Followers
Friday, July 27, 2018
Hindi Makabasa si Rico
Tuwing papasok si Ginang Ludovico sa Grade Six-Acapulco, magpapaalam na si Rico para magbanyo.
Agad namang magtuturo ang guro at hindi na niya mamamalayang hindi pa pala nakakabalik si Rico.
Araw-araw, ganoon ang ginagawa ni Rico. Bumabalik siya kapag alam niyang tapos nang nagturo si Ginang Ludovico.
Minsan, hindi pinayagan si Rico na magbanyo.
"May babasahin akong kuwento," paliwanag ng guro. "Makinig ka muna, Rico. Pagkatapos, saka ka pumunta sa banyo."
Nakinig nga si Rico. Maluha-luha pa nga siya pagkatapos marinig ang kuwento. At nakalimutan na niyang magpaalam sa guro.
"Ngayon, basahin nga ang mga pangngalang ginamit sa kuwento."
Isa-isa at sabay-sabay na binasa ng mga bata ang mga salitang nakasulat sa pisara.
"O, Rico, hindi ka nagbabasa. Sumunod ka sa kanila," utos ng guro.
Bumaka-buka naman ang bibig ni Rico.
Isang araw, may napagtanto ang guro nang magpaalam si Rico.
"Aba, namimihasa ka na yata, Rico! Banyo ka nang banyo. Lagi kang wala tuwing nagtuturo ako. Bakit doon ka ba natututo?" pagalit ni Ginang Ludovico.
Napayuko na lang si Rico habang kumakamot sa kaniyang ulo.
"Ma'am, hindi po talaga siya nagbabanyo, kundi nagtatago," sabad ni Pacundo, ang kaklase ni Rico.
"Nagtatago? Bakit ka nagtatago?" tanong ng guro.
Hindi na mapakali si Rico. Tiningnan niya nang masama si Pacundo.
"Hindi po kasi siya marunong magbasa," sagot ni Pacundo.
"Opo, Ma'am, natatakot po siyang malaman ninyo. Hindi po siya makabasa kahit sa Filipino," dagdag pa ni Cielo.
"Totoo?" tanong ng guro.
"Opo, Ma'am, kahit pabasahin pa ninyo," sagot ni Cielo.
Parang kinurot ang puso ni Ginang Ludovico. Naawa siya kay Rico. "O, sige, sa susunod huwag ka nang magtatago sa banyo. Narito ako para turuan ka at mapatuto. Huwag kang mahiya kung hindi ka marunong bumasa kahit sa Filipino. Kayo, mga kaklase ni Rico, itigil ninyo ang panunukso. Makakabasa si Rico. Naniniwala ako. Naniniwala rin ba kayo?"
"Opo!" sabay-sabay na sagot ng Grade VI-Acapulco.
Kinabukasan, hindi pumasok sa klase si Rico. Naisip nilang napahiya ito.
Lunes na nang pumasok si Rico. Tahamik ito, pero hindi na siya nagpapaalam para magbanyo.
Gaya ng dati, kaagad na nagturo ang gurong tagapayo ng Grade Six-Acapulco.
Nakikinig naman si Rico, kaya tuwang-tuwa si Ginang Ludovico. Naniniwala siyang matututo pa ito.
Bago natapos ang pagtuturo, naisip ni Ginang Ludovico na maglaan ng oras para maturuang magbasa si Rico.
Kinausap niya si Rico. "Ayos lang ba sa iyo?"
Tumango lang si Rico.
"Sige, kakausapin ko ang Papa o kaya Mama mo para malaman nila ang tungkol dito."
Nanginig bigla ang mga kalamnan ni Rico. Kahit nginitian siya ni Ginang Ludovico, hindi pa rin nawala ang kaba niya nang siya ay nakaupo na.
Sa araw na iyon, buong araw na hawak ni Rico ang libro niya sa Filipino. Natutuwa si Ginang Ludovico, na makita itong nagbubuklat ng aklat. Hindi man niya marinig ang mga salita sa mga labi nito, alam niyang sumusubok magbasa si Rico.
"Bukas, ha, isama mo ang magulang ko?" paalala ng guro kay Rico.
"Opo!"
Kinabukasan, agad na hinanap ni Ginang Ludovico si Rico.
"Absent ba?"
"Ma'am, nakita ko po siya kanina bago nag-flag ceremony?" sagot ni Anthony.
"Ha? Sigurado ka?"
"Opo! Sigurado po ako. Sandali lang, ha? May pupuntahan lang ako," paalam ni Ginang Ludovico.
Pero, bago pa siya nakalabas sa silid-aralan, dumating na ang ina ni Rico. "Magandang umaga po, Ma'am Ludovico!" bati nito.
"Magandang umaga rin sa iyo, Ginang Girado! Upo muna kayo." Itinuro niya sa ina ni Rico ang silya sa kanto ng kuwarto.
"Hananapin ko muna si Rico. "
"Po? Nauna pa po siyang umalis. Sabi ko nga, sabay na kami," nag-aalalang wika ng ina.
Nginitian ni Ginang Ludovico ang nanay ni Rico. "Huwag po kayong mangamba, Misis. Alam kong nasa banyo lang siya, gaya ng ginagawa niya araw-araw sa period ng Filipino."
"Sige po."
Gusto nang magalit ni Ginang Ludovico dahil sa ginawa ni Rico. Para kasi sa kaniya sayang ang bawat minuto, na ikatututo sana ng Grade Six-Acapulco. Pero, kailangan pa niyang magtago at magpasundo.
