Followers

Wednesday, May 2, 2018

Ang Aking Journal -- Mayo 2018

Mayo 1, 2018 Kahit paano, nakatulog kami nang mahaba-haba. Kung hindi ng lang nagwala ang puppy, hindi pa ako babangon. Naabutan ko nga si Epr, na naglilinis ng tae ni Kayla. Nagkalat ang makulit na tuta. Agad din naman akong nagluto ng sauteed brocolli in oyster sauce at fried eggs para sa almusl namin. Nakabawi na ako ng gutom. Nalipasan kasi kami ng gutom kagabi. Nang dumating kami, hindi na kami nakakain dahil sa pagod. Tuloy naman ang trabaho ng mga karpintero. Nagpabili uli ng mga materyales. Worth P8k na naman ang gastos ko. Okay lang. Worth it naman! Nagpaalam ai Epr na uuwi na. Bandang alas-5 na iyon. Galing ako sa pag-idlip. Pinayagan ko naman at binigyan ng P2k para sa magiging baby nila. Mabuti na lang, nakapagmeryenda na kami. Busog silang bibiyahe pabalik sa Pasay. Mayo 2, 2018 Naistorbo ng tulog ko sa pagwawala ni Kayla. Pinalo ko nang pinalo ko ng tsinelas ang bunganga niya para matakot at tumigil. Hindi naman ganoon kalakas, kaya ilang ulit akong bumaba. Nang tumigil na siya, nawala naman na ang antok ko. Gayunpaman, active pa rin ako maghapon. Umaga, bumili ako ng tiles. Tanghali, nagluto. Hapon, pumunta sa Pasay para mag-withdraw ng pambayad sa karpintero. At, gabi, nagluto uli. Sobrang init lang talaga ngayong araw, kaya nakakapagod. Mayo 3, 2018 Maaga pa, na-bad trip na ako sa asawa ko. Late na ngang nagising at nag-almusal na lang paggising, hinayaan pa akong mag-isang maglinis. Nag-Facebook lang habang ako ay nagkandaugaga. Nang inutisan kong dakutin ang tae ng aso namin sa kabilang lote para hindi kami paringgan ng mga tsismosa at tsismosong kapitbahay, hindi niya ako sinunod. Kaya, pinagsalitaan ko siya. Nalaman niyang ayaw ko nang pinaghihintay at binabalewala. Kaya nang magtanghalian at maghapunan, hindi ko siya pinakilos. Ako ang nagluto. Ako ang naghugas. Ako na lahat ng gumawa para sa mga pets namin. Haist! Ang suwerte ko yata sa asawa! Kahit hindi na niya isiping ako na ang gumasta para sa bahay. Isipin na lang sana niya ng ikabubuti naming tatlo. Mayo 4, 2018 Maaga akong nagising dahil na naman kay Kayla. Panay ang atungal. Nagugutom na kasi. Bumangon ako para pakainin siya. Nagluto na rin ako ng almusal. Nakapagbasa ako ng libro ngayong araw. Wala naman kasi akong gagawin, maliban sa pag-antabay sa mga tanong at kailangan ng mga trabahador. Siyempre, dagdag trabaho rin sa akin ang mga aso. Pinaliguan ko. Hindi mawawala ang pagdakot ng popo at pagpunas ng ihi. Masaya naman akong gawin iyon. Naiinis lang ako kapag maingay ang tuta. Hapon, umidlip ako. Mabilis lang dahil maingay. Mayo 5, 2018 Tulad kahapon, maaga akong ginising ng iyak ni Kayla. Si Angelo, tahimik lang. Agad akong bumangon para ipaghanda sila ng dog food. Binabad ko muna sa tubig para lumambot, habang nagpapakulo ako ng tubig na pangkape. Nang mapakain ko at nang makapagkape ako, bumalik ako sa higaan. Hindi naman ako nakatulog kaya nag-FB na lang ako. Si Emily na ang nagluto ng almusal. Pagkakain ko, bumalik ako sa kuwarto. Doon ko na natuklasan na used up na ang data nmin. Sumulwak ang dugo ko. Gusto kong sisihin ng mag-ina dahil sa madalas nilang kakapanuod sa