Nagpatuloy ang malamig na pakikitungo sa akin ni Riz. Hindi man ako sumuko sa pagsuyo at pagpapanumbalik ng init ng aming relasyon, pero tila pinanghinaan na ako ng loob. Noong nakaraang araw, ni hindi kami nagkaroon ng pagkakataong mag-usap. Busy raw siya. Andami niyang pag-aaralan at susulatin. E, pareho lang naman kami ng subjects. Alam kong wala masyadong dapat pagkaabalahan.
Akala ko noon, maganda ang short distance relationship. Hindi pala. Lalo lang pala nito pinaglalayo ang mga puso namin. Tinalo pa namin ang walang mode of communication. Parang wala na akong girlfriend. Halos araw-araw ko siyang nakikita, pero parang ayaw niya akong makasama at makatabi. Ibang-iba na.
Lalo ko tuloy na-appreciate ang presensiya noon ni Dindee. Mas marami ang happy moments namin kaysa sa mga oras na kami ay malungkot o magkaaway.
Sa sobra kong pananabik kay Dindee, naisipan ko siyang kontakin. Kahit hindi siya naka-online sa Messenger, nag-iwan pa rin ako ng nangungumustang mensahe. Hindi ko rin maiwasang sabihin ang pagka-miss ko sa kaniya.
Habang naghihintay ng reply niya, itinuloy ko ang pagtitig kay Riz. Siya pa rin ang nagapatibok ng puso ko sa oras na iyon. Napakaganda pa rin niya kahit nakulayan na ang mga kolorete ang mukha niya, kahit nag-iba na ang tikwas ng buhok niya, at kahit may iba na siyang set of friends na madalas makapangiti at makapagpatawa sa kaniya.
Mag-uuwian na nang mag-notify sa filtered messages ng Messenger ang mensahe ng nangngangalang Josh Lange.
"PLEASE STOP COMMUNICATING WITH DINDEE," anito.
Parang sinukluban ako ng langit at lupa. Hindi agad siya nakaisip ng isasagot. Parang nasagot na niyon ang matagal na niyang katanungan.
"Okay, class, dismiss!" deklara ng professor.
Saka lang ako natauhan. At saka ko lang din napansing kanina pa pala nakatingin sa akin si Riz.
"May problema?" tanong niya nang makalapit sa akin.
Naibulsa ko naman kaagad ang cellphone ko. "Wala na. Pinauuwi ako agad ni Mommy. Mag-oovertime daw kasi si Daddy," palusot ko. Napaniwala ko naman siya.
"A, sige, mauna ka na. Nagyayaya kasi sina Ella."
"Sige, ingat!" Hinawakan ko at pinisil ko muna ang kamay niya bago ako tumalikod sa kaniya.
Hindi na muna ako nagpaapekto sa pagyayaya ni Ella kay Riz. Alam kong matalino siya. Hindi niya pipiliin ang bagay na ikasasama niya.
Nakasakay na ako sa dyip nang muli kong basahin ang mensahe ni Josh, na ang hula ay ko ang bagong boyfriend ni Dindee. walang katumbas na salita para sa kalungkutan ko.
Lalo pa nga akong nagdamdam nang makita kong na-seenzone ako ni Dindee. Ni emoji o sticker ay hindi siya nag-iwan sa reply box.
Nang makauwi ako, agad na naramdaman ni Mommy ang pinagdadaanan ko. "Hindi pa rin ba kayo okay ni Riz?" tanong niya.
Gusto ko sanang ilihim sa kaniya ang problema ko, kaya lang hindi ako mapakali. Alam kong may maitutulong siya, lalo na't tungkol kay Dindee.
Ikinuwento ko ang nangyari at pinabasa ko ang mensahe.
"Naniniwala kang boyfriend ni Dindee ang Josh na iyan?" tanong ni Mommy. Hinihimas-himas niya ang kaniyang lumalaking tiyan.
Saglit akong nag-isip. "Posible po."
Napangiti si Mommy. "Red, ang posibleng sinasabi mo ay dalawang bagay-- posibleng oo at posibleng hindi. Alin sa dalawa?"
"Mapi-PM po ba siya sa akin kung may karapatan siya kay Dindee?" pabalik kong tanong.
"Ewan ko. Depende sa tao iyan. Noong nambababae pa ang daddy mo, hindi ako nag-aksayang i-text ang mga babae niya. Hindi rin ako nag-text sa mga iyon."
Lalo along naguluhan sa tinuran ni Mommy. "Alam ko kasi sila na, e. Kasi kung hindi, dapat nakikipag-communicate si Dindee sa akin."
"Alam mo, may delikadesa si Dindee. Alam niya kung saan siya lulugar. Alam niyang makakasira siya ng relasyon, kaya umiiwas siya sa 'yo. Bakit hindi mo na lang kasi ayusin ang relasyon mo kay Riz?"
Natahimik ako. Napagtanto ko, tama si Mommy.
Nang gabing iyon, natuto akong mandedma. Dinedma ko na lang ang mensahe ng bf ni Dindee.
Natuto rin akong magparaya. Naisip ko kasi na panahon na para maging masaya si Dindee at si Riz.
Nag-iwan ako ng mensahe kay Dindee kahit wala siyang reply. Sabi ko, "Masaya ako dahil natagpuan mo na ang lalaking magpapaligaya sa 'yo. Hayaan mo, ito na ang huling pangungumusta ako sa 'yo. Mag-iingat ka lagi."
Tumulo ang mga luha ko bago ko pa napindot ang send button. Masakit pala magparaya. Napakasakit.
Naunawaan ko na si Riz... pati si Leandro.
No comments:
Post a Comment