"Naku, kung puwede lang sanang mangurot, ginawa ko na sana kay Rico," naiinis na bulong ng guro, habang patungo siya sa banyo.
Maingat na sumilip si Ginang Ludovico sa pinto. Nagulat siya nang wala roon si Rico. Nainis siyang lalo. Naisip niyang baka nasa isang banyo.
Paalis na siya nang tila naulinig niya ang tinig ni Rico. Saka lang niya naalalang baka nasa loob ng cubicle.
Maingat at marahan niyang tinungo ang kinaroroonan ng tinig. Pero, bago pa siya nakalapit, nasigurado niyang ang kaniyang naririnig ay si Rico. Nagbabasa ito.
"Lumi... pad sa himpa... pawid ang... ang ibon..."
Mangiyak-ngiyak na pinakinggan ni Ginang Ludovico ang pagbabasa ni Rico. Labis ang kaniyang ligaya sa pagsusumikap nito.
Dagli siyang bumalik sa silid-aralan.
"Hindi niyo po nakita si Rico?" tanong ng ina nito
"Misis, nakakabasa na si Rico. Salamat po sa pagbisita ninyo!"
Nabigla ang ina ni Rico, gayundin ang buong Grade Six-Acapulco, ngunit lahat sila ay natuwa at humanga.
Nagtuloy-tuloy ang pagsusumikap ni Rico, kaya nakasama siya sa mga tumanggap ng diploma sa entablado.
Sunday, July 15, 2018
Ang Lip Tint ni Tina
"Class, maghanda kayong lahat para sa pictorial. Nariyan na ang photographer," anunsiyo ni Ginoong Howard Horacio, ang gurong tagapayo ng VI-Pag-ibig.
"Sir, para po ba sa ID?" tanong ni Tina.
"Opo," sagot ng guro.
Nag-ayos na ang karamihan. Excited silang makuhaan ng litrato. May nagsuklay na. May naglagay ng pulbos. May nag-ayos ng polo at blouse. May nanalamin.
Abala si Ginoong Horacio sa pagwawasto ng mga ipinasang papel ng mga estudyante. Napansin niyang magulo at maingay ang mga nagdadalagang estudyante.
"Ano 'yan? Bakit nagpupulahan ang mga labi ninyo?" Napahinto at napatayo ang guro. Sinipat niya ang mga labi ng mga mag-aaral. Mga anim ang may mapupulang labi, kabilang si Tina.
"Lint tint po iyan, Sir," sabi ni Joylyn.
"Hindi ninyo kailangang kulayan ang mga labi ninyo kasi ini-edit naman ng photographer ang picture. Baka masobrahan, pumangit pa. Ang gaganda na ninyo. Huwag na ninyong takpan. Ang pangit lang ang nagtatago sa kolorete," litanya ng guro. Kay Tina siya nakatingin. Napansin niya kasing sa kaniya nanggaling ang lip tint na ginamit ng mga kaklase.
Pilit binubura ni Tina ang lip tint sa mga labi niya, gayundin ang mga kaklase niya.
"Maging natural kayo, mga babae. Mas maganda ang natural," dugtong ng guro.
Nakayuko na si Tina. Hindi naman niya natanggal lahat ng lip tint.
"Ang babata pa ninyo para magpapula ng labi. Alam ba ninyong nagiging dahilan iyan ng pang-aabuso sa inyo ng mga lalaki? Iba ang dating sa akin kapag may kulay ang mga labi. Hindi pa ninyo kailangan iyan. Huwag ninyong madaliin ang inyong pagdadalaga. Maliwanag ba?"
"Opo!" halos sabay-sabay na sagot ng VI-Pag-ibig.
"Very good!"
Ilang araw ang lumipas, nakasalubong ni Ginoong Horacio si Tina sa labas ng paaralan. Pauwi pa lamang siya noon. Napansin niya ang mapupulang labi ng estudyante, ngunit hindi niya ito pinagsabihan.
Bumati si Tina sa kaniya, gayundin ang dalawa nitong kasama, na hindi niya kilala.
"Saan kayo pupunta?" tanong ng guro.
"Diyan lang po."
"Sige, ingat."
"Ingat din po, Sir!"
Gusto man niyang sermunan si Tina, hindi niya nagawa. Ayaw niyang makakita ng dalagitang pagala-gala sa kalsada.
Kinabukasan, bago nagsimula sa leksiyon, nagpasaring si Ginoong Horacio. "Delikado na ang panahon ngayon. Mapalalaki at mapababae, hindi na ligtas ngayon sa kapahamakan. Alam ninyo ang gusto kong sabihin, kaya sana lagi kayong mag-iingat. Hangga't maaari iwasan ang pagtatambay at paggala-gala sa kalye. Kayong mga babae, kapag nag-iba na ang kulay ng mga labi ninyo, makakaakit kayo ng mga lalaki," litanya ng guro.
"Hindi po lahat, Sir," nakayukong saad ni Tina.
"Sana nga, Tina. Sana nga..."
Patuloy na napapansin ni Ginoong Horacio ang katigasan ng ulo ni Tina. Lagi pa ring pula ang mga labi nito. Madalas pa nga, nagpapaalam ito para magbanyo. Ang hula niya, may pinapapansinan sa ibang silid-aralan.