youtube. Grabe! Fifty GB, naubos agad. Wala pang isang buwan. Kakabit lang noong April 11. Nanahimik ako maghapon sa kuwarto ko. Hindi nga ako ang naghanda ng lunch. Iba pala ang pakiramdam ng biglang nauubusan o nawawalan ng internet. Gayunpaman, nakapagdilidili ako. Naisip kong may kasalanan din ako. Malakas din akong gumamit ng internet. Isa pa, bakasyon ngayon. Tatlo pa kming gumagamit. Natural lang na hindi umabot ng isang buwan. Lesson learned. May maganda ring naidulot ang pangyayaring ito dahil nakapagbasa ako ng libro at nakapagsulat ng dalawang kuwentong pambata. Next time, kapas nag-resume ang internet, sisikapin kong sumakto ang 50 GB sa aming tatlo sa loob ng isang buwan. Mayo 6, 2018 Day-off ng mga karpintero, kaya pahinga rin kami sa pagliligpit. Purely sa pag-aalaga ako ng mga aso. Umaga, nakapagsulat pa ako ng isang kuwentong pambata dahil may bumisitang kapitbahay kay Emily. Hapon, nanuod lang ako ng TV kasi nag-load ako ng internet pero mahina at saka tinitipid ko. Okay lang naman. Mayo 7, 2018 Nag-resume uli ang trabaho ni Kuya Boy at ang pamangkin niya. Busy na rin ako sa pagsasaayos ng kabahayan. Si Emily na nga ang inutusan kong mamili ng mga materyales at pagkain namin. Gusto ko nang matapos ng paggawa nila. Miss ko na ang privacy habang bakasyon. Gusto ko na kasing magluto sa bago naming kusina, maibalik ang dating garden, at makapagsulat, makapagbasa, at makapag-encode ng mga akda. Na-miss ko rin ang internet. Hindi ko tuloy mai-post ang mga naisulat kong kuwento. Sa May 11 pa ito magre-resume. Ang tagal pa. Mayo 8, 2018 Gaya kahapon, pareho labg ang mga pangyayari. Naiinip na rin akong matapos nila ang paggawa sa kusina. Gusto ko nang maglinis at magligpit. Although, marami pa ang ipapagawa, pagkatapos, mas okay na rin naman kumpara sa dati. Mas malaki na ang makikilusan namin. Habang nagpapaligo ako ng mga tuta, bumili naman si Emily ng plywood para sa kitchen shelf and cabinet. Naiipunan na ako ng gastos. Gayunpaman, inspired akong gumasta kasi nakikita ko naman ang outcome. Mayo 9, 2018 Naalarma na naman kami kay Angelo. Ang tamlay niya at ayaw kumain. Naisip ko, baka nagtatampo dahil itinali namin siya, gaya ni Kayla. Mabuti na lang, nagawan ko ng paraan. Inilabas ko siya. Pinainitan. In short, napagod. Nang napagod, lumakas-lakas nang kaunti. Ayun, kumain na rin. Na-hooked na ako sa mga aso. Nakakapagod na nakatutuwa silang alagaan. Natapos na ang paglagay ng tiles ngayong araw. Ang sarap nang mangusina. Kaya lang, kailangan pa niyang lagyan ng shelf at cabinet. Sana isang araw na lang niyang magawa. Mayo 10, 2018 Naging hari ng dedma ako ngayong araw. Ito ay nang nagparinig ang kapitbahay kong bakla (yata) o nababakla. Itinuloy ko lang ang ginagawa ko sa garden. Nagtataka pang ako kung bakit ganoon siya. Hindi ko siya pinapansin, papansin naman nang papansin. Ayaw ko lang siyang patulan dahil ayaw kong bumaba ang pagkatao ko. 