamali sa mahinahon, sa tamang lugar at panahon. Ako: Kung nagkamali ang isang tao, kausapin nang masinsinan upang maunawaan at maitama niya ang kanyang pagkakamali. Kapag ginawa iyon ng isang tao, hindi na sila magkaiba. pareho na silang dapat ituwid. Siya: Mas maigi sigurong wag na lang silang pansinin. Pero ang sakit lang. Ang sakit makita na yung kaibigan mo, gustong tumulong, tapos gaganunin nila. Ako: Maaari mo rin namang i-confront o kausapin nang personal ang taong gumawa niyon, lalo na kapag pareho mong kaibigan. Siguro, may mga dahilan sila kung bakit nagawa iyon. Siya: Hindi ko actually kaibigan yung mga yon. Kakilala lang. Ako: Kung kakilala mo lang, maaaring mapasama ka pa. Kaya, mas maiging hayaan na lang sila. May mga tao sigurong makakapasnin sa problema at sila na lang ang makakatulong. Siya: Yun nga po yung iniisip ko. Actually may kinausap ako, sinabi ko yung punto ko, ngayon, isa na ako sa pinariringgan? 😅 ang kyoot niya. Gurong naturingan tapos ganoon. 😊🔫 Ako: Tsk.Saklap naman. Kabaro ko pa. Siya: Nalulungkot ako. Bakit ganon sila? 😭🔫 Ako: Hindi natin alam. May mga bagay na ang may katawan lang ang nakakaintindi. Minsan nga, tayo mismo ay hindi rin nakakaunawa sa kapwa natin. Ganoon din sila. May kani-kaniyang saloobin, damdamin, at prinsipyo. Maaaring hindi lang nagtugma. wish lang natin na maging maayos ang lahat. Siya: Hay. Basta #RoadtoNBDB uuusss!!!! 😋😋😋😊 Ako: Yes! Looking forward... Siya: Naiksayt na ko mag-status about it. Hnnng. Tagal na nating lowkey 😭 Siya: Oo nga po pala, ano ano po bang terms ng sponsorship ng Le Sorelle? Ako: Hindi pa ba pwedeng mga status update about it? Ako: Naghihintay po sila ng email. Siya: Opo, ginagawa na po yung invitation but i don't know what to specifically ask for them. :/ Ako: Need nila ng document para mapondohan. Practice kasi nila ang transparency, since pera ang involved. Ako: Financial, pwedeng irequest. Proper coordination lang with Ms. Heaven Chalice. Siya ang may hawak ng advocacy project ng LSP. Ako: Manpower pwede rin, since maglalagay sila ng book sa Book Fiesta. Naghahanap sila ngayon ng volunteer. Siya: Sa financial po ba, kailangang i-specify kung magkano? Hnnng sa totoo lang po nahihiya ako 😭 Ako: Yung kaya lang nila. Kasi, bago lang din sila. In fact, pati nga ako, nakaktulong sa pangangalap ng pondo. May shirt at kuwentong pambata sila. Iyon ang pinagkukunan nila ng pondo.. which is pwede nating i-adapt sa mga susunod na project and events. Ako: Nakasama ang book ko sa LSPuso, kung saan, iyon ang ibinebenta para magkapondo. Siya: Wala pa pong update kay Imma hnnng. Ongoing na ata yung solicitation nila. Ako: Mahirap kasi ang solicitation tapos wala man lang tayong token... Bihira na lang ang taong magbibigay ng walang kapalit. Siguro, sila ang taong sobra-sobra ang pera. Siya: Sa barangays po nagsosolicit. Ako: Maganda rin iyon. Kahit paano may malilikom na pondo. Siya: Sana po kahit mareach lang yung target budget 😭 Ako: Ako, gustuhin ko mang magbigay uli... wala na. Hindi na kaya ng finances ko. naghuhulog ako sa housing loan. Nagmamasahe araw-araw. Wala namang trabaho ang wife ko. May nanay pa akong bulag. Kaya, nabigo ko si Imma, lately. Hindi na ako nakapagbigay. Dumating nga sa point na parang gusto ko nang mag-resign sa SULAT. Pakiramdam ko, useless na ako. Siya: HUUUUY HALA HALA okay lang yun tatay, ano ba youuu, grabiiiii. Ako: Tulad ng nasabi ko, walang nakakaunawa sa kalagayan ko. Akala lang ng iba, masaya ako, may pera ako. But, nobody knows ng mga pinagdadaanan ko... Siya: Naintindihan naman po namin yon, tay, kaya okay lang talaga. We'll somehow get by ^^ nabigla