"Bakit ba iyak kayo nang iyak?" tanong ni Sir
noong ikalawang araw ng Marso. Ikalawang araw na rin niyang ipinaririnig at
ipinakakanta sa amin ang isa sa mga kantang aawitin namin sa aming graduation.
Sabi ng mga kaklase ko, nakakaiyak daw kasi ang kanta.
Patawa-tawa ako.
"Walang iiyak sa graduation, ha? Ang umiyak,
kikilitiin ko," biro pa ng paborito kong guro.
Hindi ako makahirit. Naunahan ako ng mga paepal kong
kaklase. Sabi ng isa, "Sir, baka umiyak ka rin sa graduation." Hindi
kumibo si Sir, saka pinatugtog niya uli ang nakakaiyak naman talagang awitin ni
Carol Banawa, ang 'Iingatan Ka.' Para raw ito sa mga magulang namin, lalo na sa
mga ina.
Naisip ko noon, maiiyak kaya ako sa araw ng graduation? Si
Sir kaya?
"Paiiyakin ka namin sa graduation, Sir," pabirong
sabi ng kaklase kong babae.
"Paano ako iiyak, e, hindi ako aattend," aniya.
Mas naasar yata kami nang sinabi niya iyon. Pero, hindi ako
naniwala sa kanya. Siya ang pinakasinungaling guro sa school namin. Marami
beses kong napatunayan iyon.
"Thadeus, maingay ka! Ibabagsak kita para hindi ka
maka-graduate," sabi niya sa akin, isang araw. Alam kong mainit ang ulo
niya noon, kaya seryoso siya. "Ipapatawag ko ang ama mo. Bukas, papuntahin
mo siya rito."
Umiyak ako sa upuan ko. Hindi ako kumibo. Hindi na rin ako
tumayo-tayo hanggang uwian.
"Sir, huwag niyo pong papuntahin dito ang Papa
ko..." Nakiusap ako, pagkatapos ng klase. Pinilit ko siyang biruin para
hindi na niya kausapin ang aking ama.
"Hindi! Kailangan ko siyang makausap para malaman
niya."
"Bubugbugin ako ng Papa ko, Sir."
"Kasalanan mo. Bahala ka."
"Sir, sorry na po. Kahit ano pong ipagawa niyo sa akin,
gagawin ko. Huwag niyo na pong kausapin ang tatay ko." Gusto ko nang
umiyak kay Sir, lalo nang tiningnan niya ako sa mata.
Maganda naman ang mga mata niya. Hindi nakakatakot, ngunit
nang tumitig siya sa akin ay para akong natutunaw na yelo.
"Bukas, kakausapin ko siya. Uwi ka na."
Sinungaling talaga si Sir. Hindi naman niya talagang gustong
makausap ang Papa ko. Nag-chat ako sa kanya, pag-uwi ko sa bahay. "Gusto
ko pong maka-graduate. Pagawin niyo na lang po ako ng project," kako.
"Sige. Igawa mo ako ng cabinet? Project, 'di ba?
Mapapakinabangan."
"Huwag po iyon, Sir. Hindi po ako marunong magkarpentero.
Iba na lang po." Medyo nakampante na ang loob ko noon. Ramdam ko na
kumakagat na si Sir sa biro ko.
"Sige. Ano bang gusto mo?"
"Ang wala pong gastos. Ang gagawin lang dito sa
bahay."
"A, gagawin sa bahay? Sige, maglaba ka riyan. With
pictures o kaya video."
"Di po ako marunong maglaba, Sir."
Nag-send ng angry emoji si Sir. "Hindi ka naglalaba?
Kahit panyo at brief mo? Dapat marunong ka. Sino ang naglalaba ng mga damit
mo?”
“Mama ko po.”
“Hala! Hindi lahat ng oras, maipaglalaba ka ng Mama mo. Sige...
Bukas tuturuan kita."
"Sige po, Sir. Salamat po! Hindi ko na po ba
papupuntahin ang Papa ko?"