'Dedma' is the best revenge. Kahit ang karpintero namin, nababaklaan na sa kanya. Anito, kalalaking tao daldalero, ususero. tama siya. Palibhasa, walang trabaho. Haist! Malas ako sa kapitbahay. Gayunpaman, masayang-masaya kaming tatlo dahil tapos na ang trabaho ni Kiya Boy sa kusina. Nakapaglinis na kami. Lumawak ang sala namin. Nalungkot lang ako kasi maghapong hindi kumain si Angelo. Maghapon siyang nakahiga. Kaya naman, tinanggalan ko na lang siya ng tali. Baka iyon ang dahilan. Gabi n aiya tumikim ng pagkain. Buto ng chicken nga lang ang gusto niya. Pero, okay na hindi kaysa walang laman ang tiyan niya. Si Kayla naman. Panay ang iyak. Panay rin ang pakain ko. Naiinis lang ako kasi ayaw na ring kumain ng dog food. Mayo 11, 2018 Napuyat ako kagabi dahil sa baba ako natulog para bantayan si Angelo. May sakit kasi. Sumusuka siya at ayaw niyang kumain. Malamok pa sa baba at maingay sa kabilang bahay. May kainuman si Bukbok. Gayunpaman, naging chill ako maghapon. Umasa akong magiging okay na si Angelo. Pero, hindi pa rin siya kumakain. Nakailang suka na siya ng madilaw na likido. Ang hula ko, marami siyang plema. Naipunan siya noong sa labas pa siya natutulog dati. Awang-awa ako. Sobrang payat na niya. Kanina, umalis si Emily para mag-inquire ng screen door. Pagbalik niya, kasama na niya ang may-ari. Naka-van pa sila. sinukatan na kami. Nabayad na rin kami ng P3500. Sana hindi kmi lokohin. Hindi kasi nag-issue ng resibo kasi naiwan daw. Mayo 12, 2018 Maaga akong bumangon para pakainin ang mga tuta. Nalungkot ako nang sobra dahil ayaw pa ring kumain ni Angelo. Si Kayla naman, pihikan na sa pagkain. Hindi ko na alam kung ano ang gustong kainin. Mabuti na lang, kahit paano ay umiinom ng tubig si Angelo. Alam kong maibabalik ko ang dati niyang sigla. Past eight, bumiyahe ako papunta sa school. Balak kong magligpit doon para sa nalalapit na eleksiyon. Pagdating ko roon, halos malinis na. Kaunting ligpit na lang ang ginawa ko. Hindi na ako inabutan ng isang oras doon. Kaya, nakauwi ako before lunch. After lunch, nag-email ako ng story concept sa Summit Books. Sana mapili nila. Gabi, sobrang tuwa ko nang kumain na si Angelo. Gusto pala niya ang isda. Mabuti, bumili si Emily ng inihaw na tilapia. Mayo 13, 2018 Natuwa ako nang mapansin kong patuloy na ang panunumbalik ng gana ni Angelo. Although, ayaw niyang kumain ng dog food, okay na rin kaysa wala talagang laman ang tiyan niya. Naiinis lang ako sa pangangamot niya. Ang baho tuloy niya dahil sa mga sugat. Haist! Ang hirap niyang alagaan. Mas maselan pa kaysa kay Kayla, na siya pang may lahi. Mothers's Day ngayon. Wala kaming celebration. Nag-bonding lang kami maghapon sa panunuod ng tv Mayo 14, 2018 Naistorbo ang tulog ko dahil sa pag-iinuman ni Bukbok at mga ka-team niya. Ang iingay nila kahit alas-dos na ng madaling araw. Nakakainis! Ang sarap ireklamo. Hindi yata nila alam na may liquor ban. At kahit wala, sana may respeto sila sa kapwa. Gayunpaman, maaga pa rin akong bumangon. Maaga rin kasing humingi ng pagkain ang mga aso. Nilutuan ko pa sila bago napakain. Eleksiyon ngayon. Hindi na ako pumunta sa Antipolo para bumoto. Sayang lang ang pamasahe. Hindi ko na nga rin pinayagan si Emily na bumoto sa Caloocan. Pinag-grocery ko na lang siya. Tuluyan nang bumalik ang gana ni Angelo. Masigla na siya. Mayo 15, 2018 Nagsisi ako kung bakit niyaya ko pang matulog ang mag-ina ko sa sala. Pineste kami ng lamok kahit may electric fan. Napuyat tuloy ako. At naging