lang talaga tayo this year kasi andaming opportunities na kumatok sa'tin at 'di pa masyadong nakapaghanda nyahahaha. Ako: Isa rin yan sa naikuwento ko sa project manager ng LSP. Kaya, noong isang araw, sabay-sabay silang nag-chat sa akin. Tatlong malalaking tao ng LSP, ang nag-chat sa akin. Inaawitan nila akong 'wag isuko ang writing at publishing. Ang self-pub ko, hindi pa naman nakakatulong sa akin. Pero, hopeful ako na makakaahon din ako, kasabay ng paglago g SULAT Pilipinas. Kahit paano ay napamahal na sa akin ang SP. Gayunpaman, willing akong mawala sa circulation kapag 'di ko na kaya. Siya: Nako Tay, marami namang ways pa para makatulong sa SP and sa writing. Hindi ka po pamfinancial lang. Any help is appreciated. Simply staying is one. ^^ Ako: Nag-drama lang ako. Somehow, gumaan na ang loob ko. Thanks! Siya: Ingat po kayo dyan tay. Pasensya na sa istorbo rin po ehehehe 😅 Ako: Okay lang. Salamat! Marso 29, 2017 Nakakapagod ang graduation practice, pero nakaka-enjoy. May mga nagpapasaway pa rin, pero kayang-kaya. Hindi natuloy ang cross-checking ng forms namin within the grade level dahil nagkaroon ng deliberation of ranking ng pupils with honors. Naihanda ko na rin ang mga medals na ia-award ko sa mga pupils ko. Mabibigyan ko ang lahat ng mga nakakuha ng 85% up na average at ilang mga hindi pala-absent sa klase. Nakita ko ang excitement ng iba. Na-excite rin akong pumirma sa kontrata between WWG Publishing and me. Ipa-publish na ang nobela kong 'Malamig na Kape'. First time kong pumirma nito. Iba ito kaysa sa Barubal Pub. Dito ay makakatanggap ako ng 20% royalty fee sa bawat isang copy na maibebenta, based on the retail price. Nakakatuwa dahil mapapakinabangan ko na ang aking talento. Hindi na lang ako self-published author. Lumevel up na ako. Walang mapagsidlan ang ligaya ko. Marso 30, 2017 Na-bad trip ako sa mga kasamahan ko kaninang umaga dahil nagpatay sila ng oras sa taas, bago nagsimula ng practice. Nagpapasaway na ang mga bata sa covered court. Ang malala, naglabasan ang iba at nagbilihan sa labas. Hindi kaagad ako nakapag-almusal para lang ma-contain ang mga estudyante sa pilahan. Ayun, naaning ako at naging iritable, kaya bago pa ako makasakit ng damdamin, nag-walk out ako sa ground. Umakyat ako at nag-almusal. Pagkatapos kong makakain, tumulong naman ako sa practice. Nag-print kami ng program-invitation. Halos hindi pa nangalahati ang nagawa namin, lalo na't may kulang pang page at nag-cross check kami ng mga forms. Alas-5:30 na kami nakauwi. Past 7 na ako nakarating sa bahay. Grabe, first time kong magdilig ng mga halaman sa gabi. Naawa ako sa mga halaman. Marso 31, 2017 Naging matagumpay naman ang Gawad Parangal. Hindi nga lang ako ganoong kasaya. Last year, ako ang punong abala. Kahit napagod ako nang husto, masaya naman ako. Kakaiba ngayon. Gayunpaman, masaya pa rin ako dahil natapos na ang cross checking ng forms namin. Nakagawa pa kami ng mga bagay para sa nalalapit na graduation like seal ng diploma, printing of invitation-program. In fact, kahit overtime na kami, masaya pa rin. Siguro'y dala ito ng excitement. Alas-9 ako umalis sa school. Iniwanan ko sina Mam Gie at Sir Joel. Alas-onse pa raw sila uuwi. Nakarating ako sa bahay, bandang alas-10:45. Nag-chat si Imma. Humingi siya ng opinyon kung magwo-work siya o magpu-full sa SP. I know it's his way of reaching out and correcting what he has said and done. Binigyan ko naman siya ang oras. Siyempre, ipinayo ko sa kanya ang pagtratrabaho. Ang pagmamahal namin sa SP ay hindi mawawala. Priority lang talaga dapat ang sarili at pamilya.

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...