"Gusto mo ba?"
"Ayaw po."
"Ayaw mo pala, e..."
"Thank you, Sir. Ang pogi mo na nga, ang bait niyo pa.
Bye, Sir."
Sinungaling si Sir. Kinabukasan kasi hindi naman niya ako
tinuruang maglaba. Okay na rin. At least, hindi na niya pinatawag ang Papa ko.
Gayunpaman, favorite teacher ko siya. Dalawang taon ko
siyang naging guro--- noong Grade 5 at 6. Siya lang kasi ang naniniwalang pogi
ako.
Minsan, nagdala ako ng mga class pictures ko.
"Sir, tingnan niyo po. Ang pogi ko, 'di ba po?"
Tiningnan niya ako at pinagalaw niya lang ang mga kilay
niya. Ibig sabihin, agree siya.
Hindi ako mayabang. Pogi talaga ako. Pero, ang totoo, gusto
ko lang talagang purihin si Sir at marinig sa kanya na mana ako sa kapogian
niya. Siya ang orihinal na pogi.
Kenkoy si Sir. Kapag nasa mood siya, ginagawa niyang
pampatawa sa amin ang pagiging pogi niya. Siya lang ang teacher kong lalaki na
malakas ang loob magsabing pogi siya. Well, hindi naman siya nagyayabang. Totoo
naman. Nagtataka lang ako kung bakit sa kabila ng gandang lalaki niya ay
nag-iisa siya sa buhay. Kahit naikukuwento niya sa amin ang tungkol sa anak
niya, hindi niya pa rin sinasabi sa amin ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Naging palaisipan sa akin ang bagay na iyon.
Sobra ang iyak ko nang grumadweyt ako sa elementarya. Sa
kabila kasi ng pagiging pasaway ko ay isinama ako ni Sir sa graduation.
Nagpupunas ng luha si Sir noon nang lapitan ko siya,
pagkatapos kong makuha ang diploma ko. “Sir, thank you po!” Niyakap ko siya.
Ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin bilang guro at bilang ama na rin.
“Binabati kita sa iyong pagtatapos,” maluha-luha niyang sabi
sa akin. “Simula pa lamang ito ng iyong bagong pagsisimula at paglalakbay tungo
sa tagumpay. Goodluck. Tapusin mo ang pag-aaral mo at gawin mong proud ang mga
magulang mo sa 'yo.”
“Opo,” halos pabulong kong sagot. Nais ko kasing itanong sa
kanya ang dahilan ng pagtangis niya.
Tinapik niya ako sa balikat.
“Sir, bakit po kayo iyak nang iyak?”
Kumislap ang mga mata ni Sir, bago niya nailabas ang mga
salitang nasa dulo ng kanyang dila. “Kung naging mabuting ama lang sana ako,
sana naranasan ko rin ang kaligayahang nararamdaman ngayon ng mga magulang
ninyo.”
Hindi ko kaagad naunawaan si Sir. “Po?”
“Kaedad ninyo ang anak kong babae. Limang taon siya nang huli
kaming nagkita. Mahal na mahal ko siya. Hindi ko hinangad na abandunahin siya…
Sige na, Thadeus. Goodluck and congratulations!”
Muli kong niyakap si Sir. Mas ramdam ko ang kanyang pagiging
mabuting ama. Nauunawaan ko na siya kung bakit halos ituring niya kaming mga
anak niya. Hindi ko man alam kung bakit sila nagkawalay, batid ko naman kung
gaano kataba ang puso niya. Hinding-hindi ko siya makakalimutan.
Matagal akong nakayakap kay Sir. Puspos na rin ng luha ang
aking mga mata. “Sir, ano po ang pangalan ng anak niyo?”
“Bridget.”
“Bridget?” untag ko.