Isang hapon, makakasalubong sana niya sa hagdan si Tina. Bigla itong tumalilis. Nainis siyang lalo dahil kanina pa uwian. Dapat wala na siya sa paaralan.
Kinabukasan, nagpatawag ng HPTA meeting si Ginoong Horacio sa mga magulang ng VI-Pag-ibig para sa nakakabahalang isyu ng mga kabataan.
Dumalo ang pitumpu't limang bahagdan ng mga magulang.
Hindi naman agad binuksan ni Ginoong Horacio ang tungkol sa ikinikilos ng nga nagdadalaga niyang estudyante, lalo na ni Tina. Nahirapan kasi siya kung paano ito simulan.
"Mga magulang, magtulungan po tayong gabayan ang ating mga anak. Ang ilan sa mga babaeng estudyante, nag-iiba na po ang kulay ang mga labi. Nakababahala po ito!" litanya ng guro.
Nagulat ang ibang magulang. Ang iba naman ay sumang-ayon pa. Natuwa naman ang guro kahit paano dahil alam nila ang mga pagbabago ng kanilang anak.
Pagkatapos ng meeting, sinabi ng guro na maaaring magpaiwan ang magulang na hinihinalang ang anak niya ay ang tinutukoy niya.
Nagpaiwan ang ilan, gayundin ang lola ni Tina. Natuwa si Ginoong Horacio nang harapin niya ito.
"Sir, pasensiya na po. Ako na lang po kasi ang kasama ni Tina..."
"Salamat po dahil nakarating kayo. Siya po talaga ang tinutukoy ko."
"Alam ni'yo po kasi..." Humikbi ang lola ni Tina.
"Alam kong mabuti po kayong lola para kay Tina, pero kailangan po nating mapigilan o hindi man ay magabayan ang pagdadalaga niya... Alam ni'yo po kasi... hindi po maganda sa isang estudyante na..."
"Alam ko po iyon, Sir. Pero, sana hayaan ni'yo na po siyang gumamit ng lip tint. Iyon na lang po..." Hindi na napigilan ng lola ni Tina ang pag-iyak.
Kinabukasan, tila nag-iba ang pagtrato ni Ginoong Horacio kay Tina. Napansin iyon ng mga kaklase.
"Sir, naka-lip tint na naman po si Tina," sumbong ni Joylyn kay Ginoong Horacio.
"Okay lang 'yan."
Nanlaki ang mga mata ni Joylyn. Para siyang napahiya.
"Sir, puwede na po bang mag-lip tint?" tanong naman ni Bea.
"Naku, gustong-gusto iyan ni Christine!" biro ni Steven.
"Si Tina lang ang pinapayagan kong mag-lip tint!" sigaw ni Ginoong Horacio.
"Bakit, Sir?" halos sabay-sabay na tanong ng mga malalaking bulas na estudyante.
"Oo nga, Sir. Bakit po? Unfair po iyon," sabi naman ni Joylyn.
"Unfair? Bakit, may cancer ka ba? Ha? May cancer ka rin ba?" pasigaw na tanong ng guro.
Parang binuhusan ng yelo ang mga estudyante. Ilang segundo ang lumipas. Napatingin silang lahat kay Tina.
Napayuko si Tina. Yumuyugyog ang mga balikat niya.
"I'm sorry... Hindi ko sinasadya, Tina," sabi ng guro. Awang-awa siya sa estudyante habang inis na inis siya sa sarili niya.
Matagal bago umangat ang mukha ni Tina.
"Okay lang po, Sir. Ngayon, naunawaan na po ninyo... Gusto ko lang naman pong itago ang mapuputla kong labi, kaya ako nagpapahid ng lip tint..." Nagpupunas na siya ng mga luha.
"Oo... Nagkamali ako. Hindi pala ako dapat naging mapanghusga... Sana mapatawad mo ako."
Hindi kumibo si Tina. Sinulyapan niya lang si Ginoong Horacio. Nakuyom niya ang lip tint sa kaniyang kanang palad.
Saturday, July 14, 2018
Walang Imposible
"Ramoooon!" sigaw ni Aling Chula sa natutulog na anak.
Hindi man lang nagulat si Ramon sa panggigising ng ina. Mabilis lang niyang idinilat ang mga mata at pinahiran ang laway sa kaniyang mga labi, saka muling pumikit at humilik.
Sa inis ni Aling Chula, hinila nito ang kumot sa anak. "Ano'ng oras ka na naman gigising!? Naghihintay na ang tatay mo!"
Hindi pa rin natinag si Ramon. Umingit lang siya at tumagilid.
"Bangon na!" Hinila ng ina ang paa ni Ramon, ngunit hindi man lang nito iyon naiangat.
Umingit uli si Ramon, habang nagpupumilit si Aling Chula na magising siya.
"Para ka nang bato," walwal ang dilang nabigkas ng ina. "Suko na ako sa `yo. Hindi ka na nga siguro magbabago." Malungkot na lumabas si Aling Chula sa kuwarto, pero sinulyapan muna nito si Ramon. "Suntok sa buwan na siguro... At kahit maging bato na ang mga luha ko, hindi ka na magbabago." Saka ito luhaang tumalikod.
Narinig lahat iyon ni Ramon. Nalungkot siya dahil noon niya lamang naringgan ng ganoon ang ina.
Tulad ng araw-araw na nangyayari, si Aling Chula ang sumasalo ng mga trabaho na dapat si Ramon ang gumagawa.
