Followers

Friday, September 13, 2019

Ang Kambal

Tuwing nagsisimba ang buong pamilya, parehong-pareho ang suot na bestida nina Fiona at Riona.

"Wow, ang kambal, magkaterno na naman!" bati sa kanila ni Aling Guada.

"Tinahi po ito ni Mama," sagot ni Fiona.

"Ito namang laso namin, binili ni Papa," sabi ni Riona.

"Ay, talaga!? Ang gaganda niyo talaga at ang saya ng inyong pamilya," sabi ng matanda.

Tuwing papasok sina Fiona at Riona sa eskuwela, magkamukhang-magmukha sila.

Parehong mapuputi ang kanilang mga blusa. Magkasinghaba ang kanilang mga palda. Magkasingkintab ang mga sapatos nila. Parehong puting-puti ang mga medyas nila. Pareho ang kulay ng mga laso nila. Pareho rin ang mga bag nila.

"Babay, Mama! Babay, Papa!" paalam ng dalawa. Kakaway pa sila bago pumasok sa paaralan nila.

"Magandang umaga, Kambal!" bati ng guwardiya.

"Magandang umaga, Kuya!" sabay na bati ng dalawa.

"Hindi ko na naman kayo makilala. Ikaw si Fiona? Ikaw si Riona?"

Natawa muna ang dalawa.

"Hindi po," sagot ni Riona.

"Ako po si Fiona."

Araw-araw, hinuhulaan ng guwardiya kung sino si Fiona at kung sino si Riona. Madalas, mali ang hula nito, kaya madalas natatawa na lamang sila.

Sa silid-aralan, madalas ding mapagkamalan si Fiona na si Riona. Minsan, si Riona ay nagiging si Fiona.

"Riona... Fiona, paano ko ba kayo makikilala?" tanong ni Binibining Pamela.

"Ako po si Fiona."

"Ako naman po si Riona."

Tiningnan ni Binibining Pamela ang kambal na magkamukha talaga, pero kumunot lang ang noo niya. "Sige na, upo na. Pagdating ng araw, saka ko kayo makikilala."

Pinagmasdan ng guro sina Fiona at Riona habang may kinokopya. Parehong kanang kamay ang ginagamit sa pagsulat ng dalawa. Magkapareho ang mga kilos nila. Gayunpaman, hindi nawalan ng pag-asa si Binibining Pamela. Sa mga susunod na araw, makikilala rin nito ang dalawa.

Sa bahay, sabay na nag-aaral sina Fiona at Riona. Nagtutulungan silang sagutan ang mga takdang-aralin nila. Pagkatapos, kukuha sila ng tig-isang libro at sila'y magbabasa.

Sa mga gawaing-bahay, ang paghuhugas ng mga plato ang paborito nila. Tuwang-tuwa kasi sila sa bula. Mas hilig ni Fiona ang pagwawalis sa sala. Si Riona naman ay wiling-wili sa pagwawalis sa hardin nila. Minsan, tumutulong sila sa kanilang ina sa paglalaba. Minsan din, nanonood sila sa niluluto ng kanilang ama.

Sa hapag-kainan, pasalit-salit sa pagdarasal sina Fiona at Riona. Hindi rin nila nakalilimutang maghugas ng mga kamay nila.

Bago matulog, sabay silang maghuhugas ng mga katawan nila, magsipilyo ng mga ngipin nila, at magpapalit ng mga pantulog nila. At siyempre, magdarasal muna sila bago mahiga.

"Panginoon, salamat po sa mga natanggap naming biyaya," simula ni Fiona.

"Salamat po sa pagmamahal ng aming ina at ama," pagpapatuloy ni Riona.

"Lagi mo po silang gagabayan."

"Lagi mo po silang iingatan."

"Mahal na mahal namin sila," sabi ni Fiona.

"Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan," sabi ni Riona.

"Amen," sabay silang dalawa.