mainitin ang ulo ko maghapon. Dahil dito, naging tahimik ako maghapon, lalo pa't hindi pa rin dumarating ang mag-i-install ng screen door. Nagkaroon nga kami ng misunderstanding ni Wifey. Feeling ko kasi naloko kami. Porke't full paid na, hindi pa ikinabit. Kaya ko ang maghintay hanggang bukas. Mayo 16, 2018 Hindi ako bumangon agad. Nagtatampo pa rin kasi ako kay Emily. Gusto kong gumawa siya ng paraan para ma-install na ang screen door. Past 8:45 am na ako lumabas sa kuwarto. Inasikaso ko kaagad ang mga alaga naming aso. Maghapon ko silang kinalinga. Nakapag-edit na rin ako ng entries ko sa Palanca. Nasimulan ko na rin ang powerpoint presentation sa talk ko sa Inset. Ang napili kong topic ay "The Power of Positive Relationships." Nabigo talaga ko kay Emily. Hindi talaga niya pinuntahan ang pinagawaan niya ng screen door. Wala siyang kusa. Parang hindi siya nanghihinayang sa pera ko. Three-five din iyon. Hindi puwedeng masayang lang. Isa pa, dadami ang mga taong manloloko at mapanglamang sa mundo. Mayo 17, 2018 Natuwa na aana ako kasi pinuntahan ng asawa ko ang pagawaan ng screen door. Kaya lang, nang bumalik siya, ang sabi, marami pa raw ginagawa ang mga magkakabit. Ang sarap magmura! Hindi na lang ako kumibo. baka kung ano pa ang masabi ko. Gusto ko sanang sabihin sa asawa ko na dapat ay humingu na siya ng resibo. Makapal ang mukha ng may-ari dahil binayaran na namin. Wala nga naman kaming habol. Maghapon akong tahimik na naghintay. hindi ko pa rin kinikibo ang misis ko. Wala. Walang dumating. Isang araw na lang. Susugurin ko na sila. Hindi bale na ang pera, mamura ko lang sila. Mayo 18, 2018 Masama ang lagay ng leeg ko. Ang sakit! Kulang sa warm-up nang nag-exercise ako. Nakalimutan kong uminat-inat. Hindi ko tuloy natapos ang workout ko sa phone apps. Naging tahimik uli ako dahil na rin sa stiffed neck ko. Pero, kinausp ko si Emily about sa screen door. Aniya, wala raw magkakabit. Naghintay ako. Mabuti na lang, dumating ang magkakabit bandang alas-dos. Natuwa ako. Totoo nga talagang busy lang sila. At least, hindi kami niloko. Nagkasala lang ako dahil nagduda ko. Mayo 19, 2018 Past 8, umalis ako. Nagpadala ako ng P1500 kay Sir Bayani para sa printing ng Twenty Seventeen Twenty Eighteen. Sampung kopya lang naman iyon. Nagpagupit na rin ako. Bilang paghahanda ito sa nalalapit na balik-eskuwela. Hindi pa rin ako makagalaw masyado dahil sa stiffed neck. Pero, naalagaan ko pa rin ang mga tuta. Hapon, nakapagdilig at nakapag-gardening pa. Mayo 20, 2018 Naiinip na ako sa bahay. Mabuti na lang um-okay na ng leeg ko. Hindi na masyadong masakit, kaya nakagawa na ako ng mga gawaing-bahay habang nasa grocery ang mag-ina ko at saka pagdating nila. Bukas, start na ng Inset. Simula na rin ng biyahe ko nang maaga. Tapos na nga ang bakasyon. Parang kailan lang. Kailangan ko ring mabisita si Mama at mabigyan ng pera, gayundin sina Hanna at Zildjian para sa kanilang school supplies. Mayo 21, 2018 Before 5, gising na ako. Hindi na naman ako nakatulog nang husto kagabi dahil sa sobrang init. Hindi naman ako excited sa Inset kaya alam kong naalinsanganan lang talaga ako. Maaga rin akong dumating sa school, although may nga nauna sa