Ang ina ang nag-iigib sa balon. Pinupuno nito ang mga tapayan.
Ang ina ang nagpapakain ng mga alaga nilang manok, pato, itik, gansa, pabo, at aso. Dinadala rin nito sa parang ang kanilang mga baka, kalabaw, at kambing upang makasabsab ng damo.
Ang ina ang nangangahoy. Sinisibak rin nito ang mga malalaking kahoy na nakuha nito sa gubat.
Ang ina ang nagwawalis ng mga tuyong dahon ng mga puno sa kanilang bakuran. Dinidiligan rin nito ang mga tanim nilang gulay.
Ang ina ang nagluluto, naghuhugas, at naglalaba, habang ang kanilang haligi ng tahanan ay nasa bundok, gumagawa ng hagdan-hagdang palayan.
Isang araw, nagkasakit si Aling Chula. Ubo ito nang ubo, kaya hindi malaman ng mag-ama ang kanilang gagawin.
"Ikaw na lang ang gumawa sa bundok," panukala ni Mang Tonyo kay Ramon. "Aalagaan ko ang iyong ina."
"Ikaw na po. Hindi ko kaya ang iyong ginagawa," tanggi ni Ramon
"Hindi mo kaya kung hindi mo susubukan. Kaya nga sabi ko sa `yo... tumulong ka nang malaman mo. Ang laki ng katawan mo. Kayang-kaya mo sanang magbuhat ng bato mula sa talon hanggang sa ginagawa kong palayan."
"Ayaw ko nga po ng ginagawa ninyo. Napakaimposible ng pangarap ninyo. Paano magiging palayan ang bundok?" Natatawang tumalikod si Ramon.
"Walang imposible, Ramon!" pahabol na wika ni Mang Tonyo. Saka naman nito hinaplos-haplos ang naninikip nitong dibdib.
Umubo si Aling Chula. "Tonyo, hayaan mo na siya kung ano ang gusto. Darating ang araw, makakapag-isip-isip din siya."
"Kailan pa, Chula? Kailan pa? Matatanda na tayo at nagugupo na sa sakit."
"Sabi mo nga, walang imposible."
"Oo! Pero, parang huli na ang lahat para sa anak nating batugan."
Muling umubo ang ilaw ng tahanan, kaya kinuhaan ito ng tubig ni Mang Tonyo.
"Heto, uminom ka muna. Mamaya, magdidikdik ako ng dahon ng oregano para mawala ang ubo mo."
"Salamat, Tonyo!"
Saglit na natahimik ang mag-asawa. Parehong naaawa ang mga ito sa isa't isa, pero mas lamang ang pagkaawa nila kay Ramon.
"Kapag nakahanap ng dalagang magpapabago sa anak natin, saka lang siguro tayo liligaya," wika ni Aling Chula.
"Sana nga... Sana may dalaga pang tatanggap ng binatang tamad at walang kusa," malungkot na saad ni Mang Tonyo.
"Alam kong may mataas na pangarap ang anak natin. Hintayin lang natin."
Lingid sa kaalaman ng mag-asawa, nakikinig si Ramon sa usapan ng mga magulang mula sa likuran ng bahay. Napaisip siya.
Lumipas ang mga araw, gumaling na ang ubo ni Aling Chula, ngunit ang katawan at dibdib naman ni Mang Tonyo ang sumakit. Hindi na nito maituloy ang hagdan-hagdang palayan.
"Ramoooon!" tawag ni Aling Chula. "Manananghalian na!"
Lumipas ang ilang minuto, hindi nagpakita si Ramon.
Hinanap ng mag-asawa ang anak.
Pinuntahan ni Aling Chula ang paboritong puno ni Ramon, kung saan siya madalas na nagduduyan. Wala siya roon.
Tinungo naman ni Mang Tonyo ang ilog kung saan paboritong magbabad ni Ramon. Wala siya roon.
Gabi na nang dumating si Ramon. Bagsak ang balikat nito.
"O, anak, bakit? Saan ka galing? Kanina ka pa namin hinahanap. May problema ka ba?" masuyong tanong ni Aling Chula.
Napangiwi naman si Mang Tonyo.
"Galing po ako sa kabilang bayan. Nakilala ko po roon si Mutya," malungkot na kuwento ni Ramon.
Nahulaan agad ni Aling Chula ang ipinagdaramdam ng anak. "Halika ka, kain ka muna. Umupo ka na. Ipaghahain kita."
Kumurba ang mga kilay at kumunot lalo ang noo ni Mang Tonyo. Iiling-iling itong tinalikuran ang mag-ina at saka pumanhik upang matulog na.
Habang naghahapunan si Ramon, kinausap siya ng ina. "Anak, natutuwa ako dahil may nakilala kang dalaga," simula ng ina.
"Hindi po niya ako gusto."
Habag na habag ang ina kay Ramon, ngunit binigyan nito ang anak ng isang matamis na ngiti. "Siyempre, bago pa lang kayong magkakilala. Pasasan ba't iibigin ka rin niya "
"Imposible po."
"Walang imposible."
"Kahit hinihingi niya po sa akin ang buwan?"
Napatda si Aling Chula. Naunawaan niya ang kalungkutan ng anak, lalo na't likas itong tamad.
"Paano ko po susungkitin ang buwan kong hindi ko nga magawang maging mabuting anak sa inyo?"
"Iyon ba ang gusto niyang gawin mo?"
