"Bakit pabigla-bigla ka, Red?" tanong ni Mommy nang nasa hapag na kami. Sinabi ko sa kanila ni Daddy ang plano kong umuwi sa Aklan.
"Oo nga, Red. Hintayin mo na lang mag-sem break," sabi naman ni Daddy.
"Kasi po... kailangan ko ring~"
"Makausap si Dindee?" pagtutuloy ni Mommy.
Tumango na lang ako.
"Pa'no ba ito, Dad?" paghingi ni Mommy ng tulong sa aking ama.
Tinapos lang ng ama ang nginunguya, saka nagsalita. "Sige na. Malaki ka na. Alam mo na ang tama at mali."
"Salamat, Dad!"
"Mag-iingat ka lang lagi," sabi naman ni Mommy.
"Opo. Salamat po!" Pakiramdam ko, magiging matagumpay ang lakad ko dahil sa suporta nila.
To make the story short, nakabili ako ng two-way plane ticket. Mahal, pero kinagat ko na, matuloy lang. Okay lang maubos ang ipon ko, makita at makausap ko lang si Dindee.
Biyernes ng umaga, bumiyahe na ako. Absent ako.
Ligtas naman akong nakarating sa Aklan. Kaya lang, nilamon ako ng kaba. Gustong umurong ng mga paa ko habang nasa tricycle terminal na ako. Ilang metro na lang ang layo ko kay Dindee.
"Special po. Papasok," sabi ko sa driver. Sa wakas, nabawi ko na ang takot ko.
Katabing bahay nina Dindee ako nagpababa. Mula roon, huminga ako nang malalim saka tinungo ang gate. Sa balkonahe, tanaw ko ang ina niya.
"Tao po!" lakas-loob kong tawag.
"Sino 'yan?!"
"Si Red po."
Agad na tumayo ang ina ni Dindee. "Red!?" Parang inipad niya ang gate.
"Magandang araw po? Nandiyan po ba si Dindee," tanong ko habang binubuksan ang gate.
"Tuloy ka. Kumusta ka na?" Kiniss niya ako sa pisngi. "Kumusta ang mommy mo?"
"Mabuti naman po."
Inakbayan niya ako patungo sa kanilang sala. "Wala si Dindee ngayon. Pumasok. Upo ka muna. Ipaghahain kita ng lunch."
"Huwag na po. Kumain na po ako sa labas. Hindi po muna kasi ako pumunta kita lola."
"Sure ka?"
"Opo."
Umupo ang ina ni Dindee sa isahang sofa, na nasa harap ko. Malungkot siyang tumingin sa akin. Sa tingin ko nga, nawala ang pagka-blooming niya. Ibang-iba siya noong huli naming pagkikita.
"Kumusta po kayo, Tita?"
Mapait ang ngiting ipinakita niya sa akin. "Hindi mabuti, Red." Nangilid ang luha sa kaniyang mata.
"Po? Bakit po?"
"Sana hindi ko na lang siya kinuha sa inyo."
Kumunot ang noo ko. Hindi ako sigurado kung iyon nga ang pinupunto niya. Kaya, hinayaan ko siya.
"Sana pinayagan kona lang siyang magpatuloy ng pag-aaral sa Manila. Hindi sana siya... Hindi sana siya nabuntis."
Kasabay ng pag-iyak niya ang pagkabasag ng puso ko. Napasandal ako sa sofa. "Po? Buntis po si Dindee?" Gusto kong malaman kung sino ang ama. Siguradong hindi ako dahil walang nangyari sa amin.
Tumango-tango siya habang nagpupunas ng mga luha. "Nagrebelde siya sa akin. Kasalanan ko bang maging protective sa kaniya?"
Wala akong mahanap na akmang salita para kalmahin siya. Hindi ko nga rin alam kung ano ang nararamdaman ko. Magkakahalong awa, galit, inis, at pagkabigo ang nasa puso ko.
"Red, sorry. Sorry kasi hindi ako magtiwala sa 'yo. Sa sobra kong pagprotekta, mas lalo pala siyang napahamak."
Tumango lang ako. Hindi ko na naitago ang luha ko.
"Kailangan ko na lang tanggapin ang katotohanang ito. Sana ikaw rin. Pasensiya ka na sa anak ko. Naging marupok siya. Padalos-dalos."
Wala pa rin akong nasabi. Pero, sinikap kong nakakonekta ang puso ko at mga mata ko sa kaniya.
"Ayaw ni Dindee sa lalaki. Hindi niya raw kayang mahalin at pakisamahan. Okay na raw sa kaniyang maging single mother. O, Diyos ko. Bakit ganito ang mga kabataan ngayon? Ayaw piliin ang tamang daan. Nagkamali na nga, mali pa rin ang solusyon."
"Nag-PM po sa akin si Josh Lange. Siya po ba ang ama ng dinadala ni Dindee?" Sa wakas, nagawa ko nang magsalita.
Tumango muna ang ina ni Dindee. "Nagseselos siya sa 'yo kasi feeling niya ikaw ang dahilan kung bakit hindi siya matanggap ni Dindee."
Gustong magbunyi ng puso ko, pero hindi ko ipinakita. Sa halip, itinanong ko kung ano ang plano ni Dindee sa bata.
"Hindi ko nga alam. Madalas siyang umuwi nang lasing. Hindi pa alam ng mga kaklase niya ang tungkol sa pagbubuntis niya."
Napauling ako. Naawa ako sa bata. "Sigurado po ako, hindi rin po niya sinabi kay Karryle."
"Malamang."
"Kaya po pala parang hinihila ang mga oaa ko papunta rito. May dapat po pala akong malaman."
"Sorry, masamang balita pa ang nalaman mo. Hiyang-hiya ako sa 'yo at sa mommy mo. Sana mapatawad ninyo kami." Yumugyog na ang mga balikat niya habang nakasubsob sa kaniyang mga palad.
Katahimikan ang sumunod na nangyari.
"Bakit po hindi niya ako ni-rereply-an?" Direct to the point na ako. Baka mayroon siyang maisasagot.
"Hindi ko alam, Red. Ang sabi niya lang sa akin noon, break na kayo."
Umiling-iling ako. Disappointed.
Very apologetic ang ina ni Dindee, pero napagdesisyunan kong magpalaam na. Tinapos na pala niya ang relasyon namin noon pa. There's no point para hintayin pa siya. Sobrang masakit iyon, pero closure lang naman talaga ang sadya ko roon. Nagkataon lamang na may ibang balitang bumungad sa akin. Siguro nga, kailangan ko nang harapin ang tunay kong buhay --si Riz. Andami kong naging kakulangan sa kaniya dahil kay Dindee. Ngayon, panahon na para siya naman ang pagtuon ko ng pansin gaya noong mga nakaraang buwan. It's not too late.
Na-realize kong two-way talaga dapat ang pag-ibig. Hindi puwedeng isa lang ang nagmamahal.
No comments:
Post a Comment