akin. Nakabisita pa ako sa classroom ko, na ginami sa Brgy. at SK Election, at binalahura ng mga gumamit. Nawala ang table kong may salamin. Ang hula ko, nabasag na kasi may nakita akong basag na salamin sa labas. Ang kaso, wala ang table ko, na may laman pang mahahalagang gamit. Nakakainis! Okay naman ang unang araw ng Inset. Magkakatabi kaming magkaka-Tupa. Wala nga lang si Ms. Kris. Nagbigay si Sir Joel K ng interest sa utang niya sa akin. Paid na ang two months niya. Pero, si Mam Gigi, ni hi, ni hoy, wala. Tatlong buwan na siyang hindi nagbibigay. Nakakadala talaga magpautang. Ako pa ang nahihiyang maningil. Past five na kami nakalabas sa school. Pero dahil wlang mini-bus sa Baclaran, matagal akong nahintay. Past 8 na nang dumating. Very late na tuloy ang dinner ko. Gayunpaman, happy pa rin ako. Nakapaghanda pa nga ako ng activity sheet para sa talk ko bukas sa Inset. Mayo 22, 2018 Naging successful ang talk ko. Nag-participate ang lahat. All ears sa sila. Nakatutuwa! Nasasanay na akong humarap, mag-educate, at mag-entertain ng mga professionals. I hope,mas marami pa akong engagements like this. After ng Inset, nag-bonding kming 10000 group sa Max's sa HP. Antagal namin doon kaya marami kaming kuwentuhan at tawanan. Nakakawala ng stress. Nakauwi ako ng bandang alas-9. Sobrang traffic kasi sa Cavitex. Mayo 23, 2018 Maaga akong nakarating sa school kanina. Nakasakay kasi ako kaagad. Naging maayos na rin ang tulog ko kahit paano. Ito ang ikatlong araw ng Inset. Unang talk pa lang, live na alive na ako. In fact, tatlong beses akong nagbigay ng insights. Ang isa roon ang may naging malaking impact sa kanila. Nalungkot lang akong bigla nang malaman kong hindi pumasa si Emily sa LET. Gayunpaman, hindi ko pinaramdam sa kaniya na isang pagkatalo iyon. I gave her good words instead. Gusto ko pa rin siyang suportahan. Hapon, naging makabuluhan ang bawat minuto dahil sa mga kuwentuhan at tawanan. At ang pinakamagandang nangyari ay nang lumapit sa akin ang ilang co-teachers ko at nagpahayag ng kanilang kagustuhang matutong magsulat. Kaya naman, agad ko silang in-orient. In-inspire ko sila sa pamamagitan ng nagpapakita ng resibo ng natanggap kong working money at ang hard copy ng books. Enjoy na enjoy akong gawin iyon. Ngayon pang kasi nila na-realize na totoong may future sa writing. I hope mas dumami pa ang ma-inspire ko. Maaga-aga akong nakauwi sa bahay ngayon. Niyakap ko si Inday at sinabihang "It's okay!" Nagulat siya. Tuwang-tuwa naman si Zillion dahil sa pasalubong kong ice cream. Mayo 24, 2018 Dahil maaga akong nakarating sa school, nakausap ko uli si Ma'am Irika tungkol sa pagsusulat ng kuwentong pambata. Natutuwa ako dahil sa kanyang ipinakitang interest. Kaya, I made sure na mas marami pa siyang natutuhan sa akin kanina. Nag-take notes pa nga siya. Nang dumating naman si Sir Joel, siya naman ang in-inspire ko. Hibdi ako nabigo sa kanya. Sobra siyang na-inspired. Naging maayos pa rin ang ikaapat na araw ng Inset kanina. Marami akong natutuhan. May naibigay din akong suggestion tungkol sa feeding program. Hapon, nakaramdam ako ng sobrang antok. Nawala lang iyon dahil nakipag-usap ako sa two-year na anak ni Mareng Lorie. Tuwang-tuwa ako