Tumango si Ramon.
"Iniibig mo ba siya?"
Tumangong muli si Ramon.
"Kung gayon, pagsumikapan mo. Bata ka pa at malakas. Marami ka pang oras na maaaring gugulin para sa iyong pangarap. Kaya mo iyan, Ramon. Kaya mong makuha ang puso ni Mutya."
Nagtatanong ang isip ni Ramon, pero walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.
Kinabukasan, maagang gumising si Ramon.
"Aalis po ako," masaya niyang paalam sa ama at ina.
Nagtatakang tumango ang mag-asawa, pero masaya ang mga ito sa nakitang ngiti sa mga labi ng anak.
Hindi alam ng mag-asawa na sa ginagawang palayan ng ama siya tutungo. Doon, pinag-isipan niya kung tutulong siya sa ama o ipupursige ang panunuyo kay Mutya.
Iniisip pa lamang niya, parang imposibleng magawa ng ama ang hagdan-hagdang palayan. Pero, nang nilibot niya ang kabuuan ng natapos nito, napahanga siya. Hindi niya akalaing halos matapos na iyon ng ama sa loob ng sampung taon nitong pagtratrabaho rito. Nalungkot nga siya dahil ni minsan ay hindi man lamang niya natulungan ang ama.
Sa kagustuhang niyang magkaroon ng inspirasyon upang magawa niyang tapusin ang palayan, nag-isip pa siya ng paraan kung paano maibibigay ang kahilingan ni Mutya.
Isang bato ang namataan ni Ramon. Naisip niyang espesyal iyon kaya hindi isinama ng ama sa isinalansan sa pilapil.
Korteng buwan iyon, kaya namilog ang kaniyang mga mata at bibig.
Maggagabi na nang umuwi si Ramon. Masaya siyang tumulong sa kaniyang ina sa paghahanda ng hapag.
Hindi naitago sa mag-asawa ang kasiyahan sa mukha ni Ramon. Nagtitinginan at nagngingitian na lamang ang mga ito nang palihim.
Araw-araw, maagang umaalis si Ramon. Bitbit niya ang mga gamit ng ama. Hapon na kapag umuuwi siya.
Isang hapon, pawis na pawis at hingal na hingal siyang dumating sa kanilang tahanan.
"O, anak, ano ba iyang pasan mo?" pansing bati ng kaniyang ina.
Agad ibinaba ni Ramon ang nililok niyang buwan mula sa bato. "Ireregalo ko po kay Mutya." Ngumiti siya nang napakatamis. Pakiwari niya'y matatanggap na siya ng dalaga.
"Ang galing mo, anak! Iyan ba ang bato roon sa kubo?" tanong ni Mang Tonyo.
"Opo! Pasensiya na po. Ito po ang pinagkaabalahan ko sa loob ng dalawang linggo."
Napalunok lang ang ama. Akala nito ay ipinagpatuloy ng anak ang pagtapos ng kanilang palayan.
"Bukas po, aakyat ako ng ligaw kay Mutya," ani Ramon.
"Alam kong magugustuhan niya iyan," sabi ng ina.
Tinalikuran lang sila ni Mang Tonyo.
Kinabukasan ng hapon, pinasan ni Ramon ang batong buwan patungo sa kabilang bayan. Tinawid niya ang limang ilog at tatlong bundok. Hindi niya alintana ang bigat at pagod. Halos makuba siya at lumawit ang dila. Tanging liwanag ng mga bituin at buwan ang tumatanglaw sa kaniyang dinaraanan.
Pagdating niya sa tahanan ng dalagang kaniyang iniirog, agad niyang binati ang mga magulang nito, na noon ay nasa balkonaheng kawayan. "Magandang gabi po! Gising pa po ba si Mutya?"
"Magandang gabi rin sa iyo, `iho! Mutya, may bisita ka," tawag ng ama.
"Hintayin mo lang saglit. Lalabas na iyon," payo naman ng ina.
Halos umabot sa tainga ang ngiti ni Ramon, habang hinihintay na sumungaw sa bintana si Mutya. Nabalewala ang hirap niya sa pagbubuhat dahil sa magandang pagtanggap sa kaniya ng mga magulang ng dalaga.
"Sino po ang bisita?" Agad niyang nakita si Ramon. "Ikaw pala."
"Magandang gabi, sa `yo, Mutya! May dala ako para sa `yo." Itinuro niya ang batong buwan. "Hindi ko man nasungkit, inukit ko na lang ang buwan."
Walang lumabas na salita sa bibig ng dalaga, ngunit halos malunod siya sa lungkot nang pinagsarhan lamang siya nito ng bintana.
"Pasensiya ka na sa anak namin, `iho," paumanhin ng ama.
"Sige na. Bumalik ka na lang... Kapag may tiyaga, may nilaga," dugtong ng ina.
Halos lumaylay ang balikat ni Ramon sa lupa habang buhat-buhat niya pabalik ang batong buwan.
Sa palayan tumuloy si Ramon. Doon niya na rin dinala ang inukitang bato. Sa pinakatuktok ng palayan niya iyon inilagay. Aniya, alaala iyon ng pagmamahal niya kay Mutya. Alam niyang imposible, pero abot-kamay niya lang ito.
Sa halip na magsisi, isinubsob ni Ramon ang sarili sa pagtapos ng palayan. Mula umaga hanggang hapon, naghahakot siya ng bato sa pinakamalapit na talon upang mapunan niya ang mga kulang sa pilapil.
