Sa apat na sulok ng silid na ito,
nariyan kayo...
kayong Grade 6 -Topaz--
Talented,
Obedient,
Pleasing,
Active,
at Zealous.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
apatnapu't apat ang narito--
ako,
ang dalawampu't tatlong mga lalaki,
at ang dalawampung mga babae.
Ang ugali at asal ay magkakaiba,
ang talino at husay ay hindi nalalayo sa isa't isa,
ngunit iisa ang hangarin at adhika---
ang matuto,
maging edukado,
maging mabuting tao,
makapagtapos nang may karangalan,
at magkaroon ng maraming kasanayan.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
ilang guro ang nagturo--
iba't ibang estilo,
iba't ibang asignatura,
subalit iisa ang hangarin at adhika---
ang magturo,
ang maghulma ng asal, talento, at kakayahan,
ang magbigay ng kaalaman,
at magparanas ng bagong karanasan,
na magagamit sa buhay at sa susunod na lebel ng pag-aaral.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
may isang gurong tagapayo,
na sa bawat tibok ng puso,
ang iniisip ay ang pagkatuto ng mga batang nakaupo rito,
at sa bawat pagbangon nang maaga,
ang inyong kinabukasan ang inaalala.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
ang bawat isa ay natuto--
natuto sa mga aralin at praktikal na gawain,
natutong gumalang,
natutong sumulat.
Nagkaroon ng kaalamang sapat,
kaya naging mga manunulat.
May mga mangilan-ngilang pasaway,
ngunit nakukuha sa tingin at pangaral.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
ngayong Twenty Seventeen, Twenty Eighteen,
ang lahat ay naging bigatin--
bigatin sa talent,
bigatin sa knowlegde,
bigatin sa performances.
Lahat na yata ng skills inyo nang nagawa.
Lahat na yata ng roles ay na-portray na,
gaya ng doktor, nurse, at driver.
Maging pulis, yaya, at engineer.
Lahat na, kahit magsasaka.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
lahat ay natuwa,
lahat ay natawa.
Madalas may humalakhak
May napapaiyak.
May humugot pa nga.
Nag-rap at nag-fliptop,
nagsabayang-bigkas, nagpatalastas,
nagdula-dulaan, nagbalitaan,
sumayaw, umawit, tumula
nagdebate, nag-broadcasting,
gumawa ng liham, poster, at kung ano-ano pa.
Ang galing!
Ang galing talaga!
Sa apat na sulok ng silid na ito,
hindi lang learning ang narito.
Nariyan ang iyakan dahil sa asaran, kantiyawan, at biruan,
dahil rin sa nakakaalarmang Dengvaxia,
lalo na sa mga naturukang biktima,
ngunit dahil mahal ng Diyos ang bawat isa,
patuloy ang pagtanggap ng biyaya.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
mga pagkakaibigan ay nabuo.
Ang iba ay mas tumibay.
Halos ayaw nang maghiwa-hiwalay.
Kahit nagbabangayan at nag-aaway-away,
turingan pa rin ay kaibigang tunay.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
panandalian mang magpapaalam tayo,
subalit hinding-hindi ako makakalimot,
tumanda man ako't kumulubot.
Hangga't hindi pa ako ulyanin,
mga magagandang alaala'y aalalahanin.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
dito tumatag ang bawat pangarap ninyo.
Sana... sana dito rin ninyo hugutin ang inspirasyon--
ang inspirasyong tangi ko lang maiaalay sa inyo.
Sana ang apat na sulok ng silid na ito
ay maging bahagi ng inyong bagong mundo.
Alam ninyong hindi grado, medalya o sertipiko
ang sukatan ng talino,
kundi kung paano ninyo gagamitin ang kaalaman
sa totoong hamon ng buhay.
Kaya, alam ko...
Alam kong alam ninyo...
na handang-handa na kayo
sa landas patungo sa tagumpay,
na inaasam ninyo.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
dito ninyo buuin ang mga pangarap ninyo.
Hangga't ang apat na sulok ng silid na ito ay nananatiling nakatayo,
hanggang may katulad kong guro,
na gumagabay sa mga kabataang katulad ninyo,
ang edukasyon ay makakasama ninyo,
saan man kayo patungo,
anuman ang daang tatahakin ninyo.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
dito, oo, dito nagsimula...
Dito rin magtatapos
ang halos dalawang raang masasayang araw na pasukan,
ang limampung linggong pagkatuto na may kulitan,
ang sampung buwang pagpupunyagi natin, pati ng mga magulang,
ang isang school year na pagsusumikap at talakayan.
Salamat sa Gotamco Elementary School!
Salamat sa Topaz!
Sa apat na sulok ng silid na ito,
may pasasalamatan pa ako.
Salamat sa daan-daang kaalaman!
Salamat sa libo-libong kasiyahan!
Salamat sa milyong-milyong karanasan!
Salamat sa 'yo, sa kanya, sa inyong lahat
dahil sa apat na sulok ng silid na ito,
bahagi ng buhay ko ay nabuo.
Pangako... pangako ko...
balik-balikan ko ito.
Babalik-balikan ko ang apat na sulok ng silid na ito,
na kasama mo, kasama ka, kasama ninyo,
kasama ng mga alaala ninyo,
kasama ng mga aral, ngiti, at saya
na ating binuo nang magkakasama.
Sa apat na sulok ng silid na ito,
nasabi ko, naisumpa ko---
na hindi ko kailanman kayo magugustuhan
dahil sa ingay at daldal ninyo,
dahil sa kawalang-disiplina ninyo,
ngunit saksi ang apat na sulok ng silid na ito
kung paano ito nagbago,
kung paanong kinain at nilunok ko ang mga sinabi ko...
Oo, noon ay naiinis ako kung bakit ako,
kung bakit ako pa ang adviser ninyo.
Oo, mas gusto koang lower section
dahil less ang expectation.
Sa tingin ko sila ay mas disiplinado.
Hindi man sila kasingtatalino ninyo,
pero mas ramdam ko ang kanilang respeto.
Patawad, pero iyan ang totoo.
Subalit, sa apat na sulok ng silid na ito,
aking napagtanto...
Oo, nagkamali ako.
Hindi pala ganoon.
Hindi pala ako dapat naging gayon.
Oo, aaminin ko...
sa oras na ito...
may kurot na kayo sa puso ko.
Mga anak na ang turing ko sa inyo.
Oo, aaminin ko...
matagal na nang maramdaman ko ito.
Salamat sa apat na sulok ng silid na ito
dahil masasabi ko na... sa wakas,
ang mga salitang matagal nang nais lumabas...
Isa...
dalawa...
tatlo...
apat..
Sa apat na sulok ng silid na ito,
mariin kong sasambitin,
"Mahal ko kayo!
Congratulations, mula sa puso ko!
Proud na proud ako sa inyo!"
No comments:
Post a Comment