Tumango lang si Sir. Naglapitan naman ang iba kong kaklase
upang pasalamatan at yakapin siya. Ako naman ay tahimik na nangakong magiging
konektado pa rin kay Sir kahit ako ay high school o college na. Gusto kong
masuklian ang dalawang taong paghihirap at pagtitiyaga niya sa akin para matuto
ako sa mga aralin, ng kabutihang asal at pagiging praktikal.
Sa oras na iyon,alam kong totoong luha ang tumulo sa kanyang
mga mata. Hindi ko siya bibiguin. Ayaw kong umiyak uli siya kapag nalaman
niyang hindi ako nagtagumpay sa buhay.
Lumipas ang mga araw, buwan, at taon. Hindi ko natupad ang
pangako ko kay Sir na dadalawin ko siya sa school. Palibhasa, lumipat sa ibang
lugar ang pamilya ko, nahirapan akong mabisita siya. Gayunpaman, nakakausap ko
siya sa Facebook. Madalas ko ring nasusundan ang mga activities niya sa school.
Isang araw, tinawagan ko siya. “Sir, good evening. Kumusta
po kayo?” Hinintay ko lang ang kanyang sagot. Aniya, mabuti naman siya.
“Ga-graduate na po ako ngayon.”
“Congratulations, ‘nak! Isa ka na ring guro.” Gumaralgal ang
boses ni Sir.
“Opo, Sir. Salamat po sa inyo. Kayo ang inspirasyon ko.
Dahil po sa inyo, natuto po akong magpahalaga sa edukasyon. Natutuhan ko ring
maging praktikal. At higit po sa lahat, marunong na po akong maglaba.” Pinilit
kong tumawa, ngunit hindi ko narinig ang tawang inaasam ko mula sa aking idolo.
“Sir, hello po? Umiiyak po ba kayo ngayon?”
“Hel… lo, Thadeus? Masaya lang ako sa naabot mo…”
“Really, Sir?”
“Yes! Hindi ka lang pogi, masigasig pa. Bright future is
ahead of you… Your parents, I’m sure, will be very proud of you… Napakapalad
nila.” Tuluyang nabasag ang boses ni Sir. Umiiyak siya. Ramdam ko ang pait sa
kanyang damdamin.
“Naaalala niyo na naman po ba si Bridget?”
“Magtatapos na rin sana siya ngayon… Pero, imposible nang
magkita kami. Matanda na ako. Soon, bibigay na ang katawan ko. Hindi ko man
lamang masasabi sa kanya na mahal na mahal ko siya, na hindi ko tinalikuran ang
aking pagiging ama sa kanya, at inilayo siya ng kanyang ina sa akin, pagkatapos
niyang malaman na may babaeng nagkakagusto sa akin…”
Gusto kong biruin si Sir na ang pogi niya kasi, kaya
maraming babae ang nagkagusto sa kanya, kaya lang wala ako sa lugar at timing.
“Wala na, Thadeus. Wala na,” patuloy ni Sir. “Sayang lahat
ang mga naipundar ko, na dapat siya ang magtatamasa…”
“Sir?” Nawala na ang signal, kaya naputol na ang aming
usapan. Isa pa, magsisimula na ang processional ng graduation.
Habang tinatanggap ko ang aking diploma, isang plano ang
nabuo sa aking isip. Determinado akong gawin iyon para lubusan kong mapaligaya
ang aking paborito at poging guro.
Dahil isinasabuhay ko lahat ng mga payo sa akin o sa amin ni
Sir, naging maayos ang karera ko. Tatlong taon pa lamang ako sa serbisyo,
na-promote na ako. Naalala ko nga ang mga sinabi niya.
“Ang trabaho, gaano man kadali o kahirap, kailangan mong
mahalin dahil ito ang magbibigay sa iyo ng magandang kinabukasan,” minsang sabi
niya sa akin. Tama naman siya.