Natutuwa naman sina Aling Chula at Mang Tonyo sa ipinamamalas niyang kasipagan. Sabi ng mga ito, wala ngang imposible. Natupad ang pangarap nilang pagbabago ng anak.
Lumipas pa ang ilang linggo at buwan, natapos na ni Ramon ang hagdan-hagdang palayan. Napadaluyan na rin niya ito ng tubig mula sa talon. Ngunit, tila hindi na niya kayang umuwi sa hapong iyon, kaya minabuti na lamang niyang matulog sa kubong naroon.
Inaapoy ng lagnat si Ramon nang gabing iyon. Pakiramdam niya'y babawiin na ng Panginoon ang kaniyang hininga. Noon niya lang naunawaan ang kaniyang mga magulang. Mahirap pala talaga ang ginagawa ng mga ito, parang imposible, pero possible.
Kinabukasan, nagdedeliryo si Ramon nang maabutan siya ng kaniyang ama.
"Anak, bubuhatin kita pababa. Iuuwi na kita sa bahay," natatarantang sabi ni Mang Tonyo.
"Mabigat po ako. Hindi ni'yo po ako kaya. Hayaan ni'yo na lang po ako rito. Gagaling ako kung gagaling. Mamamatay ako kung oras ko na."
"Huwag kang magsalita ng gan'yan! Bababa ako sa bayan. O kaya, babalik ako sa bahay, papupuntahin ko rito ang iyong ina."
"Huwag na po. Masaya na po ako kung sakaling maputol na ang hininga ko... Pakisabi po kay Mutya... mahal ko siya. Alay ko sa kaniya ang palayang ito."
"Gagaling ka, anak. Gagaling ka."
Mabilis na umalis ang ama upang humingi ng tulong.
Magtatanghali na nang may mga boses na narinig si Ramon. Pilit man niyang kilalanin, pero hindi niya magawa. Subalit nang isang pamilyar na tinig ang tumawag sa kaniyang pangalan, napadilat siya.
Nanginginig man at nanlalabo ang paningin, sinikap niyang bumangon. "Mutya?"
"Ramon, pagaling ka."
Halos mapuno ng ligaya ang puso ni Ramon sa kaniyang narinig. Parang lumakas siyang bigla. "Bakit ka naparito?"
"Naparito ako para alagaan ka... at para makita ko ang pinaghirapan mo."
"Talaga? Nagustuhan mo ba?"
"Oo. Napakasipag ninyong mag-ama. Humahanga ako sa kakayahan ninyo."
"Salamat!" Nabanaag na rin niya ang kaniyang mga magulang, gayundin ang mga magulang ni Mutya. "Bakit po maingay sa labas?"
"Narito kasi ang mga taong-bayan para makita ang ating hagdan-hagdang palayan," sagot ng ama.
"Hindi ka ba natutuwa?" tanong ng ina.
"Natutuwa po. Bigla nga po yatang akong gumaling, o." Hinipo-hipo pa niya ang kaniyang leeg at noo.
Nagtawanan naman ang dalawang pares na mag-asawa.
"Natutuwa ako dahil narito si Mutya," dugtong pa ni Ramon.
Namula ang mga pisngi ni Mutya.
"Pero nalungkot ako nang sobra dahil pinagsarhan mo ako ng bintana. Hindi ka man lang pumanaog para makita ang batong buwang inuukit ko," ani Ramon.
"Hindi naman kasi bato ang kailangan ko. Pero, dahil doon, nagawa mong tapusin ang palayang ito. Magiging maalwan na ang pamumuhay ninyo simula ngayon," paliwanag ng dalaga.
"Tama ka. Magiging maalwan na ang buhay natin... ang buhay ng pamilyang bubuuin natin."
Lalong namula ang mga pisngi ni Mutya. Nagpalakpakan naman ang mga magulang nila na tila nagsasabing itakda na ang kanilang pag-iisang dibdib.
Hindi nagtagal, naging kabiyak ni Ramon si Mutya. Kinalaunan, nabiyayaan sila ng isang sanggol na babae. Namuhay sila nang masagana sa tuktok ng hagdan-hagdang palayan, kung saan parang napakalapit nila sa buwan.
Mga Sangguniang Makaluma at Makabago, Ambag sa Panitikang Pilipino
Bago pa
dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayaman na ang ating panitikan. Ang mga
ninuno natin ay nagbibigkas at nagsusulat na ng tula sa mga bato, yungib, o sa
kawayan. Sila rin ay may mga awitin na sa bawat gawain gaya ng pakikipagdigma,
pagkakasal, pagtatanim, at iba pa.
Nang lumaon,
nagkaroon ng bugtong, salawikain, kasabihan, talambuhay, pabula, parabola,
epiko, dula, maikling kuwento, at iba pang uri ng akda na kinapupulutan ng
aral. Ang ating bansa nga ay lalong yumaman sa mga babasahin. Samot-saring
aklat at sanggunian ang nailathala at pumuno sa maraming silid-aklatan sa
paaralan, nayon, o bayan.
Sa paglago
ng teknolohiya, hindi pa rin nawawala at nakalilimutan ang mga sangguniang
katulad ng diksyunaryo, atlas, almanak, magasin, pahayagan, at iba pang aklat.
Siyempre, nadagdag ang mga makabagong anyo ng sanggunian nang umusbong ang
google, wikipedia, at marami pang iba.