sa kanyang kabibuhan. Past seven ako nakarating sa bahay. Pagod, pero masaya dahil natuwa si Zillion sa mga pasalubong ko. May LET reviewer din para kay Emily. Nahiram ko iyon kay Ma'am Nicka. Mayo 25, 2018 Masaya ang umaga ko kanina kasi nakabiruan ko sina Ma'am Vi, Ma'am Nicka, at Ma'am Joann. Kaya naman, masaya rin akong nag-emcee sa culminating program ng Inset. Sayang hindi natuloy ang despidida kay Ma'am Dang. Hindi siya pumasok, e. Past 3, nagkayayaan kami nina Sir Erwin at Ma'am Edith na pumunta sa Harrison Plaza. Tamang-tama kasi bibili ako ng payong para sa akin, kay Emily, at Hanna. Bibili rin sana ako ng Bob Ong book na 56 at Segundo Matias' Moymoy Lulumboy, kaya lang, wala raw. Past 7 ako nakauwi sa bahay. Masaya ang mag-ina ko sa mga dala at pasalubong ko. Mayo 26, 2018 Nagmadali akong makarating sa Antipolo. Past nine o' clock, naroon na ako. Expected na nina Mama at Shimi ang dating ko, kaya medyo nagulat na lang sila. Wala roon sina Hanna at Zildjian. Okay lang. Ang mahalaga, naidala ko ang mga school supplies nila at nakapag-iwan ako ng pera. Bale P7500 ang nawala sa aking pitaka. Okay lang din. Masaya naman ako. Napasaya ko nga rin si Shimi nang abutan ko siya ng limandaan. Wala pang kinse minutos, umalis na rin ako agad. Gustuhin ko man, hindi puwede dahil kailangang kong makabalik para si Emily naman ang makaalis. May ipapadala siya sa Aklan. Pupunta roon sina Kuya Emer at Lorie. Past one, nasa bahay na ako. Sobrang init ng pagbiyahe ko, kaya nang makaalis na si Emily, saka ko naramdaman ang epekto niyon. Sobrang sakit ng ulo ko. Parang binabarena. Ang tagal mawala. Mabuti nga't kahit paano ay nakaidlip ako. Gabi na nang mabawas-bawasan nang kaunti. Nakatulong yata ang pag-inom ko ng kape. Mayo 27, 2018 Bumangon ako nang masaya para maghanda ng almusal. Kaya lang, nainis ako nang matatapos na akong kumain dahil may kapitbahay na gustong magsanla ng ATM at post-dated check. Allergic na ko sa mangungutang kaya hindi ko pinagbigyan. Bahala na siya magalit. Hindi naman kami talaga magkakilala. Mahirap nang magtiwala sa panahon ngayon. Naglinis din ako sa banyo. Bago pa bumangon ang mag-ina, tapos ko na. At, maghapon akong nanunod ng tv. Hindi naman ako nakaidlip dahil sa ingay at init. Mayo 28, 2018 Kick-off ng Brigada Eskuwela kanina. Natuwa ako sa mga nangyari kanina. Una, paisa-isa kaming (1000 group) dumating. Naka-black shirt kami, instead na white. Ito ay hindi ayon sa kagustuhan ng principal namin. Sumisimangot siya tuwing darating ang isa sa amin na nakaitim. At tuwing magpapalit naman kami, natutuwa siya. Ikalawa, nagulantang ang lahat nang magpalit kami ng uniform na kami ang meron. Sa ginawa namin, ipinakita naming kaya naming sumuway sa kagustuhan ng boss. At, solid kami. Nakapaglinis ako ng classroom ko. Hindi nga lang ganoon karami. Nilabas ko lang ang mga upuan. Nagpa-mop ako. Then, inayos ko ang padlock. Tumambay na ako sa baba, kasama ang aking friends. Tumanggap kami ng mga parents na nagpapa-enroll ng kanilang mga anak. Past 4, nagkayayaan kaming maghalo-halo sa Chowking. Natagalan kami roon sa kakakuwentuhan. Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Antok na antok na ako. Parang sumasara na naman nga ang talukap ng kanang mata ko. Twice ko nang naranasan ang ganito. Sana wala pa akong eye problem. Mayo 29, 2018 Ako ang pangalawang dumating sa school kanina. Matagal akong naghintay sa mga kaibigan ko para makapag-almusal kami. Nakapagsimula na nga akong maglinis. Tinulangan ako ni Adrian, VI-Topaz 2017-2018, sa pagpasok ng mga upuan. Then, binigyan ko siya ng mga apel na ibebenta niya. Ibinigay ko na sa kanya ang kita. Si Lester Ware naman, pinaurang ko ng P500. Siya ang isa sa mga pinakauna kong estudyante sa GES. Naawa ako sa kanya kaya pinahiram ko siya. Isa pa, makulit. Ayaw ko lang siyang mawalan ng kita araw-araw. Sira raw kasi ang rayos ng pedicab niya. Nag-chat kami nang makauwi n siya. Pinayuhan ko siyang lumayo sa mga bisyo at mga kaibigang nagbibisyo. Sabi naman niya, may pangarap siya sa buhay at isasama niya ako sa panalangin niya. Natutuwa na naman ako sa nangyari sa group ko kanina. Naka-red shirts kami. Then, after lunch, nag-pictorial kami, gamit ang dust pan. Ginawa naming selfie stick, habang may kumukuha sa amin ng larawan. Sabay-sabay kaming umuwi, bandang alas-3. Maaga akong nakauwi. Lumalala ang kanang mata ko. Piniktyuran ko kaya nalaman kong namamaga. Kaya pala, kumikipot. Naisip kong baka nabunutan ng pilikmata, kaya namaga. Ayaw kong mabulag. Sana maging okay na. Mayo 30, 2018 Past 9 ng umaga, pumunta kami ni Ma'am Joann sa Don Carlos Village Elementary School para pirmahan ang joint ownership ng mga akda namin. Nalungkot ako kasi mali ang spelling ng pangalan ko. Kaya, nag-iwan na lang ako ng pirma sa isang blankong papel para hindi na ako pumunta. I-scan na lang nila. Ayaw ko pa naman ng ganoon baka magamit sa ibang bagay ang pirma ko. Sabagay, tiwala ako sa St. Bernadeth Publishing. Gayunpaman, natuwa ako nang malaman kong matatapos na ang initial printing sa June 15. Sana maging pera na sa August. Hindi rin kami nakaalis doon agad. Nagpatulong pa si Ma'am Nhanie sa paglilinis ng classroom niya. Then, nilibre niya kami ng lunch. Past 1:30 na kami nakabalik sa school. Sobrang antok ko pero hindi naman ako nakaidlip doon. Nang nakauwi naman ako bandang alas-4:30, hindi rin ako nakaidlip. Tapos, masakit pa ang mata ko. Nag-hot compress naman ako. Mayo 31, 2018 Maghapon akong nag-assort ng mga kaapelan ko. Andaming dapat itapon, pero nanghinayang ako. Kaya, halos kalahati pa rin ang naitabi ko. Mahahalaga pa rin sila. Ang kalahati naman ay maaari ang ibenta. Alas-singko na ako lumabas sa school. Gabi, pagkatapos mag-dinner, nauyam na naman kami sa kapitbahay naming bukbukin ang mukha. Nakakaasar talaga! Sumigaw ba naman. Ang baho raw. Paano kaya niya naamoy ang kapiranggot na tae ng tuta? Sabi ni Emily, kaninang umaga rin daw, sumigaw-sigaw rin siya ng mabaho nang kinuha ng garbage truck ang mga basura namin. Natural lang namang mabaho ang basura, lalo na't dalawang linggo na iyon. Kulang lang talaga siya sa pansin, pinag-aralan, at kabutihang-asal. Kuang rin siya sa anak. Wala siyang pinagkakaabalahan kundi ang manira ng kapwa at mood ng kapwa. Sana gawin niya pa uli bukas kay Emily para maireklamo na siya sa barangay.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...