“Ang kapogian ay kumukupas, pero ang pagmamahal mo sa isang
tao ay dapat panghabambuhay. Hindi rin dapat ito ginagawang bisyo. Huwag mo na
akong gagayahin. Minsan na akong nagkamali at hanggang ngayon ay pinagdurusahan
ko ito.” Hinding-hindi ko iyon makakalimutan, kaya hinding-hindi ko rin siya
binigo. Natagpuan ko nga ang babaeng unang nagpatibok sa puso ko at ang huling
babaeng pag-aalayan ko ng aking pag-ibig.
Dahil napakalaking papel ang ginampanan ni Sir sa buhay ko,
nais kong ipakilala sa kanya ang babaeng pakakasalan ko.
Maaga pa lang ay nagtungo na ako at ang aking kasintahan sa
dati kong paaralan. Itinaon ko iyon sa araw ng kanyang pagreretiro.
Sa paaralan, isang simpleng salusalo ang ibinigay ng mga
guro at pamunuuan para kay Sir. Naabutan naming nagsasalita siya sa entablado.
“Sa inyong lahat, mga bata pang guro at sa mga nakasama ko
nang matagal sa paaralang ito, maraming-maraming salamat…” Nahinto ang kanyang
pagsasalita nang makita niya akong kumaway. Kumaway muna siya. “Salamat dahil
natagpuan ko ang isang tahanan sa inyo. Wala man akong sariling pamilya,
nariyan naman kayo upang punuan ang aking kalungkutan. Salamat, salamat!”
Agad na nagpasalamat ang emcee kay Sir at nagwika, “Sir
Timoteo Landeres, narito po ang inyong dating estudyante upang magbigay ng
mensahe. Please, welcome… Thadeus Moreno!”
Niyakap ko si Sir, bago ako nagsimulang magsalita at
magpasalamat sa pamunuan ng paaralan na tumanggap sa amin.
“Sir, walang tumpak na salita para ilarawan ang halaga mo sa
akin bilang guro.” Nagsimula nang lumabo ang aking mga mata dahil sa mga luhang
nais nang pumatak. “Idolo po kita. Isa kang ulirang guro. Matalik na kaibigan.
At isang mabuting ama…” Niyaya ko ang aking kasintahan upang samahan ako. Wala
siyang ideya na ipahaharap ko siya sa aking paboritong guro. “Lagi kong
sinasabi sa inyo na pogi ako at mana ako sa ’yo. Tinupad ko po ang pangako ko sa
inyo na magmahal ako nang totoo at lubusan… Ikakasal na po kami… Salamat po
dahil tinuruan niyo akong irespeto ang mga kakabaihan. Siya po ang una at
huling babaeng mamahalin ko… Si Bridget po. Si Bridget Landeres. Ang inyong
anak…”
Nagulat ang lahat sa kanilang narinig. Niyakap ko si Bridget,
habang humahagulhol. Hindi ko na rin nakita ang mga mata ni Sir, ngunit alam
kong nalunod siya sa kaligayahan.
Hindi na ako nakapagsalita dahil inilapit ko na si Bridget
sa kanyang ama, kay Sir.
“Patawarin mo ako, Bridget… anak.”
Isang mahigpit na yakap ang iginanti ni Bridget sa ama.
“Inilayo ka ni Carlota sa akin, pero hinanap kita, anak.
Hinanap kita…”
Hindi na nakapagsalita si Bridget. Sapat na ang higpit ng
yakap niya sa kanyang ama upang ipabatid dito na napatawad na niya ito.
“Halika nga rito, Thadeus!” pabirong singhal sa akin ni Sir.
“Sorry po, mana lang po sa inyo,” sabi ko.
“Naku, Thadeus Moreno, ipapakulong kita kapag pinaiyak mo
itong anak ko.”
“Hindi po, Sir… Papa po pala. Pogi lang po ako, pero hindi
po ako babaero,” biro ko, pero seryoso ako.
Nagtawanan kaming tatlo. At, mayamaya, isang malakas na
palakpakan ang narinig ko mula sa mga gurong luhaan nang magyakap-yakap kaming
tatlo.
No comments:
Post a Comment