Gayunpaman,
ang bawat mag-aaral ay may kalayaang mamili ng sangguniang kaniyang gagamitin
upang mas mapadali ang kaniyang pag-aaral. Subalit, hindi ipinapayong tuluyang
talikuran ang mga sinaunang sanggunian dahil ang mga ito ay may mas tiyak at
maaasahang impormasyon kumpara sa mga online na sanggunian.
Kung
anuman ang modernong panitikan natin sa kasalukuyan, bahagi ang mga ito ng mga
makaluma at pangkalahatang sanggunian. Huwag sana nating hayaang mabaon na lang
sa kasaysayan ang mga ito.
Ako, Bilang Anak at Kuya
Nang umalis ang aking ina para
mamili ng mga paninda, ako ang inatasan niyang maghanda ng pananghalian,
samantalang ang isa kong kapatid ang nakatoka sa paglilinis ng sala. Mayroon
ding naghanda ng mahabang dulang. Nilagyan na niya ng mga baso, plato, at kubyertos ang hapag-kainan.
Habang
nagsasaing ako, natanaw ko sa durungawan ang aking bunsong kapatid na ngumunguyngoy.
Dali-dali akong tumakbo palabas upang alamin ang sanhi ng kanyang pag-iyak.
Nabatid kong dahil sinakmal siya ng aming alagang aso. Agad ko siyang binuhat
papasok sa bahay. Sa banyo, hinugasan ko nang maigi ang sugat niya mula sa
umaagos na tubig ng gripo at sinabon ko. Hindi ko siya mapatahan, pero agad ko
namang naampat ang pagdurugo ng sugat niya sa paa.
Pagkatapos,
tinawagan ko sa awditibo si Mama upang umuwi agad, habang ang iba kong kapatid
ay pinapatigil sa pag-iyak ang nakababata naming kapatid. Binigyan nila ng
tsampoy, kaya nanahimik ito. Iyon kasi ang paborito niyang kendi.
Nang maayos
na ang kalagayan ng aking kapatid, saka ko naaalala ang aking sinaing.
Kumaripas ako ang takbo papunta sa kusina nang makaamoy ko ang alimpuyok. Grabe!
Nasunog na pala ang kanin.
Hay, naku!
Hindi talaga maiiwasan ang mga negatibong pangyayari. Laging may kapalpakan at
kapahamakan. Kaya, kailangan lagi ng masidhing pag-iingat.
Friday, July 13, 2018
Kaugaliang Pilipino (Diyalogo)
Kaugaliang Pilipino
Isang
Sabado, dumating si Miguel sa bahay ng kaibigang niyang si Stephen.
Stephen: O, napasugod ka!
Miguel: Oo, magpapatulong sana ako sa iyo. May
takdang-aralin kami sa Araling Panlipunan. Tungkol ito sa mga kaugaliang
Pilipino.
Stephen: Mga kaugaliang Pilipino? Alam ko ang mga iyan!
Naalala ko pa iyan noong nasa elementarya ako.
Miguel: Talaga? Sige, patulong naman…
Stephen; Halika, tuloy ka!
Nasa sala na ang magkaibigan.
Nailabas na ni Miguel ang kaniyang kuwaderno at bolpen.
Miguel: Ano-ano ba ang kaugaliang Pilipino?
Stephen: Marami ang kaugaliang Pilipino, pero ang
pinakatanyag ay ang mga sumusunod.
Miguel: Isa-isa lang, ha, para maisulat ko.
Stephen: Sige! Una, bayanihan.
Miguel: Bayanihan! Alam ko iyan. Iyan ang pagtutulungan ng
magkakapitbahay o mga Pilipino sa oras kagipitan o pangagailangan, kahit kailan
o kahit saan.
Stephen: Tama! Nagsimula ito sa mga lalawigan noon, kung
saan, nagtutulungan ang magkakapitbahay sa pagbuhat o pagtayo ng bahay o kaya
sa pagsasaka. Sinasabayan pa nila ng pag-awit para hindi nila madama ang pagod.
Miguel: Wow! Ang galing naman ng mga Pilipino!
Stephen: Oo! Pangalawa, ang matinding pagkakabuklod-buklod
ng mag-anak, sa Ingles ay ‘closed family ties.’
Miguel: Closed family ties. Ayan! Naisulat ko na. Ano nga ba
ito?
Stephen: Ang mga Pilipino kasi ay kadalasang malalapit sa
kanilang mag-anak at iba pang kamag-anak. Kaya nga, maraming mga Pilipino ang
tumitira malapit sa kanilang mga kamag-anak, kahit pa sila ay may edad na o
kaya naman ay may sarili na ring mag-anak. Kadalasan ang isang bahay sa
Pilipinas ay binubuo ng mahigit sa dalawang mag-anak. Sa mga probinsiya,
kadalasang binubuo ng iisang angkan, at halos lahat ay magkakakilala.
Miguel: Oo nga! Ganiyan tayo. Kaya nga minsan, kasama natin
sa bahay ang mga tiyo, tiya, at pinsan natin.
Stephen: Korek! Sunod, ang pakikisama.
Miguel: Pakikisama. Okay! Noted na. Ano raw ito?
Stephen: Ito ay ang kaugaliang Pilipino na nagnanais
magkaroon ng maganda at mabuting pakikitungo sa iba.
