Followers

Saturday, December 8, 2018

Paghihintay

Sa lilim ng pananabik na siya'y muling magbalik

Sarili ay inaalo, pinasasaya n'yang pilit.

Ang huni ng mga pipit, sa tainga ay nananakit.

Kahit oras, naaagnas; kahit gabi'y sumasapit.



Sa ililim ng pag-asa, siya'y tigib ng pangamba

Darating pa kaya siya? lagi niyang winiwika.

Sindami ng mga dahong nalalaglag sa lupa,

Ang hinagpis ng kahapon, na nais nang kumawala.



Mga silahis ng araw, nakasusunog ng dugo,

ngunit ang kaniyang puso ay mananatiling buo

Maghihintay pa rin ako, hanggang langit, manibugho,

ang bulong niya sa hangin habang mata'y namumugto.



Sumuko man itong oras, hindi ang pag-ibig niya,

"Ugat ma'y tubuan ako at magkadahon ang sanga,

hinding-hindi bibitiwan, pangakong tayong dalawa,

sabay na mamumulaklak at parehong mamumunga.



Nang ang araw, sumuko na, s'yang datal ng sinisinta

Kristal na butil sa mata, napawi't natunaw bigla.

Ang babaeng hinihintay, sa wakas ay nayakap  na.

Ngunit, tila may nag-iba, tuod na kahoy na siya.



'Dito sa ating tagpuan, nag-abang talaga ako.

O, sa iyong pagbabalik, pumintig ang aking puso.

Subalit, heto ka ngayon, wala nang buhay at pulso.

Mahal pa rin kita, Eva, iyan ang aking pangako."



At tahimik na kumalas ang ebang nanlalamig

sa mainit pang katawan ng adang sobrang sigasig.

Mga labi ay kumibot, sabik sa nais marinig.

Ihip ng hangi'y napipi dahil sumikdo ang dibdib.



Mahabang buntunghininga ang sa kaniya'y lumaya.

"Hindi ako nakatupad. Patawad at paalam na."

Ang mga ibon sa puno, nagsiliparan pa nga.

Nagalit din ang tagpuan, na dapat nagbunyi sana.



"Ikakasal na ba kayo o nais mo lang lumayo?"

Nag-abang ang maginoo, subalit wala ni tango.

"Nasa akin pa rin naman ang buhay ko, ang puso mo.

Mahal pa rin kita, Eva," ang bulong ng kalaguyo.




****




--Isinulat noong Disyembre 9, 2018.

-- Ang larawan ay  kuha sa  gilid ng gusali ng Cultural Center of the Philuppines (CCP) habang naghihintay. 





No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...