Followers

Sunday, March 12, 2017

Ang Sombrero

Sa gilid ng foot bridge, makikita ang mag-asawa. Nakaupo ang lalaki sa maliit na silya. Kalong-kalong niya ang babaeng nakabalot ng kanang hita at nakatakip ang bibig.

Sa kabila ng paghihirap ng dalawa, kitang-kita sa kanila ang pagmamahal sa isa't isa. Ang pagtitiis ng lalaki sa pagkalong sa asawa at ang pagiging matatag ng babae sa sakit na kanyang dinaramdam ay pinapalitan nila ng matatamis na ngiti para sa mga taong nagdaraan. Umaasa silang ang maliit na lata ay mapuno man lang ng mga baryang ihuhulog ng mga taong may maawaing puso.

Isang oras na silang naroon ngunit kay tumal ng pagkalansing ng latang na may nakasandal na karatula: kidney failure. Ramdam at kitang-kita nila ang mapanuri at mapanghusgang mga mata ng ilang dumaraan.

Matagal silang pinagmasdan ng isang mama. Nilapitan pa niya ang lata upang silipin at tantiyahin ang lamang niyon. Umiling-iling. Pagkuwa'y umalis siya.

Nang bumalik ang lalaki, kinuha niya ang karatula. Napatingin lamang sa kaniya ang mag-asawa.

"Kidney failure... Walang maniniwala sa inyo," wika ng lalaki.

Napamaang ang mag-asawa. Nais kumawala sa bibig nila ang mga salita.

"Gumawa po ako... nito." Ipinakita niya sa mag-asawa ang mas malaking karatula. "No kidney failure can separate two people bound by God."

Muling sumilay ang matatamis na ngiti ng mag-asawa.

Pagkatapos, itinayo ng lalaki ang karatulang kaniyang ginawa sa likod ng lata. Kinuha niya ang kanyang fedora cap at itinabi sa karatula. Nahulog pa ang peluka at tumambad ang kalbo niyang ulo.

Maya-maya, nagdagsaan ang mga tao upang magbigay at mag-abot ng tulong pinansiyal. Halos mapuno ng perang papel ang sombrero. Masaya namang umalis ang lalaki, pagkatapos niyang ibigay ang pinakamatamis na ngiti sa mag-asawa. Alam niya kasing hindi lang siya ang pagagalingin ng Diyos.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...