Miguel: Magaling tayo sa pakikisama. Kaya nga, palakaibigan
tayong mga Pilipino. Sunod?
Stephen: Ang susunod ay ang kaugaliang hiya.
Miguel: Hiya? Bakit? Kaugalian pala ito ng mga Pinoy?
Stephen: Oo! Ang mga Pilipino kasi ay naniniwala na dapat na
kumilos sila kung ano ang mga tinatanggap na kaugalian ng lipunan.
Miguel: Naunawaan ko na. halimbawa, ang pagiging magarbo ng
paghahanda kahit na hindi dapat sapat ang kabuhayan niya. Ayaw kasi nating mapahiya
sa maraming tao. Nakararamdam tayo ng hiya at nawawalan ng lakas ng loob kapag
hindi tayo nakakasunod sa gusto o inaasahan ng iba.
Stephen: Tama ka! Maganda naman na ang bawat isa ay may
hiya. Ang susunod ay ang pagtanaw ng utang na loob.
Miguel: Naisulat ko na. Ano ang utang na loob?
Stephen: Okay! Ang utang na loob ay isang utang ng tao sa
taong tumulong sa kaniya sa mga pagsubok sa buhay niya. Halimbawa, nakahiram ka
ng malaking halaga sa kapitbahay o kamag-anak mo nang kailangan mo ng pera para
pambayad sa hospital. Nabayaran mo man, pero may utang na loob ka na sa kaniya.
Miguel: A, iyon pala iyon. So, dapat kong tanawin iyon?
Stephen: Yes! May mga kasabihan nga na: Ang hindi lumingon
sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.
Miguel: Sa ibang paraan, mababayaran din natin ang utang na
loob.
Stephen: Tama ka. Ang susunod ay ang amor propio.
Miguel: Amor propio? Parang ngayon ko lang ito narinig. Ano
ba ang ibig sabihin nito?
Stephen: Ang amor propio ay ang pagpapahalaga ng isang tao
sa kaniyang dignidad.
Miguel: A, may kinalaman ito sa moralidad ng tao. Ayaw
nating nakikitaan tayo o gumagawa tayo ng masama.
Stephen: Tumpak!
Miguel: Andami kong natutuhan ngayon.
Stephen: May dalawa pa.
Miguel: A, talaga? Ano-ano iyon?
Stephen: Ang delicadeza at palabra de honor. Ang salitang
Kastila.
Miguel: Ang delicadeza muna.
Stephen: Ang delicadeza ay isang ugali, na kailangang
kumilos nang tama at nasa lugar ang isang tao. Kailangang ang pagkilos ay
tanggap ng lipunan upang hindi marumihan ang dignidad ng mag-anak. Parang
katulad ito ng amor propio. Halimbawa, hindi naman ikaw ang dapat tanghaling
panalo, kaya tatanggihan moa ng premyo. Ibabalik mo.
Miguel: Gets ko na! Next, ang palabra de honor.
Stephen: Ang palabra de honor ay Tagalog ng "may isang
salita." Isa itong kaugalian ng mga Pilipino na kailangang tuparin ang mga
sinabi nitong mga salita o pangako. Ayaw nating nabibigo natin ang ating kapwa.
Miguel: Yehey! Tapos na ang takdang-aralin ko! Salamat,
kaibigan! Tatanawin kong utang na loob ito.
Stephen: Walang anuman! Maliit lang na bagay ito. Isipin mo
na lang na isa itong bayanihan.
Nagkatawanan
ang magkaibigan.
Takot Akong Mawalan ng Trabaho
Takot Akong Mawalan ng Trabaho
Ang
hirap kasi ng walang trabaho!
Ayaw
kong wala akong ginagawa. Gusto kong nasa bahay lang ako, pero ayaw ko namang
tambay lang ako. Ang hirap isiping walang kang makain at maipakakain sa
pamilya.
Ang sakit sa kaloobang nakikita ko
silang nagugutom. Buong buhay ko, halos paghihirap na ang dinanas ko. Ngayon
bang may maganda akong trabaho ay ipaparanas ko pa ito sa kanila? Hindi ako
maaaring mawalan ng trabaho dahil sila ang dahilan kung bakit nagtitiyaga ako.
Sa bawat paggising ko at sa bawat pag-uwi nang late, sila ang iniisip ko.
Kung wala akong hanapbuhay, para ko
na rin silang pinatay. Although, marami namang trabaho ang aking pasukan, pero
mahirap makipagsapalaran. Naranasan ko na iyon noong ako ay medyo bata-bata pa.
Sa panahon ngayon, kailangan ko nang pagsumikapang magtagal sa propesyong aking
kinaaaniban para habambuhay ko itong pakinabangan.
Hindi rin ako maaaring mawalan ng
trabaho dahil hindi ko na magagawang makatulong sa iba. Sa pagkakaroon ko ng
trabaho, nagagawa kong tumulong—pinansiyal man o moral. Sa pagiging guro ko,
maraming trabaho ang mabubuo ko pagdating ng panahon. Ang mga estudyante ko ang
magpapatuloy sa aking mga ginagawa. Sila rin ang mag-aalis sa takot sa kawalan
ng trabaho, dahil ipinapasok ko sa kanilang isipan at puso na ang edukasyon ang
simula ng magandang kinabukasan.
Takot akong mawalan ng trabaho,
kaya sinisikap kong maging mabuting empleyado ng gobyerno.
Subscribe to:
Posts (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...