Paggising, hindi nila nakakalimutang magligpit ng mga unan at kumot nila. Sabay silang iinat-iinat. Sabay silang hihikab-hikab. Sabay silang magpapasalamat sa Diyos at sabay na magmumumog.

"Good morning, Mama!" sabay nilang bati sa kanilang ina.

"Good morning, Fiona at Riona!"

"Mama, bakit malungkot ka?" tanong ni Fiona.

"Saan po si Papa?" tanong ni Riona.

Humagulgol ang kanilang ina, pagkatapos ay niyakap silang dalawa.

Linggo ng umaga, tatlo na lang silang nagsimba.

"Wow, ang gaganda naman nitong anak mo, Leona!" bati ni Aling Guada.

"Opo! Salamat po! Magsisimba po kami at magdarasal sa Ama."

"Nasaan si Lino? Bakit hindi ninyo kasama?"

"Umalis po," sagot ni Leona. "Dito na po kami, Aling Guada."

"Babay, Fiona at Riona! Ipagdasal ninyo ako, ha?"

"Opo!" sagot nina Fiona at Riona.

Pagkatapos, mabilis silang hinila palayo ng kanilang ina.

Lumipas ang mga araw, marami ang nakapansin sa hindi madalas na magkasama sina Fiona at Riona.

"O, nasaan ang kapatid mo?" nagtatakang tanong ni Aling Guada nang bumili si Fiona ng mantika.

"Kasama po si Papa."

"Nasaan ba sila?"

"Ewan ko po," sagot ni Fiona.

"Ha?" Nagtataka pa rin si Aling Guada.

Lumipas pa ang mga araw, tuluyan nang hindi lumalabas ng bahay si Fiona. Naaalala niya si Riona. Miss na miss na niya ang kakambal niya. Gusto na niyang maglaro sila ng manika. Gusto na niyang magbasa sila. Gusto na niyang magkasabay sila sa pagligo, sa pagtulog, at sa pagpapakain ng mga alaga nilang isda.

Isang araw, nagkasakit si Fiona. Isinugod siya ng ina sa hospital.

"Mama, pupunta ba rito sina Papa at Riona?" tanong niya.

Kumibit lang ang balikat ng ina.

"Alam kaya ni Riona na may sakit ako?"

Umiling lang ang ina.

"Mama, sabay ba kaming magkasakit ni Riona?"

"Mama, kailan kaya uli tayo magsisimba?

"Mama, mahal mo pa ba si Papa?"

Sunod-sunod ang tanong ni Fiona, pero pagluha lang ang naging sagot ng kaniyang ina.

Bago natulog si Fiona nang gabing iyon, nagdasal siya. "Panginoon, salamat po sa mga natanggap naming biyaya. Salamat po sa pagmamahal ng aking ina, ama, at kapatid. Lagi mo po silang gagabayan. Lagi mo po silang iingatan. Mahal na mahal ko po sila. Sana magkakasama na po uli kaming apat. Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan. Amen."

"Good morning po sa inyo!" bati ng nars sa mag-ina. "May bisita po kayong dalawa."

Nang sumungaw sa pinto ang bisita, halos mapalukso si Fiona sa kama. "Papa, Riona!"

Niyakap ng mag-ama si Fiona.

"Kumusta ka na?" tanong ng ama.

"Mabuti na po... Mabuti po, bumalik na po kayo ni Riona."

Tiningnan ng ama sina Riona at Leona. Miss na miss nila ang isa't isa. "Oo, Fiona. Sorry, nagkaproblema lang kami ng Mama mo," sagot ng ama.

"Paano na po kami ni Riona?" 

Saglit na nag-isip si Lino. Tiningnan nito isa-isa ang mga anak at asawa. "Sa Linggo, buong pamilya tayong magsisimba. Fiona at Riona, lagi na kayong magkakasama at hinding-hindi na magkakahiwalay pa."

"Yehey!" sabay na sigaw nina Fiona at Riona.

Naluha sa tuwa si Leona. Lumakas bigla si Fiona.

Hinila naman ni Riona ang ama at ina para magyakap-